Pumunta sa nilalaman

Kabayo-kabayohan

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Seahorse)

Kabayo-kabayohan
Temporal na saklaw: Pliocene hanggang Kasalukuyan[1]
Hippocampus (sari)
Klasipikasyong pang-agham
Kaharian:
Kalapian:
Hati:
Orden:
Pamilya:
Sari:
Hippocampus

Cuvier, 1816[2]
Uri

Basahin ang lathalain para sa mga uri.

Ang kabayo-kabayohan[3] (Ingles: seahorse[4]) ay isang uri ng isdang kamukha ng kabayong panlupa. Kabilang ito sa sari ng mga Hippocampus na kasama sa mga pamilya ng mga Syngnathidae, na kinabibilangan din ng mga isdang-tubo at mga madahong dragong-dagat. Matatagpuan ang mga kabayo-kabayohan sa mga tropikal at subtropikal na mga dalampasigan at mga anyon ng tubig na mabato at mabuhangin (reef) sa kabuuan ng mga karagatan ng Pasipiko, Atlantiko at Indiya.

Ang mga may-gulang na mga kabayo-kabayohan ay karaniwang may habang 13.3 mm (0.52 pulgada) mula ulo-hanggang-buntot, katulad ng bagong-tuklas lamang na Hippocampus denise,[5] hanggang 35 sm [cm] (13.78 pulgada). Ang mga kabayo-kabayohan at mga isdang-tubo ay natatangi sa pagiging kaisa-isang sari kung saan ang mga lalaki ang nagbubuntis.[6]

May panlikod na palikpik ang kabayo-kabayohan na nalagay sa ibabang bahagi ng katawan at mga palikpik sa may harapan ng dibdib na nakalagay sa may ulunan malapit sa mga hasang.

Ang mga dragong-dagat ay malapit na kamag-anak ng mga kabayo-kabayohan ngunit mayroong mas malalaking mga katawan at parang mga dahong mga tangkay o sanga na nakatutulong sa pagkukubli sa mga lumulutang na mga halamang dagat o himlayan ng mga kelp. Kumakain ang mga kabayo-kabayohan at mga dragong-dagat ng mga maliliit at mala-uod na mga isda (mga punla) at ng mga ampipoda, katulad ng mga maliliit at mala-hipong krustasyano na kung tawagin ay mga mysid (oppossum shrimp, hipong oposum). Hinihigop nila ang kanilang mga pagkain sa pamamagitan ng mga maliliit na bibig. Ang karamihan sa mga ampipodang ito ay kumakain ng mga pulang alga na namumuhay sa mga lilim ng mga kagubatan ng mga kelp kung saan naninirahan ang mga dragong-dagat.

Nagkakaanak ang mga kabayo-kabayohang dagat sa naiibang paraan: ang lalaki ang nagbubuntis. Ipinapasok ng babaeng kabayo-kabayohan ang kaniyang obipositor (pamasok ng mga itlog) sa sisidlan ng mga supling ng lalaking kabayo-kabayohan, kung saan inilalagak ang mga itlog mula sa babae, na pupunlaan naman ng lalaki. Kakabit naman ang mga nabinhiang mga itlog sa dingding ng loob ng sisidlan (pouch o butse[7][8], o bulsupot [bulsang-supot]) at mababalutan ng mga laman (tisyu).[9] Sinasabi ng mga bagong pananaliksik na nagpapakawala at nagkakalat ng mga tamod ang lalaki sa nakapaligid na tubig-dagat sa kahabaan ng pertilisasyon, at hindi tuwiran sa sisidlan na dating pinaniniwalaan.[10] Karamihan sa mga pagbubuntis ng mga kabayo-kabayohan ay tumatagal ng mga dalawa hanggang tatlong linggo.

Ang mga supling mula sa napisang mga itlog ay hindi umaasa sa kanilang mga magulang. May ilang namamalagi habang lumalaki sa mga plankton ng dagat. Kung minsan, maaaring kainin ng lalaking kabayo-kabayohan ang ilang sa mga bagong-pisang mga supling. May ibang mga uri (H. zosterae) na daglian namang namumuhay sa ilalim ng dagat (mga benthos).

Karaniwang nakikisama lamang sa iisang asawa (monogamo) ang mga kabayo-kabayohan, bagaman mayroong ilang mga uri (kabilang ang H. abdominalis) na lubhang nakikipagtalik sa marami (poligamo). Sa mga pares na monogamo, ang lalaki at babae ay bumabati sa isa't isa sa pamamagitan ng mga galaw ng panliligaw sa umaga at kung minsan sa gabi rin upang mapasidhi ang kanilang pagiging malapit sa bawat isa. Sa labas ng mga oras ng pagliligawang ito, magkahiwalay silang humahanap ng makakain.

Bilang alagang hayop

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Mga kabayo-kabayohan (Hippocampus erectus) sa Akwaryum ng New England.

Habang ang marami sa mga naglilibang sa akwaryum ay magaalaga ng mga kabayo-kabayohan, hindi mainam para sa mga kabayo-kabayohan ang mamuhay sa mga pantahanang akwaryum. Kumakailan lamang sila ng mga buhay na pagkain katulad ng hipong nabubuhay sa tubig-alat, at madali silang magkaroon ng pagkabalisa kung nasa loob ng akwaryum, na nakapagpapababa ng kanilang sistemang imyuno kung kaya't madali silang magkakasakit.

Bagaman sa mga kararaan lamang na mga taon, ang pagpaparami kahit wala sa kalikasan ay lubos na lumaganap. Uminam ang kanilang buhay kahit man sila ay mga bihag ng mga tagapag-alaga, at mas mababa ang tiyansang magdala ng mga karamdaman. Kumakain ang mga kabayo-kabayohang ito ng mga hipong mysid, at hindi sila nakararanas ng pagkabigla at pagkabalisa dahil sa pagkakakuha mula sa kalikasan at nailagay sa isang akwaryum. Bagaman mas mahal ang halaga ng mga kabayo-kabayohang isinilang sa kulungang akwaryum, mas nabubuhay sila nang matagal kung ihahambing sa mga kabayo-kabayohang ligaw, at hindi nakaapekto sa bilang ng mga nasa kalikasan.

Maaaring alagaan ang mga kabayo-kabayohan sa isang akwaryum na sila lamang ang laman, o may palakaibigang mga kasama. Mabagal magsikain ang mga kabayo-kabayohan, kapag may mga kasamang mabibilis at matatakaw kung kumain, matatalo ang mga kabayo-kabayohan sa pakikipag-unahan sa pagkain. Natatanging pangangalaga ang dapat na ibigay upang masegurong lahat ng mga indibidwal ay makatatanggap ng sapat na pagkain bawat oras ng pagpapakain.

Maaaring mamuhay na kasama ng maraming sari ng hipon at ibang nilalang na mahilig manginain sa ilalim ng akwaryum. Mainam ding kasama nila ang mga isdang nasa pamilya ng mga bia. May ilang mga uri na bukod-tanging nakapepeligro sa mga mababagal na mga kabayo-kabayohan kung kaya't dapat mahigpit na iwasan: katulad ng mga igat, isdang tang, triggerfish, pusit, pugita, at anemoneng-dagat.

Ang mga hayop na ipinagbibili bilang mga kabayo-kabayohang pantubig-tabang ay karaniwang ang mga kamag-anak na isdang-tubo, na ang mga uri ay namumuhay sa mas mababang bahagi ng mga kailugan. Ang mga sinasabing tunay na kabayo-kabayohang na nabubuhay sa tubig-tabang, na tinaguriang Hippocampus aimei ay hindi tunay na uri, subalit isang pangalang kung minsan ay ginagamit para sa mga indibidwal na kabayo-kabayohan ni Barbour at kabayo-kabayohang Hedgehog. Ang huli ay isang uring karaniwan nang natatagpuan sa mga hindi gaanong kaalatang mga tubigan, subalit hindi naman tunay na isdang pantubig-tabang.

Gamit sa panggagamot ng mga Tsino

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Kabayo-kabayohang ginagamit sa panggagamot.

Nitong mga nakaraan mga taon, nanganib ang mga bilang ng mga kabayo-kabayohan dahil sa sobrang pangingisda. Samakatuwid, ang paghuli ng mga kabayo-kabayohan mula sa kalikasan ay mahigpit na ipinagbabawal. Ginagamit ang kabayo-kabayohan sa tradisyunal na herbolohiyang Tsino, at may mga 20 milyong mga kabayo-kabayohan ang maaaring mahuli bawat taon at ipagbili para sa ganitong layunin.[11] Mahirap paramihin ang mga kabayo-kabayohang gamit sa panggagamot na palaki sa kulungan sapagkat madali silang magkaroon ng karamdaman at may ibang antas ng kasiglaan kung ihahambing sa mga kabayo-kabayohan na talagang pang-akwaryum.

Ang pag-angkat at pagluluwas ng mga kabayo-kabayohan ay naisasaayos at naitutumpak sa pamamagitan ng CITES mula pa noong 15 Mayo 2004.

Ang suliranin ay maaaring palubhain ng pagibayo ng paggamit ng mga pildoras at kapsula bilang mas kinakatigang paraan ng paglunok ng mga gamot dahil sa mas mura at higit na madaling makuha kesa mga nakaugaliang paraan. Ang huli ay mga inisa-isang mga inihandang reseta ng mga hilaw na gamot ngunit mas mahirap hanapin ang mga sangkap. Dati, dapat na may partikular na laki at kalidad ang kabayo-kabayohan bago tanggapin ng mga dalubhasa at mamimimili para magamit sa nakaugaliang panggagamot ng mga Tsino, subalit ang bumababang kapararakan ng mapagkukunan ng may gustong laki, katamlayan sa kulay, at kakinisan ay napalitan ng pagkiling sa mga nakapakete nang mga gamot, na nakapagbigay ng pagkakataon sa mga komersiyante na magbenta ng mga dating hindi ginagamit na mga kabayo-kabayohang nasa kanilang kabataan, masungay at maiitim ang kulay. Sa ngayon, halos ikatlong bahagi ng bilang ng mga kabayo-kabayohang ipinagbili sa Tsina ay mga nakapakete na. Nakadagdag ito ng pagkabalisa sa bilang ng mga uring ginagamit sa panggagamot.[12]

Pamumuhay para sa pansariling kaligtasan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang isang kabayo-kabayohan ay mga magagalaw na mga mata para sa pagtingin at pangingilag mula sa mga maaaring kumain sa kaniya. Ginagamit rin niya ang mga malilikot na mga matang ito sa paghahanap ng pagkain kahit man hindi niya igalaw ang kaniyang katawan. Katulad ng madahong dragong-dagat, ang kabayo-kabayohan ay mayroon ding mahabang nguso o balungos na nakahihigop ng pagkain. Maliliit ang mga palikpik nito dahil kailangan gumalaw ito sa makapal na mga halaman ng tubig. Mayroon itong mahaba, napapagalaw at naibabaluktot na buntot na maaari niyang ikawit sa mga halamang dagat upang maiwasang matangay ng mga alon.

Santwaryo ng kabayo-kabayohan sa Pilipinas

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang Pulong Getafe, Jandayan, na malapit sa Bohol ay isang santwaryong akwatika mula pa noong 1995 para sa mga makikinang na kabayo-kabayohan ng Pilipinas na lumalangoy na kahalubilo ng mga kurales sa madirilim na tubigan. Noong 9 Disyembre 2007, ginantimpalaan ang santwaryo bilang pinakanatatanging napapangalagaang pook na tubigan sa Pilipinas. Ang gantimpala ay pinagkaloob ng MPA Support Network. Ang MSN ay nangangahulugang Marine Protected Area, isang pagsasanib ng maraming mga samahan mula sa iba't ibang uri ng kakayanan na may layuning pangalagaan ang kapaligirang pantubig. Ang santwaryong tubigan (marina) ng Handumon ay may 50 hektarya, at bahagi ng isang malaking batuhan at mabuhanging anyo ng tubig (reef) sa Bohol, na hitik sa mga isda, kabibe at makapal bilang ng mga bakawan. Itinatag ng Pundasyong Haribon ang Pundasyon ng Proyektong Kabayo-kabayohan (Project Seahorse Foundation) sa Handumon upang mapangalagaan ang mga kabayo-kabayohan.[13]

Pagtutukoy na pangkalinangan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa heraldriya, ang kabayo-kabayohan ay ipinapakita bilang isang nilalang na may unahang bahagi ng kabayo at hulihang bahagi ng isang isda. Halimbawa ng mga ito ang pagiging mga haliging panggilid sa eskudo ng Pulo ng Wight at ng lungsod ng Newcastle upon Tyne sa Inglatera, at gayon din sa eskudo ng Pamantasan ng Newcastle sa Australia. May mga inukit din na wangis ng kabayo-kabayohan na ginamit bilang kaugnay ng eskudong pangsandatahan (heraldriya) sa Pransiya. Karaniwang itong ginagamit na pandekorasyon sa mga saksakyang pandagat sa Pransiya noong ika-18 o 19 dantaon.

Ang kabayo-kabayohan ay isang kapuna-punang logo ng Waterford Crystal, isang kompanyang gumagawa ng mga salaming kristal. Ang kabayo-kabayohan ay ginagamit ding logotipo ng mangguguhit (ilustrador) na si William Wallace Denslow ng Estados Unidos.

Sa kultura ng mga Seri sa hilagang-kanluran ng Mehiko, may alamat na nagsasalaysay na ang kabayo-kabayohan ay isang tao, na upang makatakas mula sa mga manunugis, ay lumusong sa dagat. Bago lumusong, hinubad ng taong ito ang kaniyang sandalyas at ikinabit sa isang sinturon na nakasukbit sa kaniyang likod.[14]

Ang Pambansang Lipon para sa Epilepsiya ng UK ay mayroong isang wisit (maskot) na kabayo-kabayohan na pinangalanan mula sa isang emperador ng Romang si Julius Caesar, sapagkat pinaniniwalaang isang epileptiko. Pinili ang maskot na kabayo-kabayohan dahil tinatawag ding hippocampus (ang pangalang pang-agham ng kabayo-kabayohan) ang isang bahagi ng utak na hindi tinatablan ng anumang salanta matapos ang mga episodo ng sakit na epilepsiya. Kahugis ng kabayo-kabayohan ang bahaging ito ng utak.

Kabayo-kabayohang kamukha ng Fucus mula sa The Royal Natural History ni Richard Lydekker.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Sepkoski, Jack (2002). "A compendium of fossil marine animal genera (Kalipunan ng mga labing-bakas ng mga sari ng mga hayop pantubig)". Bulletins of American Paleontology (Kalatas ng Paleyontolohiyang Amerikano). 364: p. 560. Inarkibo mula sa orihinal noong 2012-05-10. Nakuha noong 2007-12-25. {{cite journal}}: |pages= has extra text (tulong)CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. "Hippocampus". FishBase. Ed. Ranier Froese and Daniel Pauly. May 2006 version. N.p.: FishBase, 2006.
  3. Catalogue of Life/Katalogo ng Buhay[patay na link]
  4. Literal na salin sa Tagalog: kabayong-dagat
  5. Mga larawan ng pinakamaliit na kabayo-kabayohan Hippocampus denise Naka-arkibo 2005-04-09 sa Wayback Machine. mula sa sityo ng Proyektong Kabayo-kabayohan
  6. Jones, Adam G.; Avise, John C. (2003-10-14). "Male Pregnancy (Pagbubuntis ng Lalaki)" (HTML). Current Biology (Biyolohiyang Pangkasalukuyan). 13 (20): R791. {{cite journal}}: Check date values in: |date= (tulong)
  7. English, Leo James (1977). "butse - pouch". Tagalog-English Dictionary (sa wikang Ingles). Congregation of the Most Holy Redeemer. ISBN 9710810731.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. De Guzman, Maria Odulio (1968). "butse - pouch". The New Filipino-English / English-Filipino Dictionary. National Bookstore (Lungsod ng Mandaluyong) ISBN 9710817760.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  9. "The biology of seahorses: Reproduction (Ang Biyolohiya ng mga kabayo-kabayohan: Reproduksiyon)". The Seahorse Project (Ang Proyektong Kabayo-kabayohan). Inarkibo mula sa orihinal noong 2009-03-03. Nakuha noong 2007-05-08.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  10. "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-07-24. Nakuha noong 2008-03-08.{{cite web}}: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link)
  11. "Seahorse Crusader Amanda Vincent" (Si Amanda Vincent, Krusadora ng Kabayo-kabayohan mula sa palabas na Nova sa telebisyon)
  12. "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2006-06-22. Nakuha noong 2008-03-08.{{cite web}}: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link)
  13. "Seahorse sanctuary in Bohol judged the best in RP (Santwaryo ng kabayo-kabayohan sa Bohol nahusgahang pinakamagaling sa Republika ng Pilipinas), Inquirer.net". Inarkibo mula sa orihinal noong 2009-06-27. Nakuha noong 2008-03-08.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  14. http://lengamer.org/admin/language_folders/seri/user_uploaded_files/links/File/Textos/Hipocampo/Hipocampo_Metadata.htm Naka-arkibo 2008-03-10 sa Wayback Machine. Alamat ng kabayo-kabayohan sa Mehiko

Iba pang mga babasahin

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • Amanda C.J. Vincent at Laila M. Sadler. "Faithful pair bonds in wild seahorse, Hippocampus whitei." Animal Behaviour (Matapat na pagpapares sa mga ligaw na kabayo-kabayohan, Hippocampus whitei." Ugali ng Hayop), 50 (1995): 1557-1569.
  • Amanda C.J. Vincent. "A role for daily greetings in maintaining seahorse pair bonds." Animal Behaviour (Isang pagganap ng pang-araw-araw na pagbati upang mapanatili ang pagpapares ng kabayo-kabayohan. Ugali ng Hayop), 49 (1995): 258-260.
  • Amanda C.J. Vincent. "A seahorse father makes a good mother." Natural History (Mabuting ina ang isang amang kabayo-kabayohan), Kasaysayang Likas), 12 (1990): 34-43.
  • Ananda C.J. Vincent at Rosie Woodroffe. "Mothers little helpers: patterns of male care in mammals." Trends in Ecology and Evolution (Mga maliliit na katulong ng mga ina: mga gawi ng mga lalaking nag-aalaga sa mga mamalya. Mga gawi sa Ekolohiya at Ebolusyon), 9 (1994): 294-297.
  • Sara A. Lourie, Amanda C.J. Vincent at Heather J. Hall: Seahorses: An Identification Guide to the World's Species and their Conversation (Mga Kabayo-kabayohan: Isang Gabay sa Pagkakakilanlan ng mga Uri sa Mundo at ng pagpapanatili sa mga ito). London: Proyektong kabayo-kabayohan, 1999
  • John Sparks: Battle of the Sexes: The Natural History of Sex (Labanan ng mga Kasarian: Ang Likas na Kasaysayan ng Pagtatalik). London: Mga aklat ng BBC (BBC Books), 1999

Mga talaugnayang panlabas

[baguhin | baguhin ang wikitext]