Pumunta sa nilalaman

Klasikong mekanika

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Mekaniks na klasikal)

Sa mga larangan ng pisika, ang klasikong mekanika ay isa sa dalawang pangunahing kabahaging larangan ng pag-aaral sa loob ng agham ng mekanika, na nakatuon sa pangkat ng mga batas na pisikal na namamahala at maka-matematikang naglalarawan sa mga galaw o mosyon ng mga katawang pisikal at mga kumpol ng mga katawan maka-heometriyang nakakalat sa loob ng isang partikular na hangganan sa ilalim ng kilos ng isang sistema ng mga puwersa. Bukod sa klasikong mekanika, ang isa pang kabahaging larangan ng pisika ay ang kuwantum mekaniks.

Ginagamit ang klasikong mekanika para sa paglalarawan ng galaw o kilos ng mga bagay na makroskopiko, mula sa mga prohektil hanggang sa mga bahagi ng makinarya, pati na mga bagay na astronomikal, katulad ng sasakyang pangkalawakan, mga planeta, mga bituin, at mga galaksiya. Gumagawa ito ng napakatumpak na mga resulta sa loob ng mga dominyo o nasasakupang ito, at isa sa pinakamatanda at pinakamalaking mga paksa sa agham, inhinyeriya, at teknolohiya. Bukod pa rito, maraming mga kaugnay na mga espesyalidad ang umiiral na nakatuon sa mga gas, mga likido, at mga solido, at iba pa. Bilang karagdagan, pinaiinam ang klasikong mekanika ng natatanging relatibidad para sa mga bagay na may matataas na belosidad na umaabot na sa tulin ng liwanag. Ginagamit ang heneral na relatibidad o pangkalahatang relatibidad upang mapanghawakan ang grabitasyon sa mas malalim na antas, at bilang panghuli, pinanghahawakan ng kuwantum mekaniks ang duwalidad ng alon-partikulo (kadalawahan o pagiging dalawa ng alon-partikulo) ng mga atomo at mga molekula.

Ang termino o katawagang klasikong mekanika ay naimbento noong kaagahan ng ika-20 daantaon upang ilarawan ang sistema ng pisikang matematiko o pisikang matematikal na sinimulan ni Isaac Newton at maraming mga pilosopong natural noong kontemporaryong ika-17 daantaon, na nagtatatag mula sa mas maaaga pang mga teoriyang astronomikal ni Johannes Kepler, na ibinatay naman sa tumpak na mga pagmamasid o mga obserbasyon ni Tycho Brahe at mga pag-aaral ng terestriyal na mosyong pamprohektil ni Galileo Galilei, subalit bago sumpamit ang pag-unlad ng pisikang kuwantum at relatibidad. Kung gayon, ilan sa mga pinagmulan o pinagkunan ang hindi nagsasama ng mekanika ni Einstein (teoriya ng relatibidad), na sa kanilang pananaw ay kumakatawan sa klasikong mekaniks sa pinakamaunlad at pinakatumpak nitong anyo.

Ang unang yugto sa pag-unlad ng klasikong mekaniks ay kadalasang tinutukoy bilang Newtonyanong mekanika, at may kaugnayan sa mga konseptong pisikal na ginagamit ni Isaac Newton pati na ang mga metodong siya mismo ang umimbento, na kaagapay ni Gottfried Wilhelm von Leibniz, at iba pa. Kabilang sa mas abstrakto at mapangkalahatang mga metodo ang Lagrangianong mekanika at ang Hamiltonyanong mekanika. Ang karamihan sa nilalaman ng klasikong mekanika ay nilikha noong ika-18 at ika-19 mga daantaon at malakihang lumalampas sa mga gawain ni Newton, partikular na sa gamit nito sa matematikang analitiko.

Pisika Ang lathalaing ito na tungkol sa Pisika ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.