Pumunta sa nilalaman

Tagong-yaman ng pamilyang Marcos

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Isang litrato ng 40 Wall Street na kinunan noong 2005, isa ito sa apat na mga gusali sa Manhattan na binili ng mga Marcos noong unang bahagi ng 1980s.

Ayon sa Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas, tinuturing na tagong yaman ng pamilyang Marcos ang anumang pagma-may-ari na lampas sa halagang idineklara nila Ferdinand at Imelda Marcos sa kanilang Pahayag ng mga Pag-aari, Liabilidad, at Kabuuang Yaman[1] nung panahon ng pagkapangulo ni Ferdinand Marcos mula 1965 hanggang 1986. [2][3]

Tinatantiyang mula US $ 5 bilyon hanggang 13 bilyon[4](pp634-635)[5](p27) ang halagang nakuha ng mga Marcos sa loob pa lamang sa mga huling taon ng administrasyong Marcos. Walang tukoy na numero para sa kabuoang halaga ng tagong yaman na ito sa buong 21 taon ng pamamahala ni Marcos, ngunit sa tantiya ng ekonomistang si Jesus Estanislao ay maaaring umabot ang halaga nito hanggang US $ 30 bilyon.[6](p175) Ang suweldo ni Marcos bilang Presidente ay umaabot lamang sa US$13,500.00.[1]

Ayon sa Korte Suprema, ang halagang ito ay dapat mabawi at maisauli sa gobyerno, o di kaya'y maipamahagi sa mga biktima ng mga paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng rehimeng Marcos.

Maraming iba ibang kataga ang ginamit na ng mga awtoridad at institusyon para tukuyin ang yamang ito ng mga Marcos. Kasama na dito ang mga katagang "tagong-yaman" (hidden wealth), "nakaw na yaman" (ill-gotten o stolen wealth), o sinamsam na yaman.[1]

Kasama sa yaman na ito ang: iba-ibang mga lupain sa Pilipinas at sa ibang bansa, lalo na sa Estados Unidos; mga koleksyon ng alahas at likhang sining; mga sapi at iba pang mga seguro; mga bank account sa Pilipinas at sa ibang bansa, lalo na sa mga bansang Suwisa, Estados Unidos, Singapore, at British Virgin Islands;[7][8] at mga aktwal na salapi. Kabilang sa mga sinasabing napagkunan ng yaman ng mga Marcos ay: ang paglihis ng tulong pang-ekonomiyang mula sa ibang mga bansa; tulong pangmilitar ng Pamahalaang US (kasama ang malaking pondong na nagsilbing "gantimpala" ni Marcos para sa pagpapadala ng ilang mga tropang Pilipino sa Vietnam); at mga kickback mula sa mga kontrata sa mga gawaing pambayan sa dalawang dekadang panuntunan ni Marcos.

Bahagi ng yamang ito ay nabawi na sa iba`t ibang mga kaso sa korte. Sa ilang kaso ay ibinalik ito sa gobyerno ng Pilipinas, at sa ilang kaso naman ay iginawad ito bilang raparasyon sa mga biktima ng pag-abuso sa karapatang pantao sa ilalim ng pagkapangulo ni Marcos. Ang ilan naman ay nabawi ng gobyerno ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga pakikipag-ayos at kompromiso - sa mismong pamilyang Marcos man o sa kanilang mga kalugayop o "crony."[9] Ilan sa mga kasong ihinabla ng gobyerno para mabawi ang yamang ito ay dinispatsa ng mga korte dahil sa mga teknikalidad tulad ng pagkakamali sa proseso ng paghain ng kaso, at teknikal na problema sa mga dokumentong iprinisenta bilang ebidensya.[10] Hindi matukoy ang halaga na hindi mabawi[5] dahil hindi pa rin matukoy ang buong halaga ng tagong-yaman ng mga Marcos.[2]

Tatantyang halaga

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Malaki ang pagkakaiba-iba ng mga tantya sa halaga ng tagong-yaman ng pamilyang Marcos, pero kadalasa'y nasa mga US $ 5-10 bilyon ( PHP 280.65 - 561.3 bilyon base sa halaga palitan sa Nobyembre 13, 2023 ) ang nababanggit na halaga para lamang sa huling mga taon ng administrasyong Marcos (matapos ang 1983). Ang isang pagtantya sa tagong-yaman ng mga Marcos mula pa noong 1950s ay US $ 30 bilyon ( PHP 1.683 Trilyon ).[6](p175)

Sa isang ulat noong 1985 sa United States Congress House Committee on Foreign Affairs, tinantiya ni Ambassador Stephen Bosworth na ang naipong yaman ng mga Marcos ay umabot US $ 10 bilyon "sa mga kararaang mga taon (recent years)," sa konteksto ng mabilis na pagbagsak ng ekonomiya ng Philppine noong unang bahagi ng 1980s.[4](p634–635)[11] Ito rin ang numerong binanggit ng Opisina ng Solicitor General ng Pilipinas kaagad pagkatapos na itakwil ng mga mamamayan si Marcos noong Rebolusyong EDSA ng 1986.

Ayon kay Dr. Bernardo Villegas ng Center for Research and Communication na siyang pinagmumulan ng kaalamang ito ni Bosworth, ay nagsabing mababa pa ang numerong ito, at na marahil ay masmalapit sa $ 13 bilyon ang buong halaga ng naipuslit na pera nung unang bahagi ng 1980s.[4](p634–635)[5](p27)

Sumang-ayon din sa halagang mga US $ 5-10 bilyon si Jovito Salonga na nagsilbing unang tagapangulo ng PCGG, batay sa dokumentaryo na naiwan ng mga Marcos nung tumakas sila mula sa Malacañang noong 1986. Ang tantiyang ito ni Salonga ang pinakamadalas na basehan para sa hinuhulaang halaga ng buong tagong-yaman ng mga Marcos,[12] at ito rin ang halagang binanggit ng Guinness World Records nung tinukoy nila si Ferdinand at Imelda sa world record para sa "pinakamalalaking pagnanakaw mula sa isang gobyerno" noong 1989. (Sila Ferdinand at Imelda Marcos pa rin ang may hawak ng world record na ito noong 2020.)

Gayunman, sinabi ni Dr. Jesus Estanislao - na isa ring ekonomista mula sa Center for Research and Communication - na ang bilang na ito ay tumutukoy sa halagang nawala sa bansa sa ilang mga taon lamang bago ang pagpapatalsik ng administrasyong Marcos. Ika niya'w walang paraan na matukoy ng tiyak ang nakuhang yaman ng mga Marcos mula pa noong 1950s. Tinantiya niya na ang halaga ay maaaring umabot ng hanggang $ 30 bilyon.[6](p175)

Paraan ng pagkakakuha

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Kabilang sa mga sinasabing napagkunan ng yaman ng mga Marcos ay: ang paglihis ng tulong pang-ekonomiyang mula sa ibang mga bansa; tulong sa militar ng Pamahalaang US (kasama ang malaking pondong na nagsilbing "gantimpala" ni Marcos para sa pagpapadala ng ilang mga tropang Pilipino sa Vietnam); at mga kickback mula sa mga kontrata sa mga gawaing pambayan sa dalawang dekadang panuntunan ni Marcos

Ayon kay Jovito Salonga sa kanyang librong "Presidential Plunder", (na siya nama'y mga alalala ng termino ni Salonga bilang pinuno ng Presidential Commission on Good Government) tinulungan ng mga kroni ang mga Marcos na itago ang kanyang yaman gamit ang mga paraang tinaguraian niyang "mga diskarte ni Marcos sa pandarambong" (Marcos' Techniques of Plunder.)

Ayon kay Salonga ang mga diskarteng ito, ay:

  1. Paglikha ng mga monopolyo at pagsasapailalim nito sa mga crony;
  2. Pagkaloob ng mga behest loans o utos na pautang sa mga crony mula sa bangko at iba pang institusyong pampananalapi ng gobyerno ;
  3. Sapilitang pagkimkim ng iba't ibang pampubliko o pribadong negosyo, na nominal lamang ang halagang ibinayad;
  4. Direktang pagnakaw sa kaban ng bayan at mga Institusyon sa mga institusyong pampananalapi ng gobyerno;
  5. Pagpapalabas ng mga "Presidential Decree" Dekreto ng Pangulo, na nagbibigay-daan sa magkamal ng yaman ng mga crony;
  6. Mga "kickback" at komisyon mula sa iba ibang mga negosyo sa Pilipinas;
  7. Paggamit ng mga "shell corporation" at pekeng kumpanya para magtago ng pera sa ibang bansa;
  8. Pagkaltas sa tulong-pang economiya ng ibang bansa, at iba pang anyo ng tulong mula sa ibang bansa; at
  9. Pagtatago ng yaman sa mga bangko sa ibang bansa gamit ang mga pangapangalan o code name.

Ahensya na namamahala sa pagbawi

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Pagkatapos ng pagtakas ni Marcos sa 1986 People Power revolution, nilikha ng gobyerno ang isang ahensyang may kapangyarihang malahukuman na pinangalanang Presidential Commission on Good Government.[13] Pangunahing mandato nito ang pagbawi ng tagong yaman na naipon ng mga Marcos, kanilang mga kamag-anak, mga nasasakupan., at malalapit na kasama, nasa Pilipinas man o sa ibang bansa. Inatasan din itong mag-imbestiga sa iba pang kaso ng graft and corruption; at pagtatatag ng mga hakbang sa pag-iwas sa katiwalian.[9](p5)[13]

Noong 1998, ipinag-utos ng Comprehensive Agrarian Reform Law na ang mga pondong nabawi ng PCGG ay awtomatikong ilaan sa mga programa para sa repormang agraryo ng Pilipinas. Mula noon, ang mga ari-arian na nabawi ng PCGG mula sa mga Marcos ay nagpondo sa mahigit 80 porsyento ng badyet ng Pilipinas para sa repormang agraryo.

Noong Enero 28, 2013, pinagtibay ng Kongreso ng Pilipinas ang Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013 (Republic Act No. 10368). Sa batas na ito, kinilala ng gobyerno ng Pilipinas ang kaniyang moral at legal na obligasyon na kilalanin at/o magbigay ng reparasyon para sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa panahon ng rehimeng Marcos. Para sa layuning ito, naglaan ang Kongreso ng ₱10 bilyon mula sa mga pondong nabawi ng Pilipinas sa bisa ng Kautusan ng Swiss Federal Supreme Court noong Disyembre 10, 1997 (na tinuring ng Korte Suprema ng Pilipinas bilang tagong yaman ng mga Marcos na nabawi pabor sa Republika ng Pilipinas alinsunod sa Republic vs. Sandiganbayan noong Hulyo 15, 2003 (GR No. 152154).

Mga lupain sa ibang bansa

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Imahe ng Crown Building noong 2013. Isa ito sa apat na gusali sa Manhattan na binili ng mga Marcos noong unang bahagi ng 1980s.

Ilan sa mga pinakakitang halimbawa ng tagong yaman ng pamilya Marcos ay ang iba't ibang lupain sa ibang bansa na nakimkim ng mga Marcos noong sila ay nasa kapangyarihan pa.[14](p16)

Ang pinakakilala sa mga ari-arian na ito ay ang nga lupain ng mga Marcos sa Estados Unidos,  : 16  partikular ang mga nabiling mga gusali at lupain ni Imelda sa New York, ang mga estado sa New Jersey na binili para sa mga anak ng mga Marcos,[15] mga pamumuhunan ni Jose Yao Campos sa Seattle,[16] ang iba't ibang mga ari-arian sa Hawaii kabilang ang estado sa Makiki Heights kung saan nanirahan ang mga Marcos sa panahon ng kanilang pagkakatapon,[17] at ang kanilang pagmamay-ari ng California Overseas Bank sa Los Angeles.[7][18] Ayon sa aklat ni Ricardo Manapat na "Some Are Smarter Than Others", na isa sa pinakaunang akda na tumukoy sa mga ari-arian ng mga Marcos,[19] ilan pa sa di-gaanong kilalang pagmamay-ari ng mga pamumuhunan ng mga Marcos sa ginto at diyamante sa South Africa, mga bangko at hotel sa Israel, at iba't ibang lupain sa Austria, London, at Rome.[7]

Marami sa mga lupaing ito ay ipinasalalim ng pangalan ng ilang kroni ni Marcos. Ang isa sa kanila, si Jose Yao Campos, ay nakipagtulungan sa Gobyerno ng Pilipinas at gumawa ng isang immunity deal, kung saan inihayag niya kung paano niya pinrontahan ang mga pangangalakal Marcos sa loob at sa labas ng bansa, gamit ang maraming magkakaugnay na mga shell corporation.[14][20]

Mga Mansyon ng mga Marcos sa Pilipinas

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Bukod sa mga ari-arian sa ibayong dagat, mayroong limampu o higit pang "mansiyon ng mga Marcos" na nakimkim ng pamilya Marcos sa loob ng Pilipinas. Ilan sa mga "Marcos mansion" na ito ay nasa Baguio, sa rehiyong Ilocos na siyang balawarte ng mga Marcos, sa Leyte na balawarte ng pamilya ni Imelda Marcos, at sa Malawakang Manila at mga kalapit-pook nito.

Ang ilan sa mga ari-arian na ito ay ipinangalan ng mga miyembro ng pamilya Marcos, ngunit ang iba ay ipinangalan sa mga "Marcos cronies," laan sa paggamit ng pamilya Marcos. Sa ilang mga kaso, magkakalapit ang mga mansyong ito at may mga partikular na mansyon para sa mga indibidwal na miyembro ng pamilya, tulad ng sa Outlook Drive sa Baguio . Marami sa mga mansyon ng Marcos ang nabawi ng gobyerno ng Pilipinas nang paalisin ang mga Marcos sa bansa bilang resulta ng 1986 EDSA Revolution .

Ang mga Marcos jewels

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nabawi din ng PCGG noong 1986 ang tatlong koleksyon ng mga alahas ni Imelda Marcos, na tinatagurian ngayon sa ngalang "Marcos jewels" o "Imelda jewels."

Ang tatlong koleksiyon ng mga alahas na nabawi ng PCGG ay tinawag na "Hawaii collection," "Malacanang collection", at "Roumeliotes collection." Ang "Hawaii collection" ay tumutukoy sa isang grupo ng mga alahas na nabawi ng US Bureau of Customs mula sa mga Marcos noong ipinatapon sa Hawaii noong 1986. Ang "Malacanang collection" ay tumutukoy sa isang grupo ng mga hiyas na natuklasan sa Palasyo ng Malacañang pagkatapos tumakas ang mga Marcos sa Pilipinas. At ang "Roumeliotes collection" naman ay tumutukoy sa isang grupo ng mga alahas na nakumpiska kay Demetriou Roumeliotes, na sinasabing malapit na kasama ni Imelda Marcos, matapos itong mahuli na sinusubukang ipuslit ang mga ito palabas ng Pilipinas sa Manila International Airport.

Noong Pebrero 2016, inihayag ng pamahalaan ng Pilipinas na ang tatlong koleksyon ay may tinatayang nagkakahalaga ng ₱1 billion, at na sa kalaunay isusubasta sa wakas ang mga ito pagkatapos ang tatlong dekadang panatili nito sa kamay ng gobyerno.

Mga bank account sa ibang bansa

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Karamihan sa mga kayamanang Marcos na sinusubukang bawiin ng PCGG ay inilalagay sa iba't ibang bank account sa iba't ibang bansa, na siya namang natukoy ng PCGG batay sa mga dokumentong iniwan ng mga Marcos sa Malacañang noong Pebrero 1986.[6](p175)  : 27 Sinimulan na ni Marcos ang pagbubukas ng mga naturang account bago pa man siya naging Pangulo. Binuksan niya ang kanyang unang bank account na ganito noong siya'y nagdeposito ng $215,000.00 sa Chase Manhattan Bank sa New York City noong Hulyo 7, 1960.

Ang mga account nila William Saunders at Jane Ryan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Pinakakilala sa mga overses account na ito ang apat na "William Saunders at Jane Ryan accounts," na binuksan sa Credit Suisse sa Zurich noong Marso 1968. Ginamit ni Marcos ang alyas na "William Saunders" bilang pangalan ng account, habang si Imelda Marcos ang pumili naman ng alyas na "Jane Ryan."

Apat na tseke, na may kabuuang US$950,000.00 ang ginamit upang gawin ang paunang deposito. Kalauna'y inilipat ang mga ito sa ibang mga account sa ilalim ng iba't ibang dummy foundation, ngunit nang ang mga rekord ng mga ito ay natuklasan ng bagong gobyerno ng Pilipinas pagkatapos ng 1986 EDSA revolution, ang Swiss Federal council ay tinigil ang operasyon (frozen accounts) ng mga ito.

Noong Disyembre 21, 1990, nagpasya ang Swiss Federal Supreme Court na ang mga account na ito ay maaaring ibigay sa gobyerno ng Pilipinas, sa kondisyon na magkakaroon ng pasang-ayon na "final and absolute judgment" ng isang Philippine korte.[21] Noong 1997, hinusgahan ng Swiss Federal Supreme Court ang mga pondo na "galing sa gawang kriminal," at pinahintulutan nitong mailipat ang mga ito sa isang escrow account sa Maynila, habang nakabinbin ang desisyon sa korte ng Pilipinas. Kalaunan, ang pagkumpiska ay natuloy nang maibaba ang paghatol ng ang Korte Suprema ng Pilipinas noong Hulyo 15, 2003. Sa wakas ay ipinasa ng Switzerland ang kabuuang $683 milyon sa mga pondo ni Marcos sa Treasury ng Pilipinas noong 2004.

Ang Arelma Account

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Bukod sa Saunders account, isa pang kilalang overseas account ng mga Marcos ay kilala bilang Arelma account, na binuksan noong 1972 sa brokerage firm ng Merrill, Lynch, Pierce, Fenner & Smith, Inc. sa New York sa ilalim ng pangalan ng Arelma Foundation, isang korporasyon mula sa Panama. Ang paunang deposito ay para lamang sa $2 milyon noong 1972, ngunit ang account ay lumaki sa humigit-kumulang $35 milyon noong 2000, at $42 milyon noong 2014.

Mga account na nabawi na sa kompromiso

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Kabilang sa mga unang tagumpay ng PCGG ay natamo sa pamamagitan ng mga kasunduan sa kompromiso kay Imelda Marcos o iba't ibang kroni ni Marcos . Kasama sa mga sangkot na bangko ang Sanwa Bank ng Japan, at sa United States, Redwood Bank at California Overseas Bank.

Katayuan ng pagbawi

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nang tumakas ang pamilya Marcos patungong Hawaii pagkatapos ng EDSA Revolution, inilabas ni Presidenteng Corazon Aquino ang Executive Order 1 noong 28 Pebrero 1986, na siyang paglikha ng Presidential Commission on Good Government (PCGG), kung saan si Jovito Salonga ang unang naging tagapangulo. Ang tungkulin ng PCGG ay bawiin ang lahat ng mga ari-arian at pera na naipon ng mga Marcos, kamag-anak, at crony.

Noong 2019, sinabi ng PCGG na nabawi nito ang mahigit ₱171 bilyong tagong yaman mula sa mga Marcos at sa mga Crony mula noong likhain ang ahensya noong 1986.[22] Bahagi ng halagang ito ay nagmula sa pera na nabawi ng PCGG o isinuko sa ilalim ng iba't ibang compromise agreement, at ang ilan naman ay nagmula sa pagbebenta ng iba't ibang surrendered o sequestered property.[22] Noong 2020 naging ₱174 bilyon na ang halagang ito.[23]

  • Kasaysayan ng ekonomiya ng Pilipinas (1965–86)
  • Mga kroni ni Marcos
  • Jose Yao Campos
  • Marukosu giwaku
  • Mga mansyon ni Marcos
  • Mga pag-aari sa ibang bansa ng pamilya Marcos
  • mga hiyas ni Marcos

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 1.2 . Teksto
  2. 2.0 2.1 Davies, Nick. "The $10bn question: what happened to the Marcos millions?". The Guardian.
  3. Tiongson-Mayrina, Karen and GMA News Research.September 21, 2017. The Supreme Court’s rulings on the Marcoses’ ill-gotten wealth. https://www.gmanetwork.com/news/news/specialreports/626576/the-supreme-court-s-rulings-on-the-marcoses-ill-gotten-wealth/story/
  4. 4.0 4.1 4.2 Subcommittee on Asian and Pacific Affairs, United States Congress House Committee on Foreign Affairs (1987). Investigation of Philippine Investments in the United States: Hearings Before the Subcommittee on Asian and Pacific Affairs of the Committee on Foreign Affairs, House of Representatives, Ninety-ninth Congress, First and Second Sessions, December 3, 11, 12, 13, 17, and 19, 1985; January 21, 23, and 29; March 18 and 19; April 9 and 17, 1986 (sa wikang Ingles). U.S. Government Printing Office.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. 5.0 5.1 5.2 Romero, Jose V., Jr. (2008). Philippine political economy. Quezon City, Philippines: Central Book Supply. ISBN 9789716918892. OCLC 302100329.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link) CS1 maint: multiple names: mga may-akda (link)
  6. 6.0 6.1 6.2 6.3 Fischer, Heinz-Dietrich, pat. (20 Enero 2020). 1978–1989: From Roarings in the Middle East to the Destroying of the Democratic Movement in China (ika-Reprint 2019 (na) edisyon). Berlin: Walter de Gruyter GmbH & Co KG, 2020. ISBN 978-3-11-086292-8. OCLC 1138498892.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. 7.0 7.1 7.2 Manapat, Ricardo (1991). Some are smarter than others : the history of Marcos' crony capitalism. Aletheia Publications. ISBN 978-9719128700. OCLC 28428684.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. Research, Inquirer (2017-09-17). "Where Marcos stashed multibillion loot". The Philippine Daily Inquirer (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 2017-09-17. Nakuha noong 2020-06-23.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  9. 9.0 9.1 Through the Years, PCGG at 30: Recovering Integrity –A Milestone Report. Manila: Republic of the Philippines Presidential Commission on Good Government. 2016.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  10. "VERA FILES FACT CHECK: Bongbong Marcos falsely claims martial law horrors fabricated". Vera Files.
  11. Quinn, Hal (1985-12-16). "The Marcos money empire". Maclean's (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 2020-06-23. Nakuha noong 2020-06-24.{{cite magazine}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  12. Lustre, Philip M. Jr. (2016-02-25). "Recovering Marcos' ill-gotten wealth: After 30 years, what?" (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2020-06-23.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  13. 13.0 13.1 (October 2010). "An Introduction to the Conclusion: 100 Day Report and Plan of Action, 1 October 2010 - 8 January 2011". Wold Bank Group and the United Nations Office of Drugs and Crime. Naka-arkibo 22 July 2014[Date mismatch] sa Wayback Machine. "Archive copy" (PDF). Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong 22 Hulyo 2014. Nakuha noong 18 Enero 2022.{{cite web}}: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link)
  14. 14.0 14.1 Aquino, Belinda A. (1999). The transnational dynamics of the Marcos Plunder. University of the Philippines, National College of Public Administration and Governance. ISBN 978-9718567197. OCLC 760665486.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  15. Linge, Mary Kay (2019-11-09). "Imelda Marcos rises again in the Philippines — through her son Bongbong". The New York Post (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2019-11-10.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  16. Jr, George Lardner (Marso 23, 1986). "Marcos Confidant Can't Be Found" – sa pamamagitan ni/ng www.washingtonpost.com.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  17. "Speculation Grows: Marcos May Stay at Luxurious Hawaii Estate". Los Angeles Times. Pebrero 28, 1986.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  18. "Marcos Crony Agrees to Surrender L.A. Bank : Philippines: In return, the U.S. will drop charges. Prosecutors say firm was created to launder money". Los Angeles Times. Abril 22, 1990.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  19. "Some Are Smarter Than Others: The History of Marcos' Crony Capitalism". Ateneo de Manila University Press. Hulyo 9, 2020. Inarkibo mula sa orihinal noong Enero 18, 2022. Nakuha noong Enero 18, 2022.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  20. Russakoff, Dale (Marso 30, 1986). "The Philippines: Anatomy of a Looting". The Washington Post.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  21. The Political Economy of Corruption. University of Hawaii. July 1997.
  22. 22.0 22.1 Bajo, Anna Felicia (2018-06-21). "PCGG: More than P171 billion in Marcos family's ill-gotten wealth recovered". GMA News and Public Affairs (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2019-02-04.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  23. "PCGG YEAR END ACCOMPLISHMENT REPORT FY 2020" (PDF). PCGG Website. Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong Nobiyembre 9, 2021. Nakuha noong November 9, 2021. {{cite web}}: Check date values in: |archive-date= (tulong)