Bato (heolohiya)

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Jump to navigation Jump to search
Isang maliit na sulyap sa Grand Canyon.
Itinatampok ng Grand Canyon sa Amerika ang mga hiwa sa patong ng mga batong sedimentaryo (latak).

Ang bato (Ingles: rock o stone) ay isang masang buo (solid mass) na nabubuo nang natural, o di kaya'y isang pinagsama-samang mineral o malamineral (mineraloid). Kinakategorya ang mga ito ayon sa mineral na meron sila, ang kanilang komposisyong kemikal at kung paano ang mga itong nabuo. Karaniwang kinakategorya ang mga bato sa tatlo: ang batong ignea o pinalamig (igneous rocks), batong metamorpiko o nagbago (metamorphic rocks), at mga batong sedimentaryo o latak (sedimentary rocks).

Nabubuo ang mga batong ignea kapag lumamig ang magma sa balat ng Daigdig, o di kaya kung lumamig ang lava sa kalupaan o sa ilalim ng dagat. Nabubuo naman ang mga batong metamorpiko kapag nabibigyan ang ibang mga bato ng matinding presyur at temperaturang nagiging dahilan ng kanilang pagbago - tulad kapag nagbanggaan ang mga platong kontinental sa isa't isa. Samantala, nabubuo naman ang mga batong sedimentaryo sa prosesong diagenesis (pagbabago sa paglipas ng panahon) o di kaya;y sa litipikasyon (pagiging mga batong buo) ng mga latak, na nabubuo naman dahil sa meteorisasyon (weathering), paglipat, o deposisyon (pagsama sa kalupaan).

Ang maagham na pag-aaral sa mga bato ay tinatawag na petrolohiya o agbato, isa sa mga pangunahing sangay ng heolohiya.[1]

Pagpapangkat[baguhin | baguhin ang batayan]

Hilera ng mga batong bahagi ng nakalitaw na bedrock (outcrop) sa isang sapa sa bundok sa Costa Rica.

Binubuo ang mga bato ng mineral, mga solidong nahahalo (homogeneous solids) na nabubuo mula sa isang kompuwestong kemikal at maayos na nakaayos.[2] Nagsasama ang mga aridong mineral (aggregate mineral) na bumubuo sa bato dahil sa pagkapit kemikal (chemical bond). Ang kasaganahan at uri ng mga mineral sa isang bato ay base sa kung papaano ito nabuo.

Naglalaman ang karamihan ng mga bato ng mga silikatong mineral (silicate minerals), mga kompuwestong naglalaman ng mga tetrahedrang oksidong silikon (silicon oxide tetrahedra) sa redes (lattice) ng kristal nila. Tinatayang ganito ang laman ng 95% ng balat ng mundo at sangkatlo (one-third) ng lahat ng mga natukoy na uri ng mineral.[3] Malaki ang pakinabang ng proporsyon ng silika sa bato at mineral para sa pagpapangalan at pagtukoy sa katangian ng mga ito.[4]

Pinapangkat-pangkat ang mga bato ayon sa mga katangian tulad ng komposisyong kemikal at mineral nito, paghigop sa tubig o permabilidad (permeability), ang pagkakayari ng laman nitong butil (particle), at ang laki ng mga butil. Resulta ng mga prosesong nagbuo sa bato ang mga katangiang pisikal na ito. Sa paglipas ng panahon, maaaring magbagong-anyo ang mga bato mula sa isang uri papunta sa iba pa. Ang prosesong ito ay inilalarawan ng modelong heolohikal na siklo ng bato (rock cycle). Dahil rito, naipangkat sa tatlong pangkalahatang uri ang mga bato: ignea o pinalamig, metamorpiko o nagbago, at sedimentaryo o latak.

Ang tatlong ito ay hinati pa nang husto sa maraming mga sangay na grupo. Kaso lang, walang tiyak na hangganan ang mga magkakauring mga bato. Sa pamamagitan lamang ng pagtaas o pagbaba sa proporsyon ng mga mineral nila, lumilipat sila mula sa isang grupo papunta sa kabila, kung saan maaaring unti-unting magbago ang isang panandang tampok (distinctive feature) ng isang bato papunta sa isa pang klase ng bato. Kaya naman, pakatandaan na ang mga pangalang binigay sa mga bato ay para lamang matukoy kung saang bahagi sila kasalukuyang makikita sa proseso ng tuloy-tuloy na pagbabago, hindi bilang isang pangalang para lamang sa kanila.

Batong ignea[baguhin | baguhin ang batayan]

Isang batong gabro (gabbro).
Isang batong gabro (gabbro).

Ang mga batong ignea (Ingles: igneous rocks, hiniram mula sa salitang Espanyol na ígnea, na mula naman sa Latin na igneus mula ignis "apoy"), maaaring isalin sa Filipino bilang pinalamig, ay mga batong nabubuo mula sa pagpapalamig at pagsosolido ng magma o lava. Maaaring manggaling ang magmang ito mula sa mga bahagyang natunaw na batong nasa loob ng manto (mantle) o balat ng isang planeta. Kadalasang natutunaw ang mga batong ito dahil sa isa o higit pang mga sumusunod na proseso: pagtaas sa temperatura, pagbaba ng presyur, o di kaya'y pagbabago sa komposisyon.

Nahahati ang mga batong ignea sa dalawang kategorya:

  • Ang mga batong plutoniko o pinasukan (Ingles: plutonic o intrusive) ay resulta ng paglamig ng magma at nagkristal (crystallize) nang dahan-dahan sa balat ng mundo. Ang pangkaraniwang halimbawa nito ay ang granito (granite).
  • Ang mga batong bulkaniko o pinalabas (Ingles: volcanic o extrusive) ay resulta naman ng pag-angat ng magma mula sa manto papunta sa balat (o sa madaling salita, tuwing pagputok ng bulkan) bilang isang lava o di kaya'y mga binatong pira-piraso (fragmental ejecta). Ang mga batong pumita (pumice) at basalto (basalt).[5]

Karaniwang gumagawa ng isang ayos ang kasaganahang kemikal at ang bilis ng paglamig ng magma, na tinatawag na serye ng reaksyon ni Bowen (Bowen's reaction series).[4] Makikita sa iskalang ito ang karamihan sa mga batong ignea.[4]

Tinatayang 65% ng balat ng mundo base sa espasyong sinasakop (volume) ay batong ignea, na nagpapatunay sa kasaganahan nito. Sa bahagdang ito, 66% ang basalto at gabro (Ingles: gabbro), samantalang 16% naman ang granito at 17% ang granodiorita at diorita. Tanging 0.6% lamang ang syenita (syenite) at 0.3% naman ang mga batong ultramapika (ultramafic). 99% ng balat karagatan (oceanic crust) ang basalto, isang batong ignea na may komposisyong mapika (mayaman sa magnesiyo [magnesium] at bakal [iron]). Sa kabilang banda naman, dinodomina naman ng mga batong granito at katulad na mga batong kilala sa tawag na malagranito (granitoids) ang balat kontinental (continental crust).[6]

Mga sanggunian[baguhin | baguhin ang batayan]

  1. Harbaugh, John W.; Windley, Brian Frederick. "Geology" [Heolohiya]. Encyclopædia Britannica (sa wikang Ingles). Nakuha noong Oktubre 14, 2020.
  2. Cipriani, Nicola (1996). The encyclopedia of rocks and minerals [Ang ensiklopedya ng mga bato at mineral] (sa wikang Ingles). New York: Barnes & Noble. ISBN 978-0-7607-0291-8.
  3. Heinen, Wouter; Oehler, John H. (1979). "Evolutionary Aspects of Biological Involvement in the Cycling of Silica" [Mga aspetong pang-ebolusyon ng Biolohikal na Pagkakasangkot sa Pagsiklo ng Silika]. sa Trudinger, P.A.; Swaine, D.J. (mga pat.). Biogeochemical Cycling of Mineral-Forming Elements [Biyoheokemikal na Pagsiklo ng mga Elementong nakakagawa ng mineral] (sa wikang Ingles). Amsterdam: Elsevier. pa. 431. ISBN 9780080874623.
  4. 4.0 4.1 4.2 Wilson, James Robert (1995), A collector's guide to rock, mineral & fossil localities of Utah [Isang gabay sa kolektor patungkol sa mga lokalidad ng bato, mineral, at bakasbuto ng Utah] (sa wikang Ingles), Utah Geological Survey, mga pa. 1–22, ISBN 978-1-55791-336-4, tinago mula sa orihinal noong Nobyembre 19, 2016.
  5. Blatt, Harvey; Tracy, Robert J. (1996). Petrology [Petrolohiya] (sa wikang Ingles) (ika-2 (na) edisyon). W.H. Freeman. ISBN 978-0-7167-2438-4.
  6. Condie, Kent C. (2015). Plate Tectonics & Crustal Evolution [Mga Tektoniko ng Plato & Ebolusyon ng Kabalatan] (sa wikang Ingles) (ika-2nd (na) edisyon). New York: Pergamon. pa. 68. ISBN 9781483100142.


Usbong Ang lathalaing ito ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.