Pumunta sa nilalaman

Aklat ni Zacarias

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Aklat ni Zechariah)
Lumang Tipan ng Bibliya

Ang Aklat ni Zacarias[1] o Aklat ni Zechariah[2] ay isang aklat na isinulat ng mga propeta na nasa Lumang Tipan ng Bibliya. Isinulat ito ng propetang si Zacarias.[3]

Si Zacarias ay anak ni Baraquias at kasabayan ni Propeta Ageo.[2][3] Katulad ni Ageo, hinimok din ni Zacarias ang mga Hudyo upang magtayong muli ng isang templo para sa Diyos. Nagsimula siyang maglingkod bilang isang propeta noong "ikawalong buwan ng ikawalong taon" ng haring si Dario, mga 519 BK[2] o 520 BK.[3] Nananatiling walang lubos na nalalaman hinggil kay Zacarias, ngunit nakapanghula siya ng mga darating na pakikibaka at pagkaligalig para sa bayan ng Israel, na masusundan ng kanilang tiyakang pagkasagip.[2]

Si Propeta Zacarias.

May dalawang pangunahing bahagi ang Aklat ni Zacarias. Sa unang bahagi, kinumpol ang ika-1 hanggang ika-8 mga kabanata, na naglalaman ng mga hula ni Zacarias na tinatayang ginawa ng propeta mula 520 BK magpahanggang 518 BK. Tinatalakay dito ang mga pangitain ni Propeta Zacarias, kasama ang panunumbalik sa Diyos ng bayang Jerusalem, ang pagtatatag na muli ng dalanginan, ang paglilinis ng bayan, at ang sasapit na kapanahunan ng Mesias. Sa pangalawang bahagi, pinagsamasama ang ika-9 magpahanggang ika-14, na naglalaman ng mga pahayag hinggil sa inaasam-asam na Mesias, maging ang "pangwakas na kahatulan."[1]

May naghati rin sa Aklat ni Zacarias sa tatlong pangkat. Naglalaman ang unang pangkat ng walong pangitain. Mayroon ding isang maikling "paanyaya ng pagsisisi" sa bungang ang pangkat na ito. Sa ikalawang pangkat, matatagpuan ang pagtalakay sa gawain ng pag-aayuno. Sa ikatlo't panghuling pangkat naman matatagpuan ang nauukol sa "pagtatagumpay at paghahari ng Diyos" sa buong mundo.[3]

Ang pangitain ni Zacarias kaugnay ng apat na mangangabayo.

Sa unang pitak ng aklat, hinikayat ni Zacarias ang mga nakabalik nang mga dating bihag sa Babilonia na ipagpatuloy ang pagtatayo ng panibagong templo ng Diyos, partikular na ang mga pinunong sina Josue at Zorobabel. May pagkakaiba mula sa kaniyang mga kasabayang propetang katulad ni Ageo ang mga hula ni Zacarias, sapagkat naglalaman ito ng mga masasagisag na mga pangitain, at ng mga pakikipag-usap sa pagitan ng Diyos, isang taong may kakayahang maglakbay-diwa, at isang anghel na nagpapaliwanag. Sinundan ang pitak na ito ng isang sermon hinggil sa pagsasakatuparan ng sampung utos ng Diyos at ng mga kaugnay na gantimpala sa pagsasagawa ng mga ito.[2]

Sa pangalawang pitak ng aklat, kapuna-puna ang kaibahan ng tono. Mayroon ding mga kalagayan o kaganapan hindi kapanahon ni Zacarias, kundi isang panahon na kasunod ng kay Zacarias.[2]

Kaugnayan sa Bagong Tipan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

May mga hango o pagbanggit mula sa Aklat ni Zacarias na matutunghayan sa Bagong Tipan ng Bibliya (katulad ng nasa Mateo 21:4k, Juan 12:15, Mateo 26:31, Marcos 1:27, at Pahayag 1, 7).[3] Hinango ng mga manunulat ng Bagong Tipan ang paglalarawan hinggil sa matagumpay na pagdating ng isang haring may kababaan ng kalooban, na inihambing sa pagpasok ni Hesus sa Jerusalem noong Linggo ng Palaspas.[2]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 "Aklat ni Zacarias". Ang Biblia/Bagong Magandang Balita Biblia (Lumang Tipan, Deuterocanonico at Bagong Tipan). Philippine Bible Society, Lungsod ng Batangas, Pilipinas. 2008.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 2.5 2.6 Abriol, Jose C. (2000). "Zechariah". Ang Banal na Biblia, Natatanging Edisyon, Jubileo A.D. Paulines Publishing House/Daughters of St. Paul (Lungsod ng Pasay) ISBN 9715901077.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 3.4 Abriol, Jose C. (2000). "Zacarias". Ang Banal na Biblia, Natatanging Edisyon, Jubileo A.D. Paulines Publishing House/Daughters of St. Paul (Lungsod ng Pasay) ISBN 9715901077.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)

Panlabas na mga kawing

[baguhin | baguhin ang wikitext]