Sabah

Mula sa Wikipediang Tagalog, ang malayang ensiklopedya
Tumalon sa: nabigasyon, hanapin
Sabah
Estado ng Malaysia
Negeri Sabah
نڬري سابه
Transkripsyong 
Flag of Sabah
Watawat
Coat of arms of Sabah
Eskudo de armas
Kinaroroonan ng Sabah sa Malaysia
Kinaroroonan ng Sabah sa Malaysia
Mga koordinato: 5°15′N 117°0′E / 5.250°N 117.000°E / 5.250; 117.000Mga koordinato: 5°15′N 117°0′E / 5.250°N 117.000°E / 5.250; 117.000
Kabisera Kota Kinabalu
Lawak
 • Kabuuan 72,500 km2 (28,000 sq mi)
Populasyon (2015)[1]
 • Kabuuan 3,543,500
 • Kapal 49/km2 (130/sq mi)
Pangalang turing Sabahan

Ang Sabah (pagbigkas: sá•ba) na dating North Borneo, ay isa sa dalawang estado ng Malaysia sa pulo ng Borneo (ang Sarawak ang isa pa nitong estado). May ibang antas ng awtonomiya ang naturang teritoryo sa pangangasiwa, pandarayuhan, at hudikatura na siyang nagtatangi rito sa mga estado sa iba pang estado sa Tangway ng Malaysia. Matatagpuan ang Sabah sa hilagang Borneo, kahangganan ang estado ng Sarawak sa timog-kanluran, Kalimantan ng Indonesia sa timog, habang nahihiwalay naman ng dagat mula sa Pederal na Teritoryo ng Labuan sa kanluran, at sa Pilipinas sa hilaga at silangan. Kota Kinabalu ang kabiserang lungsod ng Sabah na siya ring sentro ng kalakalan ng estado at luklukan ng pamahalaan. Kabilang sa mga pangunahing baya sa Sabah ang Sandakan at Tawau. Batay sa senso ng 2015 ng Malaysia, 3,543,500 ang populasyon ng buong estado.[1] May klimang ekwatoryal ang Sabah at may kagubatang tropikal na sagana sa mga species ng hayop at halaman. May mahabang bulubundukin ang estado sa kanlurang bahagi na bumubuo sa Crocker Range National Park. Ang Ilog Kinabatangan na ikalawang pinakamahabang ilog sa Malaysia, at ang Bundok Kinabalu ang pinakamatayog na tuktok ng Malaysia ay pawang matatagpuan sa Sabah.

Tinatayang may 20,000–30,000 taon na ang nakararaan nang manirahan ang tao sa Sabah sa paligid ng Look ng Darvel at mga yungib ng Madai-Baturong. May kalakalang nang nagaganap sa pagitan ng mga taga-Sabah at Tsina mula pa ika-14 na siglo. Napasailalim ito sa Imperyo ng Brunei noong ika-15 siglo at ng Sultanato ng Sulu sa pagitan ng ika-17 hanggang ika-18 siglo. Pinangasiwaan naman ang estado ng North Borneo Chartered Company noong ika-19 hanggang ika-20 siglo. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sinakop ng Japan ang estado sa loob ng tatlong taon bago ito ipasa bilang British Crown Colony noong 1946. Ginawaran naman ng mg Briton ng malasariling pamahalaan ang Sabah noong Agosto 31, 1963. Kasunod nito, isa ang Sabah sa mga nagtaguyod ng Pederasyon ng Malaysia (itinatag noong Setyembre 16, 1963) kasama ng Sarawak, Singapore (pinatalsik noong 1965), at ng Pederasyon ng Malaya. Subalit, tinutulan ito ng Indonesia, na nauwi sa Konfrontasi nang higit sa tatlong taon kasabay ng pag-aangkin ng Pilipinas na patuloy hanggang sa ngayon, bagaman hindi na ito aktibong isinusulong.[2]

Ang puno ng estado ay ang Gobernador, kilala rin bilang Yang di-Pertua Negeri, habang ang puno ng pamahalaan ay ang Punong Ministro. Halos isinunod ang sistema ng pamahalaan ng estado sa sistemang Westminster at may isa sa pinakaunang pang-estadong lehislatura sa Malaysia. Nahahati ang estado sa mga pampangasiwaang dibisyon at mga distrito. Opisyal na wika ng estado ang Malay[3][4] at Islam naman ang opisyal na relihiyon.[5] Kilala ang estado sa tradisyonal na instrumentong pangmusika na sompoton. Kapuna-puna rin ang yaman ng etnisidad, kultura at mga wika ng Sabah.

Tingnan din[baguhin | baguhin ang batayan]

Talasanggunian[baguhin | baguhin ang batayan]

  1. 1.0 1.1 "Population by States and Ethnic Group" (sa Ingles). Department of Information, Ministry of Communications and Multimedia, Malaysia. 2015. Sininop mula sa orihinal na pahina noong Pebrero 12, 2016. https://web.archive.org/web/20160212125740/http://pmr.penerangan.gov.my/index.php/info-terkini/19463-unjuran-populasi-penduduk-2015.html. Hinango noong Pebrero 12, 2015. 
  2. Calica, Aurea (Marso 19, 2013). "Revival of Sabah claim under review" (sa Ingles). The Philippine Star. http://www.philstar.com/headlines/2013/03/19/921478/revival-sabah-claim-under-review. Hinango noong Setyembre 3, 2016. 
  3. "BM is Sabah's official language – Keruak" (sa Ingles). The Borneo Post. Nobyembre 22, 2015. Sininop mula sa orihinal na pahina noong 25 June 2016. https://web.archive.org/web/20160625094103/http://www.theborneopost.com/2015/11/22/bm-is-sabahs-official-language-keruak/. Hinango noong Hunyo 25, 2016. 
  4. "National Language (Application) Enactment 1973" (sa Ingles) (PDF). Sabah State Government (State Attorney-General's Chambers). Setyembre 27, 1973. Sininop mula sa orihinal na pahina noong Hunyo 25, 2016. https://web.archive.org/web/20160625094558/http://www.lawnet.sabah.gov.my/lawnet/SabahLaws/StateLaws/NationalLanguage(Application)Enactment1973.pdf. Hinango noong Hunyo 25, 2016. 
  5. "Constitution of the State of Sabah". Sabah State Government (State Attorney-General's Chambers). Sininop mula sa orihinal na pahina noong Hunyo 15, 2016. https://web.archive.org/web/20160615120202/http://www.lawnet.sabah.gov.my/lawnet/SabahConstitution/PartI.htm. Hinango noong Hunyo 15, 2016.