Pumunta sa nilalaman

Malaking Baha

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Malaking baha)
Malaking Baha (Kristiyanismo)
Malaking Baha (Hinduismo)

Ang Mitolohiya ng Malaking Baha[1] o Ang Baha[1] ang mitolohiya o relihiyosong kuwento ng isang delubyo o dakilang baha na ipinadala ng diyos o mga diyos upang wasakin ang sangkatauhan bilang akto ng paghihiganti ng diyos. Ang temang ito ay laganap sa maraming mga kultura bagaman ito ay pinakakilala sa makabagong panahon sa mga kuwento ni Ziusudra ng Sumerya, Atra-Hasis ng Akkadia, ni Utnapishtim sa Epiko ni Gilgamesh ng Babilonya, Arko ni Noe sa Bibliya at Quran, sa mga mitolohiya ng Quiché at Maya, sa Deucalion sa Mitolohiyang Griyego, at sa kuwentong Hindu ni Manu.

Kuwento ng baha sa iba't ibang kultura

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mga maagang kuwento ng pagbaha

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang kuwento ng baha ni Ziusudra ay alam mula sa isang pragmentaryong tabletang isinulat sa wikang Sumeryo na mapepetsahan ayon sa skripto sa ca. 1700 BCE at inilimbag noong 1915 ni Arno Poebel.[2] Si Ziusudra ng Shuruppak ay itinala sa resensiyong WB-62 ng talaan ng mga haring Sumeryo bilang ang huling hari ng Sumerya bago ang isang baha. Siya ay itinala sa talaang ito bilang isang hari at saserdoteng gudug sa loob ng 10 sar o 3,600 taon. Namana ni Ziusudra ang kanyang pamumuno sa kanyang amang si Šuruppak na naghari ng 10 sar o 3,600 taon. Si Ziusudra ay kalaunang itinala bilang ang bayani ng epiko ng baha ng Sumerya. Siya ay binanggit rin sa iabng mga sinaunang panitikan kabilang ang Kamatayan ni Gilgamesh, ang Tula ng mga Maagang Pinuno at isang huling bersiyon ng Mga instruksiyon ni Shuruppak. Ang linyang kasunod kay Ziusudra sa talaan ng mga haring Sumeryo na WB-62 ay mababasang: Pagkatapos na ang baha ay tumabon, ang paghahari ay bumaba mula sa langit. Ang paghahari ay nasa Kish. Ang siyudad ng Kish ay yumabong sa sandaling pagkatapos ng isang napatunayan sa arkeolohiyang isang lokal na baha sa Shuruppak (modernong Tell Far sa Iraq) at iba pang mga siyudad ng Sumerya. Ang bahang ito ay pinetsahan ng carbon dating sa ca. 2900 BCE.[3] Ang palayukang polikroma mula sa sa panahong Jemdet Nasr (ca. 3000 BCE-2900 BCE) ay unang natuklasan sa agarang stratum ng baha sa Shuruppak[4] at ang panahong Jemdet Nar ay agad na nauna sa panahong Maagang Dinastiko I.[5] Ang unang bahagi ng tableta ay nauukol sa paglikha ng tao at mga hayop at pagkakatatag ng mga unang siyudad ng Eridu, Bad-tibira, Larsa, Sippar, at Shuruppak. Pagkatapos ng isang nawalang seksiyon sa tableta, mababasang ang mga diyos ay nagpasyang hindi na iligtas ang sangkatauhan sa isang darating na baha. Ang diyos na si Enki na Panginoon ng mundong ilalim ng sariwang katubigan at katumbas ng Diyos ng Babilonia na si Ea ay nagbabala kay Ziusudra na pinuno ng Shuruppak na magtayo ng isang malaking bangka. Ang talatang naglalarawan ng mga direksiyon sa paggawa nito ay nawala sa tableta. Sa pagpapatuloy ng tableta, inilalarawan nito ang isang baha kung saan ay bumago sa loob ng pitong araw. Pagkatapos nito, si Utu (araw) ay lumitaw at binuksan ni Ziusudra ang isang bintana, nagpatirapa at naghandog ng isang baka at tupa. Pagkatapos ng isa pang pagkapatid sa tableta, inilalarawan na ang baha ay tapos na at si Ziusudra ay nagpapatirapa sa harap nina An (Kalangitan) at Enlil na nagbigay ng "hiningang walang hanggan" sa kanya at nagdala sa kanya upang tumira sa Dilmun. Ang natitira nito ay nawala.

Ang Tabletang I ng Atrahasis ay naglalaman ng mito ng paglikha tungkol sa mga Diyos ng Sumerya na sina Anu, Enlil at Enki. Pagkatapos ng isang palabunutan, ang kalangitan ay pinamunuan ni Anu, ang daigdig ni Enlil at sariwang katubigan ni Enki. Si Enlil ay nagtakda ng mga mababang Diyos upang magsaka at panatilihin ang mga katubigan at kanal. Pagkatapos ng 40 taon, ang mga mababang Diyos na ito ay naghimagsik at tumangging magtrabaho. Sa halip na parusahan ang mga rebeldeng ito, iminungkahi ni Enkin na lumikha ng mga tao upang magtrabaho. Ang diyosang ina na si Mami ay inatasan na lumikha ng mga tao sa pamamagitan ng paghuhugis ng mga pigurinang putik na hinaluan ng laman at dugo ng pinaslang na Diyos na si Geshtu-E. Ang lahat naman ng mga Diyos ay dumura sa putik. Pagkatapos ng 10 buwan, ang isang ginawang sinapupunan ay bumukas at ang mga tao ay ipinanganak. Ang Tabletang II ay nagsisimula sa mas maraming oberpopulasyon ng mga tao at pagpapadala ni Enlil ng taggutom sa mga interbal na 1200 taon upang bawasan ang populasyon. Ang Tabletang III ay nagsasalaysay kung paanong binalaan ng Diyos na si Enki ang bayaning si Atrahasis (Sukdulong Marunong) ng Shuruppak na gibain ang kanyang bahay at magtayo ng isang bangka upang makatakas sa isang bahang pinlano ni Enlil upang lipulin ang sangkatauhan. Ang bangka ay dapat may isang bubong na "tulad ng Apsu" (isang lugar ng sariwang katubigan sa ilalim ng lupa na pinangangasiwaan ni Enki), itaas at ibabang mga palapag at sinelyohan ng bitumen. Si Atrahasis, ang kanyang pamilya at mga hayop ay sumakay sa bangka at sinaraduhan ang pinto. Ang bago at baha ay nagsimula at kahit ang mga Diyos ay natakot. Pagkatapos ng 7 araw, ang baha ay natapos at si Atrahasis ay naghandog sa mga Diyos. Si Enlil ay nagalit kay Enki sa kanyang paglabag sa kanyang panata. Gayunpaman, ito ay itinanggi ni Enki at nangatwirang "Aking sinuguro na ang buhay ay naingatan". Sina Enki at Enlil ay nagkasundo sa ibang mga paraan ng pagkontrol ng populasyon ng mga tao.

Tableta ng Epiko ni Gilgamesh (ca. 2100 BCE) na nahukay sa Assyria (Mosul, Iraq) noong 1853. Ang tabletang ito ay naisalin lang sa Ingles ni George Smith noong 1872.

Ang Epiko ni Gilgamesh ay naglalaman ng storya ni Ut-Napishtim na inutusan ng dios na si Ea na gumawa ng arko upang iligtas ang kanyang pamilya at mga hayop sa isang delubyo (baha) na ipapadala ng dios na si Enlil dahil sa kanyang galit sa sangkatauhan. Pagkatapos ng pitong araw nang tumila ang baha, si Ut-Napishtim ay nagpalipad ng kalapati at uwak upang tingnan kung wala nang tubig. Nang matuyo ang baha, ang arko ni Ut-Napishtim ay lumapag sa Bundok Nisir (kasalukuyang tinatawag na Pir Magrun sa Iraq). Si Ut-Napishtim ay naghandog naman ng tupa at naamoy ng mga dios ang mabangong samyo nito.

Mga kalaunang mga kuwento ng baha

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ayon sa Aklat ng Genesis, si Noe ay inutusan ng diyos na si Yahweh upang lumikha ng isang arko upang iligtas ang sarili nito ang pamilya nito sa isang bahang ipadadala ni Yahweh dahil sa kasamaan ng mundo. Si Noe ay inutusan na magdala ang isang pares ng mga babae at lalake ng lahat ng hayop sa Genesis 6:19-20. Ito ay salungat naman sa Genesis 7:2-3 na ang inutos kay Noe na ipasok sa arko ay pitong pares ng malinis na babae at lalakeng hayop at isang pares ng maruming babae at lalakeng hayop. Pagkatapos na ipasok ang mga hayop, pumasok ni Noe at ng kanyang pamilya sa arko at umulan ng 40 araw at gabi. Ang ulan ay bumaha sa buong mundo sa loob ng 150 araw at ang lahat ng nabubuhay sa mundo ay namatay. Nang tumila na ang baha, ang arko ay lumapag sa Bundok Ararat. Sa ikasampung buwan, ang mga tuktok ng bundok ay nakita na at si Noe ay nagpadala ng uwak at isang kalapati upang makita kung humupa na ang baha. Muling nagpadala si Noe ng isang kalapati ngunit hindi na ito bumalik. Pagkatapos ng mga isang taon, si Noe at ang kanyang pamilya ay lumabas sa arko. Pagkatapos nito ay nagtayo siya ng altar at sinamba si Yahweh sa pamamagitan ng mga inihaw na handog ng mga hayop. Si Yahweh ay nagalak sa samyo ng mga handog na ito at nangakong hindi na muling wawasakin ang lahat ng mga buhay na nilalang.

Ayon sa mga modernong skolar ng Bibliya, ang kuwento ni Noe sa Bibliya ay direktang binase o kinopya sa kuwentong Babilonia na Epiko ni Gilgamesh na mas naunang isinulat sa Bibliya.[6][7] Ang storya ni Noe ay isang pinagtagni-tagning teksto na ang ilang mga bahagi ay nagmula sa pinagkunang Jahwist ( at ang ilan sa pinagkunang Saserdoteng teksto [priestly]).[8][9] Ang bersiyong Jahwist ay bumago sa teksto ng Babilonia upang ito ay umaayon sa teolohiyang monoteistiko.[6]

Sa Quran, ang kuwento ng baha ni Noe (Nuh sa Quran) ay inilahad sa dalawang kabanata na Sura 11 and Sura 71. Ayon sa Surah 11, ang arko ni Nuh ay lumapag sa Bundok Judi (al-Gudi).

Deucalion sa Mitolohiyang Griyego

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang titan na si Prometheus ay nagpayo sa kanyang anak na si Deucalion na gumawa ng arko. Ang ibang mga tao ay napahamak maliban sa mga ilan na tumakas sa matataas na mga bundok. Ang mga bundok sa Thessaly ay nahati at ang lahat ng mundo na lagpas sa Isthmus at Peloponese ay binaha. Pagkatapos lumutang ng arko sa loob ng 9 araw at gabi, si Deucalion at ang kanyang asawang si Pyrrha ay lumapag sa Parnassus. Ang isang pang mas matandang bersiyon ay nagsaad na ang arko ni Deucalion ay lumapag sa Bundok Othrys sa Thessaly. Ang isang pang salaysay ay nagsaad na ang arko ay lumapag sa tuktok na malamang ay Phouka sa Argolis. Nang tumila ang ulan, si Deucalion ay naghandog sa supremong diyos na si Zeus. Sa utos ni Zeus, si Deucalion ay naghagis ng maliliit na bato sa likod niya at ang mga ito ay naging lalake at ang mga maliliit na batong inihagis ng kanyang asawa ay naging mga babae.

Manu sa Hinduismo

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang Matsya Avatar ng Vishnu ay pinaniniwalaang lumitaw sa simula bilang isang Shapari (maliit na karpa) kay King Manu na hari ng Dravidades habang ito ay naghuhugas ng kanyang kamay sa ilog. Ang ilog na ito ay dapat dumadaloy pababa sa Mga Bundok ng Malaya sa lupain ng Dravida. Ang isang munting isda ay humingi ng tulong sa hari upang iligtas siya at sa kanyang habag ay inilagay ng hari ito sa isang bangang may tubig. Ang isdang ito ay patuloy na lumaki ng lumaki hanggang sa ilagay ito ni King Manu sa isang malaking pitsel at inilipat sa isang balon. Nang ang balon ay hindi na naging sapat sa patuloy na paglaki ng isdang ito, iniligay ito ng hari sa isang tanke. Nang patuloy pang lumaki ang isda, ito ay inilagay ng Hari sa ilog at nang hindi na rin naging sapat ang ilog ay inilagay ito ng Hari sa karagatan na pagkatapos nito ay halos mapuno nito ang buong kalawakan ng dakilang karagatan. Pagkatapos nito ay pinaalam ng isdang ito na si Panginoong Matsya sa Haring Manu na ang isang delubyo ay malapit ng dumating. Ang Hari ay gumawa ng isang malaking arko na titirhan ng kanyang pamilya, 9 na uri ng mga binhi, mga hayop upang muling punuin ang mundo pagkatapos na ang baha at ang mga karagatan at dagat ay huhupa. Sa panahon ng delubyo, si Vishnu ay lumnitaw bilang isang may sungay na isda at si Shesha ay lumitaw bilang isang lubid na ginamit ni Vaivavata upang itali ang arko sa sungay ng isda. Ayon sa Matsya Purana, ang arko ay lumapag sa tuktok ng Mga Bundok Malaya pagkatapos ng baha.

Pananaw siyentipiko

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Lokal na baha sa Sumerya

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang mga paghuhukay sa Iraq ay naghayag ng ebidensiya ng isang lokalisadong pagbaha sa Shuruppak (modernong Tell Fara, Iraq) at iba pang mga siyudad ng Sumerya. Ang isang patong ng mga sedimentong pang-ilog na pinetsahan ng radyokarbon sa ca. 2900 BCE ay gumambala sa pagtuloy ng pagtira na lumawig hanggang sa hilaga ng siyudad ng Kish. Ang mga palayok na polikroma mula sa panahong Jemdet Nasr (3000 BCE hanggang 2900 BCE) ay natuklasan sa agarang ilalim ng stratum ng baha sa Shuruppak[10] Ayon sa resensiyong WB-62 ng talaan ng mga haring Sumeryo, si Ziusudra ng Shuruppak ang huling hari ng Sumerya bago ang baha.

Pangdaigdigang baha

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ayon sa mga siyentipiko, ang pag-iral ng geologic column na mga patong na bato at fossil record ay nagpapakitang ang mga hayop ay hindi sabay sabay na umiral o sabay sabay na namatay gaya ng nangyari sa kuwento ni Noe at iba pa. Ang sekwensiya ng mga stratang ito ay nagpapakitang ang mga simpleng organismo ay mas naunang umiral kesa sa mga komplikadong organismo. Ito ay maaaring ilarawan na sa pinakailalim na strata, ang mga hayop na makikita ay mga simpleng organismo gaya ng bacteria at habang tumataas sa strata ay nagiging mas komplikado ang mga hayop na makikita.[11] Bukod dito, sa dami ng species ng mga hayop sa kasalukuyang panahon,[12][13] imposibleng maipasok sa isang arko ang isang pares ng mga babae at lalake ng lahat ng hayop (Genesis 6:19-20) o pitong pares ng babae at lalakeng hayop na malilinis at isang pares ng babae at lalakeng maruming hayop (Genesis 7:2-3) ng mga milyon milyong mga species na ito upang magpatuloy na magparami pagkatapos ng baha. Imposible ring maipasok ni Noe ang mga hayop na katutubo sa mga lugar na malalayo gaya ng Kangaroo sa Australya, Polar bear sa north pole at marami pang iba gayundin ang mga hayop na sobrang laki gaya ng dinosaur at wooly mammoth. Ayon sa mga siyentipiko, ang inaangkin ng mga kreasyonistang heolohiya ng baha ni Noe ay sinasalungat ng agham heolohikal dahil itinatakwil ng kreasyonismo ang mga prinsipyong heolohikal na unipormitarianismo at radiometric dating. Ayon sa mga siyentipiko, walang ebidensiya ng gayong baha ang napagmasdan sa mga naingatang patong ng bato at ang bahang sinasabi sa bibliya ay imposible dahil sa kasalukuyang mga masa ng lupain. Halimbawa, ang Bundok Everest ay tinatayang 8.8 kilometro sa elebasyon at ang area ng ibabaw ng mundo ng daigdig ay 510,065,600 km2. Ang bolyum ng tubig na kailangan upang takpan ang bundok Everest sa lalim na 15 cubits (6.8 m) gaya ng sinasabi sa Genesis 7:20 ay 4.6 bilyong kubikong kilometro. Ang mga pagsukat ng halaga ng presipitable na vapor ng tubig sa atmospero ay magbibigay ng mga resulta na nagpapakita na ang ang pagkokondensa ng lahat ng vapor ng tubig sa isang column ng atmoespero ay lilikha ng likidong tubig na may lalim na mula sero at tinatayang 70mm depende sa petsa at lokasyon ng column.[14] Dahil dito, ang kuwentong ito at iba pang kuwento ng delubyo ay itinuturing ng mga siyentipiko at skolar ng Bibliya na isang mito o hindi totoo dahil bukod sa walang ebidensiya para sa mga kuwentong ito ay sinasalungat din ito ng agham at heolohiya.[15]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mga Halimbawa Ng Mga Alamat - Panitikan Naka-arkibo 2014-03-27 sa Wayback Machine.

  1. 1.0 1.1 Abriol, Jose C. (2000). "Babala ng Malaking Baha, Ang Baha". Ang Banal na Biblia, Natatanging Edisyon, Jubileo A.D. Paulines Publishing House/Daughters of St. Paul (Lungsod ng Pasay) ISBN 9715901077.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 18, 19, at 21.
  2. "The Sumerian Flood Story" in Atrahasis, by Lambert and Millard, page 138
  3. Harriet Crawford, Sumer and the Sumerians, Cambridge Univ. Press, 1991, p. 19.
  4. Crawford, Harriet (1991). Sumer and the Sumerians. Cambridge University Press. p. 19.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. Erik Schmidt, Excavations at Fara (1931), University of Pennsylvania's Museum Journal, 2:193–217.
  6. 6.0 6.1 Van Seters, p.120
  7. source Genesis Noah flood narrative&f=false Rendsberg, p.120
  8. Campell&O'Brien, p.213
  9. Nicholson, p.120
  10. Harriet Crawford, Sumer and the Sumerians, Cambridge University Press, 2004, ISBN 978-0-521-53338-6
  11. http://www.talkorigins.org/faqs/faq-noahs-ark.html#georecord
  12. "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2011-11-21. Nakuha noong 2011-12-18.{{cite web}}: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link)
  13. http://www.guardian.co.uk/environment/2011/aug/23/species-earth-estimate-scientists
  14. Total Precipitable Water Naka-arkibo 2011-09-05 sa Wayback Machine., NWCSAF.
  15. "Noah's Flood" Not Rooted in Reality, After All?, National Geographic, 6 Pebrero 2009