Pumunta sa nilalaman

Sulat sa mga taga-Roma

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Epistle to the Romans)
Mga Aklat ng Bibliya

Ang sulat sa mga taga-Roma[1] o Sulat sa mga Romano[2] ay isa sa mga aklat sa Bagong Tipan ng Bibliya, na naglalaman ng isang liham na isinulat ni San Pablong Alagad para sa mga Kristiyanong Romano. Sa katunayan, ito ang ikaanim sa mga liham na isinulat ni San Pablo, na palaging inuuna sa pagkakabanghay dahil sa kahalagahan ng mga nilalaman at paksa: ang kabuuruan ng Kristiyanismo.[2] Sinasabing higit ito sa isang pangkaraniwang liham lamang kaya't mas itinuturing na isang pormal na kasulatang tumatalakay sa isang paksang pangteolohiya. Isa itong sulating teolohikal na nakatuon sa mga payak ngunit mahahalagang katotohanan hinggil sa Kristiyanismo at pamumuhay bilang Kristiyano.[3]

Panahon ng pagkakasulat

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Tinatayang nasulat ito noong mga 57 A.D.[2] o 58 A.D.[3] Sinulat ito ni San Pablo mula sa Corinto, Gresya noong binalak niyang pumunta sa Espanya para magturo ng Kristiyanismo sa Kanlurang Mundo. Pagkalipas ito ng ikatlo niyang paglalakbay na pampamamahayag ng Mabuting Balita ni Hesus. Samakatuwid, pagkaraang maisakatapuran ang pagtatatag ng mga Simbahan (o Parokya) sa Asya Menor, Masedonya, at Gresya.[2][3]

Sanligang pangkasaysayan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Pinaniniwalaang nadala ang simulain ng Kristiyanismo sa Roma sa pamamagitan ng mga taong nakarinig sa mga pagtuturo ni San Pedro noong tumungo ito sa Roma noong mga 42 A.D. Kasunod ng pangyayaring ito ang pagdalaw ni San Pablo sa namamayani nang pamayanang Kristiyano sa Roma, hindi upang "magtatag sa tinatagan na" ng Kristiyanismo ni San Pedro (bagaman may paniniwala ring itinatag ito ng ibang mga misyonerong Kristiyanong hindi na napagalaman ang mga pangalan[4]). Ibig lamang tumulong ni San Pablo sa pagsugpo ng mga suliraning kinakaharap ng mga Romanong Kristiyano, at para pagtibayin ang kalooban ng mga mamamayang ito. Kabilang sa mga suliranin ng mga Kristiyano ng Roma ang hindi pagkakaunawaan ng mga Kristiyanong Hudyo at mga Kristiyanong Romano (ang mga Kristiyanong hentil o Kristiyanong pagano): Idinidiin ng mga Kristiyanong Hudyo ang kahalagahan ng pagsunod sa Batas ni Moises, samantalang ipinipilit naman ng mga Kristiyanong Romano ang kahalagan ng Batas ni Kristo.[2]

Sipi ng Sulat sa mga Romano (Romano 7:4-7) na nasa wikang Griyego.

Naglalaman ang liham na ito ni San Pablo ng pagbati, pasasalamat, pagtalakay sa pangangailangang maligtas ng tao, ang gawaing pagliligtas ng Diyos, ang tungkulin ng bansang Hudyo sa mga balak ng Diyos, at ang pagtatapos na nagbibilin at nangagaral hinggil sa pagpapanatili ng ugaling Kristiyano at sa pagkakaisa ng mga Kristiyano.[3]

Naririto ang balangkas ng sulat na ito:[2]

  • Paunang Salita (1, 1-17)
  • Bahaging Dogmatiko (1, 18 - 11, 36)
  • Bahaging Moral (12, 1 - 15, 13)
  • Mga Huling Tagubilin (15, 14 - 16, 27)

Nagsasaad ang Bahaging Dogmatiko ng mga sumusunod: na kailangan ang pagsampalataya kay Kristo para makamit ang kaligtasan, ng pagtalakay hinggil sa kabanalan at kaligtasan sa pamamagitan ni Hesus, at ng mga bunga ng kaligtasan. Naglalahad naman ang Bahaging Moral ng mga tungkulin ng mga Kristiyano sa kanilang kapwa, at mga tungkulin nila sa pamahalaan at sa lipunan.[2]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "Ang sulat ni Pablo sa mga taga-Roma". Ang Biblia/Bagong Magandang Balita Biblia (Lumang Tipan, Deuterocanonico at Bagong Tipan). Philippine Bible Society, Lungsod ng Batangas, Pilipinas. 2008.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 2.5 2.6 Abriol, Jose C. (2000). "Sulat sa mga Romano". Ang Banal na Biblia, Natatanging Edisyon, Jubileo A.D. Paulines Publishing House/Daughters of St. Paul (Lungsod ng Pasay) ISBN 9715901077.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 Reader's Digest (1995). "Letter of Paul: Romans". The Reader's Digest Bible, Illustrated Edition (Condensed from the Revised Standard Version: Old and New Testaments). The Reader's Digest Association, Inc., Pleasantville, London/New York/Montreal/Sydney/Auckland/Cape Town, ISBN 0276420136.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. "History of Christianity, pahina 280". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)

Mga panlabas na kawing

[baguhin | baguhin ang wikitext]