Pumunta sa nilalaman

Mago ng Bibliya

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Tatlong haring mago)
Ang tatlong haring mago (nasa kanan) habang nagaalay ng mga handog kay Hesus na kasama ang mga magulang na sina Santa María at San José (nasa kaliwa).

Ang mga mago na kalaunang tinukoy sa mga tradisyong Kristiyano na tatlong haring mago, tatlong hari, tatlong mago at mga Pantas ang mga indibidwal na dumalaw sa batang Hesus noong bagong silang pa lamang ito. Sila ay isinasaad sa Ebanghelyo ni Mateo na dumating sa Herusalem mula sa silangan. Kanilang nakita ang bituin ni Hesus sa silangan at tumungo sa Belen upang sambahin ang sanggol na si Hesus. Ang bituin na kanilang nakita sa silangan ay nanguna sa kanila tungo sa bahay ni Hesus. Bilang parangal, naghandog ang mga mago ng mga handog kay Hesus ng ginto, kamanyang, at mira.

Pinagmulan ng kuwento

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang Griyegong magoi (μάγοι) na ginamit sa Ebanghelyo ni Mateo ay hinango mula sa Lumang Persian na maguŝ mula sa Avestan magâunô, i.e. ang kasteng relihiyoso kung saan ipinanganak si Zoroaster.[1] Ang terminong ito ay tumutukoy sa kasteng saserdote (pari) ng Zoroastrianismo.[2]

Ayon sa historyano ng Kristiyanismo na si Sebastian Brock, "walang duda na sa mga naakay sa Zoroastrianismo na...ang ilang mga alamat ay nabuo sa Mago ng mga Ebanghelyo".[3] Ayon kay Anders Hutgård, ang kuwento ng mago sa ebanghelyo ay naimpluwensiyahan ng alamat na Iranian nauukol sa mago (magi) at isang bituin na nauugnay sa mga paniniwalang Persian sa paglitaw ng bituin na humuhula sa isang pinuno at sa mga mito na naglalarawan ng manipestasyon ng isang pigurang diyos sa apoy at liwanag.[4] Ang sinaunang Mago (Magi) ay isang namamanang pagka-saserdote ng Medes na may malalim at ekstraordinaryong kaalamang pang-relihiyon. Ang Sinaunang relihiyong ito ng Medes ay isang anyo ng bago-ang-Zoroastrianismong Mazdaismo o pagsamba kay Mithra. Ayon kay Herodotus, may anim na mga tribong Medes [5]:

Kaya tinipon ni Deioces ang Medes sa isang bansa at tanging namuno sa kanila. Ngayon, ito ang mga tribo na bumubuo nito: ang Busae, ang Paretaceni, ang Struchates, ang Arizanti, ang Budii, at ang Mago.

Pagkatapos na ang ilang Magong Persian na nauugnay sa korteng Medes ay napatunayang eksperto sa mga interpretasyon ng panaginip, itinatag ni Dakilang Darius ang mga ito sa ibabaw na relihiyon ng estado ng Persia. Binanggit ni Herodotus ang Mago ng Medes bilang tribong Medes na nagbibigay ng mga saserdote (pari) para sa parehong mga Medes at Persian. Ang mga ito ay may kasteng saserdote na nagpapasa ng katungkulan mula sa ama tungo sa anak na lalake. Ang mga Mago na Medes ay gumampan ng isang mahalagang papel sa korte ng haring Medes na si Astyages na sa kanyang korte ay may ilang mga tagapayo, nagpapakahulugan ng mga panaginip at mga manghuhula. Ang mga historyan ng klasiko ay pangakalahatang umaayon na ang Mago (Magi) ay mga saserdote (pari) ng pananampalatayang Zoroastrianismo. Mula sa mga personal na pangalan ng Medes gaya ng itinala ng mga Assyrian (noong ika-9 hanggang ika-8 siglo CE), may mga halimbaw ng paggamit ng salitang Indo-Iranian na arta- ("katotohana") na pamilyar mula sa parehong Avestan at Lumang Persian at mga halimbawa rin ng mga pangalang teoporiko na naglalaman ng wMaždakku at ang pangalang "Ahura Mazda".[6]

Katauhan ng mga mago

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang karamihan ng mga paglalarawan tungkol sa Mago ay mula sa mga sinaunang tradisyon ng simbahang Kristiyano. Ang karamihan ay nagpalagay na ito ay "tatlo" dahil ang mga ito ay nagdala ng tatlong regalo. Ang bilang ng mga mago ay hindi tinutukoy sa bibliya. Sa paglipas ng mga panahon, ang mga tradisyon ay nagpatuloy sa pagpapalamuti ng kuwento. Sa ikatlong siglo CE, ang mga ito ay pinaniwalaang mga "hari". Sa ikaanim na siglo CE, ang mga ito ay nagkaroon ng mga pangalan na Meltsor, Gaspar, at Baltasar. Ang isang ika-14 siglo na tradisyong Armenia ay tumukoy sa mga itong si Balthasar, hari ng Arabia; Melchior, hari ng Persia; at Gasper, hari ng India. Ang mga relikong itinuturo sa mga ito ay lumitaw noong ikaapat na siglo CE at inilipat mula sa Constantinople tungo sa Milan noong ika-5 siglo at sa Cologne noong 1162.

Salaysay ng kapanganakan ni Hesus

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang kuwento ng kapanganakan ni Hesus ay matatagpuan lamang sa dalawang ebanghelyo (Ebanghelyo ni Lucas at Ebanghelyo ni Mateo) ngunit ang kuwento ng mga Mago ay matatagpuan lamang sa Mateo. Sa Lucas, ang mga bumisita kay Hesus ay mga pastol.


Pagbisita ng mga mago ayon sa Mateo

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ayon sa salaysay ng Mateo 2:1-9:

Pagkatapos na maipanganak si Hesus sa Bethlehem ng Hudea, sa panahon ng paghahari ni Herodes, may dumating sa Herusalem na mga mago mula sa silangan. Sinabi nila: Saan naroroon ang ipinanganak na Hari ng mga Hudio? Ito ay sapagkat nakita namin ang kaniyang bituin sa silangan at naparito kami upang sambahin siya. Nang marinig ni haring Herodes ang mga bagay na ito, naligalig siya at ang lahat ng mga tao sa Herusalem. Tinipon niya ang lahat ng mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan ng mga tao. Tinanong niya sa kanila kung saan ipanganganak ang mesiyas. Nang magkagayon, tinawag ni Herodes nang palihim ang mga mago. Itinanong niyang mabuti sa kanila kung kailan nagpakita ang bituin. At pinapunta niya sila sa Bethlehem. Sinabi niya: Pumaroon kayo at matiyaga ninyong ipagtanong ang patungkol sa bata. Kapag natagpuan ninyo siya, balitaan ninyo ako upang makapunta rin ako at sambahin siya. Pagkarinig nila sa hari ay tumuloy na sila sa kanilang lakad. Narito, ang bituin na kanilang nakita sa silanganan ay nanguna sa kanila. Nanguna ito sa kanila hanggang sa sumapit at tumigil sa tapat ng kinaroroonan ng maliit na bata. Nang makita nila ang bituin, lubos silang nagalak. Nang sila ay nasa loob na ng bahay, nakita nila ang bata, kasama ang kaniyang inang si Marya. Sila ay nagpatirapa at sinamba ang bata. Nang mabuksan na nila ang kanilang mga kayamanan, naghandog sila sa kaniya ng mga kaloob. Ang mga ito ay ginto, kamangyan at mira. At nagbabala ang Diyos sa kanila sa isang panaginip na huwag na silang bumalik kay Herodes. Kaya sila ay nag-iba ng daan pauwi sa kanilang sariling lupain.

Mga pagkakasalungat sa Mateo at Lucas

[baguhin | baguhin ang wikitext]

May mga pagkakasalungat sa parehong ebanghelyo. Ang Ebanghelyo ni Mateo ay nagsasaad na si Hesus ay ipinanganak bago mamatay si Herodes (na namatay noong Marso 4, BCE).[7] Gayunpaman, ito sinasalungat sa Ebanghelyo ni Lucas na nagsasaad na si Hesus ay ipinanganak sa panahon ng Censo ni Quirinio (Lucas 2:1-7) na ayon sa Hudyong historyan na si Josephus ay naging gobernador ng Syria noong 6–7 CE. Ang talatang ito sa Lucas ay matagal nang itinuturing ng mga skolar ng Bibliya na problematiko dahil inilalagay nito ang kapanganakan ni Hesus sa panahon ng censo noong 6/7 CE samantalang ayon sa Mateo ay ipinanganak si Hesus pagkatapos ng paghahari ni Herodes na namatay noong 4 BCE o mga siyam na taon bago ang Censo ni Quirinio.[8] Sa karagdagan, walang mga sangguniang historikal na nagbabanggit ng kinontrol ng Romanong pandaigdigang censo na sumasakop sa buong populasyon. Ang censo ni Augusto ay sumasakop lamang sa mga mamamayang Romano[9] at hindi pagsasanay sa mga censong Romano na atasan ang mga tao na bumalik sa bayan ng kanilang mga ninuno.[10] Dahil sa kamaliang ito sa Lucas, ang mga skolar ay nagbigay konklusyon na ang may akda ng Lucas ay mas umuukol sa paglikha ng simbolikong salaysay kesa sa isang historikal na salaysay,[11] at walang kamalayan o walang pakielam sa kahirapang kronolohikal na ito. Ang Lucas ay nag-uugnay rin ng kapanganakan ni Hesus kay Juan Bautista na pinaniniwalaang nabuhay mga sampung taon bago ang paghahari ni Herodes.[12] Ang parehong may-akda ng Lucas ay nag-ugnay ng censo ni Augustus kay Theudas sa Mga Gawa ng mga Apostol na naganap noong 46 CE ayon kay Josephus. Ang kamatayan ni Hesus ay karaniwang inilalagay noong 30–36 CE sa pamumuno ni Poncio Pilato na gobernador ng Judea mula 26 hanggang 36 CE.[13][14]

Ayon sa Lucas, nang si María ay manganganak, siya at si José ay naglakbay mula sa Nazareth tungo tahanan ng kanilang ninuno sa Belen upang magpatala sa Censo ni Quirinio (Lucas 2:2). Ipinanganak ni Marya si Hesus at dahil walang lugar para sa inn, ay iniligay ang sanggol sa sabsaban. Ayon sa Lucas 2:22–40, kinuha ni María at José ang sanggol na si Hesus sa templo sa Herusalem (ang layo ng Belen sa Herusalem ay mga 6 na milya) 40 araw pagkatapos ng kanyang kapanganakan upang kumpletuhin ang puripikasyong ritwal pagkatapos ng panganganak at isagawa ang pagtubos ng panganay bilang pagsunod sa Kautusan ni Moises (Lev. 12, Exo. 13:12-15 at iba pa). Hayagang sinabi sa Lucas na kinuha nina Marya at Jose ang opsiyon na ibinibigay sa mga mahihirap (na hindi makakabili ng tupa) sa Lev 12:8 na naghahandog ng isang pares ng mga kalapati. Ang Lev. 12:1-4 ay nagsasaad na ang pangyayaring ito ay dapat gawin sa 40 araw pagkatapos ng kapanganakan ng isang anak na lalake. Pagkatapos na isagawa ang lahat ayon sa Batas ni Moises, sila ay bumalik sa Galilea sa kanilang bayan na Nazareth (Lucas 2:39). Salungat dito, ang Mateo 2:16 ay nagmumungkahi na ang pamilya ni Hesus ay nanatili sa Bethelehem nang mga 2 taon bago sila tumungo sa Ehipto. Ang pamilya ni Hesus ayon sa Mateo ay lumisan sa Ehipto at nanatili doon hanggang sa kamatayan ni Herodes (Mat. 2:15, 22–23). Ayon Mat. 2:22, Ang pamilya ni Hesus ay nagbalik sa Hudea (kung nasaan ang Bethlehem ayon sa Mat. 2:5)[15] mula sa Ehipto pagkatapos mamatay ni Herodes. Nang marinig ni Jose na si Archelaus ay naghahari sa Hudea at sa dahil sa isang babala sa panaginip ay umurong sa Galilea na nagmumungkahing ang Galilea ay hindi ang kanyang orihinal na destinasyon. Sa karagdagan, ang Mat. 2:23 ay nagbibigay impresyon na ang Nazareth ang bagong tahanan ng pamilya ni Hesus at hindi ang lugar kung saan sila nagmula ayon sa Lucas. Ito ay salungat sa Lucas 2:4, 39 na nagsasaad na ang pamilya ni Hesus ay nagmula sa Nazareth. Walang binabanggit sa Mateo ng anumang paglalakabay tungo sa Bethlehem kung saan isinaad sa Mateo na ipinanganak si Hesus.

Ang mga paghuhukay na arkeolohikal ay nagpapakita rin na ng Hudea(Judea) ay hindi umiiral bilang isang gumaganang bayan sa pagitan ng 7 BCE at 4 BCE na panahong iminumungkahi na ipinanganak si Hesus. Si Herodes ay namatay noong 4 BCE at ayon sa Bibliya ay ipinanganak si Hesus bago mamatay si Herodes. Ang arkeolohikal na mga ebidensiya ay nagpapakita ng mga materyal sa pagitan ng 1200 BCE hanggang 550 BCE gayundin sa panahon mula sa ika-6 siglo CE ngunit wala mula sa unang siglo BCE o unang siglo CE. Ayon sa arkeologong si Aviram Oshri, "nakakagulat na walang ebidensiyang arkeolohikal na nag-uugnay sa Bethlehem sa Hudea sa panahon na ipinanganak si Hesus.[16]

Inalayan ng tatlong haring mago ang batang Hesus ng tatlong mga handog. Kabilang dito ang ginto, kamanyang, at mira. Sinasagisag ng ginto ang pagkahari ni Hesukristo. Tanda naman ng pagka-Diyos ni Hesus ang kamanyang. Samantalang ng paghihirap at pagkamatay ni Kristo ang mira.

Nagkaroon ng impluwensiya sa sining at sa panitikan ang kuwento tungkol sa tatlong haring mago.

Ang dibuhong Ang Pagsamba ng mga Mago o Ang Adorasyon ng mga Mago ayon kay Peter Bruegel na Nakatatanda.

Kabilang sa mga pintor na gumuhit ng pinintang larawan kaugnay ng mga mago ng Bibliya si Peter Bruegel na Nakatatanda (c. 1525/30-69). Sa kaniyang paglalarawan, ginamit niyang tagpuan ang pinagmulan niyang bansang Olanda. Bagaman may nakakatawang damdaming hatid ang kaniyang Ang Pagsamba ng mga Mago (The Adoration of the Magi sa Ingles), itinuturing ito bilang isang dakilang bersiyon ng salaysay o paksa. Mapagmamasdan sa larawan na may pagbabantulot o pananantiya ang batang Hesus sa pagtanggap ng mga handog mula sa mga Mago. Dalawa sa mga Mago ang tila mga huklubang haring puti ang kulay ng balat, na uugud-ugod na sa katandaan at parang mga miyembro ng konseho o munisipyo. Samantala ang Magong may itim na balat ay may nakakaengganyang kaigihan o interes sa mga nagaganap. Iginuhit dito si Maria bilang mayumi at kagalang-galang ngunit hindi napapansing may bumubulong sa tainga ni Jose ng hinggil sa pagdududa sa kaganapan ng Pagsisilang ng Birhen kay Hesus.

Sa panitikan, isa sa mga nalikang kathang-isip na salaysayin ang naimpluwensiyahan ng diwa ng pagpapalitan ng mga regalo ang maikling kuwentong isinulat ng Amerikanong si O. Henry (pangalang pampanitikan ni William Sydney Porter) noong 1906. Sa kaniyang Ang Handog ng mga Mago inilarawan niya ang dalawang nakababatang mag-asawang hindi makasarili at mapagmahal na isinakripisyo ang kanilang mahahalagang mga pansariling pag-aari para lamang mabigyan ng aginaldo ang isa't isa sa araw ng Pasko. Ipinaputol at ipinagbili ni Della ang kaniyang mahabang buhok para maibili ang asawang lalaking si Jim ng tanikala para sa orasang pambulsa nito. Samantala, ibinenta naman pala ni Jim ang kaniyang orasang ito para maibili at maalayan si Della ng mga suklay na yari sa mga kabibe ng pawikan.[17][18]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. (Yasna 33.7: "ýâ sruyê parê magâunô " = " so I can be heard beyond Magi ")
  2. Mary Boyce, A History of Zoroastrianism: The Early Period (Brill, 1989, 2nd ed.), vol. 1, pp. 10–11 online; Mary Boyce, Zoroastrians: their religious beliefs and practices (Routledge, 2001, 2nd ed.), p. 48 online; Linda Murray, The Oxford companion to Christian art and architecture (Oxford University Press, 1996), p. 293; Stephen Mitchell, A history of the later Roman Empire, AD 284–641: the transformation of the ancient world (Wiley–Blackwell, 2007), p. 387 online.
  3. S.P. Brock, "Christians in the Sasanian Empire", in Stuart Mews (ed.), Religion and National Identity, Oxford, Blackwell, Studies in Church History (18), 1982, pp.1 19, p.15; see also Ugo Monneret de Villard, Le Leggende orientali sui Magi evangelici, Citta del Vaticano, Biblioteca apostolica vaticana, 1952.
  4. Anders Hutgård, "The Magi and the Star: The Persian Background in Texts and Iconography", in Peter Schalk and Michael Stausberg (ed.s), Being Religious and Living through the Eyes, Uppsala, Almqvist & Wiksell International, 1998, Acta Universitatis Upsaliensis: Historia Religionum (14), pp. 215-225.
  5. Herodotus 1.101
  6. (Dandamayev & Medvedskaya 2006, Median Religion)
  7. White, L. Michael. From Jesus to Christianity. HarperCollins, 2004, pp. 12–13.
  8. e.g. R. E. Brown, The Birth of the Messiah (New York: Doubleday), p. 547.
  9. Emil Schürer (revised by Geza Vermes, Fergus Millar and Matthew Black), The History of the Jewish People in the Age of Jesus Christ, Continuum International, 1973, Volume I page 401.
  10. James Douglas Grant Dunn, Jesus Remembered, p. 344; E. P. Sanders, The Historical Figure of Jesus, Penguin, 1993, p86
  11. Marcus J. Borg, Meeting Jesus Again for the First Time: The Historical Jesus and the Heart of Contemporary Faith, (HarperCollins, 1993), page 24.
  12. Luke 1:5–36
  13. White 2004, pp. 4, 104.
  14. http://www.infidels.org/library/modern/richard_carrier/quirinius.html
  15. http://bible.cc/matthew/2-5.htm
  16. "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-03-10. Nakuha noong 2012-12-05.{{cite web}}: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link)
  17. O'Henry and The Gift of the Magi LiteraryTraveler.com
  18. "The Gift of the Magi ni O. Henry, sipi katabi ng talambuhay ni Henry, O., sa pahina 110-113". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)

Mga kawing panlabas

[baguhin | baguhin ang wikitext]