Padron:Unang Pahina/Artikulo/Chiune Sugihara
Si Chiune Sugihara (Hapones: 杉原千畝, Sugihara Chiune; Enero 1, 1900 – Hulyo 1986) ay isang diplomatikong Hapones, na naglingkod bilang isang Pangalawang Konsul para sa Imperyong Hapones sa Litwanya. Daglian pagkaraan ng Pananakop sa Litwanya (Pananakop sa mga estadong Baltiko) ng Unyong Sobyet, tinulungan niya ang ilang libong mga Hudyo upang makalikas sa bansa sa pamamagitan ng mga bisa (sa pasaporte) na pantawid sa mga Hudyo upang makapaglakbay sila patungong bansang Hapón. Karamihan sa mga Hudyong nakaligtas ang nanggaling sa Polonya o mga naninirahan sa Litwaniya. Dahil sa kaniyang mga ginawa sa pagsagip sa mga Hudyo mula sa mga Nazi, pinarangalan si Sugihara ng Israel bílang Matuwid at Makatuwirang Kahalubilo ng mga Nasyon (o Righteous Among the Nations). Ipinanganak si Chiune Sugihara noong sa Yaotsu, isang rural na pook sa Prepekturang Gipu ng rehiyong Chūbu sa bansang Hapón, sa isang panggitnang-antas na ama, si Yoshimizu Sugihara, at Yatsu Sugihara, isang uring-samurai na ina.Ikalawa siya sa limang magkakapatid na laláki at iisang babae. Noong 1912, nagtapos siya ng may mga karangalan mula sa Paaralang Furuwatari, at pumasok sa Nagoya Daigo Chugaku (mataas na paaralang Zuiryo ngayon), isang magkasanib na mataas na paaralang pang-dyunyor at seniyor. Gusto ng tatay ni Sugiharang sundin nito ang mga yapak niya bílang isang manggagámot, ngunit sinadyang ibagsak ni Sugihara ang sarili mula sa pagsusulit para makapasok sa paaralang pangmedisina sa pamamagitan ng pagsulat lamang ng kaniyang pangalan sa mga papel ng pagsusulit. Sa halip, nagpatala siya sa Pamantasang Waseda noong 1918 at nagkaroon ng degri sa panitikang Ingles. Noong 1919, pumasa siya sa pagsusulit ng pang-iskolar ng Ministeryo ng Ugnayang Panlabas. Kinuha siya ng Ministeryo ng Ugnayang Panlabas ng Hapon at itinalaga siya sa Harbin, Tsina, kung saan nag-aral din siya ng mga wikang Ruso at Aleman, at naging isang dalubhasa sa pakikipag-ugnayang pang-Ruso sa kalaunan.