Tomas Pinpin

Mula sa Wikipediang Tagalog, ang malayang ensiklopedya
Jump to navigation Jump to search
Tomás Pinpin
KapanganakanSa pagitan ng 1580 at 1585
Abucay, Bataan, Capitania General ng Pilipinas
KamatayanHindi batid
HanapbuhayManlilimbag
AnakSimon

Si Tomás Pinpin ay isang manlilimbag, manlalathala at manunulat mula sa bayan ng Abucay sa lalawigan ng Bataan. Siya ang kauna-unahang manlilimbag na Pilipino. Noong 1610, isinulat niya ang "Librong Pagaaralan nang manga Tagalog nang Uicang Castilla" na siyang naging kauna-unahang nailimbag na akda ng isang Pilipino.[1]

Talâ ng Buhay[baguhin | baguhin ang batayan]

Kabataan[baguhin | baguhin ang batayan]

Si Tomas Pinpin ay ipinanganak sa Barrio Mabatang, Abucay, Bataan sa pagitan ng mga taóng 1580 at 1585. Hindi matiyak ang ganap na araw ng kanyang kapanganakan pati na rin ng pagkamatay dahil noong 1646 ay sinunog ng mga manloloob na Holandes ang mga talâ sa parroquia sa kanyang bayan ng Abucay nang ito ay sinalakay. Gayon pa man, ipinakakahulugan ng kanyang apellido na siya ay nagkaroon ng ninunong Intsik.

Ipinagpapalagay na unang napakilala si Tomas Pinpin sa paglilimbag noong mga taóng 1608 o 1609. Maaaring natuto siya sa mga gawain ng mga manlilimbag na Cristianong Intsik kagaya nina Juan at Pedro de Vera at ni Luis Beltran na nakapaglimbag na noon ng ilang kasulatan para sa mga sugong Español.

Nag-umpisa si Tomas Pinpin sa kanyang gawain bilang aralan sa limbagan sa Abucay noong 1609. Ang limbagan ay pinatatakbo noon ng mga Dominicano, at siya ay binigyang-katungkulan ni Padre Francisco Blancas de San Jose na siya ring nagturo sa kanya ng mga pamamaraan sa paglilimbag ng panahong iyon. Sa loob lamang ng isang taon ay nagkaroon na siya ng sapat na kahusayan upang siya ay maiangat sa katungkulan ng patnugot na manlilimbag.

Paglilimbag[baguhin | baguhin ang batayan]

Noong 1610 inilimbag ni Tomas Pinpin ang kasulatang "Arte y Reglas de la Lengua Tagala" na akda ni Padre Blancas. Sa taon ding iyon, ang kanyang bantog na "Librong Pagaaralan nang manga Tagalog nang Uicang Castilla" ay nailimbag ng kanya namang kawani na si Diego Talaghay. Naglalaman ang kasulatan niyang ito ng 119 na pagina at limang bahagi na ang layunin ay matulungan ang mga nagsasalita ng Tagalog sa kanilang pagkatuto ng wikang Español. Nakasulat sa panimula nito:

[2]

Ito ang kauna-unahang nailimbag na kasulatan sa wikang Tagalog na akda ng isang Pilipino. Gayon man, nauna pa rito ang "Doctrina Cristiana en la Lengua Española y Tagala" na nasa wikang Tagalog din ngunit akda naman noong 1593 ni Fray Juan Portocarrero de Plasencia na isang Español. Ang kasulatan namang iyon ay gumamit hindi lamang ng titik ng Latin kundi pati na rin ng Baybayin.[3]

Ang natitira ngayon sa naunang simbahan ng Pila sa Victoria, Laguna. Ito ang dating kinatatayuan ng gusali kung saan pinasimulan ng mga Franciscano ang limbagan na siyang pinamahalaan ni Tomas Pinpin.
Ang kasalukuyang simbahan ng Pila, Laguna

Sa taóng 1612 pinamahalaan ni Tomas Pinpin ang isang limbagan na pag-aari ng mga Franciscano sa Pila, Laguna. Inilimbag niya rito ang "Vocabulario de la Lengua Tagala" ni Fray Pedro de San Buenaventura, at ito ang naging kauna-unahang talasalitaang nailimbag ukol sa isang wika sa kapuluan. Napag-aalaman din na siya ay nakapaglimbag sa Binondo, Maynila sa pagitan ng 1623 at 1627 dahil ang unang limbagan noon ay idinadala sa iba't-ibang bayan upang maipalaganap ang pamamaraan ng paglilimbag.

Sa taóng 1683, inilimbag at inilathala ni Tomas Pinpin ang itinuturing na kauna-unahang pahayagang papel sa kapuluan, ang "Sucesos Felices" na binubuo ng 14 na pagina at nag-ulat tungkol sa mga kawagian ng hukbong Español.

Tinatayang sa kabuuan ng kanyang katungkulan mula 1609 hanggang 1639 ay nakapaglimbag si Tomas Pinpin ng hindi kukulang sa labing-apat na magkakaibang lathalain.

Mga nalalabing taon[baguhin | baguhin ang batayan]

Dahil napag-alaman na may isang kasulatang nailimbag noong 1648 na nagtataglay ng tanda na "Inilimbag sa Tanggapan ni Tomas Pin-pin", winawaring malamang ay nakapagtayo si Tomas Pinpin ng isang palimbagan kasama ng kanyang anak na si Simon na siyang tinuruan niya ng paglilimbag at nababanggit ang pangalan sa ilang kasulatan mula sa lathalaang Jesuita.

Pagkamatay[baguhin | baguhin ang batayan]

Wala nang iba pang naitala tungkol kay Tomas Pinpin pagkatapos ng 1648, kaya't walang nakaaalam sa ganap na araw ng kanyang pagkamatay at kung saan ito nangyari.

Mga nailimbag na kasulatan[baguhin | baguhin ang batayan]

Ang mga nasa talaang ito ay iilan lamang sa nailimbag ni Tomas Pinpin.

  • "Arte y Reglas de Lengua Tagala" ni Padre Blancas (1610)
  • "Librong Pagaaralan nang manga Tagalog nang Uicang Castilla", sariling akda (1610)
  • "Vocabulario de Lengua Tagala" ni Pedro de San Buenaventura (1612)
  • "Relacion de Martirio" (1625)
  • "Triunfo" ni Carreras (1626)
  • "Arte Ilocano" ni Lopez (1627)
  • "Vocabulario de Japon" (1630)
  • "Confesionario" ni Herreras (1636)
  • "Sucesos Felices" lathalaing pahayagan (1637)
  • "Relacion de la Vida y Martirio del Jesuita P. Mastrillo"

Sanggunian[baguhin | baguhin ang batayan]

  1. Quirino, Carlos The First Philippine Imprints. Journal of History 8 (Mga Unang Limbagan sa Pilipinas. Ika-8 Talaan ng Kasaysayan) (Septiembre 1960)
  2. http://ugnay.blogspot.com/2009/12/librong-pagaaralan-nang-manga-tagalog.html Librong pagaaralan nang mga Tagalog nang uicang Castilla
  3. Lessing J. Rosenwald (1593). "Lessing J. Rosenwald Collection". Library of Congress. World Digital Library. Nakuha noong 2010-11-28.