Kape

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Kape
Isang tasa ng kapeng barako na napapaligiran ng mga buto ng kape
UriKaraniwang mainit, maaaring kasinlamig ng yelo
Bansang pinagmulanYemen[1]
IpinakilalaIka-15 siglo
KasangkapanSinangag na buto ng kape
Espresso at kapeng itim

Ang kape ay isang inumin na hinahanda mula sa mga nilutong butil ng halamang kape. Kulay-dilim, mapait, at medyo maasido, nakapagpapasigla sa mga tao ang kape, pangunahin dahil sa nilalamang kapeina nito. Ito ang pinakamabentang inuming mainit sa pandaigdigang merkado.[2]

Pinaghihiwalay ang mga butil ng mga bunga ng halamang kape upang makayari ng mga hilaw na berdeng butil ng kape. Sinasangag ang mga butil at ginigiling hanggang pinong-pino na tipikal na ibinababad sa mainit na tubig bago salain, na bumubuo sa isang tasa ng kape. Karaniwan itong inihahain nang mainit, ngunit karaniwan din ang pinalamig o eladong kape. Maaaring ihain at itanghal ang kape sa samu't saring paraan (hal. espresso, kapeterang Pranses, caffè latte, o dinelatang kape na nilaga na). Karaniwang idinaragdag ang asukal, kapalit ng asukal, gatas, at krema upang mawala ang pait o gawing mas masarap ang lasa.

Kahit kinakalakal na ang kape sa buong mundo ngayon, mayroon itong mahabang kasaysayan na may malapit na kaugnayan sa mga tradisyon ng pagkain sa may Dagat Pula. Lumilitaw ang pinakaunang mapagtitiwalaang ebidensya ng pag-iinom ng kape sa modernong anyo sa modernong-panahong Yemen sa timog Arabia sa kalagitnaan ng ika-15 siglo sa mga dambanang Sufi, kung saan unang sinangag at nilaga ang mga butil ng kape sa paraang kahawig sa paghahanda nito ngayon.[3] Nakuha ang mga butil ng kape ng mga Yemeni mula sa Kabundukang Etiyopiyano sa pamamagitan ng mga intermedyaryong Somali sa mga baybayin, at nilinang sa Yemen. Pagsapit ng ika-16 na siglo, umabot ang inumin sa ibang bahagi ng Gitnang Silangan at Hilagang Aprika, at sumunod ang pagkalat sa Europa.

C. arabica at C. robusta ang dalawang pinakatinatanim na halamang kape.[4] Nililinang ang mga halamang kape sa mahigit 70 bansa, lalo na sa mga rehiyong malapit sa ekwador: Kaamerikahan, Timog-silangang Asya, subkontinenteng Indiyo, at Aprika. Magmula noong 2023, Brasil ang nangunguna sa pagtatanim ng butil ng kape, na bumubuo sa 35% ng ani ng mundo. Kinakalakal ang berdeng, di-sangag na kape bilang kalakal pang-agrikultura. Kahit umaabot ang benta ng kape ng bilyun-bilyong dolyar sa buong mundo, nabubuhay sa kahirapan ang karamihan ng mga mangkakape. Tinukoy rin ng mga kritiko ng industriya ng kape ang negatibong epekto nito sa kapaligiran at ang paghahawan sa lupa para sa pagtatanim ng kape at paggamit nito ng tubig. Napakalaki ang industriya ng kape sa mundo na naghalagang $495.50 bilyon pagsapit ng 2023.[5] Brasil, Biyetnam, at Kolombiya ang naging pangunahing tagaluwas ng mga butil ng kape noong 2023.

Gamit ng salita[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang salitang kape ay tumutukoy sa isang uri ng mga buto o butil, puno, kulay (kulay-kape) o inumin.[6]

Mga paraan ng paghahanda ng kape[baguhin | baguhin ang wikitext]

Maraming paraan ng paghahanda ng kape, at hindi lahat ay dumaraan sa proseso ng brewing na siyang karaniwang ginagawa. Halimbawa ang kapeng Turko na tanyag sa mga bansa sa Gitnang Silangan. Ang pagkulo ng pinulbos na kape sa ibrik, isang natatanging lalagyan, ang paraan ng paggawa ng kapeng ito.

Ang pag-brew ng kape ay iba-iba rin, depende sa tradisyon ng isang bansa. Tanyag sa ngayon ang awtomatikong pagpatak na pag-brew, gamit ang mga panggawa ng kape (coffee maker). Kapuna-puna ang amoy kuryenteng lasa ng kape lalo na sa mga mumurahing awtomatikong panggawa ng kape.

Para sa mga mahihilig sa kape, mainam ang manu-manong paghanda ng kape. Nariyan ang paraang manwal na pagpatak, kung saan pinakukuluan muna ang tubig bago ibuhos ng dahan-dahan sa carafe. Mas mainam ito dahil kontrolado ng gumagawa ang kanyang kape. Sikat din ang French press o Coffee Plunger. Mas matapang at mas malasa ang nagagawa nitong kape dahil nasasama sa inumin ang langis at bango mula sa mga katas ng beans. Iyon nga lamang, hindi ganoon kalinaw at kalinis ang nagagawang kape gamit ang paraan na ito.

Sikat rin ang mga 'percolator at makinang pang-espresso na mas nakakagawa ng matapang na kape. Gumagamit ng kaparaanang vacuum ang espresso at makinang lalagyan ng mocha. Ang pinakasimpleng paggawa ng kape ay ibuhos ang mainit na tubig sa giniling na kape at hayaang lumubog ang mga ground.

Nariyan din ang madaliang kape (instant coffee), na maaaring pulbo o likido. Pero ang lasa nito, bagamat pwedeng dagdagan ang tapang, ay kulang sa aroma di tulad sa kapeng brewed.

Alternatibong kape[baguhin | baguhin ang wikitext]

Maaari ring gumawa ng inuming "kape" mula sa tinustang mga butil ng bigas (kapeng bigas).

Tingnan din[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mga sanggunian[baguhin | baguhin ang wikitext]

  1. * Ukers, William Harrison (1922). All About Coffee [Lahat Tungkol sa Kape] (sa Ingles). Tea and Coffee Trade Journal Company. p. 5.
  2. "Global Hot Drinks Market Size, Share | Industry Trends Report, 2025" [Pandaigdigang Sukat at Bahagi ng Merkado ng Mga Maiinit na Inumin | Ulat sa Mga Uso sa Industriya, 2025]. www.grandviewresearch.com (sa Ingles). Nakuha noong 2023-07-18.
  3. Weinberg & Bealer 2001, pp. 3–4
  4. "A Guide To Different Types Of Coffee Beans, Roasts & Drinks" [Isang Gabay sa Mga Iba't Ibang Uri ng Buto, Sangag & Inuming Kape] (sa Ingles). 2021-08-13. Nakuha noong 2023-01-16.
  5. "33+ Buzzing Coffee Industry Statistics [2023]: Cafes, Consumption, And Market Trends" [33+ Sabik na Estadistika sa Industriya ng Kape [2023]: Kapihan, Pagkonsumo, At Mga Uso sa Merkado]. Zippia (sa Ingles). 2023-03-19. Nakuha noong 2023-12-25.
  6. Diksiyunaryong Tagalog-Ingles ni Leo James English, Kongregasyon ng Kabanalbanalang Tagapag-ligtas, Maynila, ipinamamahagi ng National Book Store, may 1583 na mga dahon, ISBN 971-91055-0-X