Pumunta sa nilalaman

Ibong Adarna

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Ang Ibong Adarna)
Ibong Adarna
May-akdaHindi kilalang may-akda (iniuugnay)
BansaPilipinas
WikaTagalog
DyanraKorido, Kathang-isip, Alamat, Tula

Ang Ibong Adarna ay isang koridong Tagalog na isinulat ng hindi kilalang may-akda. Ang buong pamagat nito ay Corrido at Buhay na Pinagdaanan nang Tatlong Prinsipeng Magkakapatid na Anak nina Haring Fernando at Reyna Valeriana sa kahariang Berbania. Walang tiyak na petsa ang tula.[1] Halaw ito sa isang lumang Europeong alamat.[2]



а

Kaligirang Pangkasaysayan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang Ibong Adarna ay isang halimbawa ng korido. Ang korido ay tulang pasalaysay na ang bawat taludtod ay may sukat at tugma. Akda ito na umiikot sa pananampalataya, alamat at kababalaghan.

Ang sukat nito ay aapating taludtod bawat saknong at wawaluhing pantig bawat taludtod. Isahan ang tugma nito. Ito ay isang uri ng tulasinta (metrical romance). Binubuo ito ng 1,717 saknong.[1]

Ang kasaysayan ng Ibong Adarna ay maaaring hango sa mga kwentong-bayan ng iba't ibang bansa, tulad ng Alemanya, Denmark, Romania, Austria, Finland, at iba pa.[3][4]

Sinasabing ang may-akda nito ay si Huseng Sisiw na palayaw ni Jose de la Cruz.[1]

Sa ngayon ay pinag-aaralan ito ng mga estudyanteng nasa ika-pitong baitang sa sekundarya alinsunod sa kurikulum ng Komisyon sa Mas Mataas na Edukasyon (CHED).[5]

Si Haring Don Fernando ng Kahariang Berbanya ay napamahal sa kaniyang nasasakupan dahil sa kanyang matalino at mahusay na pamamahala. Siya ay may tatlong magigiting na anak. Si Don Pedro ang pinakamatanda sa lahat, si Don Diego ang pangalawa at ang bunso ay si Don Juan. Mahal na mahal ng hari ang bunso niyang anak.

Nagkasakit ang hari dahil sa masama niyang panaginip. Isang manggagamot ang nagsabi na ang tanging lunas sa sakit ng hari ay ang awit ng Ibong Adarna na matatagpuan lamang sa bundok ng Tabor.

Inutusan ng hari si Don Pedro na hanapin ang ibong Adarna. Nang hindi nakabalik si Don Pedro, sumunod si Don Diego sa kanya. Nang hindi nakabalik ang dalawang nakatatandang kapatid ay humingi naman ng pahintulot si Don Juan sa ama na siya na ang hahanap sa Ibong Adarna at sa kanyang dalawang kapatid. Bagama't labag sa kalooban, pinayagan ng hari si Don Juan.

Dahil sa matapat at malinis na kalooban ni Don Juan, nahuli niya ang Ibong Adarna. Ang dalawa niyang kapatid ay natuklasan niyang naging bato dahil naiputan ng Ibong Adarna. Parehong nakatulog sa ilalim ng puno ang magkapatid dahil sa nakakaantok na tinig ng Ibong Adarna. Subalit nabuhay ni Don Juan ang dalawang kapatid nang buhusan niya ng mahiwagang tubig na ipinakuha ng ermitanyo. Habang naglalakbay ang tatlo pabalik sa kanilang kaharian, nakaisip ng kataksilan si Don Pedro. Naisip niyang kahiya-hiya siya sa amang hari kung hindi siya ang makapag-uuwi ng Ibong Adarna kaya hinikayat si Don Diego na patayin ang kanilang kapatid. Sa pakiusap ni Don Diego na huwag patayin ang kapatid ay binugbog na lamang nila si Don Juan at iniwan sa kaparangan, Umuwi ang dalawang nakatatandang magkapatid na sina Don Pedro at Don Diego na dala ang Ibong Adarna ngunit matamlay ang ibon at ayaw umawit nang dumating ito sa palasyo. Sa tulong ng matandang ermitanyo ay gumaling si Don Juan hanggang sa siya ay makauwi sa kanilang kaharian. Pinatawad ng hari sina Don Pedro at Don Diego dahil na rin sa kahilingan ni Don Juan.

Mahigpit na pinabantayan ng hari ang Ibong Adarna sa kaniyang tatlong anak. Sa pagkakataong ito ay nakaisip na naman ng kabuktutan si Don Pedro. Binalak ni Don Pedro na pakawalan ang Ibong Adarna sa oras ng pagbabantay ni Don Juan. Nakatulog si Don Juan kaya't napakawalan ang Ibong Adarna. Sa takot ni Don Juan na mapagalitan ng hari umalis siya ng palasyo upang hanaping muli ang Ibong Adarna. Sa utos ng hari ay hinanap nina Don Pedro at Don Diego si Don Juan, Nang magkita-kita ang magkakapatid, natagpuan nila ang isang balong malalim. Sa loob nito ay may kaharian. Nailigtas ni Don Juan ang magkapatid na sina Donya Leonora at Donya Juana sa kamay ng higante at ahas na may pitong ulo. Humanga ang magkapatid na Don Pedro at Don Diego sa kagandahan ng dalawang prinsesa. Nang balikan ni Don Juan ang singsing na naiwan ni Leonora sa ilalim ng balon, may pumutol sa lubid na gamit ni Don Juan sa paglusong sa balon. Pinakawalan ni Leonora ang kanyang lobo na siyang gumamot at nag-ahon kay Don Juan.

Hindi malaman ni Don Juan kung siya ay uuwi o hahanap ng bagong kapalaran. Sa kaniyang pagod at hirap ay nakatulog siya sa ilalim ng isang punongkahoy. Nagising si Don Juan sa awit ng Ibong Adarna. Sinabi ng ibon na may magandang kapalarang naghihintay sa kanya sa Reyno ng de los Cristales. Doon daw niya makikita si Donya Maria, isa sa tatlong anak ni Haring Salermo.

Nilakbay niya ang malayong lugar na patungo sa Cristales sa tulong ng mga ermitanyo Sa tulong ng isang malaking agila ay nakarating siya sa hardin nina Donya Maria, Naliligo noon ang tatlong prinsesa. Ninakaw ni Don Juan ang kasuotan ni Donya Maria. Nauwi ito sa pagmamahalan nina Don Juan at Donya Maria.

Pinagbilinan ni Donya Maria si Don Juan na huwag haharap sa kanyang amang hari sakaling siya ay ipatawag sa palasyo. Ginagawang bato ng hari ang sinumang pangahas na pumasok sa kanilang kaharian. Sinunod ni Don Juan ang bilin ni Donya Maria. Sinabi ni Don Juan sa sugo na hindi siya makahaharap sa hari subalit handa siyang gumalang at sumunod sa ipag-uutos nito. Humanga ang hari kaya binigyan siya ng maraming pagsubok Si Donya Maria ang gumagawa sa lahat ng ipag-utos ng hari kay Don Juan. Mas malakas ang agimat o karunungan (mahika blanka) kaysa mahika negra ng hari. Nang hindi matalo ng hari si Don Juan, naisip ng hari na ipatapon o ipapatay siya. Subalit tumakas sina Donya Maria at Don Juan nang malaman nila ang balak ng hari.

Iniwan ni Don Juan si Donya Maria sa isang kubo na malayo-layo sa kanilang kaharian. Nalimutan ni Don Juan si Donya Maria nang dumating siya sa palasyo. Hindi kasi niya sinunod ang bilin ni Donya Maria. Nagalit si Donya Maria nang mabalitaang ikakasal sa Don Juan kay Donya Leonora. Dali-dali siyang nagpunta sa palasyo sakay ng isang magarang karwahe. Nakabihis si Donya Maria ng magarang damit na tulad ng isang emperatris.

Nagkaroon ng palabas si Donya Maria sa pamamagitan ng Negrita at Negrito sa loob ng isang parasko. Pagkatapos ng tugtog ng musiko ay magsasalita ang Negrita. Pinaalalahanan ng Negrita ang Negrito tungkol sa nakaraang buhay ni Don Juan kay Donya Maria. Papaluin ng Negrita ang Negrito kapag hindi naalala ng Negrito ang Negrita. Ang nasasaktan ay si Don Juan. Sa galit ni Donya Maria ay babasagin na ang parasko ng tubig upang pabahain at palalimin ang tubig sa palasyo subalit pinigilan siya ni Don Juan at humingi ng tawad kay Donya Maria.

Ikinasal sina Donya Maria at Don Juan. Umuwi sila sa kaharian nina Donya Maria. Silang mag-asawa ang namahala sa kaharian nang malaman nilang patay na ang amang hari ni Donya Maria. Ikinasal si Don Pedro kay Donya Leonora. Ang mag-asawang Don Diego at Donya Juana ay naging maligaya rin sa kaharian.[3]

Ang Ibong Adarna ay hinalaw sa mga ilang pelikula at iba pa.

  • 1941: Ibong Adarna, isang pelikulang gawa ng LVN Studios na pinangunguna nina Mila del Sol, Fred Cortes at Ester Magalona.[2] Ito ang unang pelikulang ginawa sa Pilipinas na may de-kolor na bahagi[6].
  • 1955: Ang Ibong Adarna, isang pelikulang gawa ng LVN Studios na pinangunguna nina Nida Blanca at Nestor de Villa[2][7]
  • 1972: Ang Hiwaga ng Ibong Adarna, isang pelikulang komedyia na pinangunguna nina Dolphy, Panchito at Babalu[2]
  • 1990: Si Prinsipe Abante at ang Lihim ng Ibong Adarna, isang pelikulang gawa ng Tagalog Pictures at Regal Films na idinerekta ni Tony Cruz[8]
  • 1997: Adarna: The Mythical Bird, isang pelikulang gawa ng FLT Films International at Guiding Light Productions na idinerekta ni Gerry A. Garcia[9]
  • 2014: Ibong Adarna: The Pinoy Adventure, isang pelikulang gawa ng Gurion Entertainment na idinerekna ni Jun Urbano[2][10]
  • 2017: Gerardo Fransisco's Ibong Adarna (World Premiere), isang ballet performance ng Ballet Manila[2]

Mga Sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 1.2 Ibong Adarna / The Legendary Bird of Piedras Platas (Booknotes / Summary in English) | Philippines: KapitBisig.com kapitbisig.com Retrieved July 19, 2019
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 2.5 The Ibong Adarna, an Enduring Enigma — Positively Filipino | Online Magazine for Filipinos in the Diaspora positivelyfilipino.com Retrieved July 19, 2019
  3. 3.0 3.1 Baybayin: Paglalayag sa Wika at Panitikan 7 by Ramilito Correa ISBN 978-971-23-7028-1 p. 305-307, 314
  4. Pura Santillan-Castrence (1940)
  5. Ibong Adarna is an epic about a legendary bird which is said to be found in Naka-arkibo 2019-07-19 sa Wayback Machine. salirickandres.altervista.org Retrieved July 19, 2019
  6. A new scan of the original Ibong Adarna debuts on cable this weekend | ABS-CBN News news.abs-cbn.com Retrieved July 20, 2019
  7. Ang ibong Adarna (1955) - IMDb imdb.com Retrieved July 19, 2019
  8. Si Prinsipe Abante at ang Lihim ng Ibong Adarna (1990) - IMDb imdb.com Retrieved July 20, 2019
  9. Adarna: The Mythical Bird (1997) - IMDb imdb.com Retrieved July 20, 2019
  10. Ibong Adarna: The Pinoy Adventure (2014) - IMDb imdb.com Retrieved July 20, 2019

Mga Pinagkukunan

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • Tomas C. Ongoco (2005), Ibong Adarna, Academe Publishing House, Inc., pp. 1, 2, 9, 10, 11, 12, ISBN 0330480685{{citation}}: CS1 maint: date auto-translated (link)

Mga kawing na panlabas

[baguhin | baguhin ang wikitext]