Pumunta sa nilalaman

Sikolohiya

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Pangsikolohiya)
Ang malaking titik na psi sa Griyego ay kadalasang ginagamit bilang representasyon ng salita o pag-aaral ng Sikolohiya.

Ang sikolohiya o dalub-isipan (Kastila: psicología, Ingles: psychology) ay ang agham ng isip at ugali. Kalakip sa sikolohiya ang pag-aaral ng kababalaghang may malay at walang malay, pati na rin ang damdamin at pag-iisip. Isa itong disiplinang pang-akademya na may napakalaking saklaw. Hinahangad ng mga sikologo ang pagka-unawa ng mga lumilitaw na katangian ng mga utak, at lahat ng sari-saring kababalaghan na konektado sa mga lumilitaw na katangian na iyon, at sa ganitong paraan, sumasali sa mas malawak na neuro-siyentipikong grupo ng mga mananaliksik. Bilang isang agham panlipunan, nilalayon nitong intindihin ang mga indibidwal at grupo sa pagtatatag ng mga pangkalahatang prinsipyo at pagsasaliksik ng mga tiyak na kaso.[1][2]

Sa larangang ito, ang isang propesyonal o mananaliksik, ay tinatawag na mga sikolohista, dalub-isip, "sikologo" (lalake), at "sikologa" (kung babae) na maaaring uriin bilang isang siyentipikong panlipunan, pampag-uugali, o pampagtalos. Sinisikap ng mga sikologo na unawain ang papel ng pag-aandar ng kaisipan sa ugali ng indibidwal at ugali sa lipunan, habang sinisiyasat din ang mga prosesong pisyolohikal at biyolohikal na pinagbabatayan ng mga kognitibong pag-aandar at pag-uugali.

Sinasalisik ng mga sikologo ang pag-uugali at mga proseso ng utak, kabilang dito ang pandama, kognisyon, pansin, damdamin, katalinuhan, mga pangkaraniwang karanasan, kaganyakan, paggana ng utak, at personalidad. Kasama rin dito ang ugnayan ng mga tao, gaya ng mga kaugnayan sa iba, at kasama rito ang katatagang sikolohikal, katatagan ng pamilya, at iba pang mga larangan. Kinokonsidera rin ng mga sikologo ng iba't ibang oryentasyon ang walang-malay na isipan.[3]

Ginagamit ng mga sikologo ang mga pamamaraang empiriko para maghinunha ng mga ugnayang kawsal at korelasyonal sa pagitan ng mga baryableng sikososyal. Bilang karagdagan, o bilang salungat, sa paggamit ng mga pamamaraang empiriko at deduktibo, ang ilang sikologo—lalo na ang mga sikologo sa klinika at pagpapayo—ay tumitiwala minsan sa interpretasyon ng simbolo at iba pang mga pamamaraang induktibo. Nailarawan ang sikolohiya bilang isang "hub science" (sentro ng agham) anupat may kaugaliang sumangguni ang medisina ng sikolohikal na pagsasaliksik sa pamamagitan ng neurolohiya at sikiyatriya, habang ang pinakakaraniwang sinasangguni ng mga agham panlipunan ay mga subdisiplina sa loob ng sikolohiya.[4]

Habang kadalasang nilalapat ang kaalamang sikolohikal sa pagtatasa at paggamot ng mga problema sa kalusugan ng isip, nakadirekta rin ito patungo sa pag-uunawa at paglulutas ng mga problema sa iilang pitak ng mga aktibidad ng tao. Ayon sa maraming salaysay, ang sikolohiya sa huli ay naglalayong maging kapaki-pakinabang sa lipunan.[5][6] Kasangkot ang karamihan ng mga sikologo sa isang uri ng tungkulin sa terapiya, na nagpapraktis sa mga tagpuang klinikal, pampayo, at pampaaralan. Nagsasaliksik ang marami ng iba't ibang paksa na may kinalaman sa mga proseso ng utak at pag-uugali, at karaniwang nagtatrabaho sa mga kagawaran ng sikolohiya sa mga unibersidad o nagtuturo sa mga iba pang tagpuang pang-akademiko (hal. mga paaralang medikal, ospital). Nagtatrabaho ang ilan sa mga tagpuang pang-industriya at pang-organisasyon, o sa mga iba pang larangan[7] tulad ng pag-unlad ng tao at pagtatanda, palakasan, kalusugan, at midya, pati na rin sa porensikong pagsisiyasat (forensic investigation) at ibang aspeto ng batas.

Pangunahing pag-aaral ng kaisipan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Fernald LD (2008). Psychology: Six perspectives [Sikolohiya: Anim na Pananaw] (sa wikang Ingles) (pp.12–15). Thousand Oaks, CA: Sage Publications.
  2. Hockenbury & Hockenbury. Psychology [Sikolohiya] (sa wikang Ingles). Worth Publishers, 2010.
  3. Kahit na ang sikoanalisis at iba pang mga uri ng sikolohiya ng lalim ay karaniwang naiuugnay sa walang-malay na isip, itinuturing ng mga ugalista (behaviorist) ang mga ganoong kababahalaghan bilang klasikal na pagkondisyon (classical conditioning) at operanteng pagkondisyon (operant conditioning), habang sinasaliksik ng mga kognitibista ang pahiwatig na alaala (implicit memory), automatisidad, at mensaheng subliminal, ang lahat ng ito ay nauunawaang lumalampas o nangyayari sa labas ng kusang pagsisikap o pansin. Sa katunayan, nagpapayo ang mga terapistang kognitibo-pang-ugali (cognitive-behavioral therapist) sa kanilang mga kliyente na maging alisto sa maling huwaran ng pag-iisip (maladaptive thought patterns), ang likas na katangian na hindi namalayan dati ng mga kliyente.
  4. Cacioppo, John (Setyembre 2007). "Psychology is a Hub Science" [Ang Sikolohiya ay Isang Sentro ng Agham]. Aps Observer (sa wikang Ingles). 20 (8). ang sikolohiya ay isang sentral na disiplina — iyon ay, isang disiplina kung saan sinisipi ang siyentipikong pananaliksik ng mga siyentipiko sa marami iba pang larangan. Halimbawa, sumasangguni ang medisina mula sa sikolohiya, kadalasan sa papamagitan ng neurolohiya at sikiyatriya, habang ang mga agham panlipunan ay sumasangguni naman nang direkta mula sa karamihan ng mga espesyalidad sa loob ng sikolohiya. (Isinalin ang sipi mula sa Ingles).{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link) Association for Psychological Science Observer (Setyembre 2007)
  5. O'Neil, H.F.; nasipi sa Coon, D.; Mitterer, J.O. (2008). Introduction to psychology: Gateways to mind and behavior (12th ed., pp. 15–16) [Pambungad sa sikolohiya: Pasukan patungo sa isip at pag-uugali (Ika-12 ed., mga pa. 15–16)] (sa wikang Ingles) . Stamford, CT: Cengage Learning.
  6. "Ang misyon ng APA [Samahang Sikolohikal ng Amerika] ay magpasulong ng paglikha, komunikasyon at paglalapt ng kaalamang sikolohikal para sa kapakinabangan ng lipunan at para mapabuti ang mga buhay ng mga tao"; APA (2010). About APA. Nakuha noong Oktubre 20, 2010.
  7. Bureau of Labor Statistics, U.S. Department of Labor, Occupational Outlook Handbook [Hanbuk sa Pagtingin ng Okupasyon], Edisyon ng 2010–11, Psychologists [Mga Sikologo], nasa Internet sa bls.gov Naka-arkibo 2012-01-04 sa Wayback Machine. (binisita noong Hulyo 8, 2010).

Mga kawing panlabas

[baguhin | baguhin ang wikitext]