Mole (yunit)
Ang mole ay ang batayang-panukat ng Internasyonal na Sistema ng mga Yunit (SI) para sa dami ng espesye. Ito ay itinukoy bilang ang dami ng elementaryang entidad ng isang kemikal na sangkap na katumbas ng dami ng mga atomo sa 12 gramo ng carbon-12 (12C). Ang bilang na ito ay ipinahayag sa pamamagitan ng konstant na Avogadro na nagkakahalaga ng 6.022140857(74)×1023 mol−1. Ang mole ay isa sa mga batayang yunit ng SI, at may simbolong mol.
Sa kimika, ang mole ay may malawak na gamit bilang isang paraan na nagsasaad ng dami ng reactant at produkto ng reaksiyong kimikal. Halimbawa, sa reaksiyong 2 H2 + O2 → 2 H2O, nagpapahiwatig na nakabubuo ng 2 mol ng tubig (H2O) ang reaksiyon sa pagitan ng 2 mol ng dihidroheno (H2) at 1 mol ng dioksiheno (O2). Maaari ring gamitin ang mole bilang pambilang ng dami ng mga atomo, iono, o iba pang mga elementaryang entidad sa isang ibinigay na sampol ng anumang sangkap. Gamit din ang yunit na ito upang maihayag ang konsentrasyon ng isang solusyon sa molaridad, na nakatukoy bilang ang dami ng mga mole ng tunaw na sangkap kada litro ng solusyon.
Ang bilang ng mga molekyul kada isang mole ay tinatawag bilang konstant ni Avogadro. Ito ay nakatukoy bilang ang masa ng 1 mole (sa yunit na gramo) ng isang sangkap na nakabase sa relatibong masang molekyular (relative molecular mass) ng sangkap. Halimbawa, dahil ang relatibong masang molekyular ng tubig ay 18.015, ang 1 mole ng tubig ay may bigat (masa) na 18.015 gramo.
May ilang mga kimiko't kimika na ipinagdiriwang ang ika-23 ng Oktubre bilang "Mole Day" sa karangalan ng mole (mula sa 1023 ng konstant ni Avogadro). May ilan din namang ipinagdiriwang ito sa tuwing ika-6 ng Pebrero at ika-2 ng Hunyo.