Araw ng Kalayaan
Araw ng Kalayaan | |
---|---|
Ipinagdiriwang ng | Pilipinas |
Uri | Pambansa |
Kahalagahan | Pagpapahayag ng kalayaan mula sa kolonisasyon ng mga Kastila |
Mga pagdiriwang | Araw ng Kalayaan |
Petsa | Hunyo 12, 1898 |
Ang Araw ng Kalayaan o Araw ng Kasarinlan ay isa sa mga taunang pagdiriwang sa Pilipinas na ginaganap tuwing Hunyo 12 bilang pag-alala ng Pamamahayag ng Kalayaan ng Pilipinas mula sa Espanya noong Hunyo 12, 1898. Isa itong Pambansang Araw ng pagdiriwang sa Pilipinas.
Kasaysayan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang araw ng paggunita ng kasarinlan ay nag-iba-iba sa buong kasaysayan ng bansa. Ang pinakaunang tala ay noong 12 Abril 1895, kung kailan tumungo sina Emilio Jacinto, Restituto Javier, Guillermo Masangkay, Aurelio Tolentino, Faustino Manalak, Pedro Zabala at iba pang mga Katipunero sa Kuweba ng Pamitinan sa Montalban, Rizal upang tanggapin ang mga bagong kasapi ng Katipunan. Sinulat ni Bonifacio ang Viva la independencia Filipina! o Mabuhay ang kasarinlan ng Pilipinas sa pader ng kuweba upang ipahayag ang layunin ng lihim na samahan. Namuno din si Bonifacio sa Sigaw sa Pugad Lawin na siyang naghudyat sa Rebolusyong Pilipino. Dito pinunit ng mga kasapi ng Katipunan sa pamumuno ni Bonifacio ang kanilang mga sedula bilang pagtutol sa pananakop ng mga Kastila.
Noong 1896 ay sumiklab ang Rebolusyong Pilipino at noong Disyembre 1897 ay nagkasundo ang mga mananakop na Kastila at mga rebolusyonaryo sa ilalim ng Kasunduan sa Biak-na-Bato. Bilang pagsunod sa kasunduan, pinatapon sa Hong Kong sina Emilio Aguinaldo at iba pang mga pinuno ng himagsikan.[1]
Sa pagsiklab ng Digmaang Espanyol-Amerikano, naglayag si Komodoro George Dewey mula Hong Kong patungo sa Look ng Maynila at pinamunuan ang iskuwadra ng Hukbong Pandagat ng Amerika. Noong 1 Mayo 1898 ay nagapi ni Dewey ang Hukbong Dagat ng mga Kastila sa Labanan sa Look ng Maynila, na siyang nagtapos sa pamumuno ng Kastila sa Pilipinas. Sa buwan ding iyon ay inihatid ng Hukbong Dagat ng Amerika si Aguinaldo pabalik ng Pilipinas.[2] Nakarating si Aguinaldo sa Cavite noong 19 Mayo 1898 at tinipon ang mga puwersang rebolusyonaryo. Bandang Hunyo 1898 ay inisip ni Aguinaldo na magpahayag ng kasarinlan upang bigyan ng lakas ng loob ang mga taong-bayan na labanan ang mga Kastila at gayundin upang himukin ang ibang mga bansa na kilalanin ang kasarinlan ng Pilipinas.
Noong 5 Hunyo 1898, naglabas si Aguinaldo ng isang kautusan na nagtatakda sa 12 Hunyo 1898 bilag araw ng pagpapahayag ng kasarinlan. Pinamunuan ni Aguinaldo ang nasabing kaganapan sa kaniyang tirahan sa Kawit, Cavite na noon ay kilala bilang Cavite El Viejo. Ang Acta de la Proclamacion de la Independencia del Pueblo Filipino ay taimtim na binasa ng patnugot nito na si Ambrosio Rianzares Bautista, na nagsilbing tagapayo sa digmaan ni Aguinaldo at kaniyang espesyal na delegado. Ang kapahayagan na naglalaman ng 21 pahina ay nilagdaan ng 97 mga Pilipino, na tinalaga ni Aguinaldo, at isang retiradong opisyal ng artilerya ng hukbong Amerika na si Koronel L.M. Johnson. Ang watawat ay opisyal na winagayway sa unang pagkakataon bandang 4:20 ng hapon, habang pinapatugtog ng banda ng San Francisco de Malabon ang Marcha Nacional Filipina.
Ang proklamasyon noong 1 Agosto 1898 ay niratipika ng 190 mga pangulo ng bayan mula sa 16 mga probinsya na kontrolado ng hukbong rebolusyonaryo. Muli itong niratipika noong 29 Setyembre 1898 ng Kongreso ng Malolos.[3]
Ngunit hindi kinilala ng ibang mga bansa, maging ng Estados Unidos o ng Espanya, ang kasarinlan ng Pilipinas. Kinalaunan ay sinuko ng Espanya ang kapuluan ng Pilipinas sa Estados Unidos sa ilalim ng Kasunduan sa Paris. Hindi kinilala ng Pamahalaang Rebolusyonaryo ng Pilipinas ang kasunduan at kinalaunan ay nagpahayag ng digmaan laban sa Amerika.[4][5]
Sa ilalim ng Kasunduan sa Maynila ay pinagkaloob ng Estados Unidos ang kasarinlan ng Pilipinas noong 4 Hulyo, 1946.[6] Ang petsa ng 4 Hulyo ay pinili ng Estados Unidos dahil ito ang petsa ng Araw ng Kalayaan ng Estados Unidos, at ang petsang ito ay ginugunita din sa Pilipinas bilang kaniyang Araw ng Kalayaan hanggang 1962. Noong 12 Mayo 1962, naglabas si Pangulong Diosdado Macapagal ng Proklamasyon ng Pangulo Blg 28, na siyang nagtatakda sa 12 Hunyo bilang natatanging pista opisyal sa buong Pilipinas, "... bilang paggunita sa kapahayagan ng sambayanan sa kanilang likas at di-mapagkakait na karapatan sa kalayaan at kasarinlan.[7]" Noong 4 Agosto 1964 ay isinabatas ang Batas Republika Blg 4166 na nagtatakda sa 4 Hulyo bilang "Araw ng Republika ng Pilipinas", sa 12 Hunyo bilang "Araw ng Kasarinlan ng Pilipinas", at hinihimok ang lahat ng mga mamamayan ng Pilipinas na gunitain ang huling nabanggit ng naaayon.[8]
Araw ng Watawat
[baguhin | baguhin ang wikitext]Bago pa man ang taong 1964, ang 12 Hunyo ay ginugunita na bilang Araw ng Watawat sa Pilipinas. Noong 1965 ay naglabas si Diosdado Macapagal ng Proklamasyon Blg 374, na siyang naglilipat ng Pambansang Araw ng Watawat sa 28 Mayo. Ito ang araw kung kailan noong 1898 ay unang winagayway ang Watawat ng Pilipinas sa labanan sa Alapan, Imus, Cavite. Noong 1994, naglabas si Pangulong Fidel V. Ramos ng Kautusang Tagapagpaganap Blg 179, na siyang nagpapalawig ng paggunita nito mula 28 Mayo hanggang sa Araw ng Kasarinlan ng Pilipinas sa 12 Hunyo, at siyang nag-uutos din sa lahat ng mga kagawaran, sangay, ahensya, tanggapan, ari-arian, mga korporasyon, at maging lokal na yunit ng pamahalaan at maging mga pribadong establisyimento na ipakita ang Pambansang Watawat sa lahat ng mga pampublikong gusali, institusyon ng pamahalaan at mga opisyal na tirahan sa mga araw na iyon, at pinag-uutuos ang Kagawaran ng Edukasyon sa pakikipagtuluingan ng pribadong sektor, non-government organization at maging mga grupong sosyo-sibiko na makilahok sa pagpapakita ng Pambansang Watawat sa lahat ng mga pampublikong liwasan, at kung maaari, sa lahat ng mga pribadong gusali at mga tirahan bilang paggunita sa pambansang kasarinlan.[9][10]
Mga karaniwang gawain sa pista
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang pista opisyal na ito ay karaniwang ginugugol ng mga Pilipino upang magsama ang mga magkakamag-anak o mga kaibigan sa mga aktibidad sa panlabas o panloob. Lahat ng mga tanggapan ng pamahalaan at mga paaralan, at maging ilan sa mga establisyimentong pang-komersyo, ang sarado sa araw na ito. Bilang pagsunod sa batas, ang Watawat ng Pilipinas na unang winagayway noong 1898, ay nakapalamuti sa mga tahanan at establisyimento mula 28 Mayo, Araw ng Watawat, o sa petsang tinatakda ng Pambansang Komisyong Kasaysayan ng Pilipinas, na siyang nagsisilbi bilang tagapanguna sa mga pagdiriwang, hanggang sa ika-30 ng buwan. Ang pagpapailaw ng mga kuwitis ay karaniwan. Taon-taon ay ginugunita sa Kawit, Cavite ang pagsasadula ng pagwagayway ng watawat sa Dambana ni Aguinaldo at ang pagbasa ng Pagpapahayag ng Kasarinlan ng Pilipinas. Sa ibayong dagat ay nagtitipon ang mga Pilipino tuwing 12 Hunyo upang gunitain ito sa publiko, at kalimitan ay may kasama itong parada.
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ Halstead, Murat (1898). The Story of the Philippines and Our New Possessions, Including the Ladrones, Hawaii, Cuba and Porto Rico. p. 126.
{{cite book}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Agoncillo,, Teodor A. (1990). History of the Filipino people (ika-[8th ed.]. (na) edisyon). Quezon City: Garotech. p. 157. ISBN 978-9718711064.
{{cite book}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) CS1 maint: extra punctuation (link) - ↑ "Archive copy" (PDF). Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong 2016-03-04. Nakuha noong 2015-06-11.
{{cite web}}
: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ De Ojeda, Jaime. "The Spanish–American War of 1898: A Spanish View." Library of Congress: Hispanic Division.
- ↑ Koenig, Louis W. (1982). "The Presidency of William McKinley" by Lewis L. Gould: Review. Presidential Studies Quarterly, Vol. 12, No. 3: pg. 448.
- ↑ TREATY OF GENERAL RELATIONS BETWEEN THE UNITED STATES OF AMERICA AND THE REPUBLIC OF THE PHILIPPINES. SIGNED AT MANILA, ON 4 JULY 1946 (PDF), United Nations, inarkibo (PDF) mula sa orihinal noong 2011-07-23, nakuha noong 2007-12-10
{{citation}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Diosdado Macapagal, Proclamation No. 28 Declaring June 12 as Philippine Independence Day, Philippine History Group of Los Angeles, nakuha noong 2009-11-11
{{citation}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ AN ACT CHANGING THE DATE OF PHILIPPINE INDEPENDENCE DAY FROM JULY FOUR TO JUNE TWELVE, AND DECLARING JULY FOUR AS PHILIPPINE REPUBLIC DAY, FURTHER AMENDING FOR THE PURPOSE SECTION TWENTY-NINE OF THE REVISED ADMINISTRATIVE CODE, Chanrobles Law Library, Agosto 4, 1964, nakuha noong 2009-11-11
{{citation}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ The Flag Days: May 28 to June 12 Naka-arkibo 2014-08-12 sa Wayback Machine., May 27, 2014, Official Gazette of the Philippine Government,
- ↑ Executive Order No. 179, s. 1994 Naka-arkibo 2017-02-22 sa Wayback Machine., May 24, 1994, Official Gazette of the Philippine Government.
Mga kawing panlabas
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Works related to Republic Act No. 4166 at Wikisource
- Works related to Proclamation 2695 at Wikisource
- Official Government Portal of the Republic of the Philippines Naka-arkibo 2012-01-01 sa Wayback Machine.
- July 4, 1946: True Philippine Independence Day
- The Independence Day That Wasn't
- June 12, 1898 as Independence Day
- PHILIPPINES: Torn Between Two Colonisers -- Spain and America