Pumunta sa nilalaman

Labindalawang Alagad

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Labing-isang alagad)
Labindalawang Alagad

Ang Labindalawang Alagad o 12 Apostol ni Hesus ay labindalawang mga lalaking itinalaga ni Hesus bilang apostol na maging kapiling niya para mangaral, para magkaroon ng kapangyarihan sa pagpapagaling ng mga karamdaman, at upang makapagpalayas ng mga demonyo. Daladalawa silang sinugo ni Hesus para sa ganitong mga gawain na walang dinadala sa kanilang mga paglalakbay - kahit man tinapay o salapi sa kanilang mga sisidlan - maliban na lamang sa mga tungkod. Nagmula ang salitang apostol (apostle sa Ingles) sa isang salitang Griyegong nangangahulugang "mga pinaalis," katumbas ng mga "sinugo", "kinatawan",[1] o hinirang at mga "mensahero"[2] para maglakbay dahil sa isang layunin. Sa kasalukuyan, ginagamit ang salitang apostol para sa mga misyonerong relihiyoso.[3]

Pinagmulan at katangian ng mga alagad

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nagbuhat sa iba't ibang mga simulain, gawain, o larangan ang labindalawang mga alagad ni Hesus. Isa itong pangkat na magkakahalo at mga kalalakihang nagmula sa magkabilang dulong-hangganan ng lipunan. Mayroon din silang iba't ibang mga katangian o personalidad. Apat sa mga ito ang mga mangingisda. Iisa lamang ang mayaman: si Mateo na dating tagalikom ng buwis at "malakas" o malapit sa sinaunang mga Romano. Sa kabilang banda, isang masigasig, masipag, mabalasik, at "maapoy" na makabayan si Simon (Si Simon na Cananeo, hindi si Simon Pedro), na tinaguriang Simon ang Masigasig (Simon the Zealot sa Ingles) ni San Lukas. May layunin si Simong ito na tanggalin sa kapangyarihan ang mga Romano. May ilang mga alagad na likas na tahimik lamang, na sapat na para sa kanila ang makinig at matuto. Mayroon din namang walang tiyaga sa paghihintay. Nilarawan si Simon Pedro bilang isang maaasahang pinunong likas na nakatatayo sa pamamagitan ng sariling mga paa o hindi umaasa sa ibang tao. Isang mahigpit at mabalasik na lalaki si Santiagong Nakababata ngunit iginagalang dahil sa kaniyang pagiging makakatarungan. Palatanong naman si Felipe. Binansagan naman ni Hesus ang magkapatid na Santiagong Nakatatanda at Juan bilang "Mga Anak ng Kulog"[1] o Boarganes[1] (Sons of Thunder sa Ingles[3]) sapagkat madali silang magalit o mag-init ang ulo. Nakilala naman si Tomas bilang "Nagdududang Tomas" o "Hindi Maniwalang Tomas" dahil na rin nga hindi ito maniwala sa una na muling nabuhay si Hesus. Dahil sa pagkakaroon ng mas malalim na pagkaunawa nina Simon Pedro, Santiagong Nakatatanda, at Juan, sila ang naging palaging kasakasama ni Hesus sa mga pinakamahahalagang panahon. Ayon sa mga kaugalian ng kanilang kapanahunan, binigyan ang bawat isang alagad ng mga bagong pangalan nang atasan sila ng mga bagong tungkulin. Halimbawa nito ang pagtawag na "Pedro" kay Simon Pedro.[3][4]

Pamantayan sa pagpili ng 12 apostol

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ayon sa Mateo 19:28, Pahayag 21:14, ang bilang ng mga mga apostol na kinikilala sa siyudad na Herusalem na bumabang mula sa langit ay 12 lamang. Sa Mateo 10:1–4 at Marcos 3:13–19, hindi kasama si Apostol Pablo o si Bernabe sa 12 apostol. Ayon sa Mga Gawa*, si Mattias ay piniling kapalit ni Hudas bilang ika-12 apostol dahil ang batayan ng pagkaapostol ay nakasama siya ng 11 apostol sa buong panahon na ang Panginoong Jesus ay pumaparoon at pumaparitong kasama natin. Kailangang nakasama natin siya mula sa pagbabawtismo ni Juan hanggang sa araw na siya ay dinala paitaas mula sa atin.

Mga gawa at paglalakbay ng mga alagad

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Pagkaraan ng panahon ng pamumuhay ni Hesus, naglakbay sa mga malalapit at malalayong pook ang mga apostol para mangaral hinggil kay Hesukristo. Tinungo ni Tomas ang Indiya. Pumunta si Andres sa Rusya. Lumaganap sa Asya Menor (kasalukuyang Turkiya) at sa kalakhan ng Imperyong Romano ang mga turo ni Hesus.[3]

Ang labindalawang mga alagad

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Ang dibuhong Ang Huling Hapunan ni Leonardo da Vinci. Kapiling ni Hesus (nasa gitna) ang kaniyang labindalawang mga alagad. Mula sa kanan pakaliwa, binubuo ang piging nina: Bartolome, Santiagong Nakababata, Andres, Hudas Iskariote, Simon Pedro, Juan, si Hesus na Panginoon ng mga alagad, Tomas, Santiagong Nakatatanda, Felipe ng Bethsaida, Mateo, Hudas Tadeo, at si Simong Cananeo. Matatagpuan ang obrang ito na nakapinta sa dinding ng Santa Maria delle Grazie o Banal na Maria ng Grasya, isang simbahan sa Milano, Italya.[3]

Kabilang sa mga naging unang alagad ni Hesus sina Simon Pedro, Andres, Santiago ang Nakatatanda (o Santiagong Mas Dakila), Juan, Felipe ng Bethsaida, Bartolome, Mateo, Tomas (kilala rin bilang Didymus), Santiago ang Nakababata (tinatawag din Santiagong Mas Mababa o Santiago ang Maliit), Hudas Tadeo, Simon na Zelote, at Hudas Iskariote. Si Matias (o Matthias) ang naging kapalit ni Hudas Iskariote. Bago mahirang si Matias, namili ang natirang labing-isang alagad sa pagitan nina Matias at Jose na tinatawag ding Barnabas.[5] Hindi kasama sa orihinal o naunang labindalawa si Pablo ng Tarsus (o Saulo ng Tarso) subalit tinawag at tinuring siya bilang isang alagad o apostol ni Hesus, at iginagalang na katulad at kapantay ng ibang mga alagad.[3]

Palaging nauuna sa talaan ng mga alagad ni Hesus si Simon Pedro (San Pedro) dahil siya ang pinuno ng mga ito.[1] Kaugnay pa rin nito, para sa mga Hudyo, pinili ang mga alagad upang maging balangkas ng Simbahan o Iglesya ni Hesus, at pinili ang mga apostol mula sa mga alagad o tagasunod na ni Hesus, mula sa mga apostol ay pinili si Pedro.[1]

Kahalagahan ng bilang na labindalawa

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Isang mahalagang bilang ang labindalawa sa kasaysayan ng mga Hudyo at Mitolohiyang Griyego. Sa Mitolohiyang Griyego ay may Labindalawang Olimpiyano na mga Diyos na nakatira sa Bundok Olympus. Sa Tanakh ng Hudaismo ay may labindalawang tribo ng Israel. Pinaniniwalaang inugnay ni Hesus, sa pamamagitan ng pagbuo ng pangkat na binubuo ng labindalawang kalalakihan, ang "Bagong Tipan" o bagong kasunduan ng Diyos at ng mga Hudyo sa lumang pamamaraan ng mga gawaing pampananampalataya ng mga Hudyo, na matutunghayan sa Lumang Tipan ng Bibliya.[4] Batay sa Reading Judas, The Gospel of Judas and the Shaping of Christianity (Pagbasa kay Hudas, Ang Ebanghelyo ni Hudas nina Elaine Pagels at Karen L. King), na may kaugnayan ang kahalagahan at pagbibigay ng diin sa bilang na labindalawa sa paglalaan at pagtatakda ng "tunay na Diyos" ng "labindalawang mga anghel na namuno at namahala" sa isang "mas mababang mundo." Samakatuwid, ayon pa rin kina Pagels at King, na kinakatawan ang labindalawang mga alagad ni Hesus ng "bilang" na ginamit ng kanilang Diyos na nasa langit.[6]

Pagkakanulo ng mga alagad

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Ang Halik ni Hudas na ipininta ni Giotto di Bondone.

Hindi maikakaila na nagkanulo o nagkaroon ng kakulangan o kamalian kay Hesus ang lahat ng mga unang alagad. Katulad na lamang ni Simon Pedrong nagkailang nakikilala niya si Hesus, noong maganap ang pagdakip kay Hesus matapos na ipagkanulo ito ni Hudas Iskariote. Nagsilikas ang iba sa panahong lalong kailangan sila ni Hesus. Isang paliwanag dito, partikular na ang hinggil sa pagtataksil ni Hudas, na hindi walang bahid ng dungis ang simbahan. Walang perpektong simbahan ngunit mayroon itong hangaring maging malinis, perpekto, at matuto mula sa mga nangyaring kamalian. Kaugnay ng nagawang kasalanan ni Hudas, isa itong piniling maling pasya ni Hudas at isa ring bahagi ng katuparan ng walang-hanggang plano ng Diyos.[4] Ayon sa paliwanag nina Elaine Pagels at Karen L. King mula sa kanilang aklat na Reading Judas, The Gospel of Judas and the Shaping of Christianity (Pagbasa kay Hudas, Ang Ebanghelyo ni Hudas at ang Paghubog sa Kristiyanismo): na dating kabahagi ng unang labindalawang alagad ni Hesus si Hudas Iskariote subalit pinalitan sa lumaon nang ihiwalay siya ni Hesus para makatanggap ng natatanging pangangaral at isang natatanging takdang-gawain - ang pagpapasa kay Kristo sa mga taong makapangyarihan. Sa Bagong Tipan naman ng Bibliya, partikular na sa Mga Gawa ng mga Alagad (Mga Gawa 1: 15-26), na si Matias ang naging kapalit ni Hudas Iskariote. Ayon sa may-akda ng Ebanghelyo ni Hudas, ayon pa rin sa paliwanag nina Pagels at King, hinalinhan si Hudas Iskariote upang maging buo ang labindalawang alagad sa kanilang Diyos.[6] Maging si San Pablong Apostol ay may tinatawag na "tinik" sa kaniyang laman.[4]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 Abriol, Jose C. (2000). "Apostol". Ang Banal na Biblia, Natatanging Edisyon, Jubileo A.D. Paulines Publishing House/Daughters of St. Paul (Lungsod ng Pasay) ISBN 9715901077.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), talababa bilang 10, 2; pati na ang paliwanag sa talababa 20 na nasa pahina 13.
  2. Kleiner, Fred S. at Christin J. Mamiya (2005). "Apostle, messenger". Gardner's Art Through the Ages, ika-12 edisyon. Wadsworth/Thomson Learning, Kaliporniya, ISBN 0155050907.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), mula sa Calling of Matthew, Public Ministry, The Life of Jesus in Art, Religion and Mythology, pahina 308.
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 3.4 3.5 "The Apostles, pahina 332-333". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. 4.0 4.1 4.2 4.3 "(a) What criteria did Jesus use to choose His disciples?, pahina 145-146; (b) Why would Jesus pick a disciple (Judas) who would betray Him?, kasama sa paliwanag hinggil sa pagpili ni Hesus kay Hudas Iskariote, pahina 156; at (c) What was Paul's "thorn" in his flesh?, paliwanag para sa 2 Corintio 12:7, pahina 178". Fackler, Mark (patnugot). 500 Questions & Answers from the Bible / 500 mga Katanungan at mga Kasagutan mula sa Bibliya. The Livingston Corporation/Barbour Publishing, Inc., Uhrichsville, Ohio, ISBN 9781597894739. 2006.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. Abriol, Jose C. (2000). "Ebanghelyo ni Marcos 3:14-19". Ang Banal na Biblia, Natatanging Edisyon, Jubileo A.D. Paulines Publishing House/Daughters of St. Paul (Lungsod ng Pasay) ISBN 9715901077.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. 6.0 6.1 Pagels, Elaine at Karen L. King. Reading Judas, The Gospel of Judas and the Shaping of Christiany, Penguin Books, New York, 2007, pahina 134, ISBN 978-0-14-311316-4.