Portada:Agham/Itinatampok na Biyograpiya/1
Si Albert Einstein (Marso 14, 1879–Abril 18, 1955) ay isang Aleman-Swiss-Amerikanong pisikong teoretikal na kinikilala bilang isa sa pinakamahalagang siyentista/siyentipiko sa ika-dalawampung siglo at isa sa pinakamahusay na pisikong nabuhay sa kasaysayan ng agham. Ang pinakamahalagang papel na kanyang ginampanan sa agham ay ang pagbuo ng espesyal na teoriya ng relatibidad at teoriyang pangkalahatang relatibidad. Sa karagdagan, marami siyang naiambag sa teoriyang kwantum at mekaniks na estatistikal. Siya ay naparangalan ng Gantimpalang Nobel sa kanyang paliwanag sa epektong potoelektrika noong 1905.
Si Einstein ay ipinanganak noong Marso 14, 1879 sa lungsod ng Ulm sa Württemberg, Alemanya, mga 100 km silangan ng Stuttgart. Ang kanyang ama ay si Hermman Einstein, isang tagapagtinda at inhinyero at ang kanyang ina ay si Pauline Koch. Noong 1880, ang pamilya ay nagtungo sa Munich at itinatag ng kanyang tiyuhin at ama ang Elektrotechnische Fabrik J. Einstein & Cie, isang kumpanyang gumagawa ng mga elektronikong bagay gamit ang prinsipyo ng diretsong kuryente.
Si Einstein ay nakilala sa buong mundo matapos na mapatunayan ang prediksiyon ng kanyang teoriyang pangkalahatang relatibidad na ang sinag(light rays) ng malalayong bituin ay malilihis ng grabidad ng araw. Ito ay napatunayan noong Nobyembre 7, 1919 sa ekspedisyon na ginawa ng mga inglaterong siyentipiko upang pagmasdan ang Eklipseng solar na naganap nang taong iyon sa Aprika.
Dahil sa kanyang katalinuhan at orihinalidad, ang salitang "Einstein" ay naging sinonimo ng salitang "henyo".