Plebisito sa pagpapatibay ng Saligang Batas ng Pilipinas, 1987
Isinagawa ang isang plebisito noong 2 Pebrero 1987 para sa pagpapatibay ng isang bagong Saligang Batas ng Pilipinas. Ang plebisitong ito ay umaayon sa Proklamasyon Blg. 3, na inihayag ni dating Pangulong Corazon Aquino noong 25 Marso 1986 na nagbubuwag sa Tanggapan ng Punong Ministro at sa regular na Batasang Pambansa bilang mga susog sa Saligang Batas ng 1973.
Kasaysayan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Noong 1986, kasunod ng Rebolusyong EDSA ng 1986 na nagpatalsik kay Ferdinand Marcos bilang pangulo ng bansa at kasunod ng kanyang inaugurasyon bilang pangulo, si Corazon Aquino ay nagpahayag ng Prokalamasyon Blg. 3, na nagdedeklara ng pambansang patakaran upang ipatupad ang mga repormang minandato ng mga tao, magprotetka ng kanilang mga pangunahing karapatan, pagtanggap ng isang probisyonal na konstitusyon at pagbibigay ng maayos na salin sa isang pamahalaang nasa ilalim ng bagong konstitusyon. Kalaunan ay nag-isyu si Pangulong Corazon Aquino ng Proklamasyon Blg. 9 na lumilikha ng isang komisyong konstitusyonal (na pinaikling "ConCom") upang ibalangkas ang isang bagong saligang batas na magpapalit sa Saligang Batas ng Pilipinas ng 1973 na ipinatupad noong panahon ng batas militar.
Humirang si Aquino ng 50 kasapi sa komisyon. Ang mga kasaping ito ay hinugot mula sa iba't ibang mga karanasan kabilang ang ilang mga dating mambabatas, dating Punong Mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas na si Roberto Concepcion, isang obispong Katoliko at ang direktor ng pelikulang si Lino Brocka. Si Aquino ay sadyang humirang din ng 5 kasapi nito kabilang ang dating Kalihim ng Paggawa na si Blas Ople na dating kaalyado ni Marcos hanggang sa pagpapatalsik dito. Pagkatapos magtipon ang komisyon, hinalal nitong pangulo si Cecilia Muñoz-Palma na umahon biläng pangunahing tauhan sa oposisyong laban kay Marcos kasunod ng pagreretiro ni Muñoz-Palma bilang unang babaeng kasamang mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman.
Tinapos ng komisyon ang burador ng iminumungkahing Saligang Batas sa loob ng apat na buwan matapos itong unang magtipon. Ang ilan sa mga isyu ay mainit na pinagdebatihan sa mga sesyon kabilang ang anyo ng pamahalaan na kukunin, pagbuwag ng parusang kamatayan, ang patuloy na pagpapanatili ng base militar ng Estados Unidos sa Clark sa Pampanga at Look ng Subic sa Zambales, at ang integrasyon ng mga patakarang ekonomiko sa dokumento. Si Brocka ay lumisan sa komisyon bago ang pagkukumpleto nito at ang dalawa pang ibang mga delegado ay tumutol sa huling burador nito. Nakumpleto ng ConCom ang trabaho nito noong 12 Oktubre 1986 at inihain ang burador kay Pangulong Corazon Aquino noong 15 Oktubre 1986.
Pagkatapos ng yugto ng pambansang kampanyang pang-impormasyon, isinagawa ang isang plebisito para sa pagpapatibay nito noong 2 Pebrero 1987. Higit sa 3/4 (tatlong sangkapat) o 76.37% ng mga botante (17,059,495 botante) ang bumoto nang sang-ayon dito at 22.65% (5,058,714 botante) naman ang bumoto nang tutol sa pagpapatibay. Noong 11 Pebrero 1987, inihayag, pinatibay at pinatupad ang bagong Saligang Batas. Sa parehong araw, si Corazon Aquino, ang mga iba pang opisyal ng pamahalaan at Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay nanumpa ng kanilang katapatan sa bagong Saligang Batas.
Kabuuang teksto ng Saligang Batas ng Pilipinas ng 1987
[baguhin | baguhin ang wikitext]Resulta ng plebisito
[baguhin | baguhin ang wikitext]Plebisito ng Saligang Batas ng Pilipinas, 1987 | ||
---|---|---|
Pagpipilian | Mga boto | Persentahe ng kabuuang boto |
Oo | 17,059,495 | 76.37% |
Hindi | 5,058,714 | 26.65% |
Kabuuang mga boto | 22,118,209 | 100.00% |