Pumunta sa nilalaman

Panahong Nara

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Kapanahunang Nara)
May kaugnayan ito sa isang panahon sa kasaysayan ng bansang Hapon. Para sa punungkahoy, pumunta sa Nara (puno).
Mga salaping metal mula sa Panahong Nara.

Nagsimula ang Panahon ng Nara (Hapones: 奈良時代, romanisadoNara jidai) ng Taong 710 hanggang taong 784. Si Emperador Gemmei ang unang nagtatag ng kapitolyo niya sa Nara na siyang pinagmulan ng panahong ito. Kilala din ang Nara bilang Heijo kyo.

Sa totoo lang si Emperador Gemmei ay isang babae, kung bakit HINDI siya tinawag na Emperatris ay sa kadahilanang ang titulong ito ay bansag sa mga asawa ng Emperador at walang direktang pampolitika na kontrol sa Trono ng Krisantemo. Si Gemmei ay umupo hindi bilang asawa ng emperador kundi bilang emperador mismo. Anim pa na mga Emperador ng Hapon ang sumunod sa kanya hanggang sa ilipat ni Emperador Kammu ang kapitolyo sa Nagaoka tapos sa Heian na ang bagong pangalan ng maglaon ay naging Kyoto.

Nakasentro sa mga baryo at pagsasaka ang panahon ng Nara. Maraming mga tagabaryo ang deboto ng Shintoismo na nakabase sa pagsamba sa mga espiritu ng kalikasan at ng kanilang mga ninuno o kung tawagin ay kami.

Ang pinagbasehan o suleras ng kapitolyo ng Nara ay sa lungsod ng Chang’an (Xian), ang punong lungsod ng Tsina sa ilalim ng dinastiyang Tang. Kinopya ng mga maharlikang hapones at iyong mga nasa alta sosyeday ang gawi ng Tsino, pati ang kanilang mga pagsulat na tinawag nilang kanji pati na rin ang relihiyong Budismo.

Sa panahon ng Nara nabuo ang unang panitikang Hapones. Ang mga kasulatang Kojiki at Nihonshoki ay maituturing na mga pampolitika na dokumento sapagkat iniuulat at pinaninindigan dito ang malawakang kapangyarihan ng mga Emperador ng Hapon sa buong bansa. Ang dalawang babasahin na ito ay ang sama-samang pagpupunyagi na korte ng imperyo na itala ang mga kaganapan at kasaysayan sa panahong ito.

Nagsimula na ding maisulat ang mga waka o mga tulang hapones ng malaman ng mga karaniwang tao kung papaano gamitin ang mga tunog ng kanji bilang pagsulat ng kanilang sariling wika. Ang mga karakter sa sulat Tsino na ginamit bilang tunog at hindi doon sa orihinal nilang kahulugan ay tinawag na manyougana. Sa pagpupunyaging ito naimbento ang dalawang uri ng pagsulat ng mga hapones ang mga kana (o kung tutukuyin ng tuwiran ay ang katakana at hiragana). Ang mga kana ang nagsilbi bilang alpabetong palatinigan (syllabary) ng mga hapones. Dahil dito nakabuo ng napakalaking koleksiyon ng mga tulang hapones na kung tawagin ay Man’yoshu.

Noong bago maitatag ang Kodigong Taiho, ang punong lungsod o kapitolyo ng Imperyo ay parating inililipat dahil naniniwala ang mga matatanda na ang lugar ng kamatayan ay isang di kaaaya-ayang lugar. Marumi kumbaga. Pero dahil sa mga reporma na isinulong noong panahon ng Asuka (Yamato) at ang pagkakaroon ng burukratisasyon ng gubyerno ay ipinirmi na ang punong lungsod ng Imperyo sa Heijokyo (Nara).

Ito ang kauna-unahang lungsod na naitatag sa Japan. Lumago ang populasyon dito ng 200,000 katao na kung tutuusin ay apat na porsyento na buong populasyon ng bansa. Sa 200,000 katao na ito, humigit-kumulang sa 10,000 katao ang nagtatrabaho para sa gubyerno.

Ang mga kaganapang pangkabuhayan at pamamahala ay namukadkad sa panahon ng Nara. Naidugtong-dugtong ng mga daan ang Nara sa mga punong-lungsod ng mga lalawigan. Naging mas mainam na din ang pangongolekta ng mga buwis. Natubog na rin ang mga barya, at umikot na ito sa mga merkado at iba pang mga pamilihang bayan.

Sa mga lalawigang labas ng Nara, ang reporma sa lupa na isinulong ni Shotoku Taishi ay hindi nagtagumpay. Sa kalagitnaan ng walong dangtaon, nabuhay na ang mga shoen o malalaking lupang pansakahan. Sa panahong ito ang shoen ang pinakamahalagang institusyon pangkabuhayan ng bansa. Nabuo ito dahil sa kagustuhan ng karamihan ng isang mas mainam na pamamahala sa mga lupang pansakahan.

Ang mga lokal na pamahalaan ay unti-unting tumatayo sa kanilang mga sariling pagpupursige. Maraming mga pampublikong tao na idineklara noong panahon ng Asuka ay iniwan ang kanilang mga lupain dahil sa buwis at humihinang polisiya ng gubyerno sa pamamahagi ng lupa. Ang mga pampublilkong tao na ito ay naging mga ronin. Karamihan sa mga pampublikong lupa na idiniklara noong panahon ng Asuka ay naging mga shoen at ang mga pampublikong tao ay nanilbihan sa mga shoen na ito.

Patuloy pa din ang mga intriga at labanan sa korte ng Imperyo. Ang mga kasanib ng monarkong pamilya, mga pangunahing pamilya na nasa korte gaya ng mga Fujiwara at mga kaparian ng Budismo ay lahat nag-aaway-away na magkaroon ng poder at impluwensiya. Bumigat na ang mga gastusing pambansa sa mga huling bahagi ng panahon ng Nara at dahil dito noong taong 1792 ay itinigil na gubyerno ang malawakang pagrerekrut ng mga sundalo. Ipinaubaya na lamang sa mga pinuno ng mga distrito ang pagtatayo ng mga pribadong milisya para sa gawaing pangkapayapaan.

Ang pagkakabaha-bahagi ng kapangyarihan ang nanaig sa Panahon ng Nara kahit merong mga repormang itinatag para ipanumbalik ang mga kapangyarihan sa Korte ng Imperyo.

Nanumbalik lamang ulit ang kapangyarihang pampolitika ng Imperyo ng ilipat ang kapitolyo mula Nara hanggang Nagaoka noong taong 784 at noong taong 794, sampung taon ang makalipas ay inilipat na muli ang kapitolyo sa Heiankyo'. Humigit-kumulang sa 26 na kilometro ang Heiankyo mula sa Nara. Noong ika-11 dangtaon kinilalala ang Heiankyo bilang Kyoto. Hindi na nagbago ang pangalang ito magpasahanggang ngayon.