Pang-abay
Ang pang-abay[1] ay mga salitang naglalarawan sa pandiwa, pang-uri, at kapwa pang-abay.
Uri ng Pang-abay
[baguhin | baguhin ang wikitext]Sa aklat ni Lope K. Santos na Balarila ng Wikang Pambansa na nailathala sang-ayon sa Commonwealth Act No. 184 (1936), Kautusang Tagapagpaganap Blg. 263 (1940), Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 (1937), isinulat nya kung paano ang tamang balarila (kalakip ang pang-abay) ng Wikang Pambansa na Tagalog na kalaunan ay magiging Filipino.[2]
Mayroong labing-anim na uri ang pang-abay at ang mga ito ay: Pamanahon, Panlunan, Panggaano, Panulad, Pananong, Pang-agam, Panang-ayon, Pananggi (Panalungat), Pamitagan, Panunuran, Panturing, Pamaraan,[3] Ingklitik, Benepaktibo, Kusatibo, at Kondisyonal
Naaari ang pang-abay hinggil sa limang kaanyuan: PAYAK (isang likas na salita lamang), MAYLAPI (nagdadagdag ng lapi), INUULIT (nauulit ang salita), TAMBALAN (dalawang salita ang pinagsama), at PARIRALA (maraming kataga at salita).[3]
Pamanahon
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nagsasaad ang pang-abay na pamanahon kung kailan naganap, ginaganap, o gaganapin ang isang pangyayari o kilos.
Mayroon itong tatlong uri:
- May pananda - nang, sa, noon, kung, kapag, tuwing, buhat, mula, umpisa, at hanggang
Halimbawa: "Kailangan mo bang pumasok nang araw-araw?"
- Walang pananda - kahapon, kanina, ngayon, mamaya, bukas, sandali, at iba pa
Halimbawa: "Manonood kami bukas ng pambansang pagtatanghal ng dulang Pilipino."
- Nagsasaad ng dalas - araw-araw, tuwing umaga, taun-taon, at iba pa
Halimbawa: "Tuwing buwan ng Mayo ay nagdaraos kami sa aming pook ng santakrusan."
Lahat ng maaring gamiting pang-abay na pamanahon: kahapon, kagabi, ngayon, bukas, kangina, kanina, mamayâ, umaga, tanghali, hapon, araw, gabi, araw-gabi, maghapon, magdamag, kamakalawa, kamakatlo, kamakapat, samakalawa, samakatlo, samakapat, linggo, buwán, taon, makalawa, makaitlo, makatlo, na, pa, nang, sandali, bago, muna, dati, parati, lagi, tuwi, tuwi-tuwi na, saka, bihira, samantala, kailanman, pagdaka, pagkuwan, kagyat, kaagad, agad, kabud, mana'y, alipala, kananawa, kaginsaginsa, karingatdingat, kamalamala, walang anu-ano, walang-abug-abog, balang-araw, may-araw, pana-panahon, habang-panahon, nang-una-una pa, sa mula-mula pa, sa tanang-buhay[3]
Panlunan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nagsasaad ito ng lugar kung saan naganap ang pangyayari. Samakatuwid, ito ay nagsasabi kung saan ginawa, ginagawa, at gagawin ang kilos sa pangungusap; sa ibang pananalita ay tumutukoy ito sa pook na pinangyarihan, o pangyayarihan ng kilos sa pandiwa. Karaniwang ginagamit ang mga pariralang may sa, kina o kay.
Ginagamit ang sa kapag ang kasunod ay isang pangngalang pambalana o isang panghalip. Ginagamit naman ang kay at kina kapag ang kasunod ay pangngalang pantangi na pangalan ng isang tao.
Halimbawa: "Maraming masasarap na ulam ang itinitinda sa kantina." ; "Nagpaluto ako kina Aling Inggay ng masarap na mamon para sa kaarawan."
Lahat ng maaring gamiting pang-abay na panlunan: dini, dito, diyan, doon, saanman, malapit, malayo, sa may, nasa may, sa loob, sa labas, sa harap, sa harapan, sa tapat, sa likod, sa likuran, sa ibabaw, sa ilalim, sa itaas, sa ibaba, sa siping, sa piling, sa tabi, sa dako, sa gawi, sa kabila, sa magkabila, buhat, mula, sapul, hanggang,[3] sa, kay, kina
Panggaano o pampanukat
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nagsasaad ito ng timbang, bigat, o sukat. Sumasagot ang pang-abay na panggaano sa tanong na gaano o magkano.
Halimbawa: "Tumangkad ako nang limang sentimetro."
Lahat ng maaring gamiting pang-abay na panggaano: marami, katakot-takot, kaunti, munti, unti, bahagya, bihira, kulang, wala, na, pa, sapat, sukat, kaigihan, kainaman, katamtaman, lamang, laang, lang, man lamang, man laang, man lang[3]
Panulad
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ito ang nagsasaad sa pagkatulad ng isang bagay mula sa ibang bagay. Maari rin itong magsaad ng kahigitan o kalamangan. Ang mga pang-abay na panulad din ay madalas na mayroong "di-" sa unahan.
Halimbawa: "Gadagat ang lawak ng palaruan namin."
Lahat ng maaring gamiting pang-abay na panulad: ga, gaya, gayon din, labis, higit, lubha, lalo, kaysa, totoo, di-hamak, di-kawasa, di-sapala, di-gaano, di-gasino, di-magkakano, di ano lamang.[3]
Pananong
[baguhin | baguhin ang wikitext]Maunti lamang ang pang-abay na pananong at ito ay: gaano, maano, magkano, paano, ba, baga, kayâ, bakit, diyata, ha, hane[3]
Halimbawa: "Gaano ka kasaya sa pamumuno sa iyong lungsod?"
Pang-agam
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nagbabadya ito ng kawalan ng katiyakan sa pagganap sa kilos ng pandiwa.
Halimbawa: "Marami na marahil ang nakabalita tungkol sa pasya ng Sandiganbayan."
Lahat ng maaring gamiting pang-abay na pang-agam: ga, tila, wari, mandin, anaki, yata, marahil, kaipala, baka, mamaya pa'y, di sasala, walang sala, di-malayo, malapit-lapit, pag-nagkataon, pag nagkabisala', siguro'[3]
Panang-ayon
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nagsasaad ito ng pagsang-ayon.
Halimbawa: "Talagang mabilis ang pag-unlad ng bayan."
Lahat ng maaring gamiting pang-abay na panang-ayon: oo, opo, oho, siyá nga, totoo, tunay, talaga, naman, marahil, tila, maaari, maari, kapala pa, ganoon nga, mangyari pa, hala na nga, bahala na, ngâ, din, man, naman, pala, ngani, patí, sampún[3]
Panalungat
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nagsasaad ito ng pagtanggi o pagtutol.
Halimbawa: "Hindi pa lubusang nagamot ang kanser."
Lahat ng maaring gamiting pang-abay na pananggi: hindi, huwag, wala, ayaw, aywan, di, wag,[3] ayoko, ayaw ko, edi wag
Pamitagan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nagsasaad ito ng paggalang. Ginagamit dito ang po/ho at opo/oho.
Halimbawa: "Kaylan po ba kayo uuwi sa lalawigan nyo?"
Lahat ng maaring gamiting pang-abay na pamitagan: po, ho, tabi, sintabi, alang-alang, pakundangan, tabing-galang, mawalang-galang, huwag maging mahalay[3]
Panunuran
[baguhin | baguhin ang wikitext]Masasabi lamang na pang-abay na panunuran ang isang salita kung ito ay nakatangan sa pandiwang lantad o di-lantad. Tinutukoy nito ang ayos ng pagkakasunod-sunod ng hanay o kalagayan.
Halimbawa: "Ikaw muna ang maghimpil ng pinggan, bago ako."
Lahat ng maaring gamiting pang-abay na panunuran: munâ, bago, sakâ, una, una-una, uná-uná, kauna-unahan, kahuli-hulihan, katapus-tapusan, kawakas-wakasan, panabay, sabay-sabay, panunod, sunod-sunod.[3]
Panturing
[baguhin | baguhin ang wikitext]Mga pang-abay ito na nagsasaad ng pagtuturing o pagkilala ng utang-na-loob, o kasiyahang-loob sa isang mabuting pangyayari o biyayang natamo.
Halimbawa: "Buti nalang may natira pang upuan at nang makaupo tayo."
Lahat ng maaring gamiting pang-abay na panturing: salamat, mabuti naman, mabuti na lamang, mabuti nalang, buti naman, buti nalang, nanghaw at[3]
Pamaraan
[baguhin | baguhin ang wikitext]1) Naglalarawan ito ng kung paano naganap, nagaganap, o magaganap ang kilos na ipinahahayag ng pandiwa. Ginagamit sa ganitong uri ng pang-abay ang mga panandang nang, na, at -ng. Halimbawa nito ay magaling, mabilis, maaga, masipag, mabait, maganda at iba pa.
Halimbawa: "Yinakap nya ako nang mahigpit."
2) Ayon kay Santos, "ang mga pang-abay na pamaraan ay di lamang sa paraán tumutukoy kundi patí sa anyó, kilos, o buód ng pagganáp o pangyayaring isinasaad ng pandiwà o ng pananalitang ináabayan."
Halimbawa: "Siya ay kusang napaalis dahil sa pagkahiya."
Lahat ng maaring gamiting pang-abay na pamaraan: kusà, sadyâ, talaga, tikis, tambing, pilit, tahas, tandis, tuloy, lubos, ganap, kanuwa, kunwari, sayang, bahagya, bulinya, halos, kulang, bukod, tangi, bukudtangi[3]
Ingklitik
[baguhin | baguhin ang wikitext]Mga kataga ito sa Filipino na karaniwang nakikita pagkatapos ng unang salita sa pangungusap. Ito ang man, kasi, sana, nang, kaya, yata, tuloy, lamang/lang, din/rin, ba, pa, muna, pala, na, naman at daw/raw.
Halimbawa: "Inaantok na yata siya."
Benepaktibo
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nagsasaad ito ng pakinabang para sa isang tao. Ito ay karaniwang binubuo ng pariralang pinangungunahan ng para sa.
Halimbawa: "Ang nalipong buwis ay para sa pag-unlad ng bansa."
Kusatibo
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nagsasaad ito ng dahilan ng pangganap sa kilos ng pandiwa. Ito ay makikilala sa parirala o sugnay na pinangungunahan ng dahil sa.
Halimbawa: "Dahil sa TPLEx, mas mabilis na ang biyahe mula Maynila hanggang Baguio."
Kundisyonal
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nagsasaad ito ng kalagayan upang maganap ang kilos na isinasaad ng pandiwa. May mga sugnay o parirala itong pinangungunahan ng kung, kapag/pag, at pagka.
Halimbawa: "Gaganda ang kalsada kung lalapatan nila ng aspalto ang mga lubak nito."
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Pang-abay. mamsha.tripod.com. Retrieved 17 June 2019.
- Pinagyamang Pluma 9, by Ailene G. Baisa-Julian, Mary Grace G. del Rosario, Nestor S. Lontoc ISBN 978-971-06-3652-5, pp. 363-364
- Santos, Lope K.; Zafra, Galileo S. (2019). Balarila ng Wikang Pambansa. Manila: AKLAT NG BAYAN.
- ↑ English, Leo James (1977). "Pang-abay, adberbyo, adverb". Tagalog-English Dictionary (sa wikang Ingles). Congregation of the Most Holy Redeemer. ISBN 9710810731.
- ↑ Zafra, Galileo S. (2019). Balarila ng Wikang Pambansa. Manila: AKLAT NG BAYAN.
- ↑ 3.00 3.01 3.02 3.03 3.04 3.05 3.06 3.07 3.08 3.09 3.10 3.11 3.12 3.13 Santos, Lope K. (2019). Balarila ng Wikang Pambansa. Manila: AKLAT NG BAYAN. p. 402-438.
