Pumunta sa nilalaman

Balarila ng Tagalog

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Ang balarila ng Tagalog ay ang mga patakarang pang-gramatika na nalalarawan ng kayarian/kaayusan ng mga pahayag sa wikang Tagalog.

Sa Tagalog, may walong mga bahagi ng pananalita: ang pandiwa, pangngalan, pang-uri, pang-abay, pang-ukol, panghalip, pangatnig at pang-angkop.

Tumutukoy ang palatunugan sa pag-aaral ng mga tunog o ponema/multinig ng isang wika. Makikita sa talay sa ibaba ang lahat ng kinikilalang ponema sa wikang Tagalog:

Mga Ponemang Katinig ng Tagalog[1]
Panlabi Pangngipin-

Panggilagid

Pagka-panggilagid/

Pangmatigas na ngalangala

Panlalamunan Haptunog
Pailong m n ŋ
Pasara may tinig p t (t͡ʃ) k ʔ
walang tinig b d (d͡ʒ) ɡ
Pasutsot s (ʃ) h
Pagilid/Malapatinig l j w
Pakatal ɾ
Mga patinig ng Tagalog[1]
Harap Likod
Mataas i u
Gitna ɛ ɔ
Mababa a

Tumutukoy ang palapantigan sa pagsasaayos ng mga tunog ng isang wika.

Sa dalisay mang pananagalog ay may apat lamang na uri ng sa pagbilang ng pantig:

  • P (patinig), halimbawa: u-ka
  • KP (katinig-patinig), halimbawa: ba-ta
  • PK, halimbawa: ta-bak
  • KPK, halimbawa: bun-dok

Mapapansing walang kambal-patinig ni katluang-pantig na makikita.[2] Nguni’t dahil na rin sa hibo ng wikang Ingles at Kastila, ay nadagdagan na rin ang mga maaaring bilangin, pati na rin ang mga kambal at katluan:

  • PKK, halimbawa: ins-pi-ra-syon
  • KKP, halimbawa: pro-gra-ma
  • KKPK, halimbawa: plan-tsa
  • KKPKK, halimbawa: tsart
  • KPKK, halimbawa: nars
  • KKPKKK, halimbawa: syorts[1][3]

Tumutukoy ang palabuuan o palaturingan sa pag-aaral ng mga pagbuo ng mga morpema/multuran, na siyang pinakamaliit na bahagi ng salita na may kahulugan. Halimbawa, binubuo ang salitang doktora ng dalawang morpema: doktor at ang hulaping -a, na nagsasaad ng kasarian ng isang tao o hayop. Nguni’t hindi multuran ang salitang baba sa babae, sapagka’t wala namang kinalaman ang kahulugan ng baba sa salitang babae, kahi’t may sarili itong kahulugan.[1]

Sa Tagalog, may ilang paraan upang mabuo ang mga salita buhat sa payak nitong anyo: nilalapian (maylapi), inuulit, tinatambal (tambalan), hinahalo (haluan) o binabaligtad.

Pagbabagong morpoponemiko

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Tumutukoy ang mga pagbabagong morpoponemiko o pagbabagong multuringin sa pagbabago ng isang morpema, dulot ng pagsasama o pagtatambal ng mga salita.

Asimilasyon ng “ng”

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Isang halimbawa nito ay ang pagbabago ng titik ng o /ŋ/ sa hulihan ng morpema, kapag idinurugtong ito sa isa pang morpema, tulad ng:

katha + ng + buhaykathambuhay o nobela
libo + ng + taonlibuntaon
pang- + bansapambansa
sang- + yutasangyuta.

Ang tuntuning sinusunod dito ay nagiging m ang ng kung naikakabit sa /b/ o /p/, /n/ naman kung /d/, /l/, /r/, /s/, /t/ at walang pagbabago sa mga natitirang titik.[1]

Dati ay sinusunod din ang tuntuning ito sa dulo ng mga pantig tulad ng sa

lungsodlunsod
singsingsinsing.[2]

Pagpapalit ng /d/ at /r/

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Minsan ay nagiging ang /r/ ang /d/ sa unahan o hulihan ng salita kapag kinakabitan ito ng morpema. Halimbawa:

ma- + dapatmarapat
ka- -an + dunong + → karnungan
tawid + -antawiran

Nguni’t mayroong ding salita kung saan hindi o madalang ito nangyayari, tulad ng sa madilaw (Bibihira marinig ang marilaw, maliban na lamang kung tumutukoy ito sa lungsod ng Marilaw). Mayroon namang mga salita kung saan mag-iiba ang kahulugan kung pinalitan ang /d/ ng /r/ (tulad ng sa madamdamin at maramdamin).[1]

Pagpapalit ng /o/ at /u/

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Kung matatagpuan ang /u/ sa hulihan ng morpema at ito’y dinugtungan, nagiging /u/ ito. Halimbawa:

dugo + -anduguan
laro + -an + → laruan
bato + bakal + → batumbakal.

Minsan ay sinusunod din ang tuntuning ito sa pag-uulit ng salita:

batobatu-bato
diyosdiyus-diyosan[1]

Nguni’t marami-rami na rin ang bumabaybay nito bilang bato-bato o diyos-diyosan nang walang pagbabago.[kailangan ng sanggunian]

Tumutukoy ang pag-uulit sa pagbuo ng bagong salita sa pamamagitan ng pag-uulit ng isang bahagi o ang kabuuan nito.[4]

Sa kamakailan, marami na ring salita ang nabubuo sa pamamagitan ng paghahalo ng dalawa o higit pang salita sa pamamaraang ito tulad ng:

tapsi + sinangag + itlogtapsilog
kanin + sabawkaninbaw[4]

Malimit ding gamitin ang pamamaraang ito sa paglikha ng mga bagong katawagan, na wala pang katumbas sa taal na Tagalog:

una + lapiunlapi
sangkap + hanayankapnayan.[5]

Bahagi ng pananalita

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang pangngalan ay nagngangalan ng tao, hayop, bagay, lugar, pangyayari, konsepto at kaisipan.

Ang panghalip ay humahalili sa pangngalan.

Ang pang-uri ay naglalarawan ng pangngalan at panghalip.

Ang pandiwa ay nagsasaad ng kilos o galaw.

Ang pang-abay ay naglalarawan ng pandiwa, pang-uri at kapwa pang-abay.

Ang pangatnig ay nag-uugnay ng dalawang salita, parirala, sugnay o pangungusap.

Ang pang-ukol ay nag-uugnay sa isang pangngalan sa iba pang mga salita sa pangungusap.

Ang pang-angkop ay nag-uugnay sa panuring at salitang tinuturingan.

Panandang kohesyong pambalarila

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ginagamit ang panandang kohesyong gramatikal upang maiwasan ang paulit-ulit na paggamit ng pangngalan o salitang ginagamit sa pagpapahayag.

Pagpapatungkol

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ito ay ang paggamit ng panghalip na tumutukoy sa mga nauna o nahuling pangngalan. May dalawang uri ito.

Anapora o Sulyap na Pabalik

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ito ang tawag sa mga panghalip na ginagamit sa hulihan bilang pananda sa pinalitang pangngalan sa unahan ng pangungusap o talata.

Halimbawa:

Ang Kyogen ay isang dulang pantanghalang isinisingit sa pagtatanghal ng Noh. Ito ay naglalayong magpatawa o aliwin ang mga manonood. Kadalasan, ito ay nagpapatungkol sa realidad ng buhay at sumasalamin sa mga totoong katangian ng tao.

Katapora o Sulyap na Pasulong

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ito ang tawag sa mga panghalip na ginagamit sa unahan bilang pananda sa pinalitang pangngalan sa hulihan ng pangungusap o talata.

Halimbawa:

Sa Kyogen na ating binasa, makikita ang hangarin niyang mapunta sa langit. Bagama't siya ay kumikitil ng buhay ng mga ibon upang pagkakitaan, ipinaliwanag niyang hindi siya ang nakikinabang dito. Iyan ang katwiran ni Kiyoyori, ang pangunahing tauhan sa dula.

Tulduk-tuldok

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ito ay ang pagtitipid sa pagpapahayag. May mga salitang hindi na inilalagay o nawawala na sa pahayag sa kadahilanang naiintindihan na ito sa pahayag at magiging paulit-ulit lamang.

Halimbawa:

Bibihira ang nagsasalin ng mga ganito sa ibang wika.

Ito ay ang paggamit ng iba't iba pang reperensiya sa pagtukoy ng isang bagay o kaisipan.

Halimbawa:

Dahil sa pagsasalin ng mga akda sa wikang nauunawaan natin ay namumulat tayo sa kulturang banyaga. Nalalaman natin ang kulturang Hapones at natututo tayo sa mga gawain nila.

Ito naman ay paggamit ng iba't ibang pangatnig upang pag-ugnayin ang dalawa o higit pang pahayag.

Halimbawa:

Itinanghal ang Kyogen kapag tapos na ang pagtatanghal ng Noh upang maging kaaliw-aliw naman sa manonood ang panonood sa teatro.

Wastong Gamit ng Salita

[baguhin | baguhin ang wikitext]

May mga ibang salita sa Tagalog na nakakalito o nagagamit nang mali.

Ginagamit ang nang sa sumusunod na mga pagkakataon:

  • bilang pangatnig sa mga pangungusap na hugnayan; ito ay panimula sa sugnay na di makapag-iisa

Halimbawa:

Ang Pilipinas ay lalong nakilala sa buong mundo nang mapili ang Underground River sa Palawan bilang isa sa New Seven Wonders of the World.

  • bilang pang-abay

Halimbawa:

Nakatapos nang mabilis sa mga gawain ang mag-anak na nagtulungan.

  • sa gitna ng dalawang salitang-ugat o dalawang pandiwang inuulit

Halimbawa:

Parami nang parami ang mga turistang dumarating sa bansa.

Ginagamit naman ang ng sa sumusunod na mga pagkakataon:

  • bilang pananda sa tuwirang layon ng pandiwang palipat

Halimbawa:

Ang nanay ay naghahanda ng pagkain sa bahay.

  • bilang pagpapakita ng pagmamay-ari ng isang bagay o katangian

Halimbawa:

Ang programa ng pamahalaan para sa pamilya ay maganda.

Din/Rin at Daw/Raw

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ginagamit ang rin at raw sa mga sumusunod na pagkakataon:

  • kung ang sinusundang salita ay nagtatapos sa patinig at malapatinig na y at w.

Halimbawa:

Gusto raw niyang mamasyal sa Pilipinas.

Ginagamit ang din at daw sa sumusunod na pagkakataon:

  • kung ang sinusundang salita ay nagtatapos sa katinig maliban sa y at w

Halimbawa:

Mas mahal daw pumunta sa ibang bansa.

  • kung ang sinusunsang salita ay nagtatapos sa -ri, -ra, -raw o -ray[6]

Halimbawa:

Maaari din akong pumunta sa Pilipinas.

Subukin at Subukan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ginagamit ang subukin kung sumusuri at nagsisiyat sa uri, lakas o kakayahan ng isang tao o bagay.

Halimbawa:

Subukin mo ang husay ng mga Pilipino.

Ginagamit ang subukan kapag gustong malaman kung ano ang ginagawa ng isang tao o bagay nang palihim. Halimbawa:

Subukan mo kung ano ang ginagawa ng mga pinuno ng bansa kapag nagtitipon.

Pahirin at Pahiran

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ginagamit ang pahirin kung ang ibig sabihin ay pag-alis ng isang bagay. Ginagamit ang pahiran kung ang ibig sabihin ay paglalagay ng bagay sa isang lugar o karaniwan ay sa isang bahagi ng katawan.

Halimbawa:

Pahirin mo ang luha sa iyong mata upang mapahiran ng gamot.

Sundin at Sundan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ginagamit ang sundin kung ang pahayag ay nangangahulugang pagsunod sa payo o pangaral.

Halimbawa:

Sundin mo ang payo at utos ng iyong magulang.

Ginagamit ang sundan kung ang pahayag ay nangangahulugang gayahin o puntahan ang pinupuntahan ng iba. Halimbawa:

Sundan mo ang ginagawa ng iyong magulang upang maging matagumpay ka rin sa buhay.

Walisin at Walisan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ginagamit ang walisin kung ang pahayag ay nangangahulugang mga bagay na iwawalis.

Ginagamit ang walisan kung ang pahayag ay nangangahulugang lugar kung saan magwawalis.

Pinto at Pintuan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ginagamit ang pinto kung ang pahayag ay nangangahulugang mismong nahahawakang pinto.

Ginagamit ang pintuan kung ang pahayag ay nangangahulugang lugar kung saan nakikita ang pinto.

May at Mayroon

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ginagamit ang may kung ang sinusundang salita ay pangngalan, pandiwa, pang-uri, panghalip o pang-abay.

Ginagamit ang mayroon kung ang sinusundang salita ay pangatnig o pang-ukol.

Ginagamit ang kata kung ang ibig-sabihin ay taong kinakausap.

Ginagamit ang kina kung ang ibig-sabihin ay taong pinag-uusapan.

Ginagamit ang ikit kung ang ibig-sabihin ay gumugulong (spiral) paloob.

Ginagamit ang ikot kung ang ibig-sabihin ay gumugulong (spiral) palabas.

Hagdan at Hagdanan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ginagamit ang hagdan kung ang pahayag ay nangangahulugang mismong nahahawakan at naaapakang hagdan.

Ginagamit ang hagdanan kung ang pahayag ay nangangahulugang lugar kung saan nakikita ang hagdan.

Operahin at Operahan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ginagamit ang operahin kung ang ibig-sabihin ay ang mismong parte ng katawan na ioopera.

Ginagamit ang operahan kung ang ibig-sabihin ay ang taong ioopera.

Hatiin at Hatian

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ginagamit ang hatiin kung ang ibig-sabihin ay maghiwa.

Ginagamit ang hatian kung ang ibig-sabihin ay magbigay sa iba.

Iwan at Iwanan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ginagamit ang iwan kung ang ibig-sabihin ay hindi naisama.

Ginagamit ang iwanan kung ang ibig-sabihin ay magbigay.

Nabasag at Binasag

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ginagamit ang nabasag kung hindi sinasadya ang pagkabasag.

Ginagamit ang binasag kung ang sinasadya ang pagkabasag.

Bumili at Magbili

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ginagamit ang bumili kung ang ibig-sabihin ay gumastos.

Ginagamit ang magbili kung ang ibig-sabihin ay magbenta.

Kumuha at Manguha

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ginagamit ang kumuha kung iisa.

Ginagamit ang manguha kung maramihan o sama-sama.

Dahil Sa at Dahilan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ginagamit ang dahil sa kung ito ay nagpapahiwatig ng sanhi.

Ginagamit ang dahilan kung ito ay ginagamit bilang pangngalan.

Ginagamit ang taga kung ang sumusunod na salita ay pangngalang pambalana.

Ginagamit ang tiga kung ang sumusunod na salita ay pangngalang pantangi.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 1.5 1.6 Santiago, Alfonso O.; Tiangco, Norma G. (2003). Makabagong Balarilang Filipino. Rex Book Store.
  2. 2.0 2.1 Santos, Lope K.; Galileo, Zafra S. (2019). Balarilà ng Wikang Pambansá (ika-4 (na) labas). Komisyon sa Wikang Filipino.
  3. Jinoe, Daddy (2022-09-19). "Ano Ang Pantig at mga Halimbawa". The Filipino Homeschooler. Nakuha noong 2023-10-29.
  4. 4.0 4.1 Ceña, Resty Mendoza (2021-05-01). Morpolohya ng Filipino. Bisoogo.
  5. Santos, Lope K. (1938). Sources and Means for Further Enrichment of Tagalog as our National Language [Mg̃a Batis at Paraan ng Pagpapayaman pa sa Wikang Tagalog na Pambansa] (sa wikang Ingles). Sinalin ni Bernando, Gabriel A. Pamantasan ng Pilipinas.
  6. Makabagong Ortograpiyang Pambansa 2013

Mga Pinagkukunan

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • Pinagyamang Pluma 9, by Ailene G. Baisa-Julian, Mary Grace G. del Rosario, Nestor S. Lontoc ISBN 978-971-06-3652-5, pp. 48-49, 254