Zoilo Hilario
Zoilo Hilario | |
---|---|
Kapanganakan | 27 Hunyo 1892[1]
|
Kamatayan | 13 Hunyo 1963[1]
|
Mamamayan | Pilipinas |
Trabaho | politiko, hukom, manunulat |
Opisina | miyembro ng Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas (2 Hunyo 1931–5 Hunyo 1934) |
Si Zoilo J. Hilario ay ipinanganak sa San Juan, San Fernando, Pampanga noong 27 Hunyo 1892. Siya'y kinilala bilang isang bantog na manunulat sa wikang Kapampangan at Kastila. Isa siyang makata, mananaysay at mambabatas. Naputungan ng karangalang Makatang Laureado sa lalawigan ng Pampanga noong 1917 dahll sa kanyang tulang Alma Española. Nang sumunod na taon ay muling nagtamo ng karangalan bilang Makatang Laureado dahil naman sa kanyang tulang Jardin at Epicureo.
Ang unang aklat ng tula ni Hilario na nalathala noong 1911 ay may pamagat na Adelfas. Naging patnugot at tagapaglathala siya ng babasahing New Day.
Ang Bayung Sunis (Bagong Simponiya) ang huhng aklat na ipinalimbag n1 Hilario na kinapalolooban ng 150 piling mga tulang Kapampangan.
Naging kasapi din siya ng lupon ng Komisyon ng Pambansang Kasaysayan ng Pilipinas hanggang sa kanyang kamatayan noong taong 1963.
Pinagmulan at Edukasyon
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ipinanganak si Hilario noong 27 Hulyo 1892 sa San Fernando, Pampanga. Una siyang nag-aral sa Pampanga bago nagtungo sa Maynila para sa kolehiyo. Natapos niya ang digring bachiller en artes sa Liceo de Manila. Natapos naman niya ang abogasya sa Escuela de Derecho noong 1911 at naging ganap na abogado noong sumunod na taon.
Karera
[baguhin | baguhin ang wikitext]Bilang Manunulat at Makata
[baguhin | baguhin ang wikitext]Habang ginagampanan ang kanyang propesyon bilang abogado ay nag-ambag si Hilario ng kanyang mga akda sa mga babasahing Español na inililimbag sa Pampanga. Kabilang dito ang El Imparcial at El Paladin, na kalaunan ay kanyang pinamatnugutan. Unti-unti ay nakilala siya dahil sa kanyang mga tula sa wikang Español. Nailimbag ang dalawang antolohiya ng kanyang mga tula sa panahong ito: ang Adelfas de la lira Filipina (Mga Adelpa ng Lirang Pilipina, 1913), at Patria y redencion (Bayan at kalayaan, 1914).
Noong 1917 ay kinilala ng Casino Español ng Iloilo si Hilario bilang namumukod-tanging makata sa wikang Español para sa kanyang tulang “Alma Española.” Nang sumunod na taon ay itinanghal din siyang namumukod-tanging makata sa wikang Kapampangan matapos magwagi sa isang timpalak sa Pampanga ang kanyang tulang “Ing Babai.”
Bukod sa pagiging makata ay nakilala rin si Hilario bilang manunulat ng mga dula. Kabilang sa kanyan mga obra ang Mumunang Sinta (Unang Pag-ibig), Sampagang E Malalanat (Walang-kupas na Bulaklak), Bandila ning Filipinas (Watawat ng Pilipinas), at Juan de la Cruz, Anak ning Katipunan (Juan de la Cruz, Anak ng Katipunan).
Matapos ang kanyang pagreretiro noong 1960 ay pinagtuunang-pansin ni Hilario ang pagtitipon sa kanyang mga akda. Bago siya yumao noong 1963 ay nailimbag ang Bayong Sunis (Bagong Rima), ang koleksiyon ng lahat ng kanyang mga tula sa Kapampangan. Kanya ring inilimbag at pinamatnugutan ang lingguhang babasahing Bayung Aldo (Bagong Araw) noong 1963. Dalawa pang koleksiyon ng kanyang mga tula sa Español, ang Ilustres varones (Mga Tanyag na Ginoo) at Himnos y arengas (Mga Awit at Talumpati) ang nailimbag noong 1968.
Bilang Politiko at Lingkod-bayan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Naging aktibong lider-sibiko si Hilario. Itinatag niya ang ilang samahang nagsusulong sa iba't ibang layunin.
Unang naging aktibo si Hilario sa politika nang mahalal siya bilang konsehal ng San Fernando. Nagsilbi naman siya bilang kalihim ng sangguniang panlalawigan ng Pampanga mula 1915 hanggang 1931. Noong 1931 ay nahalal siya bilang kinatawan ng lalawigan sa Kongreso. Bilang mambabatas ay inakda niya ang unang batas tungkol sa pangungupahan sa lupa. Naging katuwang na may-akda rin siya ng mga batas tungkol sa karapatan ng kababaihang bumoto at ang paggunita sa Pambansang Araw ng mga Bayani, gayundin ng ilan pang mga batas para sa kapakanan ng mga manggagawa. Noong 1932 at 1933 ay itinanghal siya bilang isa sa mga nangungunang mambabatas sa bansa.
Noong 1938 ay hinirang ni Pangulong Manuel L. Quezon si Hilario bilang isa sa mga unang kasapi ng Suriang ng Wikang Pambansa. Siya ang nagsilbing kinatawan ng mga Kapampangan sa nasabing ahensiya ng pamahalaan. Nagsilbi naman siya bilang hukom sa Ilocos Sur mula 1947 hanggang 1954 at sa Tarlac mula 1954 hanggang sa kanyang pagreretiro noong 1960. Matapos ang kanyang pagreretiro ay nagpatuloy siyang magsilbi bilang tagapayo ni dating Pangulong Emilio Aguinaldo sa mga usaping ligal. Noong 1962 ay itinalaga siya ni Pangulong Diosdado Macapagal bilang kasapi ng Philippine Historical Commission.
Pagkilala
[baguhin | baguhin ang wikitext]Yumao si Hilario noong 13 Hunyo 1963. Sa ika-90 anibersaryo ng kanyang kapanganakan noong 1982 ay binigyang-pugay siya ng National Historical Institute at ng pamahalaang lokal ng Pampanga sa pamamagitan ng pagpapasinaya ng isang rebulto at panandang pangkasaysayan na nagbibigay-pagkilala sa kanyang mga kontribusyon sa Pampanga at sa buong bansa.
Sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- CCP Encyclopedia of Philippine Art. Vol IX. Philippine Literature. Manila: Cultural Center of the Philippines, 1994.
- Zoilo S. Hilario[patay na link] (Hinango noong 24 Hunyo 2009).