Pumunta sa nilalaman

Maria Carlita Rex-Doran

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Si Maria Carlita Rex-Doran (1940 - ) ay isang Pilipinong imbentor ng Ampalaya Extract bilang gamot para sa diabetes at HIV, Gugo bilang shampoo, Tawas bilang roll-on deodorant, at Neem bilang insect repellant. Siya ang nakalikha ng Siroga Instant Fuel. Nakatanggap siya ng World Intellectual Property Organization (WIPO) Gold Medal Award para sa pinakanatatanging imbensiyon noong 1991. Nahirang siya bilang isa sa mga personalidad na nakatanggap ng Most Outstanding Women in the Philippines - Kababaihan Tulad Mo, Tagumpay na Walang Katulad Award noong 1998. Nakatanggap sita ng Best in the Use of Indigenous Materials Award mula sa DOST-TAPI.

Nagtapos si Doran sa kursong Chemistry sa Unibersidad ng FEATI. Naging interesado siya sa mga halamang gamot dahil sa kaalamang malaking porsyento pa rin ng mga gamot sa botika ay galing sa mga halaman. Naniniwala siyang mas mainam at ligtas ang mga makalumang paraan ng panggagamot. Tunay niyang ikinatuwa ang pagkakapasa ng Alternative Medicines Law na nag-eenganyong magbigay ng resetang gamot maliban sa galing sa botika.

Taong 1976, itinatag niya ang CRD International na nagdala sa pamilihan ng tsaang galing sa halaman (herbal beverage tea and herbal cosmetics). Siya ang kauna-unahang nagsaliksik tungkol sa gugo bilang shampoo, at sa tawas bilang roll-on deodorant. Ang kanyang Forest Magic Cosmetics ang naghirang sa mga prutas, gulay at herb bilang pampaganda -sarsaparilla bilang anti-aging cream, pipino bilang facial toner, at neem bilang insect repellent.

Taong 1991, natanggap niya ang WIPO Gold Medal dahil sa kanyang imbensiyong Siroga Instant Fuel. Ang fuel na ito ay mainam gamitin pang-camping, pang-sports at pang-militar. Naging mabili ito hanggang Kuwait,Singapore, Hong Kong, at bansang Hapon.