Pritong manok
![]() Pakanan mula sa kaliwang itaas: Isang pritong dibdib, pakpak, hita, at paa ng manok | |
Kurso | Ulam |
---|---|
Lugar | Estados Unidos |
Rehiyon o bansa | Timog Estados Unidos |
Ihain nang | Mainit o malamig |
Pangunahing Sangkap | Manok, batido o tinimplahang harina |
Mga katulad | Schnitzel |
|
Ang pritong manok (Ingles: fried chicken o Southern fried chicken) ay isang ulam na binubuo ng mga piraso ng manok na inilubog sa tinimplahang batido o harina at ipinritong-kawali, ipinritong-lubog, ipinritong-diin, o ipinritong-hangin. Malutong ang balat ng ulam na ito, at nakakatulong ito sa pagpapanatili ng katas sa laman. Pinakaginagamit ang lahing broiler para rito.
Ang unang ulam na kilalang ipinritong-lubog ay mga pritura, na naging tanyag noong Gitnang Kapanahunan sa Europa. Subalit, ang mga Eskoses ang naging unang taga-Europa na nagprito ng manok sa taba na may migaha at panimpla. Isang ebidensiya nito ang resipi sa aklat-panluto ni Hannah Glasse noong 1747,[1] pati na rin ang isang entrada sa talaarawan noong 1773 na naglalarawan ng pritong manok sa Pulo ng Skye.[2] Wala sa unang kilalang resipi sa Estados Unidos ang mga panimplang matatagpuan sa naunang resiping Eskoses.[2] May isang Ingles na aklat-panluto noong 1736, ang Dictionarium Domesticum ni Nathan Bailey, kung saan binanggit ang pritong manok at tinawag itong "marinada ng mga manok".[3] Samantala, sa mga sumunod na taon, maraming Kanlurang Aprikano ang nagpaunlad ng mga tradisyon ng timpladong pritong manok, kabilang ang pagbabatido at pagluluto ng manok sa mantika ng palma.
Kasaysayan
[baguhin | baguhin ang wikitext]
Unang naitala ang ekspresyong fried chicken (pritong manok) noong d. 1830,[4] at madalas itong lumitaw sa mga Amerikanong aklat-panluto noong d. 1860 at d. 1870.[5] Ang pinagmulan ng pritong manok sa mga katimugang estado ng Amerika ay matutunton sa mga naunang pagkain sa lutuing Eskoses[6][7][8] at Kanlurang Aprikano.[9][10][11] Ibinalot sa tinimplahang batido at ipinritong-lubog sa taba ang pritong manok ng mga Eskoses, samantalang ang pritong manok ng mga Kanlurang Aprikano ay may naiibang pampalasa,[12][13] ibinababad sa batido,[10][14] at iniluluto sa mantika ng palma.[9] Ginamit ng mga inaliping Aprikano sa Timog Estados Unidos ang mga Aprikanong teknika sa pagtitimpla.[6][7][8][12][13]
Naging paraan ang pritong manok upang magkaroon ng sariling kabuhayan ang mga inalipin at hiwalay na Aprikanang-Amerikana, na nakilala bilang mga nagtitinda ng manok (buhay o luto) noon pang d. 1730, bagaman kadalasang niluluto ito sa gridel.[15][9] Dahil sa mataas na halaga ng mga sangkap nito, ang ulam na ito—sa kabila ng karaniwang paniniwala—ay bihira sa komunidad ng mga Aprikanong Amerikano at inihahanda lamang para sa mga espesyal na okasyon para lamang sa mga espesyal na okasyon.[9][14][11][12]
Paglipas ng panahon, ang pritong manok sa istilong Amerikano ay naging pang-araw-araw na pagkain sa Timog, lalo na pagkatapos ng pagpawi ng pang-aalipin, at lalo pang sumikat. Dahil madaling dalhin ang pritong manok kahit sa mainit na panahon bago naging karaniwan ang repriherasyon, at dahil din sa pagbaba ng gastos dulot ng paglago ng industriya, lalo itong naging paborito sa Timog. Ang pritong manok ay nananatiling isa sa mga pinakapinipiling pagkain para sa "hapunan tuwing Linggo" sa rehiyong ito. Pinagsama ng mga Hudyo sa Timog ang mga kaugalian sa pagkain ng mga taga-Timog at ng mga Hudyo upang gawing pangunahing bahagi ng hapunang Shabbat ang pritong manok, kasama ng charoset at mga nakatrintas na tinapay na challah.[16][17]
Kadalasang itinatampok ang ulam na ito sa mga pista tulad ng Araw ng Kalayaan at iba pang pagtitipon.[18] Noong ika-20 siglo, nagsimulang lumago ang mga kadenang restorang nakatuon sa pritong manok kasabay ng pag-usbong ng industriya ng paspudan. Kumalat ang mga tatak tulad ng Kentucky Fried Chicken (KFC) and Popeyes sa Estados Unidos at sa buong mundo.
Paglalarawan
[baguhin | baguhin ang wikitext]
Nailarawan ang pritong manok bilang "malutong" at "makatas".[19][20] Bukod pa rito, sinasabing "maanghang" at "maalat" ang ulam na ito.[21] Paminsan-minsan, nilalagyan ito ng sili tulad ng paprika, o maanghang na sarsa para umanghang ang lasa nito.[22] Lalo nang karaniwan ito sa mga kadena ng paspudan tulad ng KFC.[23] Tradisyonal na inihahain itong ulam kasama ng minasang patatas, grebi, makaroni't keso, coleslaw, mais o biskuwit.[24]
Kilala ang ulam na ito sa pagiging mamantika, lalo na kapag galing sa mga paspudan.[19] Sa katunayan, iniulat na may ilang taong nasisiyahan sa pagkain nito ngunit nililimitahan ang kanilang sarili sa iilang beses lang sa isang taon upang mapanatiling mababa ang kanilang kinakaing taba.[25] Sa lahat ng mga bahagi ng hayop na ginagamit sa pritong manok, kadalasang pinakamarami ang taba sa mga pakpak, na halos 40 gramo (1.4 oz) ng taba sa bawat 100 gramo (3.5 oz).[26] Gayunman, ang karaniwang buong pritong manok ay naglalaman lamang ng halos 12% taba, o 12 gramo (0.42 oz) sa bawat 100 gramo (3.5 oz).[27] Karaniwan, naglalaman ang 100 gramo (3.5 oz) ng pritong manok ng halos 240 kaloriya ng enerhiya.[27]
Talaan
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ Glasse, Hannah (1747). The Art of Cookery [Ang Sining ng Pagluluto] (sa wikang Ingles). Library of Congress Cataloguing. ISBN 978-0-486-80576-4.
- ↑ 2.0 2.1 "The surprising origin of fried chicken" [Ang nakakagulat na pinagmulan ng pritong manok]. www.bbc.com (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2024-03-24.
- ↑ "Dictionarium domesticum, being a new and compleat houshold [sic] dictionary, for the use both of city and country ... / By N. Bailey". Wellcome Collection (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2024-02-13.
- ↑ "fried | Etymology of fried by etymonline" [prito | Etimolohiya ng prito ng etymonline]. www.etymonline.com (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-02-02.
- ↑ Hal.The United States Cook Book: A Complete Manual for Ladies, Housekeepers and Cook (1865) [Ang Aklat-Panluto ng Estados Unidos: Isang Kumpletong Manwal para sa Mga Kababaihan, Kasambahay at Tagaluto] (sa wikang Ingles), pa. 104. Marion Harland, Common Sense in the Household: A Manual of Practical Housewifery (1874) [Sentido Komun sa Sambahayan: Isang Manwal ng Praktikal na Pagiging Maybahay] (sa wikang Ingles), pa. 90.
- ↑ 6.0 6.1 Sumnu, Servet Gulum; Sahin, Serpil (Disyembre 17, 2008). Advances in Deep-Fat Frying of Foods [Mga Pagsulong sa Pagpipritong-lubog ng mga Pagkain sa Taba] (sa wikang Ingles). CRC Press. pp. 1–2. ISBN 9781420055597.
Ang pinagmulan ng pritong manok ay Eskosya at ang mga timugang estado ng Amerika. Matagal nang bahagi ng diyeta ng mga Eskoses ang pritong manok. Dahil manok lang ang pinapayagang pakainin ng mga alipin, naging ulam nila ito sa mga espesyal na okasyon. Kumalat itong tradisyon sa lahat ng mga komunidad ng mga Aprikano-Amerikano matapos ang pagpawi ng pang-aalipin. (Isinalin mula sa Ingles)
- ↑ 7.0 7.1 Mariani, John F. (1999). The Encyclopedia of American Food and Drink [Ang Ensiklopedya ng Amerikanong Pagkain at Inumin] (sa wikang Ingles). New York: Lebhar-Friedman. pp. 305–306. ISBN 9780867307849.
Ang mga Eskoses, na mas pinipiling iprito ang kanilang manok kaysa pakuluan o i-hurno tulad ng ginagawa ng mga Ingles, ay maaaring nagdala ng paraang ito nang manirahan sila sa Timog. Ang episyente at simpleng paraan ng pagluluto ay madaling naiangkop sa buhay-plantasyon ng mga aliping Aprikano-Amerikano sa Timog, na kadalasang pinapayagang mag-alaga ng sarili nilang mga manok. (Isinalin mula sa Ingles)
quoted at Olver, Lynne. "history notes-meat". The Food Timeline. Inarkibo mula sa orihinal noong Pebrero 21, 2012. Nakuha noong Hunyo 20, 2009.. - ↑ 8.0 8.1 Robinson, Kat (Oktubre 21, 2014). Classic Eateries of the Arkansas Delta [Mga Klasikong Kainan ng Delta ng Arkansas] (sa wikang Ingles). The History Press. ISBN 9781626197565.
Karamihan sa mga nandayuhang Europeo ay nakasanayan nang mag-ihaw o maglaga ng manok. Pinaniniwalaang dinala ng mga Eskoses sa Estados Unidos ang ideya ng pagpiprito ng manok sa taba, na kalaunan ay umabot sa Delta ng Arkansas noong ikalabinwalo at ikalabinsiyam na siglo. Katulad nito, ang mga aliping Aprikano na dinala sa Timog ay minsang pinapayagang mag-alaga ng manok, dahil hindi ito nangangailangan ng malaking espasyo. Binalutan nila ng harina ang hiniwang manok, binudburan ng paprika, at nilagyan ng maraming pampalasa bago iprito sa mantika. (Isinalin mula sa Ingles)
[pahina kailangan] - ↑ 9.0 9.1 9.2 9.3 Rice, Kym S.; Katz-Hyman, Martha B. (2010). World of a Slave: Encyclopedia of the Material Life of Slaves in the United States [2 tomo]: Encyclopedia of the Material Life of Slaves in the United States [Mundo ng isang Alipin: Ensiklopedya ng Materyal na Buhay ng mga Alipin sa Estados Unidos [2 volumes]: Ensiklopedya ng Materyal na Buhay ng mga Alipin sa Estados Unidos] (sa wikang Ingles). ABC-CLIO. pp. 109–110. ISBN 978-0-313-34943-0.
Itinuring na espesyal na putahe ang manok sa tradisyonal na lutuing Kanlurang Aprikano. ... Ang mga manok ay ... iniluto sa mantika ng palma. ... Lahat ng mga pira-piraso ng manok na ipinrito sa mantika na ibinenta sa kalye ... ay mag-iiwan ng kanilang marka sa pagbuo ng lutuin ng maagang Timog. (Isinalin mula sa Ingles)
- ↑ 10.0 10.1 Kein, Sybil (2000). Creole: The History and Legacy of Louisiana's Free People of Color [Kriyolo: Ang Kasaysayan at Legasiya ng Mga Malayang Taong Maykulay ng Louisiana] (sa wikang Ingles). LSU Press. pp. 246–247. ISBN 978-0-8071-2601-1.
Ang kriyolong pritong manok ay isa pang ulam na sumusunod sa paraang Aprikano: "Inihanda ng kusinero ang poltri sa pagbabad nito sa batido at pagpritong-lubog sa taba (Isinalin mula sa Ingles)
- ↑ 11.0 11.1 Opie, Frederick Douglass (2013). Hog and Hominy: Soul Food from Africa to America [Hog at Hominy: Soul Food mula Aprika hanggang Amerika] (sa wikang Ingles). Columbia University Press. p. 18. ISBN 978-0-231-51797-3.
ang pagkagusto ng mga Aprikano-Amerikano sa tugi at kamote, baboy, manok, at pritong pagkain ay nag-ugat din sa ilang tradisyon ng pagluluto mula sa Kanlurang Aprika (Isinalin mula sa Ingles)
- ↑ 12.0 12.1 12.2 Worral, Simon (Disyembre 21, 2014) "The Surprising Ways That Chickens Changed the World" [Ang Nakakagulat na mga Paraan na Binago ng mga Manok ang Mundo] (sa wikang Ingles). Naka-arkibo 12-22-2014 sa Wayback Machine.. National Geographic: "Nang dalhin sa Amerika ang mga alipin mula sa Kanlurang Aprika, dumating sila na may malalim na kaalaman sa pag-aalaga ng manok, sapagkat sa Kanlurang Aprika, ang manok ay isang karaniwang hayop sa sakahan at itinuturing ding sagrado. Ang kaalamang ito ay nakatulong sa mga Aprikano-Amerikano, lalo na’t karamihan sa mga may-ari ng plantasyon ay walang gaanong interes sa pag-aalaga ng manok. Noong panahong kolonyal, maraming ibang pagkaing mas pinahahalagahan kaysa manok." (Isinalin mula sa Ingles)
- ↑ 13.0 13.1 Miller, Adrian (Oktubre 13, 2022). "The surprising origin of fried chicken" [Ang nakakagulat na pinagmulan ng pritong manok]. BBC (sa wikang Ingles). Nakuha noong Marso 23, 2023.
- ↑ 14.0 14.1 Opie, Frederick Douglass (2013). Hog and Hominy: Soul Food from Africa to America [Hog at Hominy: Soul Food mula Aprika hanggang Amerika]. Columbia University Press. p. 11. ISBN 978-0-231-51797-3.
"Nagbabad sa batido at nagprito ng manok ang mga Kanlurang Aprikana" at "Ang kaugalian ng mga Aprikano-Amerikana sa pagkain ng manok tuwing espesyal na okasyon ay isa ring impluwensiyang Kanlurang Aprikano na nagpatuloy kahit matapos ang kalakalan ng alipin. Sa mga Igbo, Hausa, at Mande, ang manok ay kinakain sa mga espesyal na okasyon bilang bahagi ng mga relihiyosong seremonya. (Isinalin mula sa Ingles)
- ↑ Mitchell, Patricia (1998). Plantation row slave cabin cooking [Pagluluto sa mga kubong-alipin sa hanay ng plantasyon] (sa wikang Ingles). p. 367.
- ↑ Lippy, Charles H.; Wilson, Charles Reagan; Hill, Samuel S., mga pat. (2005). Encyclopedia of Religion in the South [Ensiklopedya ng Relihiyon sa Timog] (sa wikang Ingles). Mercer University Press. p. 408.
- ↑ Nadell, Pamela S., pat. (2003). American Jewish Women's History: A Reader [Kasaysayan ng mga Kababaihang Amerikana Hudya: Isang Babasahing-aklat] (sa wikang Ingles). NYU Press. p. 266.
- ↑ History of Fried Chicken : I Am Welcoming You to Kik Culinary Corner and History of Some Story & Experience [Kasaysayan ng Pritong Manok: Tinatanggap Kita sa Kik Culinary Corner at Kasaysayan ng Ilang Kuwento & Karanasan] (sa wikang Ingles). Naka-arkibo 12-26-2017 sa Wayback Machine.. Experienceproject.com (Agosto 19, 2008). Nakuha noong Enero 30, 2012.
- ↑ 19.0 19.1 "Southern Living's Best Fried Chicken Recipe" [Pinakamasarap na Resipi ng Pritong Manok ng Southern Living]. NYT Cooking (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 22 Mayo 2016. Nakuha noong 21 Mayo 2016.
- ↑ "Adobo-Fried Chicken Recipe" [Resipi ng Inadobong Pritong Manok]. NYT Cooking (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong Mayo 16, 2016. Nakuha noong Mayo 21, 2016.
- ↑ Eats, Serious. "The Food Lab: The Best Southern Fried Chicken" [Ang Food Lab: Ang Pinakamasarap na Timugang Pritong Manok]. www.seriouseats.com (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 31 Mayo 2016. Nakuha noong 4 Hunyo 2016.
- ↑ "Spicy Fried Chicken With Honey and Pickles". Wall Street Journal. January 9, 2014. ISSN 0099-9660. Inarkibo mula sa orihinal noong 16 Hunyo 2016. Nakuha noong 21 Mayo 2016.
- ↑ Waxman, Olivia B. "KFC Introduces Nashville Hot Chicken" [Ipinakilala ng KFC ang Nashville Hot Chicken]. TIME.com (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 20 Mayo 2016. Nakuha noong 21 Mayo 2016.
- ↑ Bruno, Pat (Enero 3, 1986). "Fried chicken worth clucking about" [Pritong manok na nakaka-kokak sa sarap]. Chicago Sun-Times (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong Oktubre 8, 2016. Nakuha noong Setyembre 4, 2016.
- ↑ Galarneau, Andrew Z. (9 Marso 2011). "Chicken fried right ; When it's time to splurge, Buffalo has its share of restaurants serving crispy fried chicken" [Manok na ipinrito nang tama ; Kapag oras na para gumastos, may mga restoran ang Buffalo na naghahain ng malutong na pritong manok] (sa wikang Ingles). The Buffalo News – via HighBeam (kailangan ang suskripsyon) . Inarkibo mula sa orihinal noong 8 Oktubre 2016. Nakuha noong 4 Setyembre 2016.
- ↑ "Moisture and fat content of extra crispy fried chicken skin from breast, thigh, drum and wing" [Nilalamang halumigmig at taba ng ekstra lutong na pritong manok mula sa dibdib, hita, paa at pakpak] (PDF). ars.usda.gov (sa wikang Ingles). Inarkibo (PDF) mula sa orihinal noong 11 Hunyo 2016. Nakuha noong 21 Mayo 2016.
- ↑ 27.0 27.1 "Chicken, broilers or fryers, light meat, meat and skin, cooked, fried, flour" [Manok, broiler o fryer, magaan na karne, karne at balat, niluto, pinrito, harina]. ndb.nal.usda.gov (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 25 Hunyo 2016. Nakuha noong 3 Hunyo 2016.