Lahar
Ang lahar (pagbigkas: /ˈlɑːhɑr/, mula sa Habanes: ꦮ꧀ꦭꦲꦂ ) ay isang maligalig na uri ng pagbaha ng putik o pagragasa ng guho (debris) na binubuo ng pinaghalong kombinasyon ng tepra, bato, at tubig. Ang materyal ay dumadaloy pababa mula sa isang bulkan, kadalasan sa isang lambak ng ilog o daluyan (gully). [1]
Lubhang napakamapaminsala ng mga lahar: kaya nilang rumagasa sa bilis na dose-dosenang metro kada segundo at maaaring magkaroon ng lalim na 140 metro na nagbibigay-kakayanan sa kanila na anurin at wasakin ang anumang istruktura sa kanilang daanan. Labimpitong bahagdan (17%) ng mga bilang ng mga namatay dahil sa bulkan mula 1783 hanggang 1997 ay dahil sa lahar.[2]
Pinagmulan ng salita
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang salitang lahar ay nagmula sa wikang Habanes.[3] Ipinakilala ito ni Berend George Escher bilang isang termino sa heolohiya noong 1922.[4]
Paglalarawan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang salitang lahar ay isang palasak na termino na tumutukoy sa pinaghalong tubig at tepra nang walang pagtatangi sa reolohiya (katangian ng pagdaloy) o sa kapal ng taglay na latak.[5] Maaaring umiral ang lahar bilang normal na daloy ng sapa (may konsentrasyon ng latak na mas kaunti sa 30%), hyperconcentrated na ragasa (may konsentrasyon ng latak sa pagitan ng 30-60%), o bilang pagragasa ng guho o debris flow (may kapal ng latak na higit 60%). Ang katangian ng pagdaloy at mga sumusunod na pag-iral ng lahar ay maaaring mag-iba-iba sa isang lugar at panahon, sa iisang kaganapan, dahil sa pagbabago-bago sa dami ng latak at tubig.[6] Gayunman, maaaring uriin ang lahar bilang "pangunahin" o "syn-eruptive" kapag nangyari ito kasabay ng pag-aalburuto ng isang bulkan o ibinunga nito. Ang "sekundaryo" o "post-eruptive" na mga lahar naman ay nangyayari kapag inanod ng ulan o tunaw na yelo ang tepra nang walang nagaganap na pag-aalburuto.[7][8]
Bukod sa paiba-ibang katangian ng pagdaloy, maaaring mag-iba-iba rin ang laki at lawak ng mga lahar. Sa kaso ng isang lahar na naganap sa Bundok Rainier sa Washington sa Estados Unidos 5,600 taon na ang nakalilipas halimbawa, umabot sa 140 metro ang lalim at 330 kilometro kwadrado ang nasakop ng lahar, na katumbas ng bolyum na 2.3 kubiko kilometro.[9] Maaaring wasakin at anurin ng lahar ang anumang bagay sa dinaraanan nito; maaari rin nitong bungkalin ang pundasyon ng mga gusali. Sa kaso ng isang hyperconcentrated na lahar, maaaring manatiling nakatayo ang isang kubo bagaman mabilis nitong malulunod ang kubo sa makapal at malagkit na putik[10] na kasing-tigas ng kongkreto kapag natuyo. Nagiging mas malabnaw ang lahar habang lumalayo ito sa pinagmulan nito at maaari ring mapalabnaw ng ulan na nagdudulot naman ng mala-kumunoy na lati na maaaring kumilos bilang likido nang ilang linggo at magpapahirap sa gawaing pagreskyu.[11]
Iba-iba ang bilis ng mga lahar. Ang maliliit na lahar na wala pang ilang metro ang lapad at ilang sentimetro ang lalim ay maaaring dumaloy nang ilan-ilang metro kada segundo. Ang malalaking lahar na daan-daang metro ang lapad at sampu-sampung metro ang lalim ay maaaring umagos nang tigsasampung metro kada segundo o higit pa, mas mabilis pa sa pagtakbo ng isang tao. [12] Sa mga matatarik na dalisdis, maaaring lumampas ang bilis ng lahar sa 200 kilometro kada oras. [12] Tulad ng uson, maaaring maglakbay malayo sa pinagmulan nito ang lahar, at depende sa mga kondisyon nito at ng lupain (tereyn) ng lokalidad ay pwedeng umabot ng higit sa 300 kilometro ang layo. [13]
-
Bubong na lamang ng bahay ang nakikita rito sa larawan matapos itong malubog sa lampas-taong lahar mula sa Bulkang Galunggung sa Indonesia
-
Larawang kuha mula sa himpapawid ng mga bahay na nalubog sa lahar na dulot ng pagputok ng Bulkang Pinatubo
-
Bayan ng Armero sa Mexico na nabura sa ibabaw ng daigdig ng lahar na ibinunga ng pagputok ng bulkang Nevado del Ruiz
Mga mekanismong nakapagsisimula ng lahar
[baguhin | baguhin ang wikitext]May ilang mga posibleng dahilan ang lahar: [12]
- Ang pagkatunaw ng niyebe at glacier ng lava o uson habang pumuputok ang bulkan
- Paghahalo ng lava sa basang lupa, putik, o niyebe sa dalisdis ng bulkan
- Matinding pag-uulan na humahalo at nagpapakilos sa mga deposito ng tepra sa dalisdis
- Paghahalo ng tepra sa tubig sa lawa sa loob ng bunganga ng bulkan
Bagaman karaniwang nagkakaroon ng pag-agos ng lahar dahil sa aktibidad ng isang bulkan, maaari ring magkaroon ng lahar kahit walang aktibong pagkilos ng magma sa isang bulkan hangga't naririyan ang mga kaakibat na kondisyon na magdudulot ng pagguho at pag-anod ng pinaghalong putik mula sa tepra. Ang ilan sa mga ito ay ang:
- Pagkatunaw ng niyebe at glasyar tuwing umiinit ang panahon
- Paglindol
- Pagbuhos ng ulan
Pagtukoy ng mga lugar na may risgo ng lahar
[baguhin | baguhin ang wikitext]Sinisikap ng mga siyentista at mga pamahalaan na tukuyin ang mga lugar na may mataas na risgo ng lahar batay sa kasaysayan ng mga lugar na ito, pagmamapa, at batay sa mga model na gawa ng kompyuter. May susing papel na ginagampanan ang mga healogo sa pagbibigay ng impormasyon at edukasyon sa publiko at mga tagapagpasya ng patakaran hinggil sa posibilidad na mangyari ang panganib at paglalarawan ng mga posibleng mangyari, kasama na ang maaaring lawak, ang panahon kung kailan maaari itong mangyari, at mga maaaring epekto sa mamamayan.[14] Kasama rin sa kanilang gawain ay tasahin kung gaano kaepektibo ang mga panukalang estratehiya na magpapababa sa risgo ng lahar; magpalaganap ng pagtanggap at tiwala sa impormasyon; lumahok sa pakikipagtalastasan sa mga kinauukulan at mga bulnerableng komunidad; at magpaabot ng napapanahong impormasyon sa panahon na umiiral na ang panganib.[15]
Mitigasyon ng panganib ng lahar
[baguhin | baguhin ang wikitext]Sa mga lugar na tiyak na daraanan o kaya madalas daanan ng lahar, isang paraan upang mapababa ang epekto ng panganib sa mga mamamayan ay ang paglalagay ng mga sirenang nagbibigay ng babala sa posibilidad ng pagkakaroon ng lahar. Ilang halimbawa nito ay ang ang lahar warning system sa Bundok Rainier sa Amerika[16], sa Bundok Ruapehu sa Nueva Zelanda, Bundok Pinatubo sa Zambales sa Pilipinas,[17][18] sa Bundok Unzen sa Hapon,[19] at sa Bundok Merapi sa Indonesia.[20]
Isa pang pamamaraan ay ang pagtatayo ng mga artipisyal na kanal o dike na daraanan ng lahar upang mapunta sa ibang direksyon na malayo sa maraming mga tao.[21] Gayunman, sa karanasan ng mga kanal sa Pinatubo, hindi ito naging masyadong epektibo.[22] Ang pangmatagalang solusyon sa pagtugon sa panganib ng lahar ay ang hindi pagtatayo ng estruktura sa mga lugar na mataas ang risgo nito o ang paglilipat ng mga komunidad sa mga mas ligtas na lugar.[23][24]
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ "Lahar". USGS Photo Glossary. Nakuha noong 2009-04-19.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Tanguy, J.; atbp. (1998). "Victims from volcanic eruptions: a revised database". Bulletin of Volcanology. 60 (2): 140. Bibcode:1998BVol...60..137T. doi:10.1007/s004450050222. S2CID 129683922.
{{cite journal}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Vallance, James W.; Iverson, Richard M. (2015). "Chapter 37 – Lahars and Their Deposits". Sa Sigurdsson, Haraldur (pat.). Encyclopedia of Volcanoes. Amsterdam: Academic Press. pp. 649–664. doi:10.1016/B978-0-12-385938-9.00037-7. ISBN 978-0-12-385938-9.
{{cite book}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ https://books.google.com/books?id=UHRU_6nUSR4C&pg=PA597
- ↑ Vallance, James W.; Iverson, Richard M. (2015-01-01), "Chapter 37 - Lahars and Their Deposits", sa Sigurdsson, Haraldur (pat.), The Encyclopedia of Volcanoes (Second Edition) (sa wikang Ingles), Amsterdam: Academic Press, pp. 649–664, ISBN 978-0-12-385938-9, nakuha noong 2021-03-26
{{citation}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Vallance, James W.; Iverson, Richard M. (2015-01-01), "Chapter 37 - Lahars and Their Deposits", sa Sigurdsson, Haraldur (pat.), The Encyclopedia of Volcanoes (Second Edition) (sa wikang Ingles), Amsterdam: Academic Press, pp. 649–664, ISBN 978-0-12-385938-9, nakuha noong 2021-03-26
{{citation}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Pierson, Thomas C; Wood, Nathan J; Driedger, Carolyn L (Disyembre 2014). "Reducing risk from lahar hazards: concepts, case studies, and roles for scientists". Journal of Applied Volcanology. 3 (1): 16. doi:10.1186/s13617-014-0016-4.
{{cite journal}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Pierson, Thomas C; Wood, Nathan J; Driedger, Carolyn L (Disyembre 2014). "Reducing risk from lahar hazards: concepts, case studies, and roles for scientists". Journal of Applied Volcanology. 3 (1): 16. doi:10.1186/s13617-014-0016-4.
{{cite journal}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Crandell, D.R. (1971). "Post glacial lahars From Mount Rainier Volcano, Washington". U.S. Geological Survey Professional Paper. Professional Paper. 677. doi:10.3133/pp677.
{{cite journal}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Janda, Richard J.; Daag, Arturo S.; Delos Reyes, Perla J.; Newhall, Christopher G.; Pierson, Thomas C.; Punongbayan, Raymundo S.; Rodolfo, Kelvin S.; Solidum, Renato U.; Umbal, Jesse V. "Assessment and Response to Lahar Hazard around Mount Pinatubo, 1991 to 1993". FIRE and MUD. United States Geological Survey. Nakuha noong 2 Hulyo 2021.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Pierson, Thomas C; Wood, Nathan J; Driedger, Carolyn L (Disyembre 2014). "Reducing risk from lahar hazards: concepts, case studies, and roles for scientists". Journal of Applied Volcanology. 3 (1): 16. doi:10.1186/s13617-014-0016-4.
{{cite journal}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ 12.0 12.1 12.2 Padron:USGS
- ↑ Hoblitt, R.P.; Miller, C.D.; Scott, W.E. (1987). "Volcanic hazards with regard to siting nuclear-power plants in the Pacific northwest". U.S. Geological Survey Open-File Report. Open-File Report. 87–297. doi:10.3133/ofr87297.
{{cite journal}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Pierson, Thomas C.; Wood, Nathan J.; Driedger, Carolyn L. (2014-11-06). "Reducing risk from lahar hazards: concepts, case studies, and roles for scientists". Journal of Applied Volcanology. 3 (1): 16. doi:10.1186/s13617-014-0016-4. ISSN 2191-5040.
{{cite journal}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Pitman, E. Bruce; Nichita, C. Camil; Patra, Abani; Bauer, Andy; Sheridan, Michael; Bursik, Marcus (Disyembre 2003). "Computing granular avalanches and landslides". Physics of Fluids. 15 (12): 3638–3646. Bibcode:2003PhFl...15.3638P. doi:10.1063/1.1614253.
{{cite journal}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2019-09-03. Nakuha noong 2023-08-04.
{{cite web}}
: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ https://doi.org/10.1007%2Fs10346-009-0180-5
- ↑ https://pubs.usgs.gov/fs/1997/fs114-97/
- ↑ https://hal.science/hal-00368579/document
- ↑ https://www.preventionweb.net/english/hyogo/gar/2015/en/bgdocs/inputs/Hardjosuwarno%20et%20al.,%202014.%20Early%20Warning%20System%20for%20Lahar%20in%20Merapi.pdf
- ↑ https://appliedvolc.biomedcentral.com/articles/10.1186/s13617-014-0016-4
- ↑ https://doi.org/10.1023%2FA%3A1007076704752
- ↑ https://appliedvolc.biomedcentral.com/articles/10.1186/2191-5040-1-2
- ↑ https://pubs.usgs.gov/wri/1992/4039/report.pdf