Pumunta sa nilalaman

Tucidides

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Istatwa ni Thoukydidis na nasa Royal Ontario Museum, Toronto.

Si Tucidides o Thucydides (c. 460 BKP — c. 395 BKP) ay isang Griyegong historyador. Isinulat niya ang Kasaysayan ng Digmaang Peloponnesos, na isinalaysay ang digmaan sa pagitan ng Lakedaimon (Sparti) at Atenas noong ika-5 dantaon BKP hanggang 411 BKP Si Tucidides ay tinawag na ama ng “maka-agham na kasaysayan” dahil sa kanyang mahigpit na pamantayan sa pangangalap ng mga ebidensiya at pagsusuri ng mga dahilan at bunga nang hindi bumabanggit sa pakikialam ng mga kinikilala nilang diyos noong panahong iyon. (Cochrane, p. 179; Meyer 1910, p. 67; de Sainte Croix 1972)

Binansagan din siyang ama ng eskuwelahan ng pampolitika reyalismo, na ang pananaw sa relasyon ng mga bansa ay nakasalalay sa lakas sa halip na sa katwiran. (Strauss 1964, p. 139) Pinag-aaralan pa rin ang mga klasikal niyang teksto sa mga paaralang militar sa buong mundo.

Sa kabuuan, nagpakita si Thoukydidis ng interes sa pagbuo ng kaunawaan ng katangian ng tao upang maipaliwanag ang inaasal ng tao sa mga panahon ng krisis tulad ng salot at digmaang sibil.

Marami ang nababatid natin hinggil sa buhay ni Thoukydidis kahit na siya’y isang hindi masyadong kilala na historyador. Makukuha natin ang hindi mapagkakatiwalaang impormasyon mula sa kanyang Kasaysayan ng Digmaang Pelopónnisos, kung saan tinukoy ang kanyang nasyunalidad, bansa, at bayan. Sinabi sa atin ni Thoukydidis na siya’y tumakbo sa digmaan, nahawa ng salot at ipinatapon ng monarkiya.

Ebidensiya mula sa Panahong Klasikal

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sabi ni Thoukydidis siya ay taga-Athina. Ang kanya raw ama ay si Oloros at mula siya sa dimos na Alimos ng Athina (Thucydides 1910, 4.104.4; 1.1.1.). Nakaligtas siya sa Salot ng Athina (Thucydides, 2.48.1–3.) na pumatay kay Periklis at marami pang taga-Athina. Itinala rin niya na nagmay-ari siya ng minahan ng ginto sa Skapti Yli, isang distrito ng Thraki sa baybayin ng Thraki, katapat ng pulo ng Thasos (Thucydides, 4.105.1.).

Ang guho ng Amfipoli nang makita ni E. Cousinéry noong 1831: ang tulay sa Strymon, mga moog ng lungsod, at ang akropolis

Dahil sa kanyang impluwensiya sa rehiyon ng Thraki, ani ni Thoukydidis, ay ipinadala siya bilang stratigos (heneral) sa Thasos noong 424 B.K. Inatake ng heneral na taga-Lakedaimon na si Vrasidas noong tagniyebe ng 424–423 B.K. ang Amfipoli, isang pook na may layong kalahating araw na paglalayag sa kanluran ng Thasos sa baybayin ng Thraki. Humingi ang kumandante ng mga taga-Athina sa Amfipoli na si Efklis ng tulong kay Thoukydidis (Thucydides, 4.104.1.). Dahil alam ni Vrasidas na nasa Thasos si Thoukydidis at may impluwensiya siya sa mga mamamayan ng Amfipoli, at natatakot siya sa tulong nila na magmumula sa dagat, ay kumilos siya kaagad at inalok ang mga taga-Amfipoli ng magaang na kasunduan sa pagsuko, na tinanggap naman ng mga taga Amfipoli. (Thucydides, 4.105.1 – 106.3.) (Tingnan ang Labanan sa Amfipoli)

Ang Amfipoli ay isang napakaistratehikong lugar, at ang pagbagsak nito sa Lakedaimon ay lumigalig sa mga taga-Athina (Thucydides, 4.108.1 – 7.). Sinisi si Thoukydidis, bagama’t sinabi niya na hindi niya kasalanan iyon at nahuli lamang ang dating niya. Dahil sa kabiguan niyang iligtas ang Amfipoli ay ipinatapon siya sa labas ng Athina: (Thucydides, 5.26.5.)

Naging kapalaran ko ang mapatapon sa labas ng aking bansa sa loob ng dalawampung taon matapos maging heneral sa Amfipoli; at dahil naroroon ako kasama ng dalawang panig, at lalo na sa piling ng mga taga-Peloponnisos bunga ng pagkakatapon sa akin, ay nagkaroon ako ng maraming panahon na masdan ang mga pangyayari.

Malaya siyang naglakbay sa hanay ng mga kaalyado ng mga taga-Peloponnisos dahil ginamit niya ang estado niya bilang itinapon ng Athina. Nagawa niyang masdan ang digmaan mula sa pananaw ng magkabilang panig. Sa panahong ito ay nagsaliksik siya para sa kanyang kasaysayan.

Istatwa ni Irodotos

Ito lamang ang sinabi ni Thoukydidis hinggil sa kanyang buhay, pero mahihinuha natin ang iba pang bagay mula sa mga mapagkaktiwalaang kapanahon niyang batis. Sabi ni Irodotos ang ama ni Thoukydidis na si Oloros ay konektado sa Thraki at sa angkan ng mga hari ng Thraki (Herodotus, 6.39.1.). Malamang ay kamag-anak ni Thoukydidis ang mahusay na politikong taga-Athina na si heneral Miltiadis, at anak nitong si Kimon. Ang mag-ama ay mga pinuno ng matandang aristokrasiya na pinalitan ng mga Radikal na Demokrasiya. Ang lolo ni Kimon ay nagnangalan na Oloros, na maaaring siya ring ama ni Thoukydidis. May isa pang Thoukydidis na nabuhay bago ang historyador at ito’y may kaugnayan din sa Thraki, kaya’t maaring magkamag-anak din sila. Panghuli ay kinumpirma ni Irodotos ang kaugnayan ng pamilya ni Thoukydidis sa minahan sa Skapti Yli. (Herodotus, 6.46.1.)

Mga mas huling batis

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang nalalabing ebidensiya hinggil sa buhay ni Thoukydidis ay nagmula sa hindi gaanong mapagkakatiwalang sinaunang batis. Ayon kay Pafsanias, may isang Inovios na nagawang maipasa ang isang batas na nagpahintulot kay Thoukydidis na bumalik sa Athina. Marahil ay pagkatapos ng pagsuko ng Athina at ang katapusan ng digmaan noong 404 B.K. (Pausanias, 1.23.9.) Sinabi pa ni Pafsanias na pinatay si Thoukydidis habang pauwi siya ng Athina. Marami ang nagdududa sa kuwentong ito dahil may mga ebidensiya na nagsasabing nabuhay siya hanggang 397 B.K. Sinabi ni Ploutarchos na ang bangkay niya ay ibinalik sa Athina at inilibing sa libingan ng pamilya ni Kimon. (Plutarch, Cimon 4.1.)

Ang biglang pagtatapos ng kuwento ni Thoukydidis sa kalagitnaan ng taong 411 B.K., ay tradisyunal na itinuturing na bunga ng pagkamatay niya habang isinusulat ang aklat, bagama’t may iba pang paliwanag na ihinain.

Bagama’t walang makapagpapatunay, ipinapahiwatig ng katangian ng retorika ni Thoukydidis na siya ay pamilyar sa mga katuruan ng mga Sofistes, mga manlalakbay na tagapagturo na madalas sa Athina at iba pang lungsod ng Ellada. Sinasabi rin na ang mahigpit na pagbibigay diin ni Thoukydidis sa dahilan at bunga, ang mabusisi niyang pagmamahal sa namamasdang penomena na bumabalewala sa iba pang paktor, at ang payak niyang prosa ay pawang impluwensiya ng pamamaraan at pag-iisip ng naunang mga manunulat sa medisina tulad nina Ippokratis ng Kos. Mayroon pa ngang nagsasabi na may pagsasanay sa medisina si Thoukydidis.

Ang dalawang teoriyang ito ay hininuha sa inaakalang karakter ng kasaysayan ni Thoukydidis. Bagama’t hindi natin basta maisasantabi ang mga teoriyang ito, wala rin namang matibay na ebidensiya para suportahan ang mga ito.

Ang mga haka-haka hinggil sa karakter ni Thoukydidis ay mahihinuha (nang may pag-iingat) lamang sa kanyang aklat. Ang kanyang mapang-uyam na ugaling mapagpatawa ay makikita sa kabuuan ng aklat, tulad nang ilarawan niya ang salot sa Athina. Sinabi niya na parang naalala ng matatandang taga-Athina ang isang tula na ang sabi ay sa Digmaang Doriis ay darating ang isang "malawakang salot". Sabi ng iba ang tula ay talagang tungkol sa isang "malawakang taggutom" (λιμός, bigkas: /limós/) at naaalala lamang na "salot" (λοιμός, bigkas: /limós/ din) dahil sa nagaganap na salot. Kaya ani Thoukydidis, kapag nagkaroon na naman ng isa pang Digmaang Doriis, na mayroon namang malawakang taggutom, ang tula ay maaalala naman na tungkol sa "taggutom," at makakalimutan na ang "salot" (Thucydides, 2.54.3.).

Istatwa ni Periklis

Hinangaan ni Thoukydidis si Periklis. Sumang-ayon siya sa kapangyarihan niya sa mga tao, at mararamdaman natin ang pagkasuya niya sa mga manunulsol na demagogo na sumunod sa kanya. Hindi sang-ayon si Thoukydidis sa magulong demokratikong karamihan o sa radikal na demokrasiya na pinasimulan ni Periklis bagama’t sa palagay niya ay katanggap-tanggap ito kung nasa kamay ng isang magaling na pinuno. (Thucydides, 2.65.) Sa kabuuan ay walang ipinapakitang pagkiling si Thoukydidis sa paglalahad niya ng mga pangyayari. Halimbawa ay hindi niya minaliit ang negatibong epekto ng sarili niyang kabiguan sa Amfipolis. Gayunpaman, manakanaka ay gumigitaw ang silakbo ng kanyang damdamin tulad na lamang ng mahayap niyang pagtatasa sa mga demagogong sina Kleon (Thucydides, 3.36.6; 4.27; 5.16.1.) at Yperbolos (Thucydides, 8.73.3.). May pagkakataong inuugnay si Kleon sa pagpapatapon kay Thoukydidis, na magpapahiwatig ng pagkiling niya sa presentasyon ng una. Pero ang pag-uugnay na ito ay unang ginawa sa isang (di gaanong mapagkakatiwalaang) talambuhay na isinulat ilang daang taon pagkamatay ni Thoukydidis, at marahil ay hininuha lamang mula sa nakikitang pagkasuya ni Thoukydidis kay Kleon sa kanyang isinulat.

Maliwanang na nabagabag si Thoukydidis ng pagdurusa na kaakibat ng digmaan at nagbahala sa mga bagay na ginagawa ng tao bunga ng kalikasan niya kapag nalagay sa ganoong sirkunstansiya. Makikita ito sa kanyang pagsusuri sa mga kalupitang ginawa sa labanang sibil sa Kerkyra, (Thucydides, 3.82 – 83.) na may di makakalimutang kataga na "Ang digmaan ay isang marahas na guro ".

Ang Kasaysayan ng Digmaang Pelopónnisos

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Ang Akropolis ng Athina
Guho ng Isparti.

Isang aklat lamang ang isinulat ni Thoukydidis: ang modernong pamagat nito ay ang Kasaysayan ng Digmaang Pelopónnisos. Ang lahat ng inambag niya sa kasaysayan at historyograpiya ay nakapaloob sa makapal na kasaysayang ito ng 27 taong digmaan sa pagitan ng Athina at mga kaalyado nito, at Lakedaimon at mga kaalyado nito. Ang kasaysayang ay naputol malapit sa ika-21 taon. Ninais ni Thoukydidis na lumikha ng epiko na maglalarawan ng isang kaganapan na may mas malaking kabuluhan kaysa mga naunang digmaan ng mga Ellines.[1]

Si Thoukydidis ay karaniwang itinuturing na isa sa mga unang tunay na historyador. Tulad ng nauna sa kanya na si Irodotos (kadalasan ay tinatawag na "ang ama ng kasaysayan "), binibigyan ni Thoukydidis ng mataas na halaga ang pag-awtopsiya at testimonya ng saksing nakakita ng pangyayari, at siya’y nagsulat hinggil sa mga bagay na marahil ay kalahok siya. Masigasig din niya kinokonsulta ang mga nakasulat na dokumento at pinapanayam ang mga kalahok sa pangyayari na itinatala niya. Kakaiba kay Irodotos, hindi niya kinilala ang pakiki-alam ng mga espiritu sa ginagawa ng tao. Maaring mayroon siyang di namamalayang pagkiling—sa modernong pananaw, parang minamaliit niya ang kahalagahan ng pakikialam ng Persiya—pero siya ang unang historyador na nagtangkang masulat na malapit sa obhetibong modernong kasaysayan.

Ang isa sa pangunahing pinagkaiba ng kasaysayan ni Thoukydidis sa modernong kasaysayan ay gumagamit siya ng mahahabang talumpati na, ayon na rin sa kaniya, pinakamalapit na sa naaalalang sinabi—o marahil ay ang sa palagay niya’y dapat na sinabi. Ang mga talumpating ito ay isinulat sa paraang pampanitikan. Ang dalit para sa libing ni Periklis na naglalaman ng madamdaming moral na pagtatanggol sa demokrasiya, ay umaapaw sa pagpaparangal sa namatay:

Ang buong daigdig ang puntod ng mga dakilang tao; pinagpupugay sila di lamang ng mga haligi at sulat sa bato sa sarili nilang bansa, kundi maging sa mga banyagang bansa, sa mga bantayog na inukit hindi sa bato kundi sa mga puso at isip ng tao.

Bagama’t inilagay sa bibig ni Periklis, ang talatang ito ay mukhang isinulat ni Thoukydidis dahil sinadya niyang ihambing ang pagkakaiba nito sa kuwento tungkol sa salot ng Athina na sumunod dito:

Bagama’t marami ang nakahandusay na bangkay, hindi sila ginagalaw ng mga ibon at hayop, o namatay ang mga ito matapos silang matikman [...]. Patongpatong ang katawan ng mga namamatay, at ang mga halos patay nang nilalang ay pasuraysuray sa mga daanan at nagkukumpol sa mga bukal ng tubig dahil sa kanilang uhaw. Gayundin ang mga sagradong pook kung saan sila nagsipagkubli ay puno ng mga bangkay ng mga taong namatay doon, tulad nila. Dahil nang higitan ng sakuna ang mga nakagisnan, ang mga tao, sa kalituhan kung ano ang mangyayari sa kanila, ay nagi ring mapagdusta sa mga pag-aari ng mga diyos at sa mga alay sa mga diyos. Lahat ng rituwal sa paglilibing ay nawalan ng saysay, at inilibing nila ang mga bangkay sa abot ng kanilang makakaya. Dahil marami ang walang wastong kagamitan, dahil marami sa kanilang kaibigan ang namatay na, ay nauwi sa kahihiyang paglilibing. Minsan kapag nakasumpong sila ng bunton ng bangkay, ay ihinahagis nila ang sarili nilang bangkay sa bunton at sinisilaban ito. Minsan ay ihinahagis nila ang bangkay na dala nila sa ibabaw ng isa pang nagliliyab, at lilisan na sila.

Ang klasikal na iskolar na si Jacqueline de Romilly ang unang nagsabi, katatapos lamang ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, na ang isa sa mga sentral na tema ni Thoukydidis ay ang etika ng imperyalismong Athina. Ang pagsusuri niya ay naglagay sa kasaysayan ni Thoukydidis sa konteksto ng kaisipang Ellines hinggil sa paksa ng internasyunal na politika. Bunga ng kanyang pag-aaral, maraming iskolar ang nag-aral ng tema ng politika ng kapangyarihan, o realpolitik, sa kasaysayan ni Thoukydidis.

Sa kabilang banda, ang ilang awtor, kasama na si Richard Ned Lebow ay tinutulan ang karaniwang persepsiyon na si Thoukydidis ay isang historyador ng hubad na realpolitik. Ikinatwiran nila na ang lahat ng aktor sa entablado ng daigdig na nakabasa ng isinulat niya ay malamang na naunawaan na may taong magbubusisi ng kanilang aksiyon tulad nang isang walang kinikilingang reporter, sa halip na tulad ng pagkiling ng isang gumagawa ng alamat o makata, at sa gayon ay may muwang o walang muwang na lalahok sa pagsusulat nito. Ang dayalogo sa Milos ni Thoukydidis ay isang aral sa mga reporter at sa lahat na naniniwala na ang mga pinuno ay palaging kumikilos sa entablado ng daigdig nang may perpektong integridad. Maipapalagay din itong ebidensiya ng pagkabulok ng moralidad ng Athina mula sa naniningning na lungsod sa gulod na inilarawan ni Periklis sa Dalit ng Libing pabulusok sa haling sa kapangyarihang tirano sa iba pang lungsod.

Hindi tinalakay ni Thoukydidis ang sining, panitikan o lipunan na siyang tagpuan ng kanyang aklat, kung saan siya lumaki mismo. Nagsusulat siya hinggil sa isang pangyayari, hindi tungkol sa isang panahon, kaya sinadya niyang huwag magtalakay ng anumang walang kaugnayan dito.

Ikinatwiran ni Leo Strauss sa kanyang klasikong pag-aaral na The City and Man (tingnan ang pp. 230–31) na si Thoukydidis ay may malalim na mapag-alinlanang pagkaunawa sa demokrasiya ng Athina: sa isang banda, “ang karunungan niya ay naisakatuparan” ng demokrasiya ni Periklis, dahil sa pagpapalaya nito sa kapangahasan, kasipagan, at pagkamapagtanong ng indibwal; subali’t ang pagpapalaya ding ito ang nag-udyok sa kahalayan ng walang hanggang ambisyong pampolitika at sa gayon ay napunta sa imperyalismo, at sa huli ay nauwi sa labanang sibil. Ito ang diwa ng trahediya ng Athina o ng demokrasya—ito ang kalunoslunos na karunungan na itinuturo ni Thoukydidis, na natutunan niya sa demokrasiya ng Athina. Tinitingnan siya ng mga kumbensiyonal na iskolar na kumikilala at nagtutuo ng aral na kailangan ng mga demokrasiya ng pamumuno—at ang pamumunong yaon ay maaaring maging panganib sa demokrasiya (Russett, p. 45.).

Si Irodotos at si Thoukydidis

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Si Irodotos at Thoukydidis

Malaki ang naging impluwensiya ni Thoukydidis at ng nauna sa kanyang si Irodotos sa historyograpiya. Hindi binanggit ni Thoukydidis ang pangalan ni Irodotos, subali’t sa kanyang panimula (Thucydides I,22) “Kapag narinig ang kasaysayang ito na ikinukuwento, dahil walang mga pabula dito, ay maaring hindi kasiyasiya. Nguni’t siya na nagnanais na malaman ang katotohanan ng mga bagay na ginawa, at (alinsunod sa kalagayan ng sangkatauhan) maaaring gawin muli, o kaya’y kahawig nito, ay makakasumpong dito ng sapat upang isipin niya itong kapakipakinabang. At tinitipon ito para sa isang walang hanggang pag-aari sa halip na para sa isang gantimpala.”

ay ipinapalagay [2] na pasaring sa huli.

Itinala ni Irodotos sa kanyang Mga Kasaysayan di lamang ang mga pangyayari sa Digmaang Persiya kundi maging mga pangheograpiya at pang-etnograpiyang impormasyon, gayundin ang mga mahimala at maalamat na mga kuwento (“pabula”) na isinalaysay sa kanya sa kanyang malayong na paglalakbay. Kapag naharap sa magkakasalungat o di kapanipaniwalang kuwento ay iniiwan niya sa mambabasa ang pasiya kung ano ang paniniwalaan. (Momigliano, pp. 39, 40.) Ang aklat ni Irodotos ay inulat [3] na binasa (“itinalumpati”) sa mga pista, kung saan may iginagawad na mga premyo, tulad nang sa Olympia.

Ipinapalagay ni Irodotos na ang kasaysayan ay batis ng araling moral, kung saan ang mga labanan at digmaan ay nagmumula sa mga naunang aksiyon ng inhustisya na lalong napapalaganap sa pamamagitan ng siklo ng paghihiganti [4]. Sa kabaligtaran, sinasabi ni Thoukydidis na nililimitahan niya ang sarili sa mga totoong ulat ng kakontemporaryo niyang pangyayaring pampolitika at militar. Mga pangyayaring batay sa walang alinlangan, nasaksihang, at galing mismo sa nagbalita na kuwento (Thucydides I, 23). Bagama’t di tulad ni Irodotos ay hindi niya ihinahayag ang mga batis niya. Sa pananaw ni Thoukydidis ang buhay ay pawang politika, at ang kasaysayan ay kasaysayan ng politika. Walang ginagampanang papel ang moralidad sa pagsusuri ng mga pangyayaring pampolitika at ang pangheograpiya at pangetnograpiyang aspekto ay pawang sekondarya lamang ang kahalagahan.

Itinuring ng mga sumunod na Ellines na historyador si Thoukydidis bilang huwaran ng makatotohanang pagsusulat ng kasaysayan. Ilan sa kumilala sa kanya ay sina Ktisias, Diodoros, Strabon, Polyvios and Ploutarchos. Ayon kay Loukianos [5] si Thoukydidis ang nagbigay sa mga Ellines na historyador ng batas nila, na nag-uutos sa kanilang sabihin kung ano ang naisakatuparan (ὡς ἐπράχθη). Sinang-ayunan ng mga Ellines na historyador noong ika-4 na dantaong B.K. ang pananaw na ang kasaysayan ay kasaysayang pampolitika at ang kasalukuyang kasaysayan ang wastong larangan ng historyador. Magkagayunman, kaiba kay Thoukydidis ay itinuring nila ang kasaysayan na batis ng aral sa moralidad (Momigliano, Ch. 2, IV.). Ang ilan sa kanila ay sumulat ng mga pampleto na nagmamaliit kay Irodotos, at kumukutya sa kanya bilang “ama ng kasinungalingan”, (Plutarch, On the Malignity of Herodotus) bagama’t tinagurian siya ng Romanong politiko at manunulat na si Cicero na “ama ng kasaysayan.” [6]

Si Machiavelli

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Machiavelli

Si Thoukydidis at Irodotos ay kinalimutan noong Edad Medya, pero ang huli ay muling iginalang noong ika-15 at ika-17 dantaon. Sa isang banda ay dahil ito sa pagkatuklas ng Amerika, kung saan nakatagpo ang mga taga-Europa ng mga kostumbre at hayop na higit pang kamanghamangha sa mga isinalaysay ni Irodotos. Dahil din ito sa Repormasyon, kung kailan naging batayan ang Kasaysayan sa pagtatakda ng kronolohiya ng bibliya alinsunod sa iminumungkahi ni Isaac Newton.

Kahit noong panahon ng Renasimyento hindi gaanong interesado ang mga historyador kay Thoukydidis. Mas naging popular pa ang kahilili niyang si Polyvios. (Momigliano Ch.2, V) Bagama’t hindi binabanggit ni Niccolò Machiavelli si Thoukydidis sa kanyang aklat na Il Principe (Ang Prinsipe), napansin ng mga sumunod na awtor na may pagkakatulad sila. (Bury 1909, pp. 140-143) Itinaguyod ni Machiavelli ang pananaw na ang tanging layon ng isang prinsipe (politiko) ay makamit ang kapangyarihan anuman ang pananaw sa relihiyon o etika. Noong ika-17 dantaon ang Ingles na pilosopo ng politika na si Thomas Hobbes ay tagahanga ni Thoukydidis at sumulat ng importanteng salin ng Kasaysayan ng Digmaang Pelopónnisos noong 1628. Si Hobbes ang may-akda ng maimpluwensiyang aklat na Leviathan, kung saan itinaguyod niya ang sistema ng pamahalaan na may mahigpit na awtoridad. Sina Thoukydidis, Hobbes at Machiavelli ang itinuturing na nagtatag ng pampolitikang realismo, na itinataguyod ang pananaw na ang mga estado ay pangunahing ginaganyak ng pagnanasa ng kapangyarihang pangmilitar at pang-ekonomiya, o seguridad, sa halip na mithiin o etika.

Ang reputasyon ni Thoukydidis ay naipanumbalik noong ika-19 na dantaon. Nagkaroon siya ng kulto sa mga Deustche na pilosopo tulad nina Friedrich Schelling, Friedrich Schlegel at Friedrich Nietzsche, na nagsabi na, “sa kanya [Thoukydidis], ang tagapaglarawan ng tao, matatagpuan ng kultura ng pinaka-walang-kinikilingang kaalaman ng daigdig ang huling dakilang pamumulaklak.” Sa mga nangungunang historyador tulad nina Eduard Meyer, Macaulay, at Leopold von Ranke, na nagpaunlad ng modernong pagsusulat ng kasaysayan na nakabatay sa batis, si Thoukydidis ay muling naging huwarang mananalaysay. Pinahalagahan nilang lalo ang pilosopikal at artistikong sangkap ng kanyang gawa (Momigliano, p. 50.). Gayunpaman mataaas din ang reputasyon ni Irodotos sa mga Deutsche na historyador: ang kasaysayan ng sibilisasyon ay lalo pang ipinapalagay na kakomplementaryo ng kasaysayang pampolitika (Momigliano, pg.52).

Noong ika-20 dantaon, isang bagong modo ng historyograpiya ang pinasimunoan nina Johan Huizinga, Marc Bloch at Braudel. Hindi si Thoukydidis ang inspirasyon nito; sa halip ay binigyang diin nito ang pag-aaral ng matagalang kultural at pang-ekonomiyang pag-unlad, at mga padron ng araw-araw na pamumuhay, sa halip na kasaysayang pampolitika. Ang Eskuwelahan ng Annales na kumakatawan sa tunguhing ito ay itinuturing na pagpapatuloy ng tradisyon ni Irodotos. (Clark 1999) Kasabay nito, ang impluwensiya ni Thoukydidis ay lalong naging prominente sa larangan ng relasyong pang-internasyunal sa pamamagitan ng mga panulat nina Hans Morgenthau, Leo Strauss [7] at Edward Carr.[8]

Ang tunggalian sa pagitan ng maka-Thoukydidis at maka-Irodotos na tradisyon ay lumalagpas pa sa pananaliksik pangkasaysayan. Ayon kay Irving Kristol, itinuturing na tagapagtatag ng Neokonserbatismong Amerikano, si Thoukydidis ang nagsulat ng “paboritong neokonserbatibong teksto hinggil sa usaping panlabas ng bansa,”[9] at ang gawa ni Thoukydidis ay isang sapilitang babasahin sa Naval War College ng Estados Unidos. Sa kabilang banda, ang awtor at abogado ng paggawa na si Thomas Geoghegan ay inirerekomenda si Irodotos na isang mas mahusay na batis kaysa kay Thoukydidis sa pagkuha ng mga aral ng kasaysayan na mahalaga sa kasalukuyan.[10]

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Noong 1991, ang BBC ay nagbrodkast ng bagong bersiyon ng The War that Never Ends ni John Barton, na unang itinangghal sa entablado noong mga 1960. Inadap nito ang teksto ni Thoukydidis, kasama ang ilang seksiyon mula sa mga dayalogo ni Platon. Marami pang impormasyon ang makikita sa Internet Movie Database.

  • "Nguni’t, ang pinakamatapang ay tiyak na ang siyang may pinakamalinaw na pananaw sa kung ano ang hinaharap nila, tagumpay at panganib, at kahit pa siyanga ay susugod at haharapin ito.” (Thucydides, 2.40.3.)
  • "Ginagawa ng malakas ang magagawa niya at tinitiis ng mahina ang kailangan niyang tiisin.” (Thucydides, 5.89.)
  • “Pangkalahatang panuntunan ng kalikasan ng tao na kinamumuhian ng mga tao ang mabuti sa kanila, at tinitingala ang walang pakundangan” (Thucydides, 3.39.5.)
  • "Inaalis ng digmaan ang maalwang suplay ng pang-araw-araw na pangangailangan, at siya’y nakikilalang mahigpit na amo, na naglalagay sa karakter ng maraming tao sa antas ng kanilang kapalaran.” (Thucydides, 3.82.2.)
  • ”Ang ugat ng lahat ng kasamaang ito ay ang pagnanasa sa kapangyarihan na nagmula sa kasakiman at ambisyon; at mula sa mga damdaming ito nagmula ang karahasan ng magkabilang panig na nag-aaway.” (Thucydides, 3.82.8.)

Mga sipi hinggil kay Thoukydidis

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • ... ang unang pahina ni Thoukydidis ay, sa aking opinyon, ang simula ng tunay na kasaysayan. Ang iba pang naunang salaysay ay hinaluan ng alamat, na dapat iwaksi ng mga pilosopo, sa mga makata at mananalumpati. (David Hume, Of the Populousness of Ancient Nations)
  1. Inventing Homer: The Early Reception of Epic by Barbara Graziosi, 2002, ISBN 0521809665, p. 118: "Iniiba ni Thoukydidis ang sarili niya kina Omiros at Irodotos bagama’t si Omiros lamang ang binabanggit niya. Sa ganitong kaanyuan at sa iba pa ang simula ng Mga Kasaysayan ay programatiko. Inilalarawan niya ang paksa: ang digmaan sa pagitan ng mga taga- Pelopónnisos at mga taga-Athina at sa pamamagitan ng pagsasabi ng dahilan kung bakit niya pinili ito; ito ang pinakadakilang pangyayari na naganap. Idinadagdag niya ang nangyari bago ang digmaan (paksa ni Irodotos) at ang sinaunang panahon ay hindi na mababatid nguni’t mukhang hindi naman kasing dakila ng kasalukuyang pangyayari. Upang maging posible ang pahayag na ito, kinailangang salungatin ni Thoukydidis ang dikotomiya na Ellines laban sa Barbaro. Kundi ay mahaharap siya sa puna na habang inilalarawan nina Omiros at Irodotos ang digmaan na inilaban ng buong Ellada sa daigdig na Barbaro, si Thoukydidis ay abala lamang sa panloob na usapin ng mga Ellines.”
  2. Lucian, How to write history, p. 42
  3. Lucian: Herodotus, pp. 1-2.
  4. Ryszard Kapuscinski: Travels with Herodotus, p. 78.
  5. Lucian, p. 25, 41.
  6. Cicero, Laws 1.5.
  7. Tingnan ang sanaysay hinggil kay Thoukydidis sa The Rebirth of Classical Political Rationalism: An Introduction to the Thought of Leo Strauss – Essays and Lectures by Leo Strauss. Ed. Thomas L. Pangle. Chicago: University of Chicago Press, 1989.
  8. Tingnan halimbawa, E.H. Carr: The Twenty Years' Crisis.
  9. The Neoconservative Persuasion
  10. History Lessons | The American Prospect

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Pangunahing batis

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Herodotus. (1920). Histories. A. D. Godley (trans.). Cambridge: Harvard University Press. ISBN 0-674-99133-8.
  2. Pausanias. (1918). Description of Greece, Books I-II, (Loeb Classical Library).W. H. S. Jones (trans.). Cambridge, Massachusetts: Harvard University Press; London: William Heinemann. ISBN 0-674-99104-4.
  3. Plutarch. (1914). Lives. B. Perrin (trans.). Cambridge, MA: Harvard University Press; London: William Heinemann. ISBN 0-674-99053-6.
  4. Thucydides. (1910). The Peloponnesian war. London: J. M. Dent; New York: E. P. Dutton.

Pangalawang batis

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Bury, J.B. (1909) The ancient Greek historians. London: MacMillan.
  2. Clark, S. (ed.). (1999). The Annales School: critical assessments; vol.II. London: Routledge
  3. Cochrane, C. N. (1929). Thucydides and the science of history. Oxford University Press.
  4. Connor, W. R. (1984). Thucydides. Princeton: Princeton University Press. ISBN 0-691-03569-5.
  5. Dewald, C. (2006). Thucydides' war narrative: A structural study. Berkeley, CA: University of California Press. hardcover, ISBN 0520241274.
  6. Forde, S. (1989).The ambition to rule : Alcibiades and the politics of imperialism in Thucydides. Ithaca : Cornell University Press. ISBN 0-8014-2138-1.
  7. Hanson, V. D. (2005) A war like no other: How the Athenians and Spartans fought the Peloponnesian war. New York: Random House. ISBN 1-4000-6095-8.
  8. Hornblower, S. (1991–1996). A commentary on Thucydides. 2 vols. Oxford: Clarendon. ISBN 0-19-815099-7 (vol. 1), ISBN 0-19-927625-0 (vol. 2).
  9. Hornblower, S. (1987). Thucydides. London: Duckworth. ISBN 0-7156-2156-4.
  10. Kagan, D. (2003). The Peloponnesian war. New York: Viking Press. ISBN 0-670-03211-5.
  11. Luce, T.J. (1997). The Greek historians. London: Routledge. ISBN 0-415-10593-5.
  12. Momigliano, A. (1990). The classical foundations of modern historiography. Sather classical lectures, 54. Berkeley: University of California Press.
  13. Meyer, E. K. S. (1910). (Zur theorie und methodik der geschichte).
  14. Orwin, C. (1994). The humanity of Thucydides. Princeton: Princeton University Press. ISBN 0-691-03449-4.
  15. de Romilly, J. (1963). Thucydides and Athenian imperialism. Oxford: Basil Blackwell. ISBN 0-88143-072-2.
  16. Rood, T. (1998). Thucydides: Narrative and explanation. Oxford: Oxford University Press. ISBN 0-19-927585-8.
  17. Russett, B. (1993). Grasping the democratic peace. Princeton University Press. ISBN 0-691-03346-3.
  18. de Sainte Croix. (1972). The origins of the Peloponesian war. London: Duckworth, pp. xii, 444.
  19. Strassler, R. B. (ed.). (1996). The landmark Thucydides: A comprehensive guide to the Peloponnesian war. New York: Free Press. ISBN 0-684-82815-4.
  20. Strauss, L. (1964). The city and man. Chicago: Rand McNally.

Mga panlabas na kawing

[baguhin | baguhin ang wikitext]