Pumunta sa nilalaman

Lilian Pateña

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Si Lilian Pateña ay isang Pilipinong siyentipiko na kilala bilang nakatuklas ng breed ng kalamansi at suhang walang buto (seedless) at nakadiskubre ng micropropagation na nagpatatag sa industriya ng saging na saba sa Pilipinas. Siya rin ang imbentor ng leaf-bud cutting sa pagpapatubo ng cassava. Pinarangalan siya bilang One of The Outstanding Women in the Nation's Service (TOWNS) noong 1998, Women of Distinction for Science and Technology noong 1995 at Outstanding Young Scientist noong 1990.

Setyembre 16, 1953 nang isilang si Lilian Formalejo Pateña sa Ibaan, Batangas kina Teodoro at Crisanta Pateña. Ang kanyang ina ay mahilig sa mga orkidya, samantalang ang kanyang lolo ay nagmamay-ari ng taniman ng palay at mga niyog. Ang mga bunot ng niyog galing sa niyugan ng kanyang lolo ay nakikita ni Lilian na ginagamit ng kanyang ina bilang taniman ng mga orkidya. Palagi nang punong-puno ng mga bulaklak ang kanilang bakuran noon.

Valedictorian si Lilian nang magtapos ng Elementarya sa Ibaan Central School (1966) at Valedictorian pa rin nang magtapos ng High School sa St. James Academy (1970). Ang kanyang tiyuhin na si Felimon Javier ang sumuporta sa iba niyang gastusin sa Unibersidad ng Pilipinas sa Los Baños, kung saan nagtapos siya ng Bachelor of Science in Sugar Technology (pinagsamang Chemistry at Sugar Engineering). Siya ay panglabingtatlo (13) sa 223 na nagtapos sa kanilang kolehiyo.

Pinili niyang makapagtrabaho sa unibersidad kung saan pinagdalubhasaan niya ang tissue culture ng mga halaman. Ang kauna-unahang tagumpay ni Lilian ay ang pagkakatuklas nila ni Dr. Ramon Barba ng isang tissue culture na ginamit nila sa kalamansi at suha na napag-alaman nilang maaari ring gamitin sa patatas, orkidya, rattan at iba pang mga halaman. Nailathala ang kanilang pag-aaral sa Philippine Journal of Crop Science at napiling Best paper of the Crop Science Society of the Philippines (CSSP) taong 1978. Hindi lamang dito sa Pilipinas kinilala ang kanilang natuklasan, maging sa Hawaii, Guam at sa mga bansang Hapon at Tsina. Sa pag-aaral na ito naitala ang pagku-culture sa endosperm upang makapag-produce ng isang prutas na walang buto tulad ng kalamansi at suha.

Ang sumunod na tagumpay ni Lilian ay ang kanyang Master's Thesis tungkol sa mabilisan at maramihang pagpapatubo ng cassava gamit ang leaf-bud cutting technique. Sa technique na ito, maaaring makapag-produce ng 4 na milyong halaman mula lamang sa iisang magulang na halaman sa loob ng isang taon. Ito ay ginagawa sa pamamagitan ng pagputol sa usbong ng dahon at panaka-nakang pag-spray upang mabilis itong magkaugat. Patutubuin ang ugat at ililipat sa lupa kung sapat na ang haba nito. Sa ganitong paraan, napapabi1is ang pagdami ng ugat ng cassava at mabilis na napapadami ang tubo nito.

Ang Centro Internacional de Agricultura Tropical (CIAT) ng Colombia (ang pangunahing sentro ng pag-aaral ng cassava sa buong mundo) ang lalong nagpatingkad sa pagkakatuklas na ito ni Lilian.

Pinalitan ng CIAT ang kanilang lumang teknolohiya at ginamit ang tuklas ni Lilian. Maging ang La Tondeña Distilleries ay nagplano na makapagtayo ng 20,000 ektarya ng taniman gamit ito.

Lalo pang pinalawak ni Lilian ang kanyang pananaliksik sa mga halaman ng kanyang pag-aralan ang iba't ibang uri ng saging tulad ng: lakatan, bungulan at saba, gamit ang micropropagation technique. Nalathala ang kanyang pag-aaral sa The Philippine Agriculturist noong 1989. Ito ang nagbukas ng isipan ng mga pribadong sektor upang magtayo ng mga laboratoryo para sa maliliit na magsasaka ng saging at maging malalaking korporasyon man. Kumalat sa mga bansang Malaysia, Indonesia, Thailand at sa buong Pilipinas ang teknolohiyang ito na nagbigay ng isang superior na uri ng saging. Ito ang nagbigay daan upang ang saging na saba ay makilalang pangunahing pagkain lalo na sa kanayunan. Nakilala rin ang Pilipinas bilang isa sa mga nangunguna na exporter ng mga saging na de kalidad. Maraming pananaliksik ang isinagawa ni Liian sa iba't ibang halaman tulad ng patatas, sibuyas at luya. Lahat ay pawang para sa pagpapaganda at mabilisang pagpapatubo nito.