Pumunta sa nilalaman

Farro

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Paro)
Ang Triticum dicoccum, ang trigo ng emmer, ay nakalilikha ng paminsan-minsang tinatawag bilang "totoong" farro.[1]

Ang farro ay isang produktong pagkain na binubuo ng mga butil (mga sereal) ng partikular na mga espesye ng trigo na nasa anyong buo. Ang tumpak na kahulugan ay pinagtatalunan. Ipinagbibili itong tuyo at inihahanda sa pamamagitan ng pagluluto sa tubig hanggang sa lumambot, subalit nananatiling malutong (maraming mga tao ang nagmumungkahing ibabad muna sa tubig ang mga ito sa buong magdamag bago lutuin). Maaari itong kainin na walang kahalong ibang mga sangkap, bagaman madalas itong gamitin bilang isang sangkap sa mga pagkaing katulad ng ensalada at mga sabaw. Kung minsan, ginigiling ito upang maging harina at ginagamit upang makagawa ng pasta o tinapay.

May kalituhan o hindi pagkakasundo hinggil sa kung ano ba talaga ang farro. Ang emmer (Triticum dicoccum), ang spelt (Triticum spelta), at ang einkorn (Triticum monococcum) ay tinatawag na mga farro sa lutuing Italyano, na sa kung minsan ay ibinubukod bilang farro medio, farro grande, at farro piccolo, ayon sa pagkakasunud-sunod na pagbanggit sa mga ito sa loob ng pangungusap na ito.[2] Ang emmer na inaalagaan at pinalalaki sa rehiyon ng Garfagnana ng Tuscany ay nakikilala bilang farro, at maaaring makatanggap ng designasyon ng isang IGP (Indicazione Geografica Protetta) na alinsunod sa batas ay nagbibigay ng garantiya ng pinagmulan nitong pangheograpiya.[2] Sa ngayon, ang emmer ang pinaka karaniwang uri na itinatanim sa Italya, sa partikular na mga rehiyong bulubundukin ng Tuscany at Abruzzo. Itinuturing din ito bilang may mas mataas na kalidad para sa pagluluto kaysa sa dalawang mga granong nabanggit at paminsan-minsang tinatawag bilang "tunay" na farro.[3]

Ang pagkakaibang pangrehiyon hinggil sa kung ano ang katutubong itinatanim at kinakain bilang farro, pati na ang mga pagkakahalintulad ng tatlong mga butil, ay maaaring makapagpaliwanag hinggil sa kalituhan. Ang sebada (barley) at ang farro ay maaaring paghalinhinan ang paggamit dahil sa kanilang mga katangiang magkakahalintulad. Ang spelt ay mas karaniwang inaalagaan sa Alemanya at sa Switzerland at ginagamit sa katulad na paraan, at dahil sa gayon ay maaaring ituring bilang farro. Ang karaniwang trigo (Triticum aestivum) ay maaari ring ihanda at kainin na katulad ng farro, na sa ganitong anyo ay kadalasang tinutukoy bilang mga wheatberry (bering trigo).

Ang farro ay isa lamang sa limang mga butil, ayon sa batas ng Hudyo, na maaaring iburo (sumailalim sa permentasyon o pagpapaasim o paghilabin) upang makagawa ng chametz. Ang limang mga granong ito lamang ang tanging mga butil na maaaring gamitin upang gumawa ng Matzo.[4]

Ang tatlong mga espesye ng farro ay paminsan-minsang tinatawag na farro piccolo o "maliit na farro" (ang einkorn), farro medio o "farro na hindi kalakihan" (ang emmer) at ang farro grande o "malaking farro" (ang spelt).[2] Bagaman ang mga pangalang ito ay nagpapasalamin ng pangkalahatang pagkakaiba ng mga sukat ng tatlong mga butil na ito, mayroong mga lahi ng bawat isa na mas maliliit o mas malalaki kaysa sa pangkaraniwang hugis at humahalo sa saklaw na sukat ng mga iba pa.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Suzanne Hamlin (Hunyo 11, 1997). "Farro, Italy's Rustic Staple: The Little Grain That Could". The New York Times.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. 2.0 2.1 2.2 Markus Buerli (2006). "Farro in Italy: A desk study" (PDF). The Global Facilitation Unit for Underutilized Species.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. Hamlin, Suzanne (Hunyo 11, 1997). "Farro, Italy's Rustic Staple: The Little Grain That Could". New York Times. Nakuha noong Nobyembre 22, 2012.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. "Kitniyot: Not Quite Hametz". MyJewishLearning. Inarkibo mula sa orihinal noong 2013-01-18. Nakuha noong 2012-12-30.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)