Pumunta sa nilalaman

Dakilang Moske ng Xi'an

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Dakilang Moske ng Xi'an
Second courtyard of the Great Mosque
Relihiyon
PagkakaugnaySunni Islam
Lokasyon
LokasyonXi'an, Shaanxi
Arkitektura
UriMosque
IstiloChinese


Ang Dakilang Mosqke ng Xi'an (Tsino: 西安大清真寺; pinyin: Xīān Dà Qīngzhēnsì) ay ang pinakamalaking moske sa Tsina bago ang makabagong panahon. Ito'y isang aktibong pook-sambahan sa loob ng Xi'an Muslim Quarter. Ang kabuuan ng bakuran nito ay isang sikat na lugar sa mga turista. Ang kalakhan ng mga gusali nito ay itinayo noong naunang bahagi ng Dinastiyang Ming. Ito ngayon ay naglalaman ng halos dalawampung gusali sa loob ng lima nitong patyo at sumusukat ng humigit kumulang 12,000 metro kwadrado (130,000 feet).

Ang moske ay kilala rin bilang Moskeng Huajue Chinese: 化觉巷清真寺; pinyin: Huàjué Xiàng Qīngzhēnsì), dahil sa kinalalagyan nitong Daang 30 Huajue. Tinatawag din itong Dakilang Silangang Moske (Chinese: 东大寺; pinyin: Dōng Dàsì), dahil nakatayo ito sa silangan ng isa pa sa pinakalumang moske sa Xi'an, ang Moskeng Daxuexi Alley (Chinese: 大学习巷清真寺; pinyin: Dàxuéxí Xiàng Qīngzhēnsì).

Ang moske ay itinayo noong panahon ng pamumunong Hongwu ng dinastiyang Ming, at napalaki pa noong dinastiyang Qing. Ang mga naunang pook-sambahan (Tanmingsi at Huihui Wanshansi) ay sinasabing nakatayo dito dati noong naunang bahagi ng dinastiyang Tang.

Matapos mapagtagumpayan ng Partido Komunistang Tsino ang Digmaang Sibil ng Tsina, ang moske ay isinara at ginawang pabrika ng bakal.

Noong 1956, ang moske ay itinalagang Pinangangalagaang Pook Pangkasaysayan at Pangkultural sa Lalawigan ng Shaanxi, at iniakyat sa Pangunahing Pinangangalagaang Pook Pangkasaysayan at Pangkultural sa pambansang antas. Ang moske ay ginagamit pa rin ngayon ng mga Tsinong Muslim bilang pook-sambahan, pangunahin na ng mga Hui. Bagaman ngayon ay dumalang na ang mga sumasamba. Ang pangunahing bulwagan lamang ng moske ay kayang maglaman ng 1,000 katao ngunit karaniwan nang kulang sa 100 ang mga tao tuwing oras ng pagsamba.

Ang moske ay may limang patyo na napapaloob sa iisang pader. Ang bulwagang dasalan ay matatagpuan sa ika-apat na patyo. Ang bawat patyo ay may isang moog gaya ng tarangkahan, na napapalibutan ng mga halaman at maliliit na mga gusali. Halimbawa, sa unang patyo nito matatagpuan ang isang tarangkahang ginawa noong dinastiyang Qing, habang sa ika-apat na patyo matatagpuan naman ang Phoenix Pavilion, isang hexagonal na kubo. Marami sa mga pader ng bakuran ay napapalamutian ng mga ukit ng ibon, halaman at sulating Tsino at Arabic. Sa mga batong moog naman nakatala ang mga pagsasaayos ng moske at nagtatampok ng mga obrang kaligrapikong Tsino at Arabic. Sa ikalawang patyo, may dalawang batong moog na nagtatampok ng obra ng calligrapher na si Mi Fu ng dinastiyang Song at ni Dong Qichang, isang calligrapher noong dinastiyang Ming.

Sa kabuuan, ang arkitektura ng moske ay pinagsamang tradisyunal na Tsino at Islamic. Halimbawa, kung ang tradisyonal na mga gusaling Tsino ay itinatayo gamit ang axis na hilaga-silangan bilang pagsunod sa " feng shui", ang moske naman ay itinayong nakaharap sa Mecca sa kanluran, habang sumusunod pa rin sa axis ng Imperial city. Isa pa, ang mga kaligrapiyang Arabic at Tsino ay makikita sa kabuuan ng bakuran. Minsan, makikita rin ang pinagsamang istilong Tsino at Arabic sa kaligrapiya na kung tawagin ay Sini, na tumutukoy sa kaligrapiyang Arabic na ginagagamitan ng impluwensyang Tsino. May mga ilang dalubhasang may haka-haka na ang pagodang octagonal na may tatlong palapag sa ikatlong patyo na tinatawag na Shengxinlou o "Tore ng Pagsusuri sa Puso", ang talagang nagsisilbing minaret ng moske.

Ang bulwagang dasalan ay isang malaking gusaling may turquoise na hip roof, pinintahang dougong, isang portikong may anim na haligi at limang pinto. Ito'y nakatayo sa ibabaw ng isang malaking batong pundasyon na napapaligiran ng mga balustre. Ang malawak na bulwagang dasalan ay binubuo ng tatlong gusaling nakahanay nang magkakadikit. Ang mga palamuti sa loob ng gusali ay nakatuon sa bukanang dingding na kinalalagyan ng qibla. Ito'y napapalamutian ng mga kahoy na may ukit na bulaklak at dibuhong kaligrapiko.