Pumunta sa nilalaman

Tagagamit:GinawaSaHapon/burador2

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Nakadepende ang paggamit sa pangalan sa kapanganakan at sa kasal sa mga kaugalian at gawi ng mga kultura sa mundo. Madalas, mga babae ang nagpapalit ng apelyido pagkatapos nilang maikasal, bagamat posible rin naman na magpalit ng apelyido ang isang lalaki sa ilang mga kaso, tulad ng mga kasal sa pagitan ng parehong kasarian.

Sa modernong panahon, sinusunod ng Pilipinas ang sistemang Kanluranin sa pagpapangalan, partikular na ang kaugalian ng mga Kastila. Nakasaad sa Kodigong Sibil ang mga opsyon na pwedeng tahakin ng isang bagong-kasal na babae ukol sa gagamitin niyang legal na pangalan pagkakasal. Maliban sa ilang mga pagkakaiba, ganito rin ang sistemang sinusunod sa mga bansang Kanluranin tulad ng Estados Unidos at Gran Britanya.

Kalimitang dumadaan sa isang legal na proseso ang pagpapalit ng pangalan ng isang babae. Dahil sa malawak na pagsunod sa kaugaliang ito, kalimitang kasama na sa legal na proseso ng kasal ang pagpapalit ng pangalan sa maraming mga hurisdiksyon.

Dahil sa pag-usbong ng peminismo simula noong ika-20 siglo, maraming babae na ang pumipili sa paggamit ng kanilang orihinal na apelyido kahit kasal na sila. Posible ring gamitin muli ng isang babae ang kanyang orihinal na apelyido para sa mga kadahilanang pantrabaho, o di kaya sa kaso ng hiwalayan o diborsiyo.

Sa artikulong ito, apelyido ng tatay ang ipinapasa sa anak, maliban lang kung isinaad na apelyido ng nanay ang ipinapasa.

Nakasaad sa Kodigong Sibil ng Pilipinas ang mga opsyon na pwedeng tahakin ng isang bagong-kasal na babae pagkatapos niyang maikasal:

  • Panatilihin ang kanyang apelyidong pandalaga sa pamamagitan ng paggamit niya rito bilang bagong gitnang pangalan, saka idadagdag ang apelyido ng kanyang asawa, na siya namang gagamitin niyang legal na apelyido mula sa puntong yon. Halimbawa, Maria Rosales DimaculanganMaria Dimaculangan Bautista
  • Kunin ang apelyido ng kanyang asawa at idagdag ito sa apelyidong pandalaga niya. Mananatili ang apelyido ng nanay niya sa pangalan niya bilang gitnang pangalan. Madalas itong ginagamit ng mga babaeng propesyonal. Halimbawa, Maria Rosales DimaculanganMaria Rosales Dimaculangan-Bautista
  • Kunin ang buong pangalan ng asawa niya, na dadagdagan ng isang unlapi upang ipahiwatig na siya ang asawa ng lalaki. Halimbawa: sa Ingles, Ms. / Mrs. Bautista; sa Filipino, Bb. / Gng. Bautista

Walang batas sa Pilipinas ang nagsasabi na kailangang kunin ng babae ang apelyido ng kanyang asawa pagkakasal niya sa kanya, kaya naman posible ring panatilihin ng babae ang apelyidong pandalaga niya kahit na kasal na siya. Madalas itong ginagawa ng mga propesyonal na babae upang mapreserba ang kanilang pangalan para sa kadahilanang pantrabaho.

Ayon sa Kodigong Sibil, kukunin ng mga anak ng isang pamilya ang apelyido ng tatay, at gagamitin ang apelyido ng nanay bilang ang gitnang pangalan nito. Madalas itong pinapaikli bilang inisyal (Jose Yulo NepomucenoJose Y. Nepomuceno). Ganito ang sistema mapaanuman ang piliin ng babae sa mga opsyon na nakalagay sa taas.

Estados Unidos

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ginagamit ng Pilipinas ang sistema ng pagpapangalan ng mga Amerikano. Nag-ugat ito mula noong panahon nila sa Pilipinas. Ang kaugalian naman na ito ay nagmula naman sa Inglatera.

Matagal na ang kaugalian ng pagpapalit ng apelyido ng babae sa apelyido ng kanyang napangasawahan. Sa Inglatera, isinabatas ang kaugaliang ito sa ilalim ng prinsipyong coverture. Nagpapatuloy ang ganitong sistema ng pagpapangalan di lang sa Inglatera kundi sa mga bansang nagsasalita ng wikang Ingles kagaya ng Estados Unidos, Pilipinas, Australia, India, at Pakistan. Gayunpaman, sa modernong panahon, walang batas kalimitan sa mga hurisdiksyong ito ang nagsasabing kailangan magpalit ng apelyido ang mga babae.

Sa Estados Unidos at Pilipinas, ginagamit ang apelyido ng babae bilang gitnang pangalan ng babae. Ginagawa ito kung pinili ng babae na palitan ang kanyang apelyido ng apelyido ng asawa niya. Kalimitan, lalo na sa Pilipinas, mapapasa ang apelyido ng babae sa mga anak nila.

Ginagamit madalas ng mga propesyonal na babae ang kanilang orihinal na apelyido na dinugtungan ng apelyido ng kanyang asawa. Sa ilang mga bihirang kaso, pinaghahalo ng mag-asawa ang kanilang apelyido upang makabuo ng bago.

Umusbong ang peminismo noong ika-20 siglo. Kasabay nito, maraming mga peminista ang nanawagan upang magamit pa rin nila ang kanilang apelyidong pandalaga kahit na kasal na sila. Kabilang sa mga prominenteng peminista na ito ay si Lucy Stone, na noong 1879 ay tinanggihang makaboto sa isang lokal na halalan sa Boston dahil sa pagtanggi niya sa paggamit sa apelyido ng kanyang asawa, Blackwell, sa kanyang pirma.

Noong 1921, itinatag ng peministang si Ruth Hale ang Lucy Stone League, isang samahan ng kababaihan na naglalayong magamit ng mga babae ang kanilang orihinal na apelyido kahit kasal na sila. Nakagawa ang grupo ng ilang mga pagbabago: nagawa ni Hale na magamit ang apelyido niya sa isang legal na dokumento, at nagawa naman ni Doris Fleischman na makakuha ng isang pasaporte gamit ang orihinal na apelyido niya kahit na kasal na siya. Gayunpaman, di nagtagal ang grupo, at itinuring na itong di aktibo noong pagsapit ng dekada 1930s.

Binuhay muli ang grupo noong 1950, sa ilalim ng pamumuno ni Jane Grant at 22 dating miyembro ng grupo. Sa pagkakataong ito, nagawa nilang magamit ang kanilang orihinal na apelyido sa senso. Noong 1970 naman, ginawa ang isang grupo sa ilalim ng pangalan ni Olympia Brown, isa sa mga babaeng gumamit ng kanyang apelyido sa kapanganakan kahit na ikinasal na siya noong 1873. Nagawa ng grupong ito na maipanalo ang isang kaso sa Wisconsin, kung saan sinabi ng hurado na "walang batas ang nagbabawal sa babae na gamitin ang kanyang orihinal na apelyido". Ganito rin ang naging pananaw sa isang desisyon ng korte ng estado ng Tennessee. Sa kasalukuyan, walang batas sa kahit anong estado sa Estados Unidos ang nagbabawal sa babae na gamitin pa rin ang orihinal na apelyido niya kahit kasal na siya.

Malaki ang impluwensiya ng Espanya sa pagpapangalan ng mga Pilipino. Sa kaugalian nila, ginagamit ang apelyido ng parehong tatay at nanay sa magiging anak nila; sa madaling salita, may dalawang apelyido ang bata. Kukunin ng bata ang unang apelyido ng mga magulang niya. Halimbawa, kukunin ng anak nina José Gómez Hevia at María Reyes García ang apelyidong Gómez at Reyes.

Dahil sa isang batas na ipinasa sa Espanya noong 1981, pwedeng piliin ng anak kung anong apelyido ang uunahin niya sa kanyang pangalan. Legal na magagawa lang niya ito pagsapit ng ika-18 kaarawan niya. Gayunpaman, kung hindi gagalawin ito ng anak, ang apelyido ng tatay niya ang mauunang apelyido sa pangalan niya. Noong 1995, ipinasa ang isang batas na nagbibigay sa mga magnobya kung anong ayos ng apelyido ang gagamitin ng lahat ng mga magiging anak nila.

Sa ibang bansa

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa Alemanya, simula noong 1977, pwedeng kunin ng babae o lalaki ang apelyido ng kanyang asawa; ang apelyidong gagamitin ang siyang magiging legal na apelyido nila. Samantala, pwedeng ipagsama ng isa sa kanila ang parehong apelyido, at mananatili ang apelyido ng isa nang walang pagbabago. Kung ganito ang ginawa, ang apelyido na hindi binago ang magiging legal na apelyido nila, na gagamitin ng kanilang magiging anak. Kung nagdesisyon ang mag-asawa na panatilihin ang kanilang orihinal na apelyido, kailangan nilang ideklara kung aling apelyido ang magiging legal na apelyido nila; bawal gamitin bilang legal na apelyido ang pinagsamang apelyido ng mag-asawa. Gayunpaman, simula noong 2005, posibleng magamit ang dobleng apelyidong bilang legal na apelyido kung dobleng apelyido na ang ginagamit ng isa sa kanila; pwede itong gamitin ng asawa kung nanaisin. Dapat lagyan ng gitling ang naturang apelyido at dapat gamitin ito ng pamilya.

Sa Austria, simula noong 2013, di kusang mapapalitan ang apelyido ng babae pagkakasal niya; kailangan na niyang mag-aplika. Bago ito, kusang makukuha ng babae ang apelyido ng kanyang asawa maliban lang kung humiling siyang wag gawin ito.

Sa Gresya, dahil sa isang batas noong 1983 na naggagarantiya ng pagkakapantay-pantay ng kasarian pagdating sa kasal, hindi na pwedeng mapalitan ang apelyido ng sinuman sa buong buhay nila.

Hindi kinikilala sa ilalim ng batas ng Hapón ang mag-asawang gumagamit ng magkaibang apelyido. Noong 2015, ipinagtibay ng Korte Suprema ang batas ukol sa pagpapalit ng pangalan. Ayon sa desisyon, hindi ito lumalabag sa saligang batas nila, at malaya ang mga babae na gamitin ang kanilang pangalan sa kapanganakan sa mga di-pormal na okasyon. Dagdag pa nito, ang lehislatura ang magdedesisyon ukol sa kaso ng paggamit ng magkaibang apelyido ng mag-asawa.

Naging kailangan ang pagkakaroon ng apelyido sa Iran simula noong 1918. Noong 1925, ipinasa ang isang batas na nagsasabing malaya ang kahit sino na gamitin ang apelyidong pipiliin nila. Ipinagtibay ito noong 1928, at noong 1940, isiningit sa naturang batas ang mga opsyon ng mga naghiwalay na mag-asawa ukol sa kanilang gagamiting legal na apelyido. Gayunpaman, noong 1976, ang dagdag na ito ay ipinokus lang sa babae; di tulad ng bersyon ng batas noong 1940, wala hayagang sinabi ang bersyon noong 1976 ukol sa pagpalit ng apelyido ng lalaki sa parehong kaso. Sa kasalukuyan, hindi popular ang pagpalit ng apelyido pagkatapos ng kasal, mapaanuman ang kasarian.

Sa Italya, mananatili ang apelyido ng babae kahit na kasal na siya. Ayon sa Kodigong Sibil, pwedeng idugtong ng babae ang apelyido ng asawa niya kung gugustuhin niya. Hindi mapapalitan ang apelyido ng mga di Italyanong ikinasal sa Italya.

Sa parehong Korea, tradisyonal na di nagpapalit bg apelyido ang mga babae kahit na ikasal sila. Gayunpaman, ipapasa ang apelyido ng kanyang asawa sa magiging mga anak nila. Madalas sinusulat din sa mga aklat ng heneolohiya ang apelyido ng mga babae. Sa kasalukuyan, hindi nagpapalit ng apelyido ang karamihan ng mga babae sa parehong Korea. Pwedeng kunin ng mga anak ang alinman sa apelyido ng magulang nila; madalas, ang apelyido ng tatay ang kinukuha.

Sa Olanda, mananatili ang apelyido mapaanuman ang kasarian matapos ng isang kasal o rehistradong pagsasama. Gayunpaman, pinapayagan ang paggamit ng babae sa apelyido ng asawa niya sa mga pagtitipon kung nanaisin. Pwedeng piliin ng sinumang magrerehistro sa kasal o sa pagsasama ang pangalang itatawag sa kanya: sariling apelyido, apelyido ng asawa, o pinagsamang apelyido ng mag-asawa. Hindi nito mapapalitan ang legal na apelyido ng sinuman; gagamitin palagi sa mga opisyal na dokumento ang orihinal na apelyido. Sa kaso ng hiwalayan o diborsiyo, pwede pa ring gamitin ng lalaki o babae ang apelyido ng kanyang asawa maliban lang kung ipinagbabawal siya ng batas o desisyon ng korte. Ipapasa ang apelyido ng tatay sa mga anak ng mag-asawa maliban lang kung apelyido ng nanay ang napagdesisyunan ng mag-asawa na gamitin para sa lahat ng mga anak nila. Kung hindi kasal ang magulang, kukunin ng anak ang apelyido ng nanay maliban lang kung may desisyon ng korte o kahalintulad na nagsasabi nang salungat.

Tradisyonal na nagpapalit ng apelyido ang mga babae sa Portugal (at dating mga sakop nito) pagkakasal sa kanila. Gayunpaman, tumataas ang bahagdan ng mga babae na pumipiling panatilihin ang orihinal na apelyido nila. Katulad lang din sa kaugalian ng mga Kastila ang kaugalian sa pagpapangalan ng mga Portuges, maliban lang sa ayos ng apelyido: mauuna ang apelyido ng nanay bago ang tatay. Gagamitin ng mga anak ang pangalawang apelyido ng bawat magulang nila; ibig sabihin, ipapasa sa mga anak nila ang apelyido ng tatay ng mga magulang nila.