Pumunta sa nilalaman

Reyna ng Langit

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Reyna ng Langit
Reyna ng Langit, Banal na Reyna
Benerasyon saSimbahang Katolika, Komunyong Anglicano, Silanganing Ortodoksiya
KapistahanAgosto 22
KatangianBirhen Maria, koronang bituin, bulaklak
PatronLangit, walang-hanggang kaligtasan ng sanlibutan

Ang Reyna ng Langit o Reyna ng Kalangitan ay isang titulong ibinigay sa Birhen Maria ng mga Kristiyano na karamihan ay mula sa Simbahang Katolika Romana, at pati na rin ng Silanganing Ortodoksiya sa ilang pagkakataon, kung saan ang titulo ay bunsod ng Unang Konsilyo ng Efeso noong ikalimang siglo, nang kilalanin ang Birhen Maria bilang "theotokos", isang titulo na kapag isinalin sa Latin ay Mater Dei, o sa Tagalog ay "Ina ng Diyos".

Napapaloob ang katuruang Katoliko sa paksang ito sa isang ensiklikang may pamagat na Ad Caeli Reginam,[1] na ipinahayag ni Papa Pio XII. Sinasaad dito na si Maria ay tinatawag na Reyna ng Langit dahil ang kaniyang Anak, na si Hesukristo, ay ang hari ng Israel at makalangit na hari ng sansinukob; sa katunayan, kinikilala sa tradisyon Davidiko ng Israel, ang ina ng hari bilang Inang Reyna ng Israel. Iba sa Katolikong dogma ang paniniwala ng mga Simbahan ng Silanganing Ortodoksiya, ngunit mayaman din ang kanilang liturhikal na kasaysayan ng pagpupuri kay Maria.

Matagal nang bahagi ng tradisyong Katoliko ang titulong Reyna ng Langit. Kasama ito sa mga panalangin at panitikang pandebosyon, at makikita sa Kanluraning sining sa paksang Pagpuputong ng Korona sa Mahal na Birhen, mula sa Kataasan ng Gitnang Panahon, bago pa ito bigyan ng pormal na kahulugan ng Simbahan.

Mariing tinutulan ito ng iba’t ibang pangkating panrelihiyon lalong-lalo na ng samahan ni Bro. Eli Soriano dahil sa kawalan ng batayan nito sa Bibliya. Ang pag-akyat ni Maria sa langit, koronahan at italagang reyna ay gawa-gawa lamang at walang malalim na basehan. Depensa naman ng Iglesia Katolika Apostolika Romana na hindi man makita sa aklat ng Bibliya ay nakuha naman sa sali’t saling sabing tinatawag na Tradisyon. Ani ng mga pari ay hindi lahat ng aral ay nakasalig lamang sa aklat at maaari ding makuha sa ikalawa’t ikatlong saksi.

Batayang teolohikal

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang Reyna ng Langit (Latin Regina Caeli) ay isa sa maraming titulo ng Reyna na ginagamit upang tukuyin ang Birhen Maria. Kasama sa pinaghanguan ng titulong ito ang sinaunang turong Katoliko na si Maria, sa katapusan ng kaniyang buhay sa lupa, ay iniakyat sa langit ang katawan at kaluluwa, at siya'y pinarangalan bilang Reyna.[2]

Ipinaliwanag ni Pio XII ang mga kadahilanang teolohikal hinggil sa kaniyang titulong Reyna sa isang mensahe sa radyo para sa Fatima noong Mayo 14, 1946,'Bendito seja:[3]

Siya, ang Anak ng Diyos, ay sumasalamin sa Kaniyang Ina sa langit sa kaluwalhatian, kamahalan, at kapangyarihan ng kaniyang Paghahari, dahil, sa pagkaugnay niya sa Hari ng mga Martir sa ... gawain ng Pagtubos ng sangkatauhan bilang Ina at katulong, siya'y nananatiling kasama Niya magpakailanman, na halos may lubos na kapangyarihan sa pamamahagi ng mga grasya na dumadaloy mula sa Pagtubos. Si Hesus ang Hari magpakailanman, likas at dahil sa Kaniyang Pananakop: sa pamamagitan Niya, kasama Niya, at sa ilalim Niya, si Maria ay Reyna dahil sa grasya, banal na kaugnayan, pananakop, at nag-iisang pinili [ng Ama].[4][N 1]

Ayon sa doktrinang Katoliko, si Maria ay iniakyat sa langit at kasama si Hesukristo, ang kaniyang banal na Anak at kinakatawan sa Aklat ng Pahayag (kabanata 11:19–12:6) bilang babaeng nadaramtan ng araw na nagsilang kay Kristo.[5]

Sa kaniyang ensiklika noong 1954 na Ad caeli reginam ("Ang Reyna sa Langit"), itinuro ni Pio XII na karapat-dapat si Maria sa titulo dahil siya ang Ina ng Diyos, dahil siya ay malapit na iniuugnay sa Bagong Eba sa gawaing pagtubos ni Jesus, dahil siya ay kasakdal-sakdalan at dahil sa kaniyang kapangyarihang mamagitan.[6] Isinasaad sa Ad caeli reginam na ang pangunahing prinsipyo ng banal na dangal ni Maria ay nakabatay sa kaniyang Banal na Pagka-Ina. ... Na may buong katarungang isinulat ni San Juan Damasceno: "Nang siya naging Ina ng May Likha, tunay siyang naging Reyna ng bawat nilalang.".[7]

Batayan sa Bibliya

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Rebulto ng Pag-aakyat kay Maria (ni Attard, sa Malta) na karaniwang may labindalawang bituing korona. Sumasalamin sa imahen sa Aklat ng Pahayag 12.

Sa Bibliyang Ebreo, sa ilalim ng ilang Davidikong hari, may malawak na kapangyarihan bilang kataguyod ng hari ang gebirah o ang "Dakilang Ina", na karaniwan ay ang Ina ng Hari. Sa 1 Mga Hari 2:20, sinabi ni Solomon sa kaniyang Inang si Bathsheba na nakaupo sa kanan ng kaniyang trono na, "Hilingin mo, ina ko: sapagka't hindi kita pahihindian." Mala-Maria ang dating nito kay Fr. William G. Most.[4]

Maraming batayan ang titulo sa Bagong Tipan. Sa Pagpapahayag ng Anghel kay Maria, pinahayag ni Gabriel Arkanghel na [si Hesus] "...ay magiging dakila, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan: at sa kaniya'y ibibigay ng Panginoong Dios ang luklukan ni David na kaniyang ama. At siya'y maghahari sa angkan ni Jacob magpakailan man; at hindi magkakawakas ang kaniyang kaharian." (Lucas 1:32-33). Pinamarisan ng batayan sa Bibliya ang kaugalin sa sinaunang Israel na ang ina ng hari ay siya ring Inang Reyna.[8] Ang pagiging reyna ni Maria, ay bahagi ng paghahari ni Hesus.[6]

Sa Simbahang Katolika Romana, si Maria ang babaeng nararamtan ng araw sa Aklat ng Pahayag 12:1–3:[5] "At ang isang dakilang tanda ay nakita sa langit: isang babae na nararamtan ng araw, at ang buwan ay nasa ilalim ng kaniyang mga paa, at sa kaniyang ulo ay may isang putong na labindalawang bituin. At siya'y nagdadalang tao; at siya'y sumisigaw, na nagdaramdam sa panganganak, at sa hirap upang manganak. At ang ibang tanda ay nakita sa langit: at narito, ang isang malaking dragong mapula, na may pitong ulo at sangpung sungay, at sa kaniyang mga ulo'y may pitong diadema." Tinatanggap ng Simbahan ang Pahayag 12, bilang pagtukoy kay Maria, sa Israel, at ang Simbahan bilang tatluhang simbolismo sa Aklat ni Isaias at pinagpapatibay nito na si Maria bilang ina ni Hesus ang katuparang sa propesiyang inilarawan sa Pahayag 12 (cf. Isaias 7:14, 26:17, 54:1, 66:7).[5]

Sa Bibliyang Ebreo, ang konteksto ng taguring "ina ng langit" ay makikitang walang kaugnayan kay Maria. Tinutukoy ni propeta Jeremias sa kaniyang panulat noong c. 628 BC, ang "ina ng langit" sa kabanata 7 at 44 ng Aklat ni Jeremias kung saan pinagalitan niya ang mga tao sapagkat sila'y "nagkasala sa Diyos" dahil sa kanilang pag-aalay ng insenso, tinapay at alak sa kaniya. Malamang tinutukoy ng titulong ito si Asherah, isang diyos-diyosan ng mga taga-Canaan at sinasamba sa sinaunang Israel at Judah.[9]

Kaugalin sa kasaysayan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Noong ikaapat na siglo, tinawag ni San Efren si Maria bilang "Ina" at "Reyna". Pinagpatuloy ng mga sumunod na ama at doktor ng Simbahan na gamitin ang titulo. Isang teksto na malamang ay kay Origenes (namatay c. 254) ay nagtaguri sa kaniya na domina (pambabae ng salitang Latin na dominus o Panginoon). Ang naturang taguri ay ginamit ng marami pang manunulat, e.g. San Jeronimo at San Pedro Crisologo. Ang unang pagpapakahulugan at batayang Mariolohikal ng titulong Maria, Reyna ng Langit ay nagmula sa Konsilyo ng Efeso, kung saan ipinaliwanag na si Maria ang "tanging" ina ni Hesus. Walang hihigit pang lumahok sa buhay ng kaniyang anak na si Hesus, bukod kay Maria, na nagsilang sa Anak ng Diyos.[10]

Ang salitang "Reyna" ay lumitaw noong mga ikaanim na siglo, at naging karaniwan nang gamitin mula noon.[4] Tinawag si Maria na “Aba, Santa Mariang Hari,” “Aba, Reyna ng Langit,” “Reyna ng Langit” ng mga awitin noong ika-11 at ika-13 siglo. Ang rosaryo ng mga Dominicano at ang korona ng mga Franciscano at marami pang pananalangin sa litanya kay Maria ay nagdiriwang ng kaniyang pagkareyna.[6] Ilang siglo na siyang tinatawag na Reyna ng Langit.[11]

Litanya ng Loreto

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Rubens, 1609

Sa Litanya ng Loreto nananalangin kay Maria bilang:

  • Reyna ng mga Anghel,
  • Reyna ng mga Patriyarka,
  • Reyna ng mga Propeta,
  • Reyna ng mga Apostol,
  • Reyna ng mga Martir,
  • Reyna ng mga Kumpesor,
  • Reyna ng mga Birhen,
  • Reyna ng lahat ng mga Santo,
  • Reyna ng mga Pamilya,[11]
  • Reynang ipinaglihi na di-nagmamana ng salang orihinal,
  • Reynang iniakyat sa Langit,
  • Reyna ng Kabanal-banalang Rosaryo,
  • Reyna ng Kapayapaan.[12]

Iba pang titulo

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nagdagdag pa ng ibang titulo na sumasalamin sa modernong pag-unawa sa agham. Tinukoy sa Ikalawang Konsilyong Vaticano noong 1964 si Maria bilang Reyna ng Sansinukob. Isinasaad, sa seksiyon 59 ng Lumen gentium, ang Dogmatikong Konstitusyon ng Simbahan mula sa Vaticano II:

Sa wakas, ang Kalinis-linisang Birhen, na walang bahid ng salang orihinal, sa pagtatapos ng kaniyang pagpanaw sa lupa, ay iniakyat ang kaniyang katawan at kaluluwa sa kaluwalhatian ng langit, at dinakila ng Panginoon bilang Reyna ng sansinukob, upang siya'y lalo pang maiayon sa kaniyang Anak, ang Panginoon ng mga panginoon at mananakop ng kasalanan at kamatayan.

Ginamit ang pagtukoy na ito sa panahong nagsisimula na ang panggagalugad ng kalawakan.[13]

  1. Salin mula sa: "He, the Son of God, reflects on His heavenly Mother the glory, the majesty and the dominion of His kingship, for, having been associated to the King of Martyrs in the ... work of human Redemption as Mother and cooperator, she remains forever associated to Him, with a practically unlimited power, in the distribution of the graces which flow from the Redemption. Jesus is King throughout all eternity by nature and by right of conquest: through Him, with Him, and subordinate to Him, Mary is Queen by grace, by divine relationship, by right of conquest, and by singular choice [of the Father]."

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "Encyclical Ad Caeli Reginam". Vatican.
  2. Dictionary of Mary. New York: Catholic Book Publishing Co. 1985. p. 283-284.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. AAS 38. 266
  4. 4.0 4.1 4.2 Most, Fr. William G. (1994). "Mary's Queenship". Our Lady in Doctrine and Devotion (sa wikang Ingles). EWTN. Inarkibo mula sa orihinal noong 2015-09-24. Nakuha noong Setyembre 11, 2015.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. 5.0 5.1 5.2 Saunder, Rev. William. "Woman Clothed with the Sun" Naka-arkibo 2013-07-13 sa Wayback Machine.. Arlington Catholic Herald, 2004. Catholic Education Resource Center. Hinango noong Hulyo 6, 2011.
  6. 6.0 6.1 6.2 Foley O.F.M., Leonard. "Saint of the Day, Lives, Lessons, and Feast" (sa wikang Ingles). ISBN 978-0-86716-887-7. Inarkibo mula sa orihinal noong 2015-09-05. Nakuha noong 2015-09-11. {{cite journal}}: Cite journal requires |journal= (tulong)CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. Ad caeli reginam 34
  8. Marshall, Taylor (2009). The Crucified Rabbi: Judaism and the Origins of Catholic Christianity (sa wikang Ingles). Saint John Press. p. 41. ISBN 978-0-578-03834-6.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  9. "Jeremiah" (sa wikang Ingles). Biblegateway. Nakuha noong Setyembre 11, 2015.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  10. Tschochner. "Königtum Mariens Marienlexikon": 590. {{cite journal}}: Cite journal requires |journal= (tulong)
  11. 11.0 11.1 Pope Benedict XVI. "On the Queenship of Mary', General Audience, Agosto 22, 2012
  12. Papa Pablo VI (1966). "Christi Matris" (sa wikang Ingles).{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  13. "Lumen gentium, Chapter 8, Section 59" (PDF) (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong 2011-12-20. Nakuha noong 2015-09-11. {{cite journal}}: Cite journal requires |journal= (tulong)CS1 maint: date auto-translated (link)