Pumunta sa nilalaman

Sensei

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Ang sensei (先生) ay isang salitang Hapones na literal na isinasalin bilang “tao na ipinanganak bago ang isa pang tao”.[1] Sa paggamit na pangkalahatan, nangangahulugan ito ng “maestro” o “guro”,[2] at ang salita ay ginagamit bilang isang pamagat o titulong pantawag o pantukoy sa mga guro, mga propesor, mga propesyunal na katulad ng mga manananggol, CPA at mga manggagamot, mga politiko, mga klerigo, at iba pang mga tao na may kapangyarihan.[3] Ginagamit din ang salita upang magpakita ng paggalang sa isang tao na nakapagkamit ng isang particular na antas ng kadalubhasaan o kabihasaan sa isang anyo ng sining o ilang iba pang mga kasanayan: tulad ng bihasang mga puppeteer, mga nobelista, at mga artista ng sining.

Ang dalawang mga karakter na bumubuo sa kataga ay maaaring tuwirang isalinwika bilang “ipinanganak bago [ang isa pa]” at nagpapahiwatig ng isang tao na nagtuturo batay sa karunungan dahil sa katandaan at karanasan.[4]

Kapag pinangunahan ng isang pang-uri na 大, binibigkas na “dai” (o "ō"), na nangangahulugang “dakila” o “malaki”, ay kadalasang isinasalinwika bilang “dakilang maestro” o “mahusay na guro”. Ang katagang langkapan na ito na "dai-sensei" ay paminsan-minsang ginagamit upang tukuyin ang isang mataas na sensei sa loob ng isang partikular na paaralan o tradisyon, particular na ang nasa loob ng sistemang iemoto. Para sa isang mas nakatatanda o mas nauunang kasapi ng isang pangkat na hindi pa nakakapagkamit ng antas na sensei, ang ginagamit ay ang katagang senpai (先輩) – unawain ang karaniwang paggamit ng 先 "bago [ang pagsapit]" o “nauna”; sa sining na marsiyal, ito ay partikular na ginagamit para sa pinaka nakatatandang kasapi na hindi pa sensei.

Ang Hapones na pagpapahayag ng 'sensei' ay mayroong katulad na mga karakter sa salitang Intsik na 先生, na binibigkas na xiānshēng (syan-syeng) sa Pamantayang Intsik. Subalit maaaring binibigkas bilang SenSeng sa Panggitnang Intsik, kung saan nanghiram ang wikang Hapones ng ponolohiya at mga salitang hiram. Ang xiansheng ay isang pamagat ng pagbibigay-galang para sa isang lalaking kagalang-galang ang katayuan. Maaari rin itong ikabit sa isang pangalan ng lalaki upang mangahulugan bilang “ginoo” o, sa mas karaniwan, “mister”. Bago pa man dumating ang makabagong bernakular, ang xiansheng ay ginagamit upang tukuyin ang mga guro ng kapwa kasarian; nawala ang ganitong paggamit sa pamantayang wikang Intsik, bagaman napanatili ito sa ilang pangtimog na mga diyalektong Intsik na katulad ng Kantones, Hokkien at Hakka kung saan mayroon pa rin itong kahulugang “guro” o “duktor”. Sa wikang Hapones, ang sensei ay ginagamit pa rin upang tukuyin ang mga tao sa kapwa kasarian. Marahil, ang kapwa pangkasalukuyang mga paggamit sa Silangang Tsina at sa Hapon ay mas nagpapasalamin o nagpapakita ng etimolohiya nito na batay sa panggitnang wikang Intsik.

Paggamit sa Budismo

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa mga paaralan ng zen na may kaugnayan sa Sanbo Kyodan, sensei ay ginagamit upang tukuyin ang isang naordinahang guro na nasa ilalim ng ranggong rōshi. Subalit ang ibang mga paaralan ng Budismong Hapones ay gumagamit ng kataga para tukuyin ang anumang pari anuman ang antas ng kanilang pangunguna o ranggo; bilang halimbawa, ang pamagat na ito ay ginagamit din para sa mga ministro ng Jōdo Shinshū sa Estados Unidos, etnikong Hapones man sila o hindi. Sa Paaralang Kwan Um ng Zen, ayon sa maestro ng Zen na si Seung Sahn, ang pamagat na Ji Do Poep Sa Nim ay tila katulad ng pamagat na “sensei” ng Hapon.[5] Sa Budismong Nichiren, ang sensei ay tumutukoy sa pinakamataas na pigura ng kapangyarihan sa loob ng organisasyon. Sa Soka Gakkai International (SGI), isang sangay ng Nichiren Buddhism, ang sensei ay ginagamit upang tukuyin ang pangulo nilang si Daisaku Ikeda.[6]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Diksiyunaryong Hapones na Kōjien, lahok para sa 先生.
  2. Kenkyusha's New Japanese-English Dictionary, lahok para sa "sensei"
  3. Secrets of the Samurai, Ratti & Westbrook, Tuttle, 1973
  4. Jun Akiyama. "AikiWeb Aikido Information: Language: Sensei/Shihan as "Teacher" in Japanese". Aikiweb.com. Inarkibo mula sa orihinal noong 2018-07-16. Nakuha noong 2010-12-02.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. "Zen Master Seung Sahn - Inka Means Strong Center and Wisdom". Kwanumzen.org. Inarkibo mula sa orihinal noong 2012-04-06. Nakuha noong 2011-12-06.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. Radhakrishnan, Neelakanta, "Fifty Years of Leadership for Global Peace and Human Survival", The Daisaku Ikeda: Buddhist Philosopher, Peacebuilder and Educator Site, inarkibo mula sa orihinal noong 2012-09-09, nakuha noong 2012-11-10{{citation}}: CS1 maint: date auto-translated (link)

Mga kawing panlabas

[baguhin | baguhin ang wikitext]