Pumunta sa nilalaman

Mantel

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Dayagram na naghahambing sa interyor ng mga terestriyal na planeta at ng Buwan na pinapakita ang puwesto at kapal ng kanya-kanyang mantel

Ang mantel o manto (Kastila: manto) ay isang salansan sa loob ng isang solidong planeta o likas na bagay sa kalawakan na matatagpuan sa pagitan ng kaibuturan at balat nito. Maaaring binubuo ng bato at mga yelo ang isang mantel at karaniwa'y pinakamakapal na bahagi ng interyor ng isang planeta. Lahat ng mga planetang terestriyal, katulad ng Daigdig, at maging ang ilang asteroyd at buwan, ay may mga mantel.

Mantel ng Daigdig

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang mantel ng daigdig ay isang salansan ng batong silikato sa pagitan ng balat at panlabas na kaibuturan. Ang masa nito ay 4.01 × 1024 kg, katumbas ng 67% ng masa ng buong planeta. May kapal ito na 2,900 kilometro, katumbas ng 84% ng bolyum ng daigdig.[1] Ito'y solido bagaman sa loob ng heolohikal na oras, ito ay dumadaloy na tila malapot na likido. Ang bahagyang pagkatunaw ng mantel sa mga mid-ocean ridge ang siyang lumilikha ng balat pandagat habang ang bahagyang pagkatunaw ng mantel sa mga subduction zone (o sona ng paglubog) ang bumubuo naman sa balat na kontinental.[2]

Mantel ng iba pang mga planeta

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Tulad ng Daigdig, ang Merkuryo ay may mantel na silikato din, ngunit mas manipis (490 km lamang), na 28% ng masa nito.[3] Ang silikato na mantel ng Benus naman ay may kapal na 2,800 km, o 70% ng masa nito habang ang silikato na mantel ng Marte ay may kapal na 1,600 km, na ~74-88% ng masa nito.[4] Ang isang uri ng meteorite, ang chassignite, ay hinihinalang piraso ng mantel ng Marte.

Mantel ng mga Buwan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang mga buwan ng Hupiter, ang Io, Europa, at Ganymede, ay pawang may mga mantel na silikato bagaman may pagkakaiba sa mga nakapatong na balat. Sa kaso ng Io, ang mantel nitong may ~1,100 km na kapal ay may balat ng mga bulkanikong bato; ang Ganymede, na may mantel na ~1,315 km ang kapal ay may balat ng yelo, habang ang Europa, na may mantel na ~1,165 km ang kapal ay napapatungan ng yelo at posibleng karagatan ng likidong tubig.[5]

Ang Buwan ng Daigdig naman ay may mantel na 1300-1400 km ang kapal, at siyang pinagmumulan ng mga basalto ng mga rehiyong tinatawag na mare nito.[6] Maaaring nakalantad ang mantel ng Buwan sa Batyang Timog Polo-Aitken o sa Batya ng Crisium. Mayroong seismic discontinuity o pag-iiba ng bilis ng alon ng lindol sa lalim na ~500 km na maaaring indikasyon ng pagbabago ng komposisyon ng interyor ng Buwan sa lalim na iyon.[6]

Samantala, ang Titan at Triton naman ay parehong may mantel na yari sa yelo o iba pang mga solidong kompuwestong maigahin.[7][8]

Mga asteroid na may mantel

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Larawan ng asteroyd na Ceres na pinakikita ang interyor nito, kasama ang mantel nitong yari sa yelo at tubig

Ang ilan sa mga pinakamalaking asteroid ay may mantel; [9] halimbawa, ang Vesta ay may silikato na mantel na katulad ng komposisyon sa isang uri ng mga meteorite na diogenite. [10]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Katharina., Lodders (1998). The planetary scientist's companion. Fegley, Bruce. New York: Oxford University Press. ISBN 978-1423759836. OCLC 65171709.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. "What is the Earth's Mantle Made Of? – Universe Today". Universe Today (sa wikang Ingles). 2016-03-26. Nakuha noong 2018-11-24.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. Katharina., Lodders (1998). The planetary scientist's companion. Fegley, Bruce. New York: Oxford University Press. ISBN 978-1423759836. OCLC 65171709.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. Katharina., Lodders (1998). The planetary scientist's companion. Fegley, Bruce. New York: Oxford University Press. ISBN 978-1423759836. OCLC 65171709.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. Katharina., Lodders (1998). The planetary scientist's companion. Fegley, Bruce. New York: Oxford University Press. ISBN 978-1423759836. OCLC 65171709.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. 6.0 6.1 Wieczorek, M. A. (2006-01-01). "The Constitution and Structure of the Lunar Interior". Reviews in Mineralogy and Geochemistry (sa wikang Ingles). 60 (1): 221–364. Bibcode:2006RvMG...60..221W. doi:10.2138/rmg.2006.60.3. ISSN 1529-6466.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. "Layers of Titan". NASA. 23 Pebrero 2012. Inarkibo mula sa ang orihinal noong 14 Setyembre 2015. Nakuha noong 7 Oktubre 2015.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. "Triton: In Depth". NASA. Inarkibo mula sa ang orihinal noong 17 Nobyembre 2015. Nakuha noong 16 Oktubre 2015.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  9. "Griffith Observatory – Pieces of the Sky – Meteorite Histories". www.griffithobservatory.org (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa ang orihinal noong 2020-02-10. Nakuha noong 2018-11-24.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  10. Reddy, Vishnu; Nathues, Andreas; Gaffey, Michael J. (2011-03-01). "First fragment of Asteroid 4 Vesta's mantle detected". Icarus (sa wikang Ingles). 212 (1): 175–179. Bibcode:2011Icar..212..175R. doi:10.1016/j.icarus.2010.11.032. ISSN 0019-1035.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)