Pumunta sa nilalaman

Proxemics

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Ang proxemics o proksemika ay isa sa mga sab-kategorya sa pag-aaral ng di-berbal na pakikipagtalastasan. Kasama sa iba pang kilalang sab-kategorya ang haptics (paghawak), kinesics (paggalaw), vocalics (paralanguage o paralingguwistika) at chronemics (oras). Inilalarawan ang proxemics bilang "magkakaugnay na mga obserbasyon at mga teorya sa paggamit ng tao ng espasyo bilang espesyalisadong elaborasyon ng kultura." Si Edward T. Hall, isang antropologong kultural na bumuo ng salitang proxemics noong 1963, ay nagbigay-diin sa epekto ng paggamit ng espasyo sa interpersonal na komunikasyon. Pinaniwalaan ni Hall na ang halaga ng pag-aaral ng proxemics ay nakukuha sa pagsusuri hindi lamang sa paraan ng pakikisalamuha ng mga tao sa kapwa sa pang-araw-araw na pamumuhay, kundi maging"“sa pag-organisa ng espasyo sa kani-kanilang mga tahanan at gusali, at higit sa lahat sa pagpaplano ng kani-kanilang bayan."

Sa mga hayop, si Heini Hediger (1908-1992), isang Swiso na soolohista ay nagbigay-linaw sa pagkakaiba ng layo ng pagtakas, layong kritikal, layong personal at layong sosyal. Ipinaliwanag ni Hall na sa pagkakaroon ng kaunting kataliwasan, tinanggal sa reaksiyong pantao ang layo ng pagtakas at layong kritikal at sa gayon, nakipanayam siya sa daan-daang katao upang mabatid ang makabagong pamantayan para sa pakikipag-ugnayan ng mga tao.

Sa kaniyang gawain ukol sa proxemics, hinati ni Hall ang kaniyang teorya sa dalawang nangingibabaw na kategorya: personal na espasyo at teritoryo. Inilalarawan ng personal na espasyo ang agarang espasyo na nakapalibot sa tao, samantala ang teritoryo ay tumutukoy sa lugar kung saan ang tao ay makapagtanggol laban sa iba. Ang kaniyang teorya tungkol sa teritoryolidad ay ginagamit pati na rin sa pag-uugali ng mga hayop; ang pagsasanggala ng teritoryo ay paraan ng "pagpaparami ng mga uri ng hayop sa pamamagitan ng pagkontrol ng densidad."