Pumunta sa nilalaman

Lumbar

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Ang kinaroonan ng rehiyong lumbar (nasa loob ng habilog na kulay rosas). Ito ang "pang-ibabang likod na nasa may balakang".

Sa anatomiya ng mga tetrapod, ang lumbar ay isang pang-uring ang kahulugan ay ng o tumutukoy sa segmentong pangtiyan o pampuson ng punong-katawan, na nasa pagitan ng diyaprama at ng sakrum (balakang). Ang rehiyong lumbar ay paminsan-minsan tinutukoy bilang pang-ibabang gulugod, o bilang isang pook ng likod na malapit dito; kung kaya't kung minsan ay katumbas ng diwang "nauukol sa balakang" na "panlikod".

Sa anatomiya ng tao ang limang mga bertebra o gulugod (vertebrae) na nasa loob ng rehiyong lumbak ng likod ay ang pinaka malalaki at pinaka matitibay sa naigagalaw na bahagi ng kolumnang panggulugod, at maaaring ipagkaiba sa pamamagitan ng kawalan ng isang foramen na nasa loob ng prosesong transberso, at sa pamamagitan ng kawalan ng mga tapyas na nasa gilid ng katawan. Sa karamihan ng mga mamalya, ang rehiyong lumbar ng gulugod ay kumukurbang palabas.

Ang talagang kurdong panggulugod (medulla spinalis) ay nagtatapos sa pagitan ng una at ikalawang bertebra ng seryeng ito, na tinatawag na L1 at L2. Ang tisyung pangnerbiyo na umaabot sa ilalim ng tuldok na ito ay mga indibiduwal na mga kumpol ng mga hibla na magkakasamang bumubuo sa cauda equina. Sa pagitan ng bawat isang berterbang lumbar ay lumalabas ang isang ugat na nerbiyo, at ang mga ugat na nerbiyong ito ay nagsasama-samang muli upang buoin ang pinaka malaking nag-iisang nerbiyo na nasa loob ng katawan ng tao: ang nerbiyong siyatiko (ugat na siyatiko). Ang nerbiyong siyatiko ay tumatakbong tumatagos sa likod ng bawat hita at papasok na papunta sa mga paa. Ito ang dahilan kung bakit ang isang diprensiya ng pang-ibabang likod na nakakaapekto sa isang ugat na nerbiyo, katulad ng isang luslos ng diskong panggulugod, ay nakapagdurulot ng hapdi na gumagapang sa kahabaan ng nerbiyong siyatiko (sciatica) pababang papasok sa paa.

Mayroong ilang mga masel na nasa loob ng pang-ibabang likuran na tumutulong sa rotasyon (pag-ikot), pleksibilidad at lakas. Ang mga masel o kalamnang ito ay madaling tablan ng kapinsalaan, natatangi na ang habang nagbubuhat ng mga bagay na mabibigat, o pagbubuhat habang pumipilipit. Ang isang pagkabanat ng masel ay maaaring maging labis na napakahapdi subalit karaniwang gumagaling sa loob ng ilang mga araw o mga linggo.

Ang porsiyon o bahaging lumbar ng gulugod ang nagbabata o tumataglay ng karamihan sa bigat ng katawan at nagbibigay din ng pinaka maraming pleksibilidad (kakayahang umunat, mabanat, o bumaluktot), isang tambalan na nakagagawa upang ito ay maging madaling talaban ng pinsala at pagkasira sa loob ng pagdaan ng panahon. Ito ang dahilan kung bakit laganap ang sakit sa mababang bahagi ng likod.[kailangan ng sanggunian]

Mga kawing na panlabas

[baguhin | baguhin ang wikitext]