Pumunta sa nilalaman

Panahon ng Yule

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Panahon ng Yule
Paghila sa isang troso ng Yule, 1832
Ibang tawagPanahon ng Yule, Kapistahan ng Yule
Ipinagdiriwang ngMga Hilagang Europeo at sari-saring mga taong nagsasalita ng Ingles
UriPangkultura, Paganong Hermaniko at pagdaka ay Kristiyano, sekular, at Paganismong kontemporaryo
KahalagahanPestibal ng Taglamig
PetsaInilipat sa Disyembre 25 sa pamamagitan ng kalendaryong Gregoryano, maaaring ang orihinal na petsa ay nasa at/o himigit kumulang sa kalagitnaan ng taglamig[1][2]
Kaugnay saPasko, solstisyo ng Taglamig (gitna ng taglamig), mga araw na pinag-apat-apat, Gulong ng Taon, Mga Pestibal ng Taglamig

Ang Panahon ng Yule, Kapistahan ng Yule, o Yule lamang (Ingles: Yuletide, Yulefest, Yule time o Yule; Nordiko: júl) ay isang paganong pagdiriwang na nakikilala rin bilang solstisyo ng Taglamig na pangkalahatang ipinagdiriwang ng mga Wiccano at ng mga Kristiyano sa Hilagang Europa. Ipinagdiriwang sa Panahon ng Yule ang pagsilang ng Araw at ipinagdiriwang din nito ang "Ina" sa kataasan ng kaniyang "Kadakilaan". Ipinagdiriwang ng mga pagano ang Kapistahan ng Yule sa pamamagitan ng maraming mga paraan, ang karamihan sa kanila ay magpapalamuti ng isang puno na pangkapistahan ng Yule, ilalagay nila ito sa loob ng kanilang mga tahanan hanggang sa ang karamihan sa mga dahon nito ay nahulog na, at pagkaraan ay susunugin nila ang troso o kahoy ng Yule. Marami sa mga Wiccano ang magdedekorasyon ng kanilang mga dambana (altar) ng mga kulay at mga bagay na para sa Yule, at ang pangkalahatan sa kanila ay magbibigay ng parangal sa Diyosa. Ang Kapistahan ng Yule ay naisanib sa Kristiyanismo sa pamamagitan ng Kristiyanisasyon at naging katumbas ng kapistahan ng Pasko. Ang pinakamaagang pagtukoy sa Yule ay ang sa pamamagitan ng katutubong mga pangalan ng mga buwan na Hermanikong Ærra Jéola (bago sumapit ang Yule) o Jiuli at Æftera Jéola (pagkaraan ng Yule). Iniugnay ng mga paham ang pagdiriwang na ito sa Pangangaso sa Kalikasan, sa diyos na si Odin at sa paganong Angglo-Sakson na Modranicht.

Ang kapistahan ng Yule ay isang pagdiriwang ng mga taong Nordiko, na may kaugnayan sa mitolohiyang Hermaniko at paganismong Nordiko. Sa Paganismong Nordiko, ang Diyos ng Liwanag ay lumisan magmula sa Samhain papunta sa Lupain ng Taglamig na Walang-Hanggan, upang makapaghanda para sa kaniyang muling pagsilang, at nagiging Hari ng Karimlan ng taon. Sa pagsapit ng hatinggabi, kung kailan mas madilim, ay sumisilang ang isang bagong liwanag, ang pangako ng buhay na isang banal na sanggol. Nagpapahiwatig ang Yule ng isang gulong o pag-ikot para sa mga Anglo-Sakson, na katulad ng sa Noruegong diwa. Dito sa panahong ito kung kailan nabubuo ang gulong ng pagsilang, kamatayan, at muling pagkabuhay.

Ang Kapistahan ng Yule ay mayroong simulain bago ang pagsapit ng Kristiyanismo (prekristiyano) sa Eskandinabya. Binubuo ito ng pagiging isang panglahat na "kapistahan ng mag-anak" at isang pagtuon sa pertilidad o kasaganahan ng mga solstisyo at ng pamilya. Isa itong pista kung saan inaalala rin ang mga ninuno, ang mga kaibigang wala na, at nagkakaroon din ng maringal na handaan sa mga mesa, sa harap ng puntod ng namatay nang mga magulang, at binibigyan ng kahalagahan ng pagbibigay ng kagandahang-loob sa mga hindi kakilalang mga tao.[3]

Nagdadala ang mga pagano ng mga puno sa loob ng kanilang mga tahanan at pinapalamutian ang mga ito, bilang pagpapakita ng kanilang pagmamahal sa kalikasan.

Sa katunayan, sa kulturang neopagano ("paganong bago", "paganismong bago"), ang pagdiriwang na ito ay muling binuo na nagkaroon ng sari-saring mga kapangkatan, katulad ng sa kaso ng relihiyong Asatru at ng relihiyong Wiccano: isang uri ng pagdiriwang ng mga kapistahang ito ay pagganap ng "walong mga araw ng kapistahan ng araw", na karaniwang tinatawag bilang "taunang siklo ng mga araw na pangilin". Ang Yule ay ang unang araw sa mga araw na pangilin na hindi pangunahin sa siklo ng taon. Ang kapistahan ng Yule ay ipinagdiriwang sa solstisyo ng taglamig sa hilagang hemispero, na malapit sa ika-21 ng Disyembre, at sa katimugang hemispero sa paligid ng ika-21 ng Hunyo.

Katumbas ng "Kapistahan ng Yalda" (isang kapistahang pangtanglamig sa Iran), ang Kapistahan ng Yule ay mga katagang Indo-Europeong sinauna na pantukoy sa sinaunang tradisyon na pumapansin sa mga pagbabagong likas na sanhi ng pag-ikot ng araw sa paligid ng daigdig at ng mga epekto nito sa mga naaaning pagkain habang nangyayari ang solstisyo ng taglamig. Sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Yule, nagkakaroon ng mga awitin na nagbibigay ng isang kapaligirang nakapagpapahinga at nakapagpapaginhawa ng kalooban. Ang diwang ito ng Yule ay nagmula sa dalawang mga talahuluganan ng Oxford: ang Oxford English Dictionary at ang Concise Oxford Dictionary.

Ang mga taong walang kaalaman hinggil sa mitolohiyang Nordiko at sa mitolohiyang Hermaniko (paganismong Europeo) ay maaaring hindi nakakaalam ng pagkakaiba hinggil sa mga salitang Yule (o Joul), Pasko (Kastila: Navidad) at Kapanganakan (Kastila: Natividad; Ingles: Nativity), na maaaring maging magkakasingkahulugan at gayundin ay maaaring maging hindi magkakasingkahulugan. Ang ganitong paggamit o pagkakataga, bagaman umiiral pa sa maraming mga awiting pamasko o masasayang mga awitin, katulad ng sa paggawa ng isang torta o pastel na tinatawag bilang Yule log ("troso ng Yule") o trosong Pamasko, ay gumaganap na tuwirang pagtukoy sa isang pangritwal na troso o kahoy ng pangsinaunang kapistahang ito.

Ang "Yule" ay isang representatibo o kinatawan sa modernong wikang Ingles ng mga salitang nasa Matandang Ingles na ġéol o ġéohol at ġéola o ġéoli, na ang mga nauna ay nagpapahiwatig ng kapistahan ng "Yule" (na pagdaka ay naging: Christmastime o Panahon ng Pasko) na binubuo ng 12 mga araw; at ang panghuling mga salita ay nagpapahiwatig ng buwan ng "Yule", kung saan ang ǽrra ġéola (Ingles: before Yule) ay tumutukoy sa panahon bago sumapit ang kapistahan ng Yule (Disyembre) at ang æftera ġéola (Ingles: after Yule) ay tumutukoy sa panahon pagkalipas ng Yule (Enero, na sa Ingles ay January). Ang mga salitang ito ay ipinapalagay na hinango magmula sa Hermanikong Pangkaraniwan na *jeχʷla-, at bilang mga hinlog mula sa Gotikong (fruma) jiuleis at Matandang Nordikong (Islandiko at Paroese) jól (Danes at Suwekong jul at Noruwegong jul o jol) pati na ang ýlir[4], Estonyanong jõulud at Pinlandes na joulu. Subalit ang kanunu-nunuan na pang-etimolohiya (pinagmulan ng salita) ng salita ay nananatiling hindi natitiyak, bagaman maraming mga pagtatangka na nagpapalagay ang isinagawa upang matagpuan ang mga hinlog nitong Indo-Europeo na nasa labas ng pangkat na Hermaniko.[5]

Ang pangngalan na nasa wikang Ingles na Yuletide ay unang napatunayang ginamit noong humigit-kumulang sa taon ng 1475. Ang salitang "Yule" ay umiiral pa rin magpahanggang sa ngayon sa ilang mga diyalekto o wikang Eskoses, katulad ng 'Jul sa mga bansang Noruwega, Dinamarka at Suwesya, at ang katagang "Joulu" sa Pinlandiya. Sa katunayan, karaniwang itinuturing na ang panahon ng pagdiriwang ng Yule ay mamgula sa araw ng Notsebuwena hanggang sa pagkaraan ng unang araw ng taon, partikular na sa Inglatera, at hanggang sa Araw ng Tatlong Haring Mago.

Ang mga katagang mayroong katumbas na pang-etimolohiya ng "Yule" ay ginagamit sa mga bansang Nordiko para sa Pasko na mayroong pansarili nitong mga rito, subalit para rin sa mga araw ng pangilin ng kapanahunang ito. Ang "Yule" ay ginagamit, sa mas mababang antas, sa mga bansang nagsasalita ng wikang Ingles upang tukuyin ang Pasko. Ang mga kostumbreng katulad ng troso ng Yule, ]]Yule goat|kambing ng Yule]], Hamon ng Pasko (Baboy ng Yule), pag-awit sa Yule (Wassailing), at iba pa ay nagsanga magmula sa Yule. Mayroong isang bilang ng mga neopagano ang nagdagdag ng pansarili nilang mga rito.

Kapistahan ng Yule sa Kristiyanismo

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang araw ng pangiling Kristiyano na Pasko ay nilikha ng mga Romanong Kristiyano na nakabatay sa paligid ng pagkakaroon ng maraming diyos o politeistikong kapistahan ng diyos na Araw (Sol Invictis) tuwing solstisyo ng Taglamig, at isinali ito ng mga tao na nasa Hilagang Europa sa kanilang pestibal ng Yule. Ipinagdiriwang ang Yule tuwing ika-25 ng Disyembre ng karamihan sa mga taong nasa Hilagang Europa; at ipinagdiriwang ang Yule ng mga Wiccano at ng maraming mga pangkat na hindi panrelihiyon tuwing ika-21 ng Disyembre. Para sa kanila, ang Yule ay ipinagdiriwang bilang ang pinakamahabang gabi ng taon. Ito ang gabi kung kailan pinakamaaga ang paglubog ng araw at pinaka hindi maaga ang pagsikat ng araw sa susunod na araw. Ang rituwal ng mga Wiccano ay kinabibilangan ng pagpapasalamat sa diyosa ng nagdaan o magtatapos na taon at bilang paghingi ng kasiyahan sa parating na taon.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Orchard (1997:187).
  2. Simek (2010:379).
  3. Oxenstierna, Eric Graf (1959) Los Vikingos, pinatnugutan ni W. Kohlhammer GmbH, Stuttgart, ISBN 8421742248 p. 212
  4. Bosworth & Toller (1898:424); Hoad (1996:550); Orel (2003:205)
  5. Para sa isang maikasing paunang pagtalakay ukol sa iminumungkahing mga etimolohiya, tingnan ang Orel (2003:205).

Bibliyograpiya

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • Rouche, Michel, "Private life conquers state and society," na nasa loob ng A History of Private Life tomo I, Paul Veyne, patnugot, Harvard University Press 1987 ISBN 0-674-39974-9
  • Farrar, Janet and Stewart ([1989] 1998). The Witch's God, "IX Oak King and Holly King". 35-38. Phoenix Publishing, Inc. Blaine, Washington. ISBN 0-919345-47-6