Lutuing Singapurense
Hinango ang lutuing Singapurense mula sa ilang pangkat etniko sa Singapura at nabuo sa daan-daang taon ng mga pagbabago sa politika, ekonomiya, at lipunan sa kosmopolitang estadong-lungsod.
Kabilang sa mga impluwensiya nito ang mga lutuin ng mga Malay/Indones, Tsino at Indiyano pati na rin ang mga tradisyon ng mga Peranakan at taga-Kanluran (lalo na Eurasyano na naimpluwensiyahan ng mga lutuing Ingles at Portuges, na kilala bilang Kristang). Makikita rin ang impluwensiya mula sa mga kalapit na rehiyon tulad ng Hapon, Korea, at Taylandiya.
Sa Singapura, itinuturing ang pagkain na mahalaga sa pambansang pagkakakilanlan nito at tagapagkaisa ng kultura. Idineklara ng panitikang Singapurense na pambansang libangan ang kainan at pambansang kinahuhumalingan ang pagkain. Madalas na pinag-uusapan ng mga Singapurense ang pagkain. May mga paghihigpit sa diyeta ayon sa relihiyon; hindi kumakain ang mga Muslim ng baboy at hindi kumakain ang mga Hindu ng baka, at marami-rami ang mga behetaryano/begano. Nagsisikain ang mga tao mula sa mga iba't ibang komunidad habang iniisip ang kultura ng bawat isa at pinipili ang pagkain na katanggap-tanggap para sa lahat.
Kasaysayan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Mula nang itinatag ang Singapura bilang daungang Briton noong 1819, naimpluwensiyahan ang lutuing Singapurense ng iba't ibang kultura dahil sa puwesto nito bilang internasyonal na daungan ng pagpapadala.[1] Sa usapang heograpiya, matatagpuan ito sa gitna ng mga karagatang Pasipiko at Indiyano at malatangway at malapulo rin ang hugis nito, kung saan umiral at umiiral ang mga iba't ibang kultura at kalakalan. Napapaligiran ang Singapura ng iba't ibang Asyanong bansa, kaya napakasari-sari ang pagkain at kultura rito.[2] Matatagpuan sa timog nito ang Indonesya, habang matatagpuan sa hilaga nito ang Taylandiya, Tsina, Pilipinas at Malaysia, at sa kanluran naman, matatagpuan ang Indiya.
Binubuo ang kultura ng Singapura ng mga samu't saring impluwensiya mula sa iba't ibang kontinente at bansa. Kaya masasabing napayaman sa kultura ang lutuing Singapurense. Naimpluwensiyahan din ang lutuing Singapurense ng kasaysayang kolonyal nito, dahil itinatag ito bilang kolonya ng Britanya mula noong pasimula ng ika-19 na siglo hanggang sa gitna ng ika-20 siglo kung kailan naging bahagi ito ng Malaysia bago naging malaya; inokupahan din ang Singapura ng Imperyo ng Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.[3]
Pinaniniwalaan na ang ilang mga pagkain na bahagi ng lutuing Singapurense ngayon ay nauna pa sa pagdating ng Raffles noong 1819; kabilang sa mga putaheng ito ang laksa, biryani at ikmo. Subalit hindi tiyak kung kailan dumating itong mga pagkain sa Singapura, dahil kalat-kalat at di-tumpak ang mga makasaysayang rekord sa mga ito dahil kadalasang ginawa ang mga pagkaing ito ng mga naunang imigrante sa Singapura sa bahay at hindi inihain sa isang establisimyento.[4] Nabuo ang ilan sa mga putahe sa pag-aangkop ng mga iba't ibang pagkaing inihanda ng mga naunang imigrante sa Singapura ayon sa mga kagustuhan sa sangkap at lasa;[4] kabilang sa mga halimbawa ng ganitong putahe ang kinaring ulo ng isda,[5] kaya toast[6] at Hainanes na manok at kanin,[7] na bahagi ng mga isteypol sa lutuing Singapurense ngayon.[8]
Mga hawker centre
[baguhin | baguhin ang wikitext]Isang malaking bahagi ng lutuing Singapurense ang mga hawker centre (o hokeran kung isasatagalog), kung saan unang itinayo ang mga tindahan noong gitna ng ika-19 na siglo, at karamihan sa mga ito ay mga tindahan ng mga iba't ibang uri ng pagkaing kalye.[9] Dati, nagbenta ang mga tindero sa mga tabi-tabi ng kalye mula sa kanilang mga kariton o bisikleta at naghain ng mga pagkaing mumurahin at pangmadalian sa mga kuli, empleyado sa opisina at mga hindi nagluluto sa bahay.[10][11] Bagama't nakakain ang mga unang imigrante sa Singapura ng mga pagkaing mura at agaran dahil sa mga nagtitinda sa kalye, hindi malinis ang mga tindahang ito, dahil sa kakulangan ng imprastrakturang pansuporta tulad ng pagtatapon ng basura at patuluyang suplay ng sariwang tubig, at mga limitadong kaugalian ukol sa kalinisan.[11] Mula noong d. 1960, sinimulan ng pamahalaan ng Singapura na ang paghihigpit ng mga patakaran at regulasyon para sa mga nagtitinda sa kalye, at inilipat sila sa mga mas permanenteng lokasyon sa pagtatayo ng mga palengke at hokeran sa buong bansa.[12]
Ngayon, kapag kumakain sa labas, kadalasan kumakain ang mga Singapurense sa mga hokeran, kopi tiam (kapihan), o kainan sa halip ng mga restoran, dahil sa kalwanan, pagkasari-sari at kagaanan sa bulsa. Karaniwang nagtatampok ang mga ito ng dose-dosenang tindahan sa iisang kompleks, at nag-aalok ang bawat tindahan ng kani-kanilang mga espesyalidad. Kabilang sa mga kilalang hokeran ang Telok Ayer Market, Maxwell Food Center, Lau Pa Sat at Newton Food Centre. Parang kainan na walang erkon ang mga kapihan na karaniwang matatagpuan sa buong pulo, kadalasan sa ilalim ng mga bloke ng HDB flat. Sa larangan ng pagkain, naging depinisyon ng kulturang Singapurense ang mga hokeran at walang-bubong na kainan. Nag-aalok ang mga sikat na merkado tulad ng Old Airport Road Food Centre sa Geylang, Golden Mile Food Centre sa Beach Road at Maxwell Road Food Centre sa Chinatown ng mga pinakamaayos na pagluluto ng mga Tsino, Malasyo at Indiyano na pinagsama-sama upang makabuo ng mga pagkain na katangi-tangi sa Singapura.[2] Kabilang sa mga pagkain na kilalang-kilala sa mga hokeran at kopitiam ang kaya toast, alimango sa sili, kinaring ulo ng isda, laksa, roti prata[8] at chicken rice ng Hainan na malawakang itinuturing bilang isa sa mga pambansang pagkain ng Singapura.[13][14][15]
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ "A history of Singapore cuisine" [Isang kasaysayan ng lutuing Singapurense] (sa wikang Ingles). Seasoned Pioneers. Nakuha noong Setyembre 25, 2021.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ 2.0 2.1 Sood, Suemedha (15 Disyembre 2010). "Singaporean Food's past and Present" [Nakaraan at Kasalukuyan ng Pagkaing Singapurense] (sa wikang Ingles). BBC Travel. Nakuha noong 22 Hunyo 2017.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Tarulevicz, Nicole (Disyembre 2013). Eating Her Curries and Kway: A Cultural History of Food in Singapore [Kinakain Ang Kanyang Kari at Kway: Isang Kasaysayang Kultural ng Pagkain sa Singapura] (sa wikang Ingles). University of Illinois Press. p. 11. ISBN 978-0252095368.
{{cite book}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ 4.0 4.1 Pakiam, Geoffrey; Yeo, Michael (Oktubre 1, 2020). "Culinary Biographies: Charting Singapore's History Through Cooking and Consumption" [Mga Talambuhay sa Kulinarya: Pagmamapa sa Kasaysayan ng Singapura sa Pagluluto at Pagkokonsumo] (PDF) (sa wikang Ingles). ISEAS – Yusof Ishak Institute. Nakuha noong Setyembre 25, 2021.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "The man behind fish head curry" [Ang tao sa likod ng kinaring ulo ng isda]. The Straits Times (sa wikang Ingles). 10 Disyembre 2017.
Dumating siya (M.J. Gomez) sa Singapura mula sa Trivandrum, ang kabisera ng Kerala, noong d. 1930 bago siya umuwi para magpakasal. Pagkasilang sa kanyang unang anak, isang babae, bumalik siya sa Singapura, para lamang mahuli rito sa panahon ng digmaan. Bumalik muli sa Singapura si G. Gomez, at kalaunan, idinala niya ang kanyang pamilya. Nakatira sila sa Kalye Sophia, kung saan sinimulan niya ang kanyang restoran, Gomez Curry, na kalaunan ay inilipat sa malapit na Kalye Selegie. (Isinalin mula sa Ingles)
{{cite news}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "Kaya Toast" (sa wikang Ingles). TasteAtlas. Nakuha noong Hulyo 16, 2020.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Farley, David. "The Dish Worth the 15-Hour Flight" [Ang Ulam na Sulit sa 15 Oras na Paglipad] (sa wikang Ingles). BBC.
- ↑ 8.0 8.1 "Singapore Famous Local Food & Cuisine" [Singapura Mga Sikat na Pagkaing Lokal & Lutuin] (sa wikang Ingles). Visit Singapore Official Site. Nakuha noong Setyembre 25, 2021.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "Hawker Culture in Singapore – Heritage Plan" [Kultura ng Hawker sa Singapura – Plano ng Pamana] (sa wikang Ingles). Our SG Heritage. Nakuha noong Setyembre 25, 2021.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "Our Street Hawkers, p. 2" [Aming Mga Hawker sa Kalye, pa. 2] (sa wikang Ingles). Eastern Daily Mail and Straits Morning Advertiser, Archived by National Library Board. Nobyembre 6, 1905. Nakuha noong Setyembre 27, 2021.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ 11.0 11.1 "Hawker centres – Where did they come from?" [Mga hawker centre – Saan nanggaling ang mga ito?] (sa wikang Ingles). Expat Living. 2 Hunyo 2022.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Yeoh, Brenda S.A. (2003). Contesting Space in Colonial Singapore: Power Relations and the Urban Built Environment [Paglalaban para sa Puwesto sa Kolonyal na Singapura: Ugnayan ng Kapangyarihan at Itinayong Kapaligirang Urbano] (sa wikang Ingles). NUS Press. pp. 262–266. ISBN 9789971692681.
{{cite book}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Celjo, Farah (21 Enero 2019). "Dipping sauce and a little controversy: who knew chicken rice had such 'wow' factor" [Sawsawan at kaunting kontrobersiya: nakaka-'wow' pala ang chicken rice]. SBS Food (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2020-11-14.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Benton, G. A. "10 Best Restaurants of 2019: #4 Service Bar" [10 Pinakamasarap na Restoran ng 2019: #4 Service Bar]. Columbus Monthly (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa ang orihinal noong 2021-09-25. Nakuha noong 2020-11-14.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "A Brief History of Hainanese Chicken Rice, Singapore's National Dish" [Isang Maikling Kasaysayan ng Chicken Rice ng Hainan, Pambansang Pagkain ng Singapura]. The Culture Trip. Enero 24, 2017. Nakuha noong Hulyo 15, 2020.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link)