Potograpiya at batas

Ang mga karapatan sa yamang isip[n 1] sa mga retrato ay protektado ng mga batas na tumatakda sa karapatang-ari at mga karapatang moral sa iba't ibang mga hurisdiksiyon. Sa ilang mga kaso, maaring restriktado ng batas sibil o batas kriminal ang potograpiya. Ang paglathala ng ilang mga retrato ay maaring nililimitahan ng pribasidad o ibang mga batas. Pangkalahatang nililimitahan ang potograpiya alang-alang sa kapakanan ng pampublikong moralidad at ng proteksiyon ng mga bata.
Samot-sari ang mga tugon sa lipunan hinggil sa potograpiya. Kahit na walang opisyal na mga hangganan sa potograpiya, may mga pagtutol sa pagkuha ng mga retrato ng mga tao o pook. Iba't iba ang mga tugon, mula sa mga reklamo hanggang sa karahasan sa potograpiya na hindi namang iligal.
Pilipinas
[baguhin | baguhin ang wikitext]Batas sa data privacy ng Pilipinas
[baguhin | baguhin ang wikitext]Itinuturing ng Komisyon para sa Proteksiyon ng Personal na Impormasyon (NPC) ang larawan ng isang taong kapansin-pansin ang kaniyang pagkakakilanlan bilang isang "personal na impormasyon" na sinasaklaw ng Batas sa Personal na Datos (Data Privacy Act), alinsunod sa isang mungkahing pampayo na inilabas ng ahensiya noong 2022 hinggil sa legalidad ng pagkuha ng mga retrato ng ilang mga medikal na pasilidad bilang bahagi ng isang gawain ng isang pampook na dibisyon ng Kagawaran ng Kalusugan. Itinala ng komisyon ang sumusunod na mga legal na instansiya ng paggamit ng nabanggit na personal na impormasyon alinsunod sa Seksiyon 12 ng Batas sa Personal na Datos:[1]
- Nagbigay ang data subject ng kanilang pagsang-ayon.
- Kinakailangan ang pagproseso ng pansariling impormasyon at kaugnay ito sa pagsasakatuparan ng isang kontratang kasali ang data subject o upang makagawa ng mga hakbang sa kahilingan ng data subject bago makipagkontrata.
- Kinakailangan ang pagproseso para makasunod sa isang legal na obligasyong kung saan ang mayhawak sa personal na impormasyon ay ang subject.
- Kinakailangan ang pagproseso upang maprotektahan ang mahalagang mga kapakanan ng data subject, tulad ng buhay at kalusugan.
- Kinakailangan ang pagproseso upang makatugon sa pambansang emerhensiya, upang makasunod sa mga kahingian ng kaayusan at kaligtasang pambayan, o upang maisakatuparan ang mga tungkulin ng kapangyarihang pambayan na kinabibilangan ng pagproseso ng personal na datos upang maisakatuparan ang mandato nito.
- Kinakailangan ang pagproseso para sa mga lehitimong kapakanan na itinataguyod ng mayhawak sa personal na impormasyon o ng ikatlong panig o mga panig na pinakatiwalaan ng datos, maliban kung ang kapakanan na ito ay nilulupig ng pundamental na mga karapatan at kalayaan ng data subject na nangangailangan ng proteksiyon sa ilalim ng Saligang Batas ng Pilipinas.
Mga pampublikong espasyo sa Pilipinas
[baguhin | baguhin ang wikitext]Mayroong isang pagtatalo sa pagitan ng mga retratistang Filipino at mga nangangasiwa ng mga establisimiyento sa Pilipinas. Noong Hunyo 12, 2013, Araw ng Kalayaan, naglunsad ang "Bawal Mag-Shoot Dito", isang samahang maka-potograpiya, ng isang protestang tinawag na Freedom to Shoot Day sa Luneta. Ipinaglaban nila ang kanilang karapatan para kumuha ng mga retrato sa makasaysayan at pampublikong mga lugar, lalo na sa Luneta at Intramuros. Nagpapataw ang pangasiwaan ng liwasan ng bayad para sa mga retratistang D-SLR para makapagkuha ng mga retrato para sa mga layuning pangkomersiyo ngunit naiulat din na sumisingil ng ₱500 ang mga guwardiya para makapagretrato kahit sa mga layuning hindi pangkomersiyo, isang kilos na tinaguriang "pangingikil" ayon sa pangkat. Iginiit din ng pangkat pang-adbokasya na may pagkiling laban sa mga retratistang Filipino at sinabing hindi mahigpit ang pangasiwaan sa mga retratistang banyaga. Walang opisyal na patakaran ang bansa hinggil sa pagkuha ng mga retrato ng makasaysayang mga lugar, at nanawagan ang pangkat sa mga mambabatas na gumawa ng isang batas tungkol sa usaping ito.[2]
Sa kanilang pahayag noong ika-15 ng Nobyembre 2011, nilinaw ng Kagawaran ng Turismo na pinahihintulutan ang lahat na kumuha ng mga retrato ng Liwasang Rizal at Intramuros para sa pansarili at pang-alaalang mga layunin. Kinakailangan umano ng paunang pahintulot mula sa Komite sa Pagpapaunlad ng mga Pambansang Liwasan (NPDC, hinggil sa Liwasang Rizal) o Pangasiwaang Intramuros (hinggil sa Intramuros) para sa mga kuhang may pangkomersiyo na katangian, "upang matiyak na naaalagaan ang kapakanan ng mga retratista, gayon ding matiyak na maayos ang lahat habang isinasagawa ang mga pagkuha."[3]
Naglabas ang NPDC ng mga alituntunin noong 2018 hinggil potograpiya at videograpiya sa mga Liwasang Rizal at Paco, pagkaraan ng isang pangyayari kung saang hinuli ng mga tauhan ng Liwasang Rizal ang kapuwang direktor sa pelikula na si Chris Cahilig at ang boy band na 1:43 dahil hindi sila nakakuha ng pahintulot mula sa NPDC bago magsagawa ng pag-vivideo. Bagamat pinahihintulutan ang mga kuhang impormal para sa mga layuning pansarili at pangsouvenir sa pamamagitan ng mga teleponong selular at payak na kamera, kinakailangan ng paunang pahintulot para sa potograpiya at videograpiya ng mga liwasan na may mga layuning pangkomersiyo, propesyonal, pag-uulat, pakikipagpanayam, at pangnatatanging okasyon. Kailangan din umano ng nasabing pahintulot ang mga gawaing maaaring makaabala sa mga liwasan. Bukod pa rito, kailangan ng pahintulot mula sa Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (NHCP) para sa mga potograpiyang may kinalaman sa parehong Bantayog ni Rizal at tagdan ng watawat ng Pilipinas. Pinuna ni Cahilig ang patakarang ito na binansagan niyang "kontra-turismo" at "atrasado".[4]
Noong Nobyembre 2023, nagdaos ang pangkat na "Bawal Mag-Shoot Dito" ng isang "Tigil Pitik Photowalk" sa Liwasang Gubat ng Arroceros bilang pagtutol sa mahigpit na mga patakaran ng samot-saring mga pampublikong liwasan sa bansa na ipinagbabawal ang pagkuha ng mga retrato para sa mga layuning pansarili at hindi pangkomersiyo.[5]
Kalayaan sa panorama
[baguhin | baguhin ang wikitext]Tingnan din
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Kalayaan sa panorama
- Mga alintana sa pagtatago hinggil sa Google Street View
- Legalidad ng rekording ng mga sibilyan
- Selfie ng balota
- Model release
- Pampublikong dominyo
Talababa
[baguhin | baguhin ang wikitext]Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ "ADVISORY OPINION NO. 2022-015" (PDF). National Privacy Commission. Hunyo 23, 2022. Nakuha noong Disyembre 3, 2024.
Ang artikulong ito ay naglalaman ng tekstong galing sa sanggunian na ito, na nasa pampublikong dominyo.
- ↑ Tanola, Nadezhda (Hunyo 12, 2013). "Photographers to declare June 12 as 'Freedom to Shoot Day'". Remate. Inarkibo mula sa orihinal noong Pebrero 2, 2014. Nakuha noong 2014-02-18.
- ↑ "No "no shoot policy" at Rizal Park and Intramuros". Official Gazette. Nobyembre 15, 2011. Inarkibo mula sa orihinal noong Hunyo 14, 2022. Nakuha noong Hunyo 14, 2022.
- ↑ "Did you know? You need a permit to do a photo shoot at Luneta". ABS-CBN News. Agosto 2, 2018. Inarkibo mula sa orihinal noong Oktubre 4, 2021. Nakuha noong Oktubre 4, 2021.
- ↑ "Photographers oppose 'no permit, no shooting' policy". GMA Integrated News. Nobyembre 23, 2023. Nakuha noong Nobyembre 28, 2023.
Mga kawing panlabas
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Bert P. Krages Attorney at Law Photographer's Rights Page Information about photographers' rights in the US
- European Court of Human Rights case law factsheet on the right to one's own image[patay na link]
- Photography and the Law Naka-arkibo 2016-11-26 sa Wayback Machine. Photography and the Law Legal Updates
- Canadian laws with regard to photography Naka-arkibo 2008-04-20 sa Wayback Machine.
- Digital Rights Ireland » Photographer’s Rights Naka-arkibo 2009-02-12 sa Wayback Machine.
- UK Photographers Rights[patay na link]
- Australian street photography legal issues
- I’m a Photographer, Not a Terrorist! Naka-arkibo 2021-03-02 sa Wayback Machine., a UK group set up to fight unnecessary and draconian restrictions against individuals taking photographs in public spaces
- Worldwide Photographer's Rights free ebook