Pumunta sa nilalaman

Komisyon sa Wikang Filipino

Mga koordinado: 14°35′55″N 120°59′51″E / 14.59873°N 120.99753°E / 14.59873; 120.99753
Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Komisyon sa Wikang Pilipino)
Komisyon sa Wikang Filipino
Buod ng Ahensya
Pagkabuo1937 (unang pagkabuo)
1991[1] (nireporma)
KapamahalaanPamahalaan ng Pilipinas
Punong himpilanSan Miguel, Maynila, Pilipinas
14°35′55″N 120°59′51″E / 14.59873°N 120.99753°E / 14.59873; 120.99753
Empleyado79
Taunang badyet₱107.53 milyon Php (2018)[2]
Mga tagapagpaganap ng ahensiya
  • Kom. Arthur P. Casanova, PhD, TAGAPANGULO
  • Kom. Benjamin M. Mendillo, Jr, PhD, Fultaym Komisyoner para sa Administrasyon at Pananalapi
  • Kom. Carmelita Abdurahman,EdD, Fultaym Komisyoner para sa Programa at Proyekto
  • Atty. Marites A. Barrios-Taran, Direktor Heneral
Pinagmulan na kagawaranOffice of the President
Pangunahing papeles
Websaytkwf.gov.ph

Ang Komisyon sa Wikang Filipino[a] (KWF) ay ang opisyal na lupong tagapamahala ng wikang Filipino at ang opisyal na institusyon ng pamahalaan na inatasan sa paglilinang, pagpepreserba, at pagtataguyod ng mga iba't ibang katutubong wika sa Pilipinas.[3][4] Itinatag ang komisyon ayon sa Saligang Batas ng Pilipinas ng 1987.

Itinatag ng Batas Republika Blg. 7104 ng 1991,[1] pinalitan ng komisyon ang Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) na itinayo noong 1987 na pumalit naman sa mas lumang Surian ng Wikang Pambansa (SWP), na itinatag noong 1937 bilang unang ahensya ng pamahalaan upang paunlarin ang isang pambansang wika sa Pilipinas.[5] Noong Disyembre 2021, binalangkas at naaprubahan ang IRR ng RA 11106 o ang Filipino Sign Language Act na kung saan ang KWF ang magiging lead agency sa pagtataguyod ng mga adhika nito para sa komunidad ng Deaf sa Pilipinas.

Ipinasa ng Ika-1 Kapulungang Pambansa ng Pilipinas ang Batas Komonwelt Blg. 184, s. 1936, na nagtatag ng Surian ng Wikang Pambansa (Institute of National Language o INL).[6] Noong 12 Enero 1937, hinirang ng Dating Pangulong Manuel L. Quezon ang mga miyembro na magbubuo sa SWP. Dahil sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 na inilabas at inilagda ni Pangulong Quezon noong 30 Disyembre 1937, naaprubahan ang paggamit ng Tagalog bilang saligan ng wikang pambansa, at idineklara at ipinroklama ang pambansang wika batay sa Tagalog, bilang pambansang wika ng Pilipinas.[7]

Noong Ika-2 Digmaang Pandaigdig, hinikayat ng mga Hapones na mananakop ang paggamit ng pambansang wika sa halip ng Ingles sa mga paaralan. Samakatuwid, napalaganap ang wika batay sa Tagalog hindi lamang sa edukasyon ngunit sa masmidya at sa opisyal na komunikasyon. Iniulat ng senso ng 1948 na 7,126,913 katao o 37.11% ng populasyon ay nagsasalita ng wikang iyon, na kumakatawan sa pagtaas ng 11.7% mula sa datos ng 1939 na 4,068,565. Sa pitong milyong tao na iyon, 47.7% ang nag-aral nito bilang pangalawang wika.[8]

Itinatag ang kasalukuyang komisyon ng Batas Republika Blg. 7104 ng 1991,[1] na pumalit sa Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) na itinayo noong Enero 1987 (Kautusang Tagapagpaganap Blg. 117[9]); na pumalit mismo sa mas lumang Surian ng Wikang Pambansa (SWP), na itinatag noong 1937.[5]

Kaya dapat ipasulong ang wikang Filipino.

Noong October 2018, inanunsyo ng KWF sa kanyang pahayagan, Diyaryo Filipino, na ilalabas online ang isang Pambansang Diksyunaryo bilang pagsunod sa Ortograpiyang Pambansa ng 2013 ng komisyon: Diksiyonaryo.[10] Ayon din sa pahayagang iyon, ipinagtatrabaho ang isang opisyal na ispeltsek (sa yugto ng pag-eeksperimento at pilot-testing) ayon sa Ortograpiyang Pambansa at Manwal sa Masinop na Pagsulat.[11]

Pagkakasari-sari ng wika

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang Pilipinas ay isa sa mga bansa na may pinakasari-saring wika sa buong mundo. Itong bansa, na may 175 natatanging katutubong wika (napagkakamalang diyalekto minsan) ay may halos 3% ng mga wika ng mundo, ngunit 0.2% lamang ng sukat ng lupa ng Daigdig, anupat 15 beses mas sari-sari ang Pilipinas kaysa sa karaniwan ayon sa pagkakasari-sari ng wika.[12]

Itinala ng Ethnologue, isang kompendyum ng mga wika ng mundo, na nanganganib ang 28 wika sa Pilipinas, mas mataas kaysa sa 13 noong 2016. Namamatay ang labing-isang wika, at lipol na ang iilang wika. Tinukoy ng Living Tongues Institute for Endangered Languages na ang Pilipinas ay isa sa mga pangunahing 10 “language hotspots” ng mundo, na nangangahulugan na napakayaman sa wika ang Pilipinas ngunit ang mga ganitong wika ay mas mabilis na nawawala kaysa sa nadodokumento nang maayos.[12]

Konserbatibo ang mga tantiya ng Ethnologue, dahil naitala ng mga dalubwika ng ganoong karaming wikang nanganganib sa Pilipinas. Nanganganib ang lahat ng mga 32 wikang Negrito ng Pilipinas (Headland, 2003), at nakatukoy ang Komisyon sa Wikang Filipino ng halos 50 wikang nanganganib.[12]

Talaan ng mga Nanganganib na Wika sa Pilipinas

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Isinapanahon ng isang pag-aaral ng Komisyon noong 2015 ang talaan ng mga wikang nanganganib sa Pilipinas. Itinala ng Komisyon na may 37 wika sa bansa na nanganganib ngayon, karamihan dito mga wikang Aeta sa Luzon at Kabisayaan, lalo na sa Negros Occidental. Itinuring ang wikang Kinarol-an ng Barangay Carol-an, Kabankalan, Negros Occidental bilang lipol dahil hindi ito ginagamit sa mga karaniwang pakikipag-usap. Itinala rin ng pag-aaral na iisa na lang ang nagsasalita ng wikang Inagta Isarog ng Goa, Ocampo at Tigaon sa Camarines Sur noong 2015.[13]

Itinuring bilang palipol na ang wikang Arta ng Nagtipunan, Quirino dahil 11 tao na lang ang nagsasalita nito. Kabilang sa mga wikang namamatay (malapit na malipol) ang: wikang Inata ng Lungsod ng Cadiz, Negros Occidental; wikang Alta ng Aurora, Nueva Ecija; at wikang Ayta Magbukun ng Abucay, Bataan. Sinasalita ang Ayta Magbukun ng di-kukulangin sa 114 pamilya, habang ang saklaw ng iba ay mula 29 hanggang 113 tao lamang.[13]

Samantala, kabilang sa mga wikang nanganganib na may higit sa isang libong nagsasalita ang Alta Kabulowan ng Gabaldon, Nueva Ecija; Ayta Mag-Indi ng Pampanga at Zambales; at Gubatnon Mangyan ng Magsaysay, Occidental Mindoro.[13]

Kabilang sa mga wikang may bawas sa paggamit ang Inagta Iraya ng Buhi, Camarines Sur; Binatak ng Palawan; Manide ng Camarines Norte; Ayta Kadi ng Quezon Province; Ayta Ambala ng Zambales at Bataan; Ayta Mag-antsi ng Tarlac, Nueva Ecija, at Zambales; Tanap (Agta Dupaningan) ng Cagayan at Isabela; Bolinaw ng Pangasinan; Agta Dumagat Casiguran ng Isabela at Aurora; at Agta Dumagat Umíray ng Lalawigan ng Quezon.[13]

Kabilang din sa talaan ang mga wikang itinuturing ng KWF bilang nanganganib at nangangailangan ng karagdagang pag-aaral. Kasama rito ang Manobo Kalamansig ng Sultan Kudarat; Ratagnon Mangyan ng Occidental Minodoro; Iguwak ng Nueva Vizcaya; Karaw ng Benguet; Tagabulos ng Aurora, Bulacan, at Lalawigan ng Quezon; Bangon Mangyan ng Oriental Mindoro; Manobo Ilyanen ng Cotabato; Gadang ng Lalawigang Bulubundukin; Kalamyanën ng Palawan; Tadyawan Mangyan ng Oriental Mindoro; Finallig ng Barlig, Lalawigang Bulubundukin; Menuvu ng Bukidnon; Tawbuwíd Mangyan ng Occidental at Oriental Mindoro; Manobo Aromanën ng Cotabato; Manobo Tigwahanon ng Bukidnon; at Abellen ng Tarlac. Itinala rin bilang nanganganib ang Irungdungan (Agta Isirigan) ng Cagayan ngunit inoobserbahan ng KWF ang pagtataas sa bilang ng mga nagsasalita.[13]

Sinimulan ng Komisyon, sa pakikipagtulungan sa mga pamahalaang panlalawigan at panlokal, ang isang mahalgang proyekto tungkol sa pagpapasigla ng wika sa Abucay, Bataan noong 2018, na nakapagtulong sa mga pamayanan ng Ayta Magbukun sa bayang nayon ng Bangkal sa pamamagitan ng Bahay Wika kung saan tinuturuan ng dalawang matatanda ang mga kabataang miyembro ng pangkat etnikong iyon tungkol sa kanilang wika.[13]

Isang pangunahing pagpuna sa komisyon ay nabibigo nito sa layunin ng paglilinang ng wikang Filipino. Nakasalig ito sa katotohanan na halos magkatumbas ang Filipino at Tagalog, isang katotohanan na tinatanggap ng dating Komisyonado, Ricardo María Durán Nolasco,[14] at may malaking kakulangan din ito sa bokabularyong panteknikal at pang-agham, na lubhang nakadepende sa mga paghihiram sa mga dayuhan at, kadalasan, mga imbento. Madalas ay ipinauubaya ito sa mga unibersidad na maglinang ng kani-kanilang mga terminolohiya sa bawat larangan, na humahantong sa kakulangan sa pagkakaparis-paris at di-paggamit ng publiko.

Ikinakatuwiran[15] na salungat ang kasalukuyang katayuan ng wikang Filipino sa layunin ng Batas Republika Blg. 7104 na nangangailangang linangin at payamanin ang pambansang wika ng leksikon ng mga ibang wika ng bansa. Gayunpaman, hindi naman kumokontra sa BR Blg. 7104 ang Resolusyon Blg 92-1,[16] na nagbibigay-kahulugan sa pambansang wika bilang "ang wika na sinasalita sa Kalakhang Maynila at iba pang sentro ng negosyo sa bansa".

  1. Hiligaynon: Komisyon sa Panghambal nga Filipino; Sebwano: Komisyon sa Pinulongang Filipino; Pangasinan: Komisyon na Salitan Filipino; Kapampangan: Komisyun king Amanung Filipinu; Ilokano: Komision iti Pagsasao a Filipino; Central Bicolano: Komisyon sa Tataramon na Filipino; Waray: Komisyon ha Yinaknan nga Filipino

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 1.2 "Republic Act 7104". The LawPhil Project. 14 Agosto 1991. Nakuha noong 29 Mayo 2020.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. "Other executive offices" (PDF). www.dbm.gov.ph. 29 Disyembre 2017. Nakuha noong 2020-02-24.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. "Wika / Misyon at Bisyon". wika.pbworks.com.
  4. "The Commission was charged with the mission not only to develop Filipino as a language of literature and as an academic language but likewise to preserve and develop the other languages".Andrew Gonzalez (1988). "The Language Planning Situation in the Philippines" (PDF). Journal of Multilingual and Multicultural Development. multilingual-matters.net. 19 (5&6): 508. Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong 2007-06-16.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link) CS1 maint: postscript (link)
  5. 5.0 5.1 Catacataca, Pamfilo. "The Commission on the Filipino Language". Inarkibo mula sa orihinal noong 2012-03-06. Nakuha noong 2010-06-24.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. "Commonwealth Act No. 184". Official Gazette of the Republic of the Philippines. 13 Nobyembre 1936. Inarkibo mula sa orihinal noong 9 Abril 2023. Nakuha noong 29 Mayo 2020.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. "Executive Order No. 134 : Proclaiming the national language of the Philippines based on the "Tagalog" language" (PDF). Nakuha noong 2010-06-24.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. Belvez, Paz. "Development of Filipino, the national language of the Philippines". Inarkibo mula sa orihinal noong 2012-03-06. Nakuha noong 2010-06-24.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  9. "Executive Order No. 117, s. 1987". Official Gazette of the Republic of the Philippines. 30 Enero 1987. Inarkibo mula sa orihinal noong 11 Abril 2023. Nakuha noong 29 Mayo 2020.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  10. "Onlayn na ang Pambansang Diksiyonaryo!(Tagalog: The National Dictionary is Now Online!)" (PDF). Diyaryo Filiino (Filipino Newspaper). Komisyon sa Wikang Filipino. Oktubre 2018. Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong 27 Mayo 2018. Nakuha noong 21 Setyembre 2018. {{cite web}}: |archive-date= / |archive-url= timestamp mismatch (tulong)CS1 maint: date auto-translated (link)
  11. Pelagio, Earvin (Oktubre 2018). "Spellcheck para sa Filipino(Tagalog: Spellcheck for Filipino)" (PDF). Diyaryo Filiino (Filipino Newspaper). Komisyon sa Wikang Filipino. Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong 27 Mayo 2018. Nakuha noong 21 Setyembre 2018. {{cite web}}: |archive-date= / |archive-url= timestamp mismatch (tulong)CS1 maint: date auto-translated (link)
  12. 12.0 12.1 12.2 Philippines, Multilingual. "[OPINION] Our languages are in trouble, so what?". Rappler.
  13. 13.0 13.1 13.2 13.3 13.4 13.5 Sembrano, Edgar Allan M. (Pebrero 11, 2019). "KWF lists endangered Phl languages". Inarkibo mula sa orihinal noong 22 Hunyo 2020. Nakuha noong 21 Hunyo 2020.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  14. Inquirer (2007). "New center to document Philippine dialects". Asian Journal. Inarkibo mula sa orihinal noong 2007-09-29. Nakuha noong 2007-06-30.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  15. Congressional Record : Plenary Proceedings of the 14th Congress, First Regular Session : House of Representatives Naka-arkibo 2011-06-29 sa Wayback Machine., Vol. 1, No. 11, August 14, 2007, pp. 455-460 (Rep. López opens the discussion)
  16. Resolution No. 92-1 : Description of basic Filipino language, pbworks.com

Mga kawing panlabas

[baguhin | baguhin ang wikitext]