Pumunta sa nilalaman

Mitolohiyang Anglo-Sahon

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Ang Mitolohiyang Anglo-Sakson o Mitolohiyang Anglo-Sahon ay ang paganismong Hermaniko ng Kapanahunan ng Migrasyon na isinagawa ng mga taong Ingles o mga Anglo-Sakson noong ika-5 hanggang ika-7 daantaon sa Inglatera.

Mga pinagmulan at kasaysayan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang mga Anglo-Sakson, na binubuo ng mga tribo ng mga Anglo (mga Angle), mga Sakson, Friesiano, at Jute, ay dumating sa Britanya mula sa katimugang Iskandinabya, Nederlandiya, at hilagang Alemanya. Nagbuhat sa mga taong ito ang paghango ng modernong wikang Ingles (Angle-ish). Ang impresyon, ngunit iyon lamang, ng mitolohiyang Anglo-Sakson ang makukuha mula sa pagbasa ng tungkol sa Mitolohiyang Nordiko (mitolohiyang Iskandinabyano). Ang huli ay isinulat na mas nahuli, ni Snorri Sturluson, dahil ang Islandiya ay nanatiling pagano hanggang sa kapanahunang Kristiyano (c. 1000). Ang mga Nordiko o Norse ng Islandiya at ang mga Ingles ay talagang may pangkaraniwang kanunu-nunuan mula sa ika-6 na daantaong Dinamarka. Ang mga Anglo-Sakson ay isang malaking lipunang hindi nakababasa at hindi nakakasulat at ang mga paglalahad o kuwento ay naitatalastas sa pagitan ng mga pangkat at mga tribo sa pamamagitan ng mga naglalakbay na mga minstrel at mga iskop (scop) na Anglo-Sakson sa anyo ng mga berso.

Napagkunan ng mitolohiyang Anglo-Sakson

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang pangunahing napagkunang pampanitikan ay si Bede, isang mongheng Kristiyano na nagsulat hinggil sa lumang kalendaryong Ingles sa kanyang De Temporum Ratione. Tanging maliit na panulaan ng Lumang Ingles ang nakaligtas at nananatili, at ang lahat nito ay nagkaroon ng mga Kristiyanong patnugot. Ang epikong tulang Beowulf ay isang mahalagang pinagmulan ng panulaan at kasaysayan ng paganong Anglo-Sakson, subalit ito ay malinaw na nakalaan para sa mga madlang Kristiyano, na naglalaman ng maraming mga pagtukoy sa Kristiyanong Diyos, at gumagamit ng mga pagpaparirala at metapor na Kristiyano. Ang halimaw na si Grendel, bilang halimbawa, ay nilarawan bilang isang kaapu-apuhan ng pambibliyang si Cain. Sa katotohanan, ang tanging pragmento ng panulaan na maipepetsa sa kapanahong pagano na hindi napasailalim sa mga pamamatnugot ng mga Kristiyanong editor ay ang Finnsburgh Fragment.

Mga paniniwala

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Naniniwala ang mga Anglo-Sakson sa mga nilalang na supernatural katulad ng mga duwende, mga nuno, at mga dambuhala (mga "Etin") na kadalasang nagdadala ng pinsala sa mga tao. Mas nakalalamang na naniniwala sila sa Wyrd ("werden" sa wikang Aleman), na karaniwang naisasalinwika bilang "kapalaran", bagaman ang makabagong katagang kapalaran ay hindi nakapagbibigay ng malaking katarungan sa tunay na kahulugan ng wyrd.

Dahil sa pagiging mga taong Hermaniko, sumamba ang mga Anglo-Sakson sa kahalintulad na mga diyos na pinaniniwalaan ng mga Nordiko at iba pang mga taong Hermaniko. Ang mga pangalan ay bahagyang kaiba dahil sa pagkakaiba sa wika ng mga Hermanikong tao. Bilang halimbawa, si Thunor ng mga Anglo-Sakson ay ang kahalintulad na diyos na si Thor ng mga Nordiko at Donar ng mga Aleman. Gayundin, si Woden ng mga Anglo-Saksyon ay kahalintulad ni Odin ng mga Nordiko at Wota ng mga Aleman.

Ang mga ideyang panrelihiyon ng mga Anglo-Sakson ay nagbigay ng pataan para sa pagsamba ng pagsamba sa maraming mga diyos. Ang mga Anglo-Sakson ay may mga templong nagbabahay ng mga imahen ng kanilang mga diyos pati na ng isang altar o dambana. Inatasan ni Papa Gregori si Agustin na 'wasakin ang mga idolo subalit gamitin ang kanilang mga bahay para sa pagsambang Kristiyano'.

Anglo Sakson Matandang Aleman Nordikong katumbas
Wóden na kilala rin bilang Grim Wodan/Wotan Odin
Thunor Donar Thórr
Tíw Zîu Týr
Seaxnéat Saxnôte wala
Géat Gausus Gautr
*Fríge Frîja Frigg
Éostre wala wala
Ing wala Yngvi-Freyr
Baldaeg Balder Baldr
Hama Heime Heimdallr

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]