Pumunta sa nilalaman

Birhen ng Fatima

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Ina ng Fatima)
Imahen ng Birhen ng Fatima sa Kapilya ng mga Aparisyon sa Fatima, Portugal

Ang Birhen ng Fatima (Portuges: Nossa Senhora de Fátima, Ingles: Our Lady of Fatima) ay ang titulong iginawad sa Birheng Maria kaugnay ng mga napabalitang pagpapakita o aparisyon niya sa tatlong batang pastol sa Fatima, Portugal sa bawat ika-13 araw ng anim na sunod-sunod na buwan magmula 13 Marso 1917. Ang tatlong batang ito ay sina Lucia dos Santos at ang kaniyang magkapatid na pinsan na sina Jacinta at Francisco Marto. Ang titulong Birhen ng Banal na Rosaryo ay karaniwang tumutukoy rin sa nasabing aparisyon, dahil ayon sa mga bata, nagpakilala sa kanila ang Birheng Maria bilang "Mahal na Birhen ng Banal na Rosaryo." Upang maitangi naman ito sa naunang napabalitang aparisyon noong 1208 sa simbahan ng Prouille, tinatawag din ito bilang Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo ng Fatima. Naging tanyag ang naturang aparisyon sa Fatima dahil sa mga elemento ng propesiya at eskatolohiya, partikular ang posibleng maganap na digmaan at ang pagbabagong-loob ng Rusya.[1] Ang mga aparisyon sa Fatima ay opisyal na ipinahayag ng Simbahang Katoliko na "nararapat paniwalaan." Ginugunita ang kapistahan ng Birhen ng Fatima tuwing Oktubre 13.

Noong 13 Mayo 1917, ang sampung-taong batang si Lucia dos Santos at ang kaniyang nakababatang mga pinsan na sina Jacinta at Francisco Marto ay nagpapastol sa Cova da Iria na malapit sa kanilang bahay sa bayan ng Fatima sa Portugal. Dito nasabing nakita ni Lucia ang isang babaeng kaniyang inilarawan na "mas maliwanag pa kaysa sa araw, nagsasaboy ng sinag na mas malinaw at mas matingkad pa kaysa sa bolang kristal na puno ng pinakamakinang na tubig at tumagos dito ang nag-aapoy na sinag ng araw."[2] Ang iba pang naiulat na pagpapakita ay naganap noong ika-labintatlong araw ng buwan ng Hunyo at Hulyo, na kung saan hinikayat ng Mahal na Birhen ang mga bata na mangumpisal, manalangin para sa sangkatauhan at magsakripisyo para mailigtas ang mga makasalanan. 'Di naglaon, ang mga bata ay nagtali ng mahigpit na lubid sa kanilang mga baywang upang sadya silang masaktan, nagpenitensiya gamit ang matinik na lipang-aso, nangilin sa pag-inom ng tubig tuwing mainit ang panahon, at nagsagawa ng iba't-iba pang uri at paraan ng pagpepenitensiya at pagpapakasakit sa sarili.[3] Higit sa lahat, ayon kay Lucia humiling ang Mahal na Birhen na dasalin ang rosaryo araw-araw, at makailang-ulit din nitong sinabi na ang rosaryo ang susi sa pansarili at pandaigdigang kapayapaan. Ito ay naging matunog para sa mga Portuges, dahil marami sa kanilang mga kalalakihan, pati na rin ang mga kamag-anakan ng mga bisyonaryo ay noo'y nakikipaglaban sa Unang Digmaang Pandaigdig.[2] Ayon sa salaysay ni Lucia, sa takbo ng mga pagpapakita ng Mahal na Birhen sa kanila, ipinagkatiwala nito ang tatlong sekreto na ngayo'y tinaguriang Tatlong Lihim ng Fatima.

Pahina mula sa Ilustração Portuguesa, 29 Oktubre 1917, pinapakita ang mga taong nakatingin sa himala ng araw sa kasagsagan ng aparisyon sa Fatima na iniugnay sa Birheng Maria.

Libo-libong tao ang dumagsa sa Fatima at Aljustrel sa mga sumunod na buwan, dala ng mga naiulat na mga pagpapakita at himala. Noong 13 Agosto 1917, bago pa man marating ng mga bata ang Cova da Iria ay ipinaharang at ipinakinulong sila ng administrador ng probinsiya na si Artur Santos[4] (walang kaugnayan kay Lucia dos Santos), isang anti-kleriko at malayang mason,[5] sa paniwalang ang mga nagaganap ay nakagugulo sa pamahalaan. Pinatunayan ng mga bilanggong nakasama ng mga bata sa kulungan, na unang nakiramay sa kanila, na labis na ikinalungkot ng mga bata ang kanilang sinapit, gayunpaman pinangunahan ng mga ito ang kanilang pagdarasal ng rosaryo. Pilit na ininteroga ng administrador ang mga bata upang sabihin nila ang nilalaman ng mga sekreto ngunit hindi ito nagtagumpay. Tinakot pa nito ang mga bata na papakuluan sila isa-isa sa kalderong may mantika kung hindi nila ito sasabihin, ngunit tumanggi pa rin ang mga ito. Noong buwan na iyon, sa halip sa nakagawiang aparisyon sa Cova da Iria sa ika-13 araw, sinabing nakita ng mga bata ang Birheng Maria noong Agosto 19 sa kalapit na Valinhos.[2]

Sinasabing noong Hulyo 1917 pa lamang ay nangako na ang Birheng Maria ng isang himala sa kaniyang huling aparisyon sa Oktubre 13 upang ang lahat ay maniwala. Ang naganap na himala ay kinilalang "Himala ng Araw." Dumagsa sa Cova da Iria ang tinatayang 70,000 katao,[6] kabilang dito ang mga reporter at potograper ng mga pahayagan. Nang tumila ang walang tigil na buhos ng ulan, binalot ng manipis na ulap ang pinilakang kabilugan ng araw, na ayon sa mga nakasaksi ito'y matititigan ng hindi masakit sa mata. Ayon naman kay Lucia, mistulang bugso ng kaniyang damdamin naman ang nag-udyok sa kaniya upang hikayatin ang mga tao na tumingin sa araw. Sinabi naman ng ibang nakasaksi nang matapos ang mga pangyayari na parang nag-iiba ng kulay ang araw at umiikot na parang gulong. Hindi lahat ay magkakasintulad ang nakita, at iba't-ibang pagsasalarawan ang ibinigay ng mga naging saksi sa pangyayaring "pagsayaw ng araw." Ang kababalaghan ay sinasabing nasaksihan ng karamihan sa mga taong dumayo, pati na rin ng mga taong milya-milya ang layo.[7] Habang ang mga tao naman ay nakatitig sa araw, sina Lucia, Francisco at Jacinta naman ay sinabing nakita ang mga kaibig-ibig na imahen ng Banal na Pamilya, ang Ina ng Pitong Hapis kasama si Hesukristo at nang kalaunan ang Birhen ng Bundok Carmelo. Sinabing nakita rin nila na binasbasan ni San Jose at Hesus ang mga tao.[8] Nasa edad 10, 9 at 7 ang mga bata noong panahong iyon.

Ang kolumnistang si Avelino de Almeida ng O Século (ang pinakamaimpluwensiyang pahayagan sa Portugal, na maka-gobyerno at lantarang anti-kleriko)[2] ay nag-ulat ng sumusunod: "Sa harap ng mga taong manghang-mangha, na ang mga pananaw ay biblikal, habang sila'y nakatayo ng walang talukbong ang kanilang ulo at sabik na sabik na pinagmamasdan ang kalangitan, biglang nanginig ang araw at kumilos ng 'di-kapanipaniwala na taliwas sa mga batas ng cosmos – 'sumayaw' ang araw ang karaniwang ekspresyon ng mga tao."[9] Ang espesyalista sa mata na si Dr. Domingos Pinto Coelho, na sumulat para sa pahayagang Ordem ay nag-ulat: "Sa isang sandali ang araw ay pinalibutan ng iskarlet na apoy at nagningning ng dilaw at malalim na biyoleta, tila mabilis ang pag-ikot na minsa'y parang mahuhulog mula sa langit at babagsak sa lupa, na siyang nagpainit ng husto."[10] Ang isang espesyal na reporter para sa 17 Oktubre 1917 na edisyon ng pahayagan sa Lisbon na O Dia ay nag-ulat naman ng sumusunod: "... ang pinilakang araw, na binalot ng mala-gasang sinag na biyoleta ay nakitang nagpaikot-ikot sa paligid ng pulo-pulong kaulapan... Ang liwanag ay naging kaaya-ayang asul, na para bang nanggaling mula sa stained glass na bintana ng katedral, at sininagan ang mga taong nakaluhod ng nakadipa... ang mga tao'y nagdarasal ng walang talukbong ang mga ulo at lumuluha ng matupad ang himalang kanilang pinakahihintay. Ang mga segundo ay tila naging oras, buhay na buhay ang lahat."[11]

Litratong kinuha noong sinasabing "Pagsayaw ng Araw" sa Fatima noong 13 Oktubre 1917.

Walang ano mang galaw o iba pang kakaibang aktibidad ang araw na naitala ang mga siyentipiko noong panahong iyon.[2] Ayon sa mga kontemporaryong ulat ng manunula na si Alfonso Lopes Vieira at ng kaniyang gurong si Delfina Lopes kasama ng kaniyang mga estuyante at iba pang mga nakasaksi sa bayan ng Alburita, ang kakaibang pangyayari iyon ay makikita hanggang 40 kilometro ang layo. Sa kabila ng mga pagpapatunay, hindi lahat ay nagsabi na nakita nilang "sumayaw" ang araw. Ang ilan ay nakakita lamang ng iba't-ibang maniningning na kulay, at ang iba, kabilang ang ibang nananampalataya ay wala talagang nakita.[12][13]

Sa kadahilanang walang pisikal na sanhi ang kayang patunayan ng siyensiya na maaring makapagbigay-linaw upang ipaliwanag ang kababalaghan ng araw, maraming eksplanasyon ang isinulong upang maipaliwanag ang mga isinalarawan ng mga nakakita. Ang pangunahing haka-haka ay isang pangmaramihang halusinasyon ang posibleng naranasan, maaaring dala ng kanilang nag-aalab na relihiyosong damdamin na walang patid na nag-aabang ng isang inaasahang pangitain. Ang isa pang hinala ay ang posibleng visual artifact na sanhi ng pagtitig sa araw ng matagal. Sinabi ni Propesor Auguste Meessen ng Surian ng Physics ng Katolikong Unibersidad ng Leuven, ang pagtitig ng diretso sa araw ay maaaring magdulot ng phosphene visual artifact at panandaliang bahagyang pagkabulag. Sa tingin niya, ang mga naiulat na obserbasyon ay epektong optikal na dulot ng matagal na pagtitig sa araw. Dagdag pa ni Meessen, nagkakaroon ng labing-anino ang retina matapos ang panandaliang pagtitig sa araw na sadyang magbibigay ng epekto na tila ito'y sumasayaw. Kahalintulad nito, ayon kay Meessen na ang mga nasaksihang pagbabago ng kulay ay sanhi ng pamumuti ng mga photosensitive na mga cell ng retina.[14] Napansin ni Meessen na sa mga sinasabing himala ng araw na nasasaksihan sa maraming lugar, ang mga panatikong manlalakbay ay hinihikayat na tumitig sa araw. Binigay niyang halimbawa ang mga aparisyon sa Heroldsbach, Germany (1949), kung saan ang kaparehong epektong optikal kagaya ng sa Fatima as sinabing nasaksihan ng mahigit 10,000 katao.[14] Subalit walang mapagkasunduang maaaring naging pisikal na sanhi ng gayong 'di kapani-paniwalang pangitain. Ang pangmaramihang halusinasyon ay karaniwang magaganap lamang sa mga maliliit na grupo at hindi sa 70,000 katao. Ang mga visual artifact naman ay kadalasang nauulat sa mga malakihang grupo tuwing may solar eclipse, kapag hindi ginagamitan ng proteksiyon ang mga mata; ngunit ang mga ulat na ito ay walang kahintulad sa mga isinalarawan sa Fatima. Ang umano'y aparisyon sa Heroldsbach sa Franconia, ay inimbestigahan ng Simbahang Katoliko ngunit hindi ito inaprubahan.

Wala ring ebidensiya na ang mga taong nagpunta sa Fatima, pati na rin ang mga umaasa ng milagro ay nakatitig na sa araw bago pa man magsalita si Lucia. Ang karamihan ay nakatuon ang pansin sa puno kung saan sinasabing nagpapakita ang Birhen. Maraming kababalaghan din ang naiulat ng mga nakikiusyoso, gaya ng maningning na hamog at pag-ulan ng talulot ng bulaklak sa paligid at ibabaw ng nasabing puno na kung saan sinasabing pinagpapakitaan.

Maliban sa Himala ng Araw, ang mga bisyonaryo sa Fatima ay nagpahiwatig, na ang Birheng Maria ay nagpropesiya ng isang malaking palatandaan sa kalangitan ng gabi, na magbabadya ng ikalawang malaking digmaan.[15][16] Noong 25 Enero 1938, may maliwanag na kailawan ang aurora borealis ang nakita sa hilagang bahagi ng mundo, na natanaw sa malayong timog hanggang sa hilagang Africa, Bermuda at California.[15][16][17] Ito ang pinakamalawak na paglitaw ng aurora mula noong 1709, at ang mga mamamayan ng Paris at kung saan-saan pa, na nag-akalang may malaking sunog na nagaganap ay tumawag ng mga bumbero.[18] Si Lucia, ang nalalabing buhay na bisyonaryo noong panahong iyon ay nagsabi na ito ay ang palatandaang ipinahiwatig pa noon, kaya ipinagbigay-alam niya ito agad kaniyang superyora at obispo sa isang liham kinabukasan.[15][16] Nakakaraan pa lamang ang mahigit sa isang buwan ay sinakop na ni Hitler ang Austria at matapos ang walong buwan ay sinugod nito ang Czechoslovakia.[15][16]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "The Message of Fatima – An attempt to interpret the "secret" of Fatima" (sa wikang Ingles). Congregation of the Doctrine of the Faith. Nakuha noong 2011-05-13.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 (De Marchi 1952).
  3. Lucia Santos, Memoir 2, p. 93 in Fatima in Lucia's Own Words, kabuuang text ay online, natagpuan 2010-12-11. (sa Ingles)
  4. Jaki, Stanley. God and the Sun at Fatima. Real View Books, 1999. Michigan, p. 15. (sa Ingles)
  5. "Sa edad na dalawampu't-anim sumapi siya sa Grand Orient Masonic Lodge sa Leiria." Opposition to Fatima (Part I) Naka-arkibo 2018-04-25 sa Wayback Machine., The Fatima Crusader, Isyu 7 Pahina 12, Tagsibol 1981. (sa Ingles)
  6. Ang tinatayang dami ng tao ay naglalaro mula sa "tatlumpu hanggang apatnapung libo" a ni Avelino de Almeida, nagsulat para sa Portuges na pahayagang O Século (De Marchi, John (1952). The True Story of Fatima. St. Paul, Minnesota: Catechetical Guild Entertainment Society.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)), hanggang sandaang libo, taya ni Dr. Joseph Garrett, Propesor ng Natural na Siyensiya sa Coimbra University (De Marchi 1952, p. 177), parehong naroon ng araw na iyon (De Marchi 1952, pp. 185–187). Ang tinanggap na estimasyon ay 70,000. (sa Ingles)
  7. Journal of Meteorology, Vol. 14, no. 142, Oktubre 1988. (sa Ingles)
  8. Lucia Santos, Fatima in Lucia's Own Words, kabuang text ay online sa scribd.com, natagpuan 2010-12-04. Ang unang apat na talambuhay ni Lucia na isinulat para sa imbestigasyon ng kanonisasyon ng kaniyang mga pinsan.' (sa Ingles)
  9. (De Marchi 1952, p. 144).
  10. (De Marchi 1952, p. 147).
  11. (De Marchi 1952, p. 143).
  12. Basilica and Shrine of Our Lady of Fatima.
  13. Jaki, Stanley L. (1999). God and the Sun at Fátima. Real View Books, ASIN B0006R7UJ6. (sa Ingles)
  14. 14.0 14.1 Auguste Meessen. 'Apparitions and Miracles of the Sun' International Forum in Porto "Science, Religion and Conscience" Oktubre 23–25, 2003 ISSN: 1645-6564.
  15. 15.0 15.1 15.2 15.3 Petrisko, Thomas W., Rene Laurentin, and Michael J. Fontecchio, The Fatima Prophecies: At the Doorstep of the World, p. 48, St. Andrews Productions 1998. (sa Ingles)
  16. 16.0 16.1 16.2 16.3 Hessaman, Michael The Fatima Secret, Random House 2008. (sa Ingles)
  17. "Aurora borealis glows in widest area since 1709" - Chicago Daily Tribune, 26 Enero 1938, p. 2. (sa Ingles)
  18. "Aurora borealis startles Europe. People flee, call fireman" - New York Times, 26 Enero 1938, p. 25. (sa Ingles)