Cayetano Arellano
Cayetano L. Arellano | |
---|---|
Unang Punong Mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas | |
Nasa puwesto 15 Hunyo 1901 – 1 Abril 1920 | |
Appointed by | William McKinley |
Nakaraang sinundan | Bagong Gawa |
Sinundan ni | Victorino Mapa |
Personal na detalye | |
Isinilang | 2 Marso 1847 Udyong, Bataan |
Yumao | 23 Disyembre 1920 Maynila | (edad 73)
Si Cayetano Simplicio Arellano y Lonzón (kapanganakan 2 Marso 1847, Orion, Bataan; kamatayan 23 Disyembre 1920, Maynila) ay kauna-unahang punong mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas.
Siya ay ipinanganak sa Udiong (na ngayon ay kilalang Orion) sa lalawigan ng Bataan. Ang kanyang ama ay si Servando Arellano, isang Kastila at ang kanyang ina ay si Crispora Lonzon, isang Filipinang taga-Bataan.
Nag-aral siya sa Colegio de San Juan de Letran bilang isang "agraciado" (nag-aaral kapalit ng paglilingkod ng walang bayad). Nagpatuloy siya sa Unibersidad ng Santo Tomas, ngunit sa San Juan de Letran siya nagsilbi. Isa siyang "Mayor de Salon" at "Decano de San Juan de Letran".
Bagama't walang madulang pangyayari sa buhay niya tulad sa mga katipunero noong panahon ng himagsikan, siya ay kilala sa kanyang katalinuhan sa batas.
Pagkatapos niyang makapasa sa pamahalaan sa pagiging abogado ay nagbukas siya ng sariling tanggapan. Nagturo siya ng "codigo sibil" sa Unibersidad ng Santo Tomas. Ilan sa kaniyang mga naturuan ay sina Ortigas, Palma, de los Santos, Osmeña, Quezon, Sumulong, Orense at marami pang iba na pawang nakilala at hinangaan.
Noong 1886 ay nahirang siyang "Mahistrado Suplente". Naging kagawad naman siya sa "Asemblea Provincial" noong 1893, hanggang siya sa siya'y maging "Mahistrado Suplente dela Audiencia Territorial de Manila".
Naatasan siyang Punong Mahistrado ni Gobernador Heneral William Taft noong 15 Hunyo 1901. Siya ang hinirang ni Pangulong Theodore Roosevelt upang kumatawan sa Estados Unidos at sa Pilipinas nang magdaos ng pulong ang mga huriskonsulto buhat sa iba't ibang panig ng daigdig noong 1904. Pinagkalooban siya ng karangalan "Doctor en Leyes" ng Unibersidad ng Yale.
Sa kabila ng mga katangian at karangalang ito ay may isang kaugaliang maitatatangi sa kanya. Ito ay pagiging isang mabuting Katoliko, Ang araw ng Linggo ay inilaan niya sa pananalangin at pagbabasa ng banal na aklat.
Si Don Cayetano ay namatay noong 23 Disyembre 1920 na may habiling huwag tumanggap ng mga alay na bulaklak at ilibing siya bilang isang pangkaraniwang tao lamang. Itinatag ang Kolehiyong Pangbatas ng Arellano (ngayon ay Unibersidad ng Arellano) noong 1938, labingwalong taon mula sa kanyang pagkamatay.