Pumunta sa nilalaman

Sinupan ng Unibersidad ng Santo Tomas

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Si Arsobispong Angelo Vincenzo Zani, Kalihim ng Kongregasyon para sa Edukasyong Katoliko ng Santa Sede (Batikano), na nagsusuri ng mga makasaysayang dokumento na may kinalaman sa pagtatatag ng unibersidad noong dumalaw siya sa Sinupan, noong Enero 21, 2015.

Ang Sinupan ng Unibersidad ng Santo Tomas (Ingles: Archives of the University of Santo Tomas o AUST), kilala dati sa Kastila bilang Archivo de la Universidad de Santo Tomas, ay matatagpuan sa Aklatang Miguel de Benavides sa Maynila. Ang AUST ay pangunahing imbakan ng mga makasaysayan at pambihirang dokumento na nauukol sa, ngunit hindi lamang sa, kasaysayan ng Unibersidad ng Santo Tomas, isa sa mga pinakamatandang umiiral na unibersidad sa Asya, at ang pinakamatandang institusyon ng mataas na edukasyon sa Pilipinas. Binubuo ang mga koleksyon ng mga makasaysayang dokumento tulad ng mga batas ng papa, maharlikang dekreto, bihirang limbag ng Filipiniana, makasaysayang tratado, talumpati, sermon, pagsisiyam, katekismo sa mga iba't ibang wika ng Pilipinas, pambansang peryodiko, at talaang akademiko ng lahat ng mga institusyong pang-edukasyon sa Pilipinas noong panahon ng mga Kastila. Ang sinupan ang siyang tahanin din ng natatanging incunabula, o mga aklat na inilimbag bago mag-1500, sa bansa.[1]

Bukod sa pagkaroroon ng isa sa mga pinakamalaking koleksyon ng mga manuskritong Europeo ng ika-15, ika-16, ika-17, at ika-18 siglo sa Asya, ipinangangalandakan din ng sinupan ang pagmamay-ari ng pinakamalaking koleksyon ng mga umiiral na sinaunang sulat ng Baybayin sa sanlibutan.[1][2]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 University of Santo Tomas Archives Naka-arkibo 2013-05-24 sa Wayback Machine. University of Santo Tomas Website nakuha noong Hunyo 17, 2012
  2. Lao, Levine (Enero 16, 2012). "UST collection of ancient scripts in 'baybayin' syllabary shown to public". Philippine Daily Inquirer. Nakuha noong Hunyo 17, 2012.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)