Padron:Unang Pahina/Artikulo/Fernando Amorsolo
Si Fernando Cueto Amorsolo (Mayo 30, 1892 - Abril 26, 1972) ay isa mga pinakamahalagang artista ng sining sa Pilipinas. Si Amorsolo ay isang pintor ng mga larawan ng mga tao at tanawing pambaryo ng Pilipinas. Kilala siya sa kaniyang pagiging malikhain at pagkadalubhasa sa paggamit ng liwanag sa aspeto ng sining. Ipinanganak sa Paco, Maynila, nakatapos siya ng pag-aaral mula sa Paaralang Pansining ng Liseo ng Maynila noong 1909. Bagaman nakapaglakbay sa ibang mga bansa, kung saan namulat ang mga mata ni Amorsolo sa mga dayuhang pamamaraan ng pagguhit at pagpinta, naging adhikain niya ang makalikha ng mga larawang makabayan at puno ng kasaysayan. Sa panahon man ng kapayapaan o digmaan, nanatili ang diwang ito sa isipan ni Amorsolo, na nagbunga naman ng mga dibuhong may pagpapahalaga sa paghubog, pag-unlad, at pagtatala ng tunay at natatanging katauhan, ngiti, damdamin at kaluluwa ng mga mamamayang Pilipino. Dahil sa mga gawa at gawain ng kaniyang malikhaing mga kamay, sa tulong ng pinsel at pintura, tinagurian si Amorsolo bilang unang Pambansang Alagad ng Sining ng Pilipinas. Isinilang si Fernando Amorsolo kina Pedro Amorsolo, isang tenedor de libro, at Bonifacia Cueto. Lumaki si Amorsolo sa Daet, Camarines Norte, kung saan nakapag-aral siya sa isang paaralang pampubliko at tinuruang bumasa at sumulat ng wikang Kastila sa bahay.