Lamanlupa
Ang lamanlupa (Ingles: gnome) ay isang pang-mitolohiyang nilalang. Maaari itong nasa anyo ng isang duwende o tiyanak na nagbabantay ng isang nakabaong kayamanan, subalit maaari ring nasa hitsura ng matandang hukluban o uugud-ugod.[1] Lamáng-lupà ang pangkalahatang tawag sa mga nilaláng na nakatira sa ilalim ng lupa. Kung minsan, ito rin ang tawag sa mga espiritu ng bundok at ilang bahagi ng kapatagan lalo na ang mga punso. Sinasabing ang mga lamang-lupa ang nagmamay-ari ng lupa at ng kailaliman nito. Mayroon silang itsurang maliit tulad ng duwende at hindi nakikita ng karaniwang tao.[2]
Sa mitolohiyang Filipino, ang mga lamang-lupa ay nabibilang sa mga diyos-diyosan sa kailaliman ng lupa, at kung gayon, ilang piling nilaláng lamang ang nakakakita sa kanila. Sa larangan ng kuwentong-bayan, ang pag-aaral sa mga lamang-lupa ay nakapaloob sa tinatawag na demonology. Kabilang din sa disiplinang ito ang pag-aaral sa mga aswang at iba pang maligno sa mitolohiyang Filipino.[2]
Ayon pa sa ilang paniniwala, hindi nananakit ang mga lamang-lupa hangga’t hindi sila ginagambala o sinisira ang kanilang mga tahanan. Kailangan din silang bigyan ng paggalang. Halimbawa, kapag daraan sa ipinapalagay na malalaking punso na tinatahanan ng mga nuno, nagpapasintabi ang táong dumaraan sa pagsasabing “Tabi-tabi po.” Kailangan din diumanong bigyan ng alay o atang ang mga lamang-lupa sa panahon ng taniman at anihan upang hindi nito paglaruan ang mga pananim.[2]
Mga Uri ng lamanlupa
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nuno sa Punso – Maliit at matandang espiritu na nakatira sa mga punso o burol ng lupa. Sila ay iginagalang at kinatatakutan dahil ang pagambala sa kanilang tirahan ay maaaring magdala ng sakit o kamalasan. Madalas sinasabi ng mga tao ang "Tabi-tabi po" upang hindi sila masaktan.
Duwende – Mga maliliit na nilalang na naninirahan sa iba’t ibang lugar tulad ng mga puno, punso, o ilalim ng bato. Maaari silang maging mabait o mapaglaro depende sa pakikitungo ng tao sa kanila. Mayroong Duwendeng Puti (mabait) at Duwendeng Itim (mischievous o malisyoso).
Tiyanak – Isang masamang nilalang na nag-aanyong sanggol. Ito ay umiiyak upang maakit ang mga tao sa kagubatan, at kapag lumapit ang tao, ipinapakita nito ang tunay na anyo at inaatake ang biktima. Pinaniniwalaang ang Tiyanak ay espiritu ng mga inabandonang o ipinagbuntis na sanggol.
Tikbalang – Isang nilalang na kalahating kabayo at kalahating tao, may katawan ng tao pero ulo at mga paa ng kabayo. Kilala silang nanloloko sa mga naglalakbay sa kagubatan, nililigaw ang landas ng mga tao sa pamamagitan ng ilusyon. Nangunguha ng babaeng kanilang natitipuhan upang gahasain o di kaya ay buntisin
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ Gaboy, Luciano L. Gnome - Gabby's Dictionary: Praktikal na Talahuluganang Ingles-Filipino ni Gabby/Gabby's Practical English-Filipino Dictionary, GabbyDictionary.com.
- ↑ 2.0 2.1 2.2 Official, NCCA (2015-06-04), lamáng-lupà3, nakuha noong 2025-04-04
Ang lathalaing ito na tungkol sa Mitolohiya ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.