Rogelio Sikat
Rogelio Sikat | |
---|---|
Kapanganakan | 26 Hunyo 1940
|
Kamatayan | 26 Hulyo 1997
|
Mamamayan | Pilipinas |
Nagtapos | Unibersidad ng Santo Tomas |
Trabaho | tagasalin, manunulat, mandudula, mamamahayag, propesor ng unibersidad |
Si Rogelio R. Sikat (kilala rin bilang Rogelio Sícat) (26 Hunyo 1940-1997) ay isang Pilipinong piksyunista, mandudula, tagasalinwika, at tagapagturo. Siya ay anak nina Estanislao Sikat at Crisanta Rodriguez. Ipinanganak siya noong 26 Hunyo 1940 sa Alua, San Isidro, Nueva Ecija, Pilipinas. Siya ang pang-anim sa walong magkakapatid. Nagtapos si Rogelio Sikat na may Batsilyer ng Panitikan sa Pamamahayag mula sa Pamantasan ng Santo Tomas at isang MA sa Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas.
Si Rogelio Sikat ay nakatanggap ng maraming pampanitikang premyo. Siya ay tanyag dahil sa "Moses, Moses", ang kanyang dula na nagwagi ng gantimpalang Palanca noong 1962 sa Filipino (Tagalog). Marami sa kanyang mga istorya ang unang lumabas sa Liwayway, isang sikat na magasing pampanitikan na nasa wikang Tagalog. Ang nangyaring pagpapahalaga kay Sikat sa kanyang nagawa ay nakalahad sa "Living and Dying as a Writer" na isinulat ni Lilia Quindoza-Santiago. Lumitaw ang artikulo sa Pen & Ink III.
Si Rogelio Sikat ay propesor at dekano ng Kolehiyo ng mga Sining at mga Titik sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman mula 1991 hanggang 1994. Si Angelito Tiongson, na isang propesor sa Kolehiyon ng Komunikasyong Pangmasa sa U.P. ay gumawa ng isang tampok na pelikula pinamagatang "Munting Lupa" batay sa "Tata Selo" ni Sikat, na isa pang nagantimpalaang kuwento. Lumikha naman ang direktor ng pelikula at teatro na si Aureaus Solito ng isang maikling pelikula noong 1999 na batay sa "Impeng Negro" ni Sikat. Noong 1998, bagaman sumakabilang-buhay na si Sikat, pinarangalan siya ng Manila Critics Circle ng isang National Book Award para sa pagsasalinwika.
Ang lathalaing ito na tungkol sa Tao, Panitikan at Pilipinas ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.