Banal na Santatlo

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Santatlo)

Ang Banal na Santatlo (Ingles: Holy Trinity) ay isang aral Kristiyano na nagsasabi na ang iisang Diyos, ay may tatlong hiwalay na persona: ang Ama, ang Anak (Hesukristo), at ang Espirito Santo. Ang interpretasyon ng Simbahang Katolika ng doktrinang Trinidad na pinaunlad ng mga amang Capadocio noong ika-4 na siglo CE at pinagtibay sa kredong Niceno sa Konsilyo ng Constantinople noong 381 CE:

Kami ay sumasampalataya sa iisang Diyos Amang Makapangyarihan sa lahat...At sa iisang Panginoong Hesukristo, ang tanging bugtong na Anak ng Diyos...At sa Espiritu Santo, ang Panginoon at nagbibigay-buhay na nanggagaling sa Ama na kasama ng Ama ng Anak ay sinasamba at pinararangalan na nagsalita sa pamamagitan ng mga propeta.

Ang pananaw ng mga amang Capadocio ay ang Diyos ay "tatlong hypostasis sa isang ousia". Noong ika-4 na siglo CE, may ilang kalituhan tungkol sa mga partikular na terminong ito. Para sa mga teologo ng Simbahang Kanluranin (Romano Katoliko), ang hypostasis ay kasingkahulugan ng Latin na substantia(substansiya) at nagpakahulugan sa pananaw na 'tatlong hypostasis' sa pagkaDiyos ng mga teologo ng Simbahang Silanganin(Ortodokso) bilang 'tatlong mga substansiya' o isang triteismo. Ang pananaw ng mga teologo ng Simbahang Kanluranin ay ang "Diyos ay tatlong mga persona sa isang substansiya (hypostasis)". Ang pangkalahatang pinagkakasunduang kahulugan ng ousia sa Simbahang Silanganin ay "ang lahat ng umiiral sa sarili nito at nang walang pag-iral sa isa pa" bilang salungat sa hypostasis na pinapakahulugan ng mga ito na realidad o pag-iral.[1]

Ang Filioque na Latin para sa "at sa Anak" ay idinagdag sa Ikatlong Konsilyo ng Toledo noong 589 CE (Credo in Spiritum Sanctum qui ex patre filioque procedit/Ako ay sumasampalataya sa Banal na Espirito na nagmumula mula sa Ama at sa Anak") na tinanggap na paniniwala sa Simbahang Kanluranin (Simbahang Katoliko Romano) noong ikatlong siglo CE.

At sa Banal na Espirito, ang Panginoon at nagbibigay-buhay na nanggagaling sa Ama at sa anak na kasama ng Ama ng Anak ay sinasamba at pinararangalan na nagsalita sa pamamagitan ng mga propeta.

Ito ay ginamit para sa mga kagamitang liturhikal ng Simbahang Katoliko Romano noong ika-11 siglo CE. Ang karagdagang ito na filioque ay hindi tinanggap ng Simbahang Silanganin sa mga kadahilanang ang pagdarag ay ginawang mag-isa ng Simbahang Kanluranin na nagbabago sa kredong inaprobahan ng mga maagang konsilyong ekumenikal at ang pormula ay sumasalamin sa isang partikular na pananaw ng Trinidad ng Kanluraning Simbahan na tinutulan ng mga teologo ng Simbahang Silangang Ortodokso. Ito ang isa sa mga pangunahing paktor na humantong sa Dakilang Paghahati sa pagitan ng mga Simbahang Silanganin at Kanluranin. Ang pagdaragdag ng filioque sa Kredong Niceno-Constantinopolitano ay kindonena bilang eretikal ng maraming mga ama at santo ng Simbahang Silangang Ortodokso kabilang si Photios I ng Constantinople, Gregory Palamas at Marcos ng Efeso na minsang tinutukoy bilang ang Tatlong mga Haligi ng Ortodoksiya.

Tingnan din[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mga sanggunian[baguhin | baguhin ang wikitext]

  1. p.50-51 The Mystical Theology of the Eastern Church, by Vladimir Lossky SVS Press, 1997. (ISBN 0-913836-31-1) James Clarke & Co Ltd, 1991. (ISBN 0-227-67919-9)