Pumunta sa nilalaman

Kanlurang Dagat ng Pilipinas

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Karagatang Kanlurang Pilipinas)
Kanlurang Dagat ng Pilipinas
West Philippine Sea
Karagatang Kanlurang Pilipinas
Mapang nagpapakita ng aproksimadong lugar na tumutugma sa opsiyal na abot ng Dagat Kanlurang Pilipinas
Mga koordinado13°N 118°E / 13°N 118°E / 13; 118
Mga islaKapuluan ng Kalayaan at Bajo de Masinloc (pinag-aagawang mga teritoryo)

Ang Kanlurang Dagat ng Pilipinas o Karagatang Kanlurang Pilipinas[1] (Ingles: West Philippine Sea) ay ang opisyal na pagtatalaga ng pamahalaan ng Pilipinas sa mga bahagi ng Dagat Timog Tsina na nakapaloob sa eksklusibong sonang ekonomiko ng Pilipinas. Unang ginamit ang termino noong dekada-1960 sa mga katubigan sa labas ng silangang baybayin ng Pilipinas. Ginamit ng Pilipinas ang termino noong kalagitnaan ng dekada-2000 para tukuyin ang mga katubigan sa kanluran nito sa paligid ng Bajo de Masinloc at Kapuluan ng Kalayaan dahil sa mga alitan sa teritoryo. Opisyal na iniutos ng pamahalaan ng bansa ang paggamit ng termino noong 2012.

Kaligirang pangkasaysayan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Matagal nang ginagamit ang "West Philippine Sea" simula pa noong 1961, sa mga kasulatan sa heolohiya at oseanograpiya ng pandaigdigang komunidad. Ngunit ginamit ito noon sa kanlurang bahagi ng Dagat Pilipinas, na nasa silangan ng kapuluan.[2][3][4]

Hindi nakatala sa ikatlong edisyon ng Limits of Oceans and Seas (1953) ng Pandaigdigang Organisasyon sa Idrograpiya (IHO) ang pangalang West Philippine Sea. Sa halip, itinuturing ng lathalain na bahagi ng Dagat Timog Tsina ang lugar na sinasaklaw ng Kanlurang Dagat ng Pilipinas.[5] Gayunman, ipinanukala ang pangalang Natuna Sea ng isang borador noong 1986 para baguhin ang Limits of Oceans and Seas. Saklaw ng ipinanukalang pangalan ang katimugang dulo ng Dagat Timog Tsina mula Kapuluang Natuna at Kapuluang Anambas hanggang Kapuluang Bangka Belitung sa Indonesya.[6] Subalit hindi ipinagtibay ng IHO ang borador na ito.

Makabagong paggamit

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sinimulan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang paggamit ng pangalang West Philippine Sea noong 2006 para sa bahagi ng dagat na pumapalibot sa Kapuluan ng Kalayaan. Sinimulan naman ng pamahalaan ng Pilipinas na tukuyin ang mga katubigan sa kanluran ng kapuluan ng Pilipinas bilang West Philippine Sea noong 2011, sa ilalim ng pamahalaan ni Pangulong Benigno Aquino III.[7] Nakasaad sa sinang-ayunang layunin ng bagong pangalan ang paggamit nito sa pambansang sistema ng pagmamapa,[8] gayunman sinasabi ng ibang mga sanggunian mula sa pamahalaan na bunga ng mga iringan sa Tsina hinggil sa mga karapatang panteritoryo ang hakbang na ito. Ayon kay Walden Bello, isang kasapi ng Kapulungan ng mga Kinatawan at kinatawan ng Akbayan, nagdadala ang pangalang South China Sea ng subliminal na pahiwatig na pagmamay-ari ng Tsina ang lugar, at nagdulot ng sikolohikong dagok sa Tsina ang pagbabago ng pangalan sa lugar. Nilayon ng pagbabagong ito na paigtingin ang mga pag-aangkin ng Pilipinas sa teritoryo ng Kapuluan ng Kalayaan at pabulaanan ang pansoberanyang pag-aangkin ng Tsina sa kabuoan ng isang "Dagat Timog Tsina". Nagbigay din ang militar ng katulad na dahilan sa kanilang paggamit ng pangalan. Binanggit din ni Komodor Miguel Jose Rodriguez, tagapagsalita ng Sandatahang Lakas, ang mensaheng subliminal na nais iparating ng pangalang "Dagat Timog Tsina" at winika na may kaniya-kaniyang pangalan sa lugar ang bawat bansa. Dahil diyan, marapat na tawagin itong Kanlurang Dagat ng Pilipinas, tulad ng ginawa ng militar simula pa noong kalagitnaan ng dekada-2000.[9]

Naghain si Bello ng isang resolusyon sa Kapulungan ng mga Kinatawan noong Hunyo 2011, na hinihimok ang pamahalaan na suriin ang proseso ng pagpapalit ng pangalan ng Dagat Timog Tsina sa "Kanluraning Dagat ng Pilipinas" ("Western Philippine Sea").[10] Ayon kay Bello, walang espesipikong pang-espasyo na demarkasyon o heograpikong espesipidad ang West Philippine Sea at nilayon itong ipakita na hindi sa Tsina ang Dagat Timog Tsina.[9] Nakatanggap ito ng suporta mula sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas, na gumagamit na ng katawagang "West Philippine Sea" simula pa noong kalagitnaan ng dekada-2000[11]

Isinakodigo ito ng isang kautusang pampangasiwaan noong Setyembre 2012, na iniuutos ang paggamit ng termino sa mga kagawaran, subdibisyon, ahensiya, at instrumentalidad ng pamahalaan ng Pilipinas.[8] Inihayag naman ng pamahalaan noong Setyembre 2012 na sinimulang tukuyin bilang West Philippine Sea sa pampamahalaang mga mapa, ibang mga uri ng komunikasyon at mga kasulatan ang mga katubigan sa kanluran ng Pilipinas.[7] Nilinaw na sakop lamang ng termino ang mga katubigan sa loob ng eksklusibong sonang ekonomiko ng Pilipinas.[12]

Hatol ng PCA noong 2016

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Noong Hulyo 12, 2016 nagpasiya ang Permanent Court of Arbitration pabor sa Pilipinas. Nilinaw nito na hindi ito "...mamamahala sa anumang katanungan ukol sa soberanya sa panlupang teritoryo at hindi nito magtatakda ng alinmang hangganang pandagat sa pagitan ng mga Partido".[13][14] Nagpasiya rin ang húkuman na "walang pangkasaysayang mga karapatan" ang Tsina batay sa "siyam na gatlang na guhit" sa kanilang mga mapa.[13][14]

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Baybayin ng Kanlurang Dagat ng Pilipinas sa Palawan

Walang eksaktong demarkasyon para sa bahagi ng Dagat Timog Tsina na bumubuo sa Kanlurang Dagat ng Pilipinas.[9] Inilarawan ng kautusang pampangasiwaan na opisyal na nagpangalan sa lugar ang Kanlurang Dagat ng Pilipinas bilang sumusunod:

The maritime areas on the western side of the Philippine archipelago are hereby named as the West Philippine Sea. These areas include the Luzon Sea as well as the waters around within the adjacent to the Kalayaan Island Group and Bajo de Masinloc, also known as Scarborough Shoal.

Sek. 1, Kautusang Pampangasiwaan Blg. 29 (2012)[8]

Sa batas ng Pilipinas, tumutukoy lamang ang Kanlurang Dagat ng Pilipinas sa mga bahagi ng Dagat Timog Tsina, lalo na iyong mga bahaging nasa eksklusibong sonang ekonomiko (EEZ) ng bansa. Naging opisyal ang pagpapangalan sa lugar sa pamamagitan ng Kautusang Pampangasiwaan Blg. 29 na inilabas ni noo'y-Pangulong Benigno Aquino III noong Setyembre 5, 2012. Binabanggit din ng kautusan ang Kautusang Pampanguluhan Blg. 1599 na inilabas noong 1978 sa panahon ng pagkapangulo ni dating Pangulong Ferdinand Marcos na nagtatag ng EEZ ng Pilipinas, pati ang Batas Republika Blg. 9522 o ang Baselines Law na isinabatas noong 2009 sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na nagtakda ng mga baseline o distansiya ng kapuluan ng Pilipinas.[15]

Iginigiit at pinapalakas ng kautusang pampangasiwaan ang pag-aangkin ng Pilipinas sa EEZ nito sa Dagat Timog Tsina na naipapakita ang paninindigan ng pamahalaan na mayroon itong karapatang pansoberanya sa ilalim ng Kumbensiyon ukol sa Batas ng Dagat ng Mga Nagkakaisang Bansa (UNCLOS) sa lugar ng Kanlurang Dagat ng Pilipinas at ang "likas na kapangyarihan at karapatan na magtakda ng mga pook pandagat nito na may naaangkop na nomenklatura para sa mga layunin ng pambansang sistema ng pagmamapa".[15]

Pinagtalunan ang legal na saklaw na ito sa isang pagdinig sa Senado noong ika-3 ng Pebrero 2026 habang tinatalakay ang kapasiyahan ng Senado tungkol sa insidenteng diplomatiko sa pagitan ng Tsina at Pilipinas noong huling bahagi ng Enero 2026. Binanggit ni Senador Rodante Marcoleta ang sukat na 381,000 kilometro kuwadrado (147,000 mi kuw) sang-ayon sa Sanggunian ng Pambansang Seguridad (NSC), habang binanggit naman ni Senador Kiko Pangilinan ang sukat na 500,000 kilometro kuwadrado (190,000 mi kuw) sang-ayon sa pasiya ng arbitrasyong Pilipinas v. Tsina noong 2016. Pinagtalunan din ng parehong mga senador ang tiyak na mga koordinado ng dagat kaugnay sa saklaw ng EEZ ayon sa Batas sa mga Sonang Maritima ng Pilipinas (Batas Republika Blg. 12064), na naglalaan ng 200 milyang nautical na EEZ. Sinabi ni Marcoleta na nasa labas umano ng EEZ ang apat sa mga pulong pag-aari ng Pilipinas: ang Pulo ng Pag-asa, Pulo ng Parola, Pulo ng Kota, at Pulo ng Panata. Binigyang-diin ni Pangilinan ang pagkabisa ng pasiya sa arbitrasyon at inihayag ang kaniyang pagiging bukas sa súsog sa kaugnay na mga batas upang mabigyang-linaw ang usapin. Kaugnay sa pagkabahala ni Marcoleta sa kahulugan ng Pandaigdigang Organisasyon sa Idrograpiya sa mga teritoryo ng Pilipinas at Tsina sa lugar, iginiit ni Senador Risa Hontiveros na "teknikal at hindi isang organisasyong pampolitika" ang pananaliksik ng organisasyon "at hindi bumubuo ng legal na pagkilala sa soberanya tulad ng siyam na gatlang na guhit ng Tsina ang mga paglalarawan sa mapa nito."[16] Kinabukasan, nagbabala si Komodor Jay Tarriela, tagapagsalita ng Tanod Baybayin ng Pilipinas sa Kanlurang Dagat ng Pilipinas, na maituturing nang "isang taksil" ang sinumang nagsisimula nang magduda at kuwestiyonin ang paninindigan ng Pilipinas hinggil sa Kanlurang Dagat ng Pilipinas.[17]

Hindi opisyal na mapa ng NAMRIA na nagpapakita ng mga pulo at bahura sa Kanlurang Dagat ng Pilipinas. Ang mga pangalan ng mga pulo at bahura ay mga pangalang kinikilala ng pamahalaan ng Pilipinas.

Sa ilalim ng Kautusang Pampangasiwaan Blg. 29, inatasan ang Pambansang Pangasiwaan sa Pagmamapa at Dulugang Kaalaman (NAMRIA) na gamitin ang katawagang West Philippine Sea sa mga mapang inilikha at inilathala ng ahensiya ng pamahalaan. Kinakailangan ding gamitin ng ibang mga ahensiya ng pamahalaan ang katawagan upang maging malawak ang paggamit ng pangalan sa loob at labas ng bansa.[15]

Bago ang pagpapalabas ng kautusan, ginamit ng PAGASA, ang ahensiya ng pamahalaan sa pagtataya ng panahon sa bansa, ang pangalan noong 2011 upang tukuyin ang mga katubigan sa kanluran ng bansa habang pinanatili ang pangalang Philippine Sea para naman sa mga katubigan sa silangan ng kapuluan.[18]

Malimit ding ginagamit ang katawagan kahit hindi angkop upang matukoy ang kabuoan ng Dagat Timog Tsina.[19]

Maaaring mahanap ang katagang West Philippine Sea sa Google Maps. Noong 2025, isinapanahon ng Google ang kanilang mapa upang isama ang mas litaw na etiketa para sa West Philippine Sea. Nananatili ang katagang South China Sea sa hilagang-kanluran ng bagong etiketa.[20][21] Pinuri ng Pamahalaan ng Pilipinas at ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang hakbang ng Google, habang tinutulan ito ng Ministeryo ng Ugnayang Panlabas ng Tsina.[22] Gayunpaman, pansamantalang nawala ang etiketa noong huling bahagi ng Abril ng taong iyon bago ibinalik.[23]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "Ang West Philippine Sea: Isang Sipat" [The West Philippine Sea: A Briefer] (PDF) (sa Filipino). Kagawaran ng Ugnayang Panlabas. December 2014. p. 2. Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong 6 Marso 2022. Nakuha noong 18 Pebrero 2022. Nasa kanlurang bahagi ng Pilipinas ang Karagatang Kanlurang Pilipinas o West Philippine Sea (WPS).
  2. Sato, T. (1961). "A guyot at the north margin of the West Philippine Sea Basin". Japanese Journal of Geology and Geography. 32 (2).
  3. Ludwig, W.J. (Mayo 10, 1973). "Structure of East China Sea-West Philippine Sea Margin off southern Kyushu, Japan". Journal of Geophysical Research. 78 (14): 2526–2536. doi:10.1029/JB078i014p02526.
  4. Correspondent, A (Disyembre 21, 1973). "Origin of Marginal Seas". Nature. 246 (5434): 447–448. doi:10.1038/246447a0. {{cite journal}}: |last1= has generic name ()
  5. "IHO Publication S-23, Limits of Oceans and Seas, 3rd Edition 1953" (PDF). IHO. Nakuha noong Pebrero 10, 2020.
  6. "IHO Publication S-23, Limits of Oceans and Seas, Draft 4th Edition, 1986". IHO. Inarkibo mula sa orihinal noong Abril 12, 2016. Nakuha noong Hulyo 17, 2017.
  7. 1 2 Agence France-Presse (Setyembre 12, 2012). "Philippines renames coast 'West Philippine Sea'". South China Morning Post. Nakuha noong Hunyo 18, 2019.
  8. 1 2 3 "Administrative Order No. 29 : Naming the West Philippine Sea of the Republic of the Philippines, and for Other Purposes". Official Gazette. Pamahalaan ng Pilipinas. Setyembre 5, 2012. Inarkibo mula sa orihinal noong Agosto 8, 2020. Nakuha noong Hulyo 31, 2019.
  9. 1 2 3 Heydarian, Javad. "The West Philippine Sea?". The Diplomat. Nakuha noong Hunyo 18, 2019.
  10. FRJ (Hunyo 3, 2011). "Gawing Western Philippine Sea: Tawag sa South China Sea, pinapapalitan ng kongresista". GMA News. Nakuha noong Hunyo 9, 2021.
  11. Evangelista, Katherine (Hunyo 8, 2011). "PH military favors calling South China Sea as Western Philippine Sea". Philippine Daily Inquirer (sa Ingles). Nakuha noong Hunyo 9, 2021.
  12. "IBP Statement on the West Philippine Sea". Integrated Bar of the Philippines. n.d. Nakuha noong Marso 15, 2025.
  13. 1 2 "PCA Press Release: The South China Sea Arbitration (The Republic of the Philippines v. The People's Republic of China) | PCA-CPA". pca-cpa.org. Nakuha noong Hulyo 12, 2016.
  14. 1 2 Perlez, Jane (Hulyo 12, 2016). "Tribunal Rejects Beijing's Claims in South China Sea". The New York Times. ISSN 0362-4331. Nakuha noong Hulyo 12, 2016.
  15. 1 2 3 Ubac, Michael Lim (Setyembre 13, 2012). "It's official: Aquino signs order on West Philippine Sea". Philippine Daily Inquirer. Nakuha noong Hunyo 18, 2019.
  16. Cruz, RG (Pebrero 3, 2026). "Marcoleta, Pangilinan clash over West Philippine Sea coordinates". ABS-CBN News. Nakuha noong Pebrero 4, 2026.
  17. Dava, Bianca (Pebrero 4, 2026). "'You are considered a traitor': Tarriela warns vs backing China's claims in West PH Sea". ABS-CBN News. Nakuha noong Pebrero 4, 2026.
  18. "South China Sea renamed in the Philippines". www.asiaone.com.
  19. Agcaoili, John Gabriel (Mayo 25, 2021). "Panelo confuses West Philippine Sea with whole South China Sea". ABS-CBN News (sa Ingles). Nakuha noong Hulyo 4, 2021. "If you say the West Philippine Sea, the basis should be really Administrative Order [No.] 29, which clearly refers to only part of the South China Sea, which is under Philippine jurisdiction. It has never been synonymous with the South China Sea," Batongbacal said.
  20. Dava, Bianca (Abril 14, 2025). "West Philippine Sea is now on Google Maps". ABS-CBN News (sa Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong Abril 21, 2025. Nakuha noong Abril 14, 2025.
  21. "'West Philippine Sea' now visible on Google Maps without specific search". France 24 (sa Ingles). Abril 14, 2025. Nakuha noong Abril 21, 2025.
  22. Kang, Taejun (Abril 16, 2025). "Beijing, Manila at odds over Google Maps update on South China Sea". Radio Free Asia. Nakuha noong Abril 27, 2025.
  23. Dava, Bianca (Mayo 1, 2025). "'West Philippine Sea' label back on Google Maps after tech issue". ABS-CBN News.{{cite news}}: CS1 maint: url-status (link)