Pumunta sa nilalaman

Samuel Guthrie

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Samuel Guthrie
Kapanganakan1782
  • (Estados Unidos ng Amerika)
Kamatayan19 Oktubre 1848
  • (Jefferson County, New York, Estados Unidos ng Amerika)
MamamayanEstados Unidos ng Amerika
Trabahokimiko, imbentor, inhenyero
Pirma

Si Samuel Guthrie, Jr. (1782–1848) ay isang Amerikanong manggagamot at kimiko mula sa Hounsfield, New York. Naimbento niya ang isang uri ng pulbos na tinatambol (percussion powder) at pati na ang kandadong sinusuntok (punch lock) para sa pagsisindi nito, na nakapagpawala na sa panahon ng musketang kinakandado sa pamamagitan ng pagpingki o pagpuyos (flintlock musket). Natuklasan niya ang kloroporma noong 1831.

Larawan ng naging tahanan ni Dr. Samuel Guthrie sa Jefferson County, New York, Estados Unidos.

Si Guthrie ay isang duktor at kimiko noong ika-19 na daantaon na nakatuklas ng anestetikong kloroporma (chloroform, trichloromethane) noong 1831, sa pamamagitan ng distilasyon ng klorido ng apog sa alkohol na nasa loob ng isang bariles na tanso, at ginamit ito bilang isang hindi matapang na pampamanhid sa mga siruhiya ng amputasyon. Ang kumpuwestong kimikal ding ito ay natuklasan ng siyentipikong Pranses na si Eugène Soubeiran noong Oktubre 1831, at ng kimikong Aleman na si Justus Liebig noong Nobyembre 1831, subalit isinulat ni Guthrie ang kaniyang mga natuklasan noong tag-araw ng taon ding iyon, kung kaya't siya ang pangkalahatang kinikilala bilang ang tagapagtuklas.

Sa gulang na 22, pinakasalan ni Guthrie si Sybil Sexton na dating mula sa Connecticut. Naglakbay sila sa pamamagitan ng karwaheng may mga kabayo papunta sa kanugnog na nayon ng Smyrna upang magpakasal.

Noong taglamig at tagyelo mula 1810 hanggang 1811, nag-aral si Guthrie sa Dalubhasaan ng mga Manggagamot at mga Maninistis sa New York (College of Physicians and Surgeons of New York) na nakikilala sa kasalukuyan bilang Columbia University (Pamantasan ng Columbia). Noong Enero 1815, nakinig siya ng mga panayam sa Pamantasan ng Pennsylvania. Ang mga kursong ito ang nagtatag sa kabuoan ng kaniyang edukasyong pormal.

Noong 1817, lumipat si Guthrie sa Sackets Harbor, New York, Jefferson County, na nasa hilagang New York, kung saan nagbukas siya ng isang tanggapan bilang isang manggagamot na nasa tagpuang rural.

Bilang karagdagan sa kaniyang pagiging duktor ng medisina, si Guthrie ay naging isang matagumpay na negosyante, na pinaka nakikilala noong kaniyang kapanahunan dahil sa pagmamanupaktura ng chloric ether, suka, pulbos na panghanda (priming powder) para sa mga sandatang pumuputok na nakapagpawala na sa panahon (hindi na uso) ng mga musketang may flintlock. Inimbento rin niya ang isang proseso upang ang gawgaw ng patatas ay maging mga pulot, at nagdistila siya ng alkohol na itinuturing na hindi mapapantayan ang kagandahan ng kalidad sa Jefferson County.

Mga kawing na panlabas

[baguhin | baguhin ang wikitext]


TaoKimikaMedisina Ang lathalaing ito na tungkol sa Tao, Kimika at Panggagamot ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.